DALAGA 13❀
"MINGMING!"
Kanina ko pa naririnig ang boses ni Mamang sa labas pero nakatulala pa rin ako sa harapan ng salamin.
Medyo inaantok pa rin ako kaya lumulutang lang 'yung isip ko. Pinagmamasdan ko 'yung sarili ko na nakasuot ng bagong uniform.
Nakakapanibago tuloy.
Tapos ang laki-laki pa ng blouse ko, sabi kasi ni Mamang okay lang daw 'yung malaki 'yung size kasi lalaki pa naman daw ako. Kulay puti 'yon at manipis kaya kinailangan kong magsuot ng sando.
Ang haba rin ng palda kong kulay berde na checkered, lagpas tuhod. Sabi ni Mamang tatangkad pa naman daw ako kaya kailangan mahaba na 'yung bilhin.
'Yung ribbon ko pagkaliit lang na kulay berde, pinardiblehan lang ni Mamang. 'Yung medyas ko maiksi na lang, namimiss ko 'yung mahaba kong medyas na abot tuhod kaso magmumukha akong manang lalo.
Ganito ba talaga kapag first year hayskul?
"Mingming!" nagulat ako nang biglang pumasok sa loob si Mamang ng kwarto. "Ano ka ba namang bata ka, kanina pa kita tinatawag!" bulalas ni Mamang. "Bakit hindi pa rin nakaipit 'yang buhok mo?"
Dali-daling lumapit sa'kin si Mamang at tinirintas ng dalawa ang mahaba kong buhok.
"Magcologne ka, Ming," sabi ni Mamang at kinuha ang isang maliit ng baby cologne, nilagayan niya 'yung kamay niya at pinahid 'yon sa may leeg at braso ko.
Hindi pa natapos si Mamang, pinulbuhan niya ako at nilagyan ng 'Good Morning Towel' sa likuran ko.
"Nasaan na ang bag mo?" tanong ni Mamang. Mukhang mas excited pa siya kaysa sa akin eh.
Kinuha ko 'yung bag ko sa gilid at sinuot 'yon, pagtingin ko sa salamin ay nagmistula akong 'Ninja Turtle' dahil sa laki ng bag ko.
"Ming, ang laki naman ng bag mo, dinala mo na 'ata lahat ng libro mo eh," natatawang sabi ni Mamang at kinuha sa'kin ang bag. "First day pa lang naman kaya hindi mo muna kailangang dalhin 'yang mga libro mo."
Tinanggal ni Mamang 'yung mga libro ko sa bag at gumaan na 'yung dala ko pero nalalakihan pa rin ako sa suot kong bag—amoy plastic 'yon kasi bagong bili.
"Ayan, isang notebook at pencil case lang iniwan ko, half-day lang 'ata kayo ngayon, ano? Dito ka na lang sa bahay mag-tanghalian—" natigilan si Mamang nang mapansing hindi ako kumikibo. "Ming? Anong problema, apo?"
"Mamang... ang sakit po ng puson ko..."
"Ay dios mio," bulalas ni Mamang. "Baka magkaroon ka, maglagay ka ng napkin!"
Sinunod ko 'yung utos ni Mamang at pinabaunan niya ako ng mga napkin.
Kaya siguro ang tamlay ko at parang tinatamad akong pumasok.
Bakit naman ngayon pang first day ko sa bago kong iskul?
Lumabas na kami papuntang sala at may kalahating oras pa bago mag-alas otso. Umupo kami ni Mamang at sinabi na naman niya 'yung mga paalala niya.
"Mamang naman, paulit-ulit ka naman eh," reklamo ko.
Sumimangot si Mamang at pumanewang. "Aba, hindi mo masasabi ang pagkakataon, Remison! Huwag na huwag kang sasama sa mga hindi mo kilala ha, at kapag tatawid ka siguraduhin mong tumitingin ka kaliwa't kanan blablabla..."
Hays.
Hindi na talaga ako bata.
Paano kasi, wala na akong service at kailangan ko na raw matutong mag-commute. Para rin siguro mas makatipid—tsaka hindi na raw ako elementary para magkaroon ng service.
Tinuruan pa nga 'ko ni Mamang kung paano tumawid, tapos kung paano magbayad sa jeep at pumara noong bakasyon.
Inenrol kasi ako ni Mamang sa public iskul sa katabi naming siyudad, isang jeep lang mula rito sa barangay hall namin.
Siyempre, si Mamang nag-aaalala ng todo—gustuhin man niya raw akong ihatid sundo eh hindi niya kakayanin kasi may mga sideline siya sa pananahi at pagluluto ng mga merienda.
Ang sabi kasi ni Mamang, pension ni Papang na lang 'yung aasahan namin sa pang araw-araw tsaka 'yung mga sideline niya. Gets ko naman 'yun at okay naman na sa'kin na sa public school ako mag-aaral.
At oo nga pala, alam n'yo ba na may sarili na 'kong cellphone?!
Tatak Nokia tapos may antenna. Bigay ni Mamang no'ng birthday ko, nagulat nga 'ko kasi may pambili si Mamang. Pero sabi ni Mamang mura lang daw 'yon kasi may nagsangla sa kanya kasi may kasama na raw bagong sim card.
Siyempre tuwang-tuwa ako, ang tagal ko kayang hinintay na magkaroon ng sariling cellphone! 'Yung mga naipon kong barya ang pinangloload ko, minsan binubunutan ko ng puting buhok si Mamang para bigyan niya ako ng pangload.
Kaya 'ayun nakasabay na rin ako sawakas sa mga elem friends ko at nakausap ko sila noong bakasyon kahit hindi kami nagkikita-kita.
15 dH4yz 2 60!
eXciT3d N4 b K4yu xa H!6ghSko0L?
I wILL mHisZ U El3m Fri3nDz!
Sh0ut OuT:
@D34nn3 m4gKklas3 N4 n NMn tayOu?
@R3msky m4miMiss Kit4
-0Lly KyUt#52-
GM
Usung-uso 'yung GM o group message na text. Pagandahan ng style ng sulat tapos minsan may mga quotes at shout out.
Si Olly, Deanna, Azami, at Alex ang magkakasama sa private school na Silvestre Secondary School—na kapitbahay lang ng iskul ko.
Si Kendra, napag-alaman ko na lilipat na sila ng bahay sa malayo kaya sa malayo na rin siya mag-aaral.
Samantala, si Marty, Andrei at Viggo ay mag-aaral din sa iskul na papasukan ko! Sana maging kaklase ko pa rin sila para may kakilala ako.
Nakakatext ko rin 'yung iba kong mga kaklase. Nakakaadik pala talaga 'tong cellphone, 'ayun nga lang madalas akong pagalitan ni Mamang kasi panay daw ang dutdut ko. Para ngang nagsisisi siya minsan na binigyan niya ako nito.
"Na-save mo na ba number ng Ate Melai at Tita Beth mo?" tanong ulit ni Mamang.
"Opo," sagot ko.
"Sila ang itetext mo kapag may emergency ha, alam mo namang wala akong selpon," sabi ni Mamang. "Huwag ka rin pala magseselpon habang naglalakad sa kalsada ha! Tapos 'yung bag mo palagi mong iingatan! 'Yung wallet mo blablabla."
Parang armalite talaga boses ni Mamang, ayaw tumigil kakasalita. Eh pang-ilang beses ko nang narinig 'yung mga bilin niya.
"Ito pala baon mo," sabi ni Mamang at inabutan ako ng fifty pesos.
Nagningning 'yung mga mata ko dahil araw-araw na 'kong mabibigyan ng fifty pesos ni Mamang, pang merienda raw at pamasahe. Naisip ko na 'agad na marami akong maiipon.
"Thank you po, Mamang," sabi ko at humalik sa pisngi niya.
"Nakuw, Mingming, huwag ka munang magpapaligaw-ligaw ha!" biglang sabi ni Mamang at napanguso ako.
"Si Mamang naman inaano kaya," pabulong kong sagot.
*BEEP!BEEP!*
Sabay kaming napatingin ni Mamang sa labas nang marinig namin ang dalawang tunog ng busina.
"Andiyan na!" masayang sabi ko at sabay kaming lumabas ni Mamang.
Sa may kalsada nakita namin ang isang itim na magarang kotse, bumukas ang bintana at sumungaw doon si Azami! Kumaway siya sa'kin at dali-dali kaming lumapit doon ni Mamang.
Napag-usapan kasi namin ni Kambal na sabay kami papasok sa first day kaya heto dinaanan niya 'ko ngayon dito sa'min.
"Good morning po!" bati ni Azami.
"Mamang, alis na po ako," paalam ko kay Mamