DALAGA 19❀
"ALRIGHT, para sa ating mga freshies members, I want you to introduce yourself, tell us your special talent and kung bakit kayo sumali rito sa aming precious Drama Club."
Kanya-kanyang bulungan ang mga nasa likuran at nasa gilid ko nang sabihin 'yon ng club president namin. First general meeting kasi ng Drama Club ngayon at kasama na kaming mga freshmen. Akala ko tapos na 'yong 'Introduce yourself portion' noong first week pa lang ng klase, hindi pa pala.
Hindi naman lalagpas sa dalawampu ang bilang naming mga new members. Marami-rami naman din 'yung senior members, idagdag pa ang club officers.
Naririnig kong nagbubulungan si Aiza at Burma kung paano sila magpapakilala, gusto 'atang magtalbugan. Siniko ko si Honey na nasa tabi ko, nakayuko at nakaharang sa mukha niya ang mahaba niyang buhok, pero ang totoo nagtetext lang siya.
"Bakit?" tanong ni Honey nang hawiin ang buhok niya.
"May naisip ka na?" tanong ko.
"Chill ka lang, Rems," sabi ni Honey. "Magpapakilala lang naman ng sarili, kaya mo na 'yan."
Mukhang nakita niya 'ata sa mukha ko na nag-aalala ako kung paano magpapakilala. Paano ba naman kasi naririnig ko 'yung mga pinag-uusapan ng nasa likuran ko, parang ang competitive nila masyado.
Isa-isa nang tinawag ng club president namin 'yung mga kasama ko para magpakilala.
"Hi, I'm Aiza, I'm sexy and I know it!" banat kaagad ni Aiza. Napuno ng tawanan ang club room namin, halata naman na tuwang-tuwa 'yung mga senior members kay Aiza.
Siyempre hindi rin naman nagpatalo si Burma. Sunod na nagpakilala si Honey na sobrang chill lang.
"Next please," turo sa'kin ng club president kaya tumayo na 'ko.
"Go, Remsky," bulong nila Burma bilang pagsuporta sa'kin.
Hindi ko alam kung bakit parang lulubog ako sa kahihiyan dahil nakatingin silang lahat sa'kin, wala naman akong ginagawa.
"Rems," tawag sa'kin ni Honey nang maramdaman ang kaba ko. "Okay lang 'yan. Go."
Nilakasan ko na 'yung loob ko. Ewan ko talaga kung saan nanggagaling 'yung hiya at kaba.
"H-Hello po, my name is Remison Berbena, t-thirteen years-old. Ang special talent ko po... ay magdrawing..."
"Bakit hindi ka na lang sa Art Club sumali, duh?" narinig kong may bumulong na babae sa likuran pero hindi ako tumingin.
Bigla akong namental block kaya hindi na ako nakapagsalita. Naramdaman ng club president namin na wala na akong maisip na sasabihin kaya nagsalita na siya.
"Okay, thank you ,Remison. Next please."
Hiyang-hiya akong umupo. Hays, bakit ba ko nagkakaganito?
Narinig kong nagsalita 'yung babaeng bumulong kanina, "My name is Chantal Romero, all I can say is I believe that I can do all things through Christ who strengthens me."
Bigla ba namang natawa sila Burma at Aiza kaya natigilan 'yung babae.
"What's funny?"
"Wala, sorry, hehe," sabi ni Aiza.
Pasimple akong lumingon at nakita 'yung babae na nagsasalita pa rin ng English, ang haba na ng pagpapakilala niya.
Bago madismiss ang general meeting namin ay pinaalalahanan kami ni pressy (club president 'yon, gano'n daw gusto itawag sa kanya eh) na sa susunod na sabado ay magkakaroon ulit kami ng meeting para sa acting audition sa aming mga freshies.
Kapag pala kasi freshmen ay hindi 'agad sumasabak sa entablado bilang aktor, karamihan sa amin ay 'yung mga gagawa ng props o 'yung mga tao sa likuran ng kurtina. Pero kailangan pa ring gawin 'yung audition kasi baka raw may potential sa amin na maging aktor kaagad.
