DALAGA 20❀
HINDI ko mapigilang bumahing ng tatlong beses nang pagpagan ko 'yung ibabaw ng kahon. Pagkatapos ay binuksan ko 'yon at hindi ko maiwasang mamangha dahil pakiramdam ko nakahanap ako ng kayamanan.
Nakita ko 'yung mga luma kong laruan sa loob ng kahon. 'Yung mga plastik na lutu-lutuan, mga lumang manika at Barbie dolls, mga laruan na nabili sa Jollibee at Mcdo. Nandito pa rin pala 'to. Nalungkot ako bigla nang maisip ko na hindi na ako nakakapaglaro katulad ng dati.
Hawak-hawak ko 'yung manika at pinagmasdan 'yon. Ang dating maputing mukha nito ay kulay usok na ngayon. Parang dati lang ay palagi kong dala ang manika na 'to hanggang sa pagtulog. Naalala ko na minsan kinakausap ko 'tong manika kapag wala akong ibang kalaro.
"Teka..." bigla akong natauhan at sinara ko 'yung kahon. Naalala ko na may hinahanap nga pala ako.
Binuhat ko 'yung kahon para makita rin 'yung ibang laman ng kahon na nasa ibaba. Lahat kasi ng mga lumang gamit at abubot namin ay nandito sa attic.
Mga lumang pigurin, tupperware, mga libro at notebook ko noong elementary, mga pinaglumaang damit, sapatos, at kung anu-ano pa.
Pinunasan ko 'yung tagatak kong pawis sa noo. Hindi ko na alam kung ilang oras akong naghahalughog dito sa attic pero hindi ko pa rin mahanap 'yung gusto kong mahanap.
"Ming?" nagulat ako nang marinig ko 'yung boses ni Mamang sa ibaba. "Gising ka na ba? Bumili ako ng lugaw at lumpia. Kumain na tayo ng agahan."
Narinig ko na binuksan ni Mamang 'yung pinto ng kwarto ko. Patay. Mukhang nalibang ako masyado rito at nakabalik na 'agad si Mamang mula sa pamamalengke.
"Ming? Nasaan ka? Mingming?!"
Napabuga ako ng hangin. Ayaw na ayaw kasi ni Mamang na magkakalkal ako ng mga luma naming gamit dito sa attic, hindi raw kasi ako marunong magbalik at magkakalat lang daw ako. Kaya gumising ako ng maaga ngayong Linggo at tinyempuhang umalis si Mamang para makapuslit ako rito sa attic.
Ilang sandali pa'y bumukas ang pinto ng attic.
"Mingming, nandiyan ka ba?!"
"O-Opo, Mamang!" sagot ko.
"Diyos ko kang bata ka! Anong ginagawa mo riyan? 'Di ba sinabi ko na sa'yo na huwag kang mangingialam ng mga gamit diyan? Magkakalat ka lang!"
"Mamang may hinahanap lang akong lumang libro!" pagdadahilan ko. "At saka nililigpit ko naman po ng maayos 'yung mga kahon! Pramis!"
Binilisan ko 'yung paghahanap ko kahit na hindi ko naman talaga alam kung anong hinahanap ko. Ah ewan, ang gulo.
Sa taranta ko'y may nasagi ako sa likuran kaya sunud-sunod na bumagsak 'yung mga kahon. Napapikit na lang ako nang lumikha 'yon ng kalabog.
"Remison! Lintek ka! Bumaba ka na!" alam kong galit na si Mamang.
"'E-Eto na po!"
May nakita akong kakaibang kahon at iyon ang 'agad kong dinampot. Hindi ko na naayos 'yung mga ibang nalaglag kasi kinakalampag na ni Mamang 'yung kisame.
Pagkababa ko ay nakita kong hawak-hawak ni Mamang ang walis tambo, akala ko papaluin niya 'ko no'n kaya nakalagay sa harapan ko 'yung mga libro.
"Remison! Ano bang pinaggagawa mo?" inis na tanong ni Mamang.
"S-Sorry, Mamang, kailangan ko lang po nitong libro ko noong elem kasi may assignment po kami," sagot ko sa kanya. Nakita ni Mamang 'yung hawak kong libro kaya napahinga na lang siya nang malalim.
"Hay, diyos mio ka, pwede mo namang sabihin sa'kin at ako na lang ang hahanap," sabi ni Mamang at binaba na ang walis.
"Eh, Mamang, baka po mahirapan ka lang, kaya ako na lang ang naghanap," sagot ko.
"Bueno, kumain na tayo," sabi niya sabay alis.
"O-Opo, ilalagay ko lang po 'to sa kwarto ko," sabi ko sabay alis.
Hindi napansin ni Mamang na may nakaipit sa loob ng libro ko. Maya-maya pagkakain namin ng agahan ay binalikan ko sa kwarto ko 'yung nakuha ko sa attic.
Naalala ko 'yung sinabi ni Ma'am Analizza sa'kin, na sa ganitong edad madalas maging malihim ang isang tulad ko. Natatandaan ko pa na lumaki akong matanunging bata, pero ngayon... Hindi ko alam kung bakit parang hindi ko kayang itanong kay Mamang ang isang malaking misteryo sa buhay ko.
Ni-lock ko 'yung pinto pagpasok ko sa loob at maingat na umupo bago buksan 'yung libro kung saan nakaipit ang isang bagay.
Dug dug dug
Bakit ang lakas ng tibok ng puso ko?
Isang lumang photo album lang naman ang nakuha ko pero bakit pakiramdam ko may bombang sasabog sa oras na buksan ko iyon?
Dahan-dahan at maingat kong binuklat ang lumang photo album. Amoy luma na hindi mo mawari ang tumambad sa'kin, pinagsama-samang amoy ng bilog na pamatay ng ipis, malutong na lumang papel at amoy ng matanda.
Una kong nakita ang larawan ng kasal ni Mamang at Papang, parehas seryoso ang mga mukha nila at batang-bata sila rito kaya hindi ko mapigilang ngumiti.
Medyo humupa 'yung kaba na nararamdaman ko at binuklat ko ang susunod na pahina.
"Eh?" puro baby pictures ko 'yung nakita ko sa mga sumunod na larawan. Magmula ng sanggol ako, mag-birthday ng isang taon, pati larawan ko habang gumagapang.
Hanggang sa narating ko 'yung pinakadulo, nasa sampu lang kasi 'yung pahina, medyo makapal lang pala 'yung papel kaya akala ko maraming laman.
Nadismaya ako kasi wala akong nahanap na larawan ng nanay ko.
Isasara ko na sana 'yung album nang mapansin ko na may nakausling larawan, parang nakatago sa ilalim.
Dali-dali kong tinuklap 'yung cover na plastic at kinutkot ko 'yung larawang nakadikit... Nanlaki 'yung mga mata ko nang makita ang isang nakatagong larawan.
Dahan-dahan ko 'yong nilapit sa mukha ko para tingnang mabuti...
Isang larawan ng magandang babae, nakasuot ng kulay pink na gown at nakatayo siya sa may arko. Tinignan ko 'yung likuran ko at nakita ang nakasulat: Judy Rose – Reyna Elena 1994
"N-Nanay?" namuo ang tubig sa mga mata ko nang sambitin ko 'yon.
Hindi ako makapaniwala na maganda pala talaga ang nanay ko. Napangiti ako habang hindi maalis ang titig sa mukha ng babae. Sa loob ng labingtatlong taon ngayon ko lang naisipan na humanap ng mga kasagutan.
Kung sino ba talaga ang mga magulang ko. Alam kong patay na ang nanay ko mula nang isilang niya ako pero... pero may kasagutan pa rin akong hinahanap.
Kinuha ko sa bag ko 'yung natanggap kong regalo, 'yung journal na natanggap ko mula kay Mr. E. Inipit ko roon 'yung picture ni Nanay.
Binalikan ko 'yung album at isa-isang tinanggal 'yung mga larawan para maghanap pa ng ibang mga nakatagong pictures.
Halos natuklap ko na lahat at hindi naman ako nabigo nang makakuha pa ako ng isang larawan!
"Punit?" iyon 'agad 'yung napansin ko.
Hindi kita 'yung ulo ng isang lalaki na katabi ni Nanay, tapos sa isa pang tabi ni Nanay ay may isa pang babae, at sa tabi nito ay may isang lalaki. Nakangiti silang lahat at hula ko' nasa edad sila na hindi lalagpas ng bente...
Pero bakit punit 'yung katabi ni Nanay?
At saka... Teka 'yung isang lalaki rito... Namumukhaan ko.
Inisip ko nang maigi kung sino 'yon.
"Papa ni Miggy?" kung hindi ako nagkakamali ay kamukha 'yon ng papa ni Miggy! Wala nga lang bigote kaya hindi ko 'agad nakilala,
Tiningnan ko 'yung likuran dahil baka may pangalang nakasulat.
At mayroon nga! Eliam, Judy, Emily, Miguel
"Papa nga ni Miggy 'to... Magkakilala sila ni Nanay? Sino 'tong babae? At saka... 'Yung Eliam..."
Napatingin ako sa journal na natanggap ko.
Napatingin ulit ako sa hawak kong picture.
"M-Mr. E!" Napalakas 'yung pagkakasabi ko no'n at dali-dali akong lumabas. "Mamang! Mamang!"
Natagpuan ko si Mamang sa may labahan, nakatayo siya at may kausap sa telepono. Pinatay ko 'yung gripo ng tubig kasi tuluy-tuloy 'yung agos no'n.
"Mamang?" tawag ko sa kanya pero hindi niya ako 'agad pinansin. Nang ibaba niya ang tawag ay humarap siya sa'kin. "Mamang may sasabihin po ako—"
"Ming! Na-ospital ang Lola Gets mo!" bulalas ni Mamang. Si Lola Gets, nakababatang kapatid ni Mamang na nakatira sa Samar. "Diyos ko kailangan kong umuwi sa probinsiya!"
"H-Hala Mamang... Iiwan mo ako rito? Hindi mo ako pwede isama?"
Umiling si Mamang. "May eskwela ka, hindi ka pwedeng umabsent. Papabantayan kita kay Beth at Melai. Naku... Kailangan kong bumili ng ticket!"
Balisa si Mamang dahil sa pag-aalala. Tinago ko lang sa likuran 'yung larawan na hawak ko. Bad timing.
"Eh... 'di hindi ka po makakapunta sa PTA meeting sa school, Mamang?" tanong ko ulit.
"Hays... Ming, pwede naman siguro na hindi ako umattend do'n," sagot ni Mamang na ipinagpatuloy ang paglalaba. "Marami akong ibibilin sa'yo bago ako umalis."
Bumalik ako sa kwarto ko na kinikimkim ang nalaman ko. Ang dami-daming tumatakbo sa isip ko ngayon. Buhay na buhay 'yung dugo ko.
Posibleng si Eliam... na katabi ni Nanay sa picture (na punit ang ulo) ay si Mr. E—na tatay ko!
Noong elementary pa lang ay kung anu-ano na ang pinapadala sa'kin ni Mr. E. Akala ko nga noon ay secret admirer ko pero masyado akong bata para magkaroon ng secret admirer... Pakiramdam ko tuloy may nililihim sa'kin si Mamang!
Sa sobrang ligalig ko ay hindi ako nakatulog noong gabing 'yon. Nang sumunod na araw ay hindi ko na natiis ang sarili ko at kaagad ko 'yong kinuwento kila Honey, Aiza, at Burma.
Pinakita ko sa kanila 'yung punit na larawan.
"Hmm... Base sa panunuot at pangangatawan ng tatay mo, Remsky, mukhang yayamanin siya at gwapo," sabi ni Burma.
"Paano mo naman nasabing gwapo?" tanong ni Honey na nakatingin din sa picture.
"Eh, look, ang tikas at laki ng katawan—gwapo 'yan for sure!" sagot ni Burma.
"Pagdating talaga sa pogi radar ang lakas mo," biro ni Aiza kaya nagtawanan kami.
"Sa pagkakatanda ko ang sabi ng mga tsismis ng kapitbahay namin.., artista raw at mayaman ang tatay ko—"
"OMG?!" reaksyon ni Aiza. "Kung artista siya ibig sabihin may chance kang maging artista!"
"Ahh!" nagulat kami sa tili ni Burma. "Baka is aka palang heredera! Ikaw ang tigapagmana ng mga kayamanan ng papa mo! OMG, girl!!!"
"Burma, para mo namang sinabi na patay na 'yung papa ni Remsky," sabi ni Honey. "At saka wow ha, pangteleserye naman 'yan."
"Malay mo naman. At saka ayon nga kung alive pa ang iyong papa dear, tapos may step-mother kang atribida tapos may mga step-sisters kang asungot—"
"Cinderella!" sabay-sabay nilang sabi.
"Guys..." gusto kong mapasampal sa mga pinagsasasabi nila. Cinderella? Ha? Ako? "Kumalma nga kayo—"
"And of course, may prince charming!" hindi nila ako pinansin at busy sila sa pagpapantasya ng buhay ko.
"Hahaha! Surely! Madaming boylet 'tong si Remison na pinag-aagawan siya!"
"Pero kailangan niyang pumili sa mga lalake niya!"
"Tarush, pang MMK! Dear Charo, ako nga pala si Remison... O ha, bagay!"
"Anong title ng kwento niya? 'Di ba huhulaan 'yon tapos mananalo ng 5k?"
"Hmm... Isip tayo—"
"Journal!"
"Bongga! Sino gaganap na artista?!"
"Bet ko si Kathryn for Remison."
"Guys!" tawag ko sila at napansin na nila ako. Napahinga ako nang malalim. "Gusto ko lang makilala kung sino ang tatay ko... At kung sino si Mr.E."
"Girl, one hundred percent sure ako iisa lang sila!" sabi ni Aiza. "Napanood ko na 'yan sa TV!"
"Aiza—"
"Bakit hindi mo itanong sa lola mo?" tanong ni Honey. Medyo naninibago ako na hindi siya nagsecellphone ngayon at interesadong interesado sa usapan namin.
Hays, kung tutuusin parang pangteleserye nga. 'Yung mga eksenang may nawawalang tatay—na mayaman daw o artista. Sino ngang mag-aakala? Malay natin kung milyonaryo ang tatay ko, kung isa ba akong heredera at kung may evil step-mother at step-sisters akong mang-aapi sa'kin. Pero mukhang walang gano'n dahil pangteleserye lang 'yon.
"Remison?" tawag nila sa'kin nang matulala ako.
"Ah... Eh... Hindi ko maitanong kay Mamang kasi... Natatakot ako."
"Nyek, paano mo malalaman kung hindi ka magtatanong? Mamamatay tayong assuming dito," sabi ni Aiza.
Hays, ayaw na naman 'yung salitang 'assuming'.
"The truth will set you free, girl," sabi ni Burma.
"Yeah. At saka, karapatan mo naman 'yun dahil tatay mo 'yun," dagdag pa ni Honey.
Napangiti ako sa kanila. Mabuti na lang at nandiyan sila, medyo gumaan 'yung pakiramdam ko na may napagsasabihan ako ng nararamdaman ko.
"Sige, itatanong ko kay Mamang," sabi ko sa kanila. "Oo nga pala, ready na ba kayo sa audition natin?" pag-iiba ko ng usapan.
Salamat naman at naiba na ang usapan namin. Pero lutang pa rin 'yung isip ko at hindi ko maiwasang magpantasya.
Dumaan ang ilang araw pero hindi ako nakakuha ng pagkakataon na magtanong kay Mamang tungkol sa tatay ko. Ang hirap humanap ng timing at ng lakas ng loob. Tama naman si Honey dahil karapatan ko 'yon bilang anak.
Hanggang sa isang araw... Habang nag-eempake si Mamang ng bagahe niya.
"Ming? Naiintindihan mo ba 'yung mga binibilin ko?" namalayan ko na lang 'yung boses ni Mamang.
"Opo, Mamang," sagot ko.
Natigilan si Mamang. "May problema ka ba, Ming?" bigla niyang tanong.
"P-Po?"
Nagtitigan kami ni Mamang.
Siguro ito na nga ang tamang timing.
"Mamang, may itatanong po ako."
"Ano 'yon?"
"Ahm... Ano po..." hindi ko alam kung paano sisimulan kaya inabot ko sa kanya 'yung picture na nasa loob ng bulsa ko.
"Ano 'to—" napahinto siya nang makita ang larawan. "Saan mo 'to nakuha?" gulat niyang tanong.
"Mamang... Si... Si Eliam po ba ang tatay ko?"
"Ano?"
"S-Si Eliam... at si Mr. E na nagpapadala sa'kin ng mga regalo... Iisa lang sila, 'di ba? Siya po 'yung tatay ko... 'Yung napunit sa picture..."
Biglang lumamig 'yung paligid.
"Hindi ko... alam," sagot ni Mamang.
"Eh?" paanong hindi niya alam. "B-Bakit po?"
"Hindi ko alam," sunud-sunod na umiling si Mamang nang ulitin 'yon. "Hindi ko alam, Remison."
"Mamang... Gusto ko pong hanapin ang tatay ko."
Nang sabihin ko 'yon ay nag-iba ang timpla ng itsura ni Mamang nang tumingin siya sa'kin.
"Para saan? Iniwan ka ng taong 'yon... Pinabayaan niya ang nanay mo—ang anak ko."
"Gusto ko pong makilala ang tatay ko, Mamang—"
"Walang kwenta ang taong 'yon!" nagulat ako nang sumigaw si Mamang, hindi ko mawari kung galit ba siya dahil namumuo 'yung tubig sa mga mata niya. "Naiintindihan mo, Ming?! Bakit mo hahanapin 'yung taong walang pakialam sa'yo!"
"Siya po si Mr. E!" nagsimulang tumulo 'yung luha sa mga mata ko. "Pinapadalhan niya ako ng mga regalo, may pakialam siya sa'kin—"
"Hindi, Ming! Hindi 'yon pagmamahal! Kung noon pa lang na may pakialam siya sa'yo haharapin ka niya, aalagaan ka niya—hindi ka niya iiwan na parang pusa!" sunud-sunod na sabi ni Mamang at halos yugyugin niya ang balikat ko. "Ito ang totoo, Ming! Hindi nagpakita kahit anino ng ama mo nang isugod sa ospital ang nanay mo para ipanganak ka! Kaya wala kang ibang mahahanap—wala!"
"Bakit, k-karapatan ko naman po 'yun!" pagkasabi ko no'n ay tumakbo ako papasok sa loob ng kwarto ko at nagkulong.
Hindi kami nagpansinan ni Mamang hanggang kinabukasan.Ni hindi niya nga ako tinanong kung saano ako pupunta kahit na Sabado at walang araw ng klase. Hindi ako nagpaalam sa kanya nang umalis ako.
Sa eskwelahan ay nagkita kami ng mga kaibigan ko para sa acting audition namin sa Drama Club. Hindi nila napapansin ang katamlayan ko dahil sakto lang 'yung pagpasok namin sa auditorium at nagsisimula na 'yung audition.
"Sana talaga makapasa ako, ayokong maging propsmen lang ngayong first year!" sabi ni Aiza sa amin.
"Remison Berbena?"
"Remsky, ikaw ang una!" sabi nila sa'kin.
Matamlay akong pumunta ng stage at narinig ko ang malakas na palakpakan ng mga kaibigan ko.
Ilang segundo akong nakatayo na parang tuod sa harapan. Kung hindi pa sumitsit sila Burma ay hindi ako matatauhan. Nagsimula akong umarte.
Kabisado ko 'yung piyesa. Maiksi lang naman pero may parte na kinailangan mong umiyak.
Huminto ulit ako at inalala ang mga narinig ko kay Mamang kagabi.
Iniwan nga talaga ako ng tatay ko. Parang pusang kuting na iniwan na lang kung saan. Siguro nga hindi niya talaga ako mahal. Bakit?
"Diyos ko, bakit po?" muling pagbabalik ko sa pag-arte.
Nang sambitin ko 'yon ay naalala ko ang mga munting dasal ko noon kay Papa God. Minsan kong itinanong sa kanya noong maliit pa lang ako kung bakit wala akong mama at papa. Siguro hindi nila ako mahal? Anong ginawa kong kasalanan kung bakit wala akong nakagisnang mga magulang?
Sunud-sunod na pumatak ang luha ko. Walang putol.
Kung hindi ko pa narinig ang boses ng club president namin ay hindi ko mamamalayan na tapos na pala. Nagpapalakpakan na silang lahat ngayon. Galing na galing sila sa'kin.
Pinahid ko 'yung luha ko. Ang akala nila umaarte ako. Naisip ko bigla... Madali lang pala talaga umarte. Lalo na pag hindi ka okay.
"Remsky, ang galing mo!" bati sa'kin nila Aiza nang makabalik ako sa pwesto namin.
"Saan ka pupunta?" tanong ni Honey nang kuhanin ko 'yung bag ko.
"S-Sorry, ang sama ng pakiramdam ko. Uuwi na 'ko," sabi ko at dali-daling umalis.
Papalabas na 'ko ng auditorium nang matigilan ako nang makita ko siya sa may pintuan. Blangko lang 'yung mukha niya habang nakapamulsa, siguro kanina pa siya nanunuod.
Diretso akong lumabas at nilagpasan si Poknat.
Wala pang tanghali nang makauwi ako sa bahay namin. Nasa labas ako ng bahay namin nang marinig ko ang galit na boses ni Mamang sa loob, may kaaway siya?
"At sinong nagsabi sa'yo na pwede kang bumalik sa pamamahay na 'to?!"
"My god, mother dear, after thirteen years iyan lang talaga ang sasabihin mo sa'kin? Wala man lang welcome hug? Or welcome home whatever?" boses 'yon ng isang hindi pamilyar na babae. Nakikita ko 'yung likuran niya at alam kong hindi namin siya kapitbahay.
"Simula nang lumayas ka sa puder namin ay si Judy na lang ang anak namin!"
"Aray ko naman, mother dear, ang sakit," maarteng sabi ng babae na parang inaasar pa si Mamang. Sino siya? "Sabagay kanino pa ba ako magmamana ng katarayan, ano?"
"Bakit ka bumalik, Emilia? Anong kailangan mo? Pera? Wala akong maibibigay sa'yo! Nasaan na ang pinagmamalaki mong lalaki?!"
"Calm down, mother dear, aatakihin ka niyan eh," sabi ng babae. Bigla itong lumingon at nagsalubong ang tingin naming dalawa. "My, my, my, who's this?"
"Remison!" bulalas ni Mamang nang makita ako.
Dahan-dahang lumapit sa'kin ang babae, halos tingalain ko siya. Parang...nakita ko na siya noon.
"S-Sino ka po?"
"Hindi ako sinuka, dear. Niluwal ako ng ina ako," seryosong sabi ng babae. "Ako nga pala si Emily. Kapatid ni Judy Rose."
May kapatid ang nanay ko?
"A-Auntie?"
-xxx-
ABANGAN:
Si Mr. E at Eliam ba ay iisa at ang tunay na tatay ni Mingming?
May Auntie si Mingming?! Anong ganap niya?
Magpapansinan pa ba si Poknat at Mingming?
at madami pang dapat aabangaaaaan
#DNSR
#DalaganasiRemison
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top