Paglabas namin ay naghahagikgikan pa rin si Burma at Aiza. Half-day lang 'yung meeting namin ngayong Sabado, kaya pwede na kami umuwi.
Nakita namin si Chantal at masama iyong nakatingin sa'kin pagkatapos ay tumalikod na ito kasama ang mga kaibigan niya.
"Ahm... Guys?" tawag ko sa kanila. "Guniguni ko lang ba 'yon? Inirapan ako ni Chantal."
"Si Philippian girl?" sabi ni Aiza na natatawa pa rin.
"Anong Philippian girl?" tanong ko naman.
"Bible verse kasi 'yung sinabi no'ng Chantal na 'yon, Philippians 4:13," sagot sa'kin ni Honey na nagtetext habang naglalakad kami.
"Oo, ang napakacliche at gasgas na Bible verse!" sinundan 'yon ni Burma.
Nakakunot pa rin ako dahil hindi ko sila ma-gets, ano namang nakakatawa do'n sa Bible verse na 'yon?
"Napapansin din namin na ang sama-sama ng tingin no'n sa'yo, kulang na lang saksakin ka eh," sabi ni Aiza. "Kaya natawa lang kami no'ng i-recite niya 'yong Bible verse na 'yon, magaling-magalingan si ate girl, kabisote naman pala mga pinagsasasabi niya kanina."
Napailing ako. "Bakit parang ang init ng dugo no'n sa'kin?" tanong ko.
"Hayaan mo na," sabi ni Burma. "Baka insecure lang 'yon sa ganda mo! Saan tayo kakain, nagugutom na 'ko!"
"Mag-siomai rice na lang tayo sa labas para mura," sagot ni Aiza.
"Siomai rice na naman? Nakakaumay na," reklamo ni Honey. "Kulang na lang itatae mo na 'yung siomai, Aiza."
"Kadiri ka, Honey!" si Aiza. "Sige, magmami na lang tayo."
"Parang trip ko magtusuk-tusok," sabi naman ni Burma at nanguna sila ni Honey sa paglalakad.
Naiwan kami ni Aiza, nagulat ako nang bigla niya akong akbayan.
"Soooo... Kamusta ka naman, Remsky?" tanong ni Aiza.
Kumunot 'yung nook o nang marinig ko 'yon.
"Huh? Ako? Okay naman," sagot ko.
"Asus! Talaga?"
"Eh? Palagi naman tayong magkakasama, nakikita n'yo namang okay ako," sabi ko pa.
"Hmm... Alam mo hindi porque tahimik ka eh palagi kang okay," sabi ni Aiza. "Minsan nag-aalala ako sa'yo na sobrang tahimik mo."
"Tahimik naman talaga ako, kahit sa bahay," pagdadahilan ko.
Bumitaw si Aiza sa'kin.
"Okay, sabi mo eh. Basta, willing naman kaming makinig nila Burms. Kahit na gaga at maingay kami, friendship mo kaya kami!"
Napangiti ako. Kahit loka-loka 'tong si Aiza minsan (palagi talaga) eh sweet siyang tao. "Thank you."
"Kamusta naman kayo ng ship ko—este ni Kiel AKA Poknat?"
Hindi ko napaghandaan 'yung tanong na 'yon kaya ilang segundo rin akong natulala.
"Aha! Sabi ko na nga ba, LQ kayo?!"
"LQ?"
"Lover's Quarrel!"
Nagsalubong ang kilay ko sa sinabi niya. Napabuntong-hininga na lang ako.
"Oo, medyo nag-away kaming dalawa," sabi ko. Nanlaki ang mga mata ni Aiza kaya umusod siya palapit sa'kin. "Pero nagsorry naman na siya at saka okay na kami."
"Okay ba talaga?"
"Oo. Mabuti nga at nagets niya na bata pa kami kaya ayun," sabi ko. "At saka okay na rin 'yung may peace of mind ako."
Binilisan ko na 'yung paglalakad ko bago para maabutan sila Burma. Hindi naman na nangulit si Aiza at mukhang hindi naman niya idadaldal sa kanila 'yung napag-usapan namin.
Kumain kami sa may mamihan tapos ay nagyaya silang tumambay sa computer shop. Nagulat nga ako kasi kahit wala namang pasok ngayong araw ay maraming tao rito.
Kaagad may hinanap ang mga mata ko pero hindi ko siya nakita. Baka busy pa rin siya sa pagpapraktis. Mabuti may apat pa na bakante kaya nakagamit kami ng computer.
Isang oras lang akong nagpaikut-ikot sa internet, naglaro ng mga games tapos nanuod ng mga videos sa Youtube.
"Guys?" tawag ko sa mga kasama ko. "Uwi na 'ko," sabi ko. "Baka hinahanap na 'ko ng lola ko eh, sabi ko kasi half-day lang ako."
"Sige, Rems, tambay pa kami rito," sagot sa'kin ni Burma.
"Babye!" paalam nila sa'kin.
Nauna na 'kong lumabas at naglakad papuntang sakayan ng jeep. Nang makarating ako sa may sakayan ay may nakita akong pamilyar na tao na nakaupo sa may waiting shed.
"Ma'am Analizza?"
Nag-angat siya ng tingin at parehas nagliwanag ang mga mukha namin nang makita niya ako.
"Remison, ikaw pala!" masaya niyang bati sa'kin.
"Hi, Ma'am!" magiliw kong bati sa kanya, kaagad akong umupo sa tabi niya.
Nakasuot lang din ng civillan si Ma'am. Hindi ko maitago ang tuwa ko na makita siya, namiss ko na naman bigla ang elem life, 'yung friends ko, tapos 'yung iba pa naming mga teacher, at 'yung dati ko ring school.
"Kamusta ka na?" hinawakan niya ako sa braso. "Kamusta naman ang bagong school? Sa Tanso ka nag-aaral, 'di ba?"
Sunud-sunod akong tumango. "Opo, Ma'am! Kakagaling ko lang po ng iskul! Kayo po? Bakit po nandito kayo?"
"Ah, may pinuntahan kasi ako malapit dito, kakain pa lang ako," sagot niya sa'kin. "Kumain ka na ba?"
"Opo—" natigilan kami parehas nang kumalam 'yung sikmura ko.
Ang totoo kasi niyan, tusuk-tusok lang 'yung kinain naming tanghalian kaya hindi ako nabusog, wala kasi si manong na nagtitinda ng mami, wala ring siomai rice.
Kaya ayun, sinama ako ni Ma'am Analizza sa isang fast-food na kainan. Ang bait talaga ni Ma'am kasi nilibre niya ako ng pamasahe sa jeep tapos nilibre niya rin ako ng pagkain!
"So, kamusta naman ang hayskul life?" tanong ni Ma'am nang dumating siya, nilapag niya sa mesa 'yung tray na naglalaman ng pagkain namin. "Culture shock pa rin ba?"
"Opo," nakanguso kong sagot. "Ang gara po ng mga teachers namin. Ang layu-layo po sa inyo!"
Natawa si Ma'am nang marinig 'yon. "Gano'n talaga sa hayskul, medyo hindi na kayo bebeybihin kasi mga dalaga at binata na kayo."
Namalayan ko na lang na ang dami-dami kong kinuwento kay Ma'am, puro tungkol sa hayskul life, 'yung mga pagkakaiba sa dati naming iskul, mga masusungit na teacher, mga kaklaseng nagmumura, at kung anu-ano pa.
"Nakakapanibago talaga," sabi ni Ma'am. "Masasanay ka rin."
"Sana nga po. Nakakalungkot lang po kasi ang dami ng nagbago... Hindi ko na nakakausap 'yung mga kaibigan ko noong elem, hindi ko na rin nakikita at nakakausap palagi si Azami."
Tinapik ni Ma'am 'yung braso ko.
"Remison, ganyan talaga ang buhay, maraming pagbabago, kapag tumanda ka pa lalo ay mas makikita mo na maraming bagay ang hindi permanente sa mundo—pati mga kaibigan," nalungkot ako bigla sa sinabi niya. "Pero huwag kang mag-alala kasi masaya pa ring tumanda."
Napangiti ako. "Excited na nga po ako eh."
"Huwag ka masyado ma-excited, enjoy ka lang muna. At saka, nakakapanibagong ang daldal mo na, Remison. Siguro nahawa ka na sa mga friends mo."
Umiling ako. "Hindi po, tahimik pa rin po ako. Ngayon na nga lang din po ako naging madaldal kasi wala naman akong ibang nakukwentuhan."
Biglang naglaho ang ngiti sa bibig ni Ma'am. "Hindi ka ba nag-oopen up sa family mo? Sa parents mo?"
Umiling ulit ako. "Wala po akong magulang eh."
Parang biglang nahiya si Ma'am sa sinabi ko.
"Sorry, nakalimutan ko na lola mo nga lang pala ang kasama mo," sabi niya. "Sa lola mo? Hindi ka ba nagkukwento sa lola mo tungkol sa school?"
Napaisip ako saglit.
"Hindi po eh," sagot ko. "'Tsaka hindi naman po maiintindihan ni Mamang, at saka busy rin po 'yun palagi."
Napahinga nang malalim si Ma'am Analizza nang marinig 'yon. "Naiintindihan ko na sa ganyang edad mo talaga nagiging malihim ang mga kabataan. 'Di bale, basta huwag ka lang gagawa ng masama."
"Opo naman!"
Nagkwento rin si Ma'am tungkol sa dati kong iskul, kung kamusta na rin 'yung iba naming mga teachers at 'yung mga iba niyang estudyante. Napag-alaman ko na mag-aasawa na pala si Ma'am.
"Congrats po!" tuwang-tuwa kong bati sa kanya. "Kailan po ang kasal?"
"Hmm... Baka next year pa, medyo mag-iipon pa kami," sagot niya nang nakangiti.
Biglang may pumasok na tanong sa isip ko, pakiramdam ko si Ma'am lang ang makakasagot ng tanong na 'yon.
"Ma'am?" tawag ko sa kanya.
"Hmm?"
"Paano po ba malalaman kung may gusto sa iyo ang isang tao?"
Napaisip saglit si Ma'am.
"Hmm... Maraming senyales eh, pwedeng palagi siyang masaya kapag kasama ka, palagi siyang nag-aalala para sa'yo. Kaso, mahirap din kasi kapag nanghuhula ka lang—mahirap din kapag palagi kang assuming."
"Assuming?"
"Assuming, iyon 'yung inuunahan mo na kaagad 'yung isip mo, 'yung mga bagay na inaakala mo. Ika nga ng matatanda eh maraming namamatay sa maling akala."
Natahimik ako, napansin naman 'yon ni Ma'am.
"Bakit? May crush ka no?" panunukso niya.
Dahan-dahan akong tumango.
"Kung hindi po tayo mag-aassume, ano pong pwedeng gawin?"
"Maraming namamatay sa maling akala dahil hindi sila nagtatanong, kaya Remison, mahalaga ang magtanong," sagot ni Ma'am sa'kin na medyo kinabigla ko. "Minsan kailangan nating alamin ang totoo kahit na mahirap. Kaysa habambuhay kang manghuhula ng walang kasiguraduhan. Mas mainam na 'yung wala kang pagsisihan."
Parang ang lalim masyado ng mga sinabi ni Ma'am pero parang nagegets ko naman 'yung ibig niyang sabihin.
Pag-uwi ko sa bahay ay medyo kinuwestiyon ako ni Mamang kung bakit hapon na ako nakauwi, pero mabuti na lang ay naniwala naman si Mamang na nakasabay ko sa tanghalian 'yung teacher ko noong elementary. Siguro mahilig ding mag-assume si Mamang kasi minsan hindi niya tinatanong kung ano ang totoo.
Gumaan ang pakiramdam ko nang mag-usap kami ni Ma'am Analizza, pakiramdam ko ay marami akong bagay na nailabas. At higit sa lahat ay nagkaroon ako ng lakas ng loob.
Ilang araw din akong naghintay nang makakuha ako ng pagkakataon na pumunta sa gym pagkatapos ng klase. Bitbit ang isang kwaderno ay sumilip ako sa loob ng gym at ayon, nakita ko siya sa may upuan, nagpapahinga.
Huminga ako nang malalim bago pumasok sa loob at lumapit sa kanya.
"Hi, Viggo," bati ko sa kanya nang makalapit ako.
Nagulat siya nang makita ako.
"Ikaw pala, Remsky," nakangiting bati niya sa'kin.
Natutuwa ako kasi parang kanina hindi maganda 'yung mood niya pero ngayong nakita niya ako ay sumaya siya.
"Upo ka," alok niya.
"Thank you."
Mabuti na lang at kaming dalawa lang 'yung nandito at busy 'yung mga iba pang players sa pagsasanay.
"Ito nga pala 'yung notebook mo, kumpleto na rin 'yan," abot ko sa kanya.
Naglaho ang ngiti ni Viggo nang kuhanin niya sa kamay ko 'yung notebook niya.
"Remsky..." tawag niya sa'kin habang medyo nakayuko. "M-May sasabihin sana ako sa'yo."
Nanlaki ang mga mata ko nang marinig 'yon. Sign na ba 'to?
"A-Ako rin may sasabihin sana," sabi ko. Wala nang atrasan 'to, Ming.
"Sige, sino mauuna?" medyo ngumiti siya. "Bato-bato pick? Ang matalo siya unang magasasabi."
Parehas kaming medyo natawa. Kaya nagbato-bato pick kami. Sa kasamaang palad ay nag-gunting ako, tapos siya naman ay nag-bato kaya natural na natalo ako.
"Pa'no ba 'yan, ikaw muna," nakangiting sabi ni Viggo.
Napahinga ako nang malalim. Medyo hindi ako kinakabahan, ewan ko ba kung bakit kasi... komportable naman ako sa kanya at saka magkaibigan kami?
"Matagal ko nang gustong sabihin 'to... Kaso..." panimula ko. "Crush kita Viggo."
Nasabi ko na! Parang gumaan 'yung dibdib ko nang sabihin ko 'yon.
"Elem pa lang tayo, gusto na kita," dagdag ko pa. "S-Sorry kung—"
"Huwag kang magsorry," putol niya sa'kin. "Hindi ka dapat magsorry."
Napayuko nang bahagya si Viggo. "Remsky... Salamat... At naging totoo ka... Pero sana... Noon mo pa sinabi."
"H-Huh?"
"Sana noon mo pa sinabi..." mahina niyang sabi tapos ay nag-angat siya ng tingin. "Gusto kong magpasalamat sa lahat ng effort mo, naappreciate ko 'yun. Kaso, hindi mo na 'ko kailangang alalahanin palagi."
Nagkatitigan lang kami kasi hindi ko naman alam kung anong isasagot ko.
"Lizardo!" parehas kaming napatingin sa sumigaw.
"Tawag na ako ni coach," sabi niya tapos sabay kaming tumayo. Tinapik-tapik niya 'yung ulo ko. "See you around, Remsky."
Naiwan akong nakatulala. Kinapa ko 'yung nararamdaman ko... Parang hindi naman ako nasaktan, parang okay nga lang kasi at least nasabi ko na 'yung totoo, alam kong wala akong pagsisisihan.
Medyo lutang akong naglalakad palabas ng iskul, biglang may humarang sa'kin kaya nag-angat ako ng tingin. Nagulat ako nang may sumalubong sa'kin ng yakap.
"Kambal!"
"A-Azami?" gulat na gulat kong sabi.
Mga ten seconds din siyang nakayakap sa'kin at kung anu-ano ang sinasabi. Nang bumitaw siya'y nakita ko ang galak sa kanyang mukha.
"Namiss talaga kita, sorry, ang hyper ko ba?" sabi niya.
Nakita kong pinagtitinginan kami ng mga ibang estudyante sa labas. Agaw pansin kasi ang uniform ni Azami, siyempre nagtataka rin sila kung bakit may taga Silvestre ang nandito sa may tapat ng Tanso.
"Namiss din kita sobra," sabi ko. "Hindi na tayo nakakapagtext," nagtatampo kong sabi.
"Sorry, alam mo naman, super busy," sabi niya. "Ang dami kong kwento sa'yo! Gusto mo bang sumama sa'min?"
"Sa inyo?" tanong ko. "Kasama mo sila Deanna?"
Umiling siya. "Ang totoo niyan Kambal..."
"Ano?"
"Kami na ni Viggo!" masaya niyang sabi tapos bigla niya kong niyakap ulit. "Sinagot ko na siya, finally!" bumitaw siya ulit sa'kin. "Gusto mo ba sumamang kumain sa'min? My treat! Hinihintay ko lang matapos 'yung practice niya."
"Ah... Eh... Congrats, kambal!" siniglahan ko 'yung boses ko. "Next time na lang siguro kasi marami akong assignment."
"Gano'n ba?"
"O-Oo, text text na lang tayo," paalam ko sa kanya tapos mabilis akong naglakad paalis.
At saka ko napagtanto 'yung sinabi ni Viggo noon... "Pero sana... Noon mo pa sinabi."
Ibig sabihin... Kung noon ko pa sinabi—tama na, Ming! Ganito talaga ang buhay!
Pag-uwi ko sa bahay ay kaagad akong nagkulong sa kwarto. Pagkakain ng hapunan ay diretso na akong natulog, hindi na 'ko nagselpon. Kinabukasan ay nagising ako na okay naman. Ibig kong sabihin... 'Yung wala namang mabigat na pakiramdam.
Isang normal na araw sa eskwelahan, papasok sa umaga, flag ceremony, papasok sa mga subjects, makikinig sa mga teachers, magku-quiz at seatwork, lunch, nakakaantok na hapon, uwian. Repeat.
As usual palagi akong tahimik at nakikisakay sa mga trip nila Aiza, Burma, at Honey. Pero isang hapon wala ako sa mood tumambay sa computer shop kaya sinabi ko na mauuna na akong umuwi.
Habang naglalakad akong mag-isa papuntang sakayan ng jeep ay may makakasalubong akong isang grupo ng mga estudyante ang nagtatawanan.
Nagliwanag ang mukha ko nang makita ko siya—si Poknat!
Napapalibutan siya ng mga kaibigan niya at masaya silang nagtatawanan, ang ingay-ingay nila. Natutuwa ako na okay naman pala siya.
Huminto ako sa paglalakad nang makita niya ako.
Nang biglang lagpasan niya lang ako.
Dahan-dahan akong pumihit para tingnan sila—kung lilingon ba siya sa'kin at tatawagin ako sa palayaw ko.
Pero hindi.
Kumilimlim na ang paligid kaya nagmadali akong pumunta sa sakayan para makauwi sa amin. Bigla akong naumay sa paulit-ulit na routine ng buhay. Bigla akong nagsawa. Bigla ulit bumigat 'yung damdamin ko.
"Lahat ng bagay...pati mga kaibigan... walang permanente," bulong ko sa sarili ko habang naglalakad.
Ano, iiyak ka na naman ulit, Mingming? Tila may bumulong sa'kin. Iyakin ka talaga! Iyakin! Iyakin!
"Oh, Ming?" namalayan ko na lang na nakita ko si Mamang sa may pintuan. "May regalo ka."
"Regalo?"
Kaagad akong pumasok sa loob at nakita sa mesa ang isang kahon. Dali-dali ko 'yung binuksan.
'My dearest sweetheart, sorry if I sent this gift late. You're already in first year high school, congratulations! Please use this journal well. Love, –Mr. E'
Kung mayroon pang hindi nagbabago... Si Mr. E 'yon.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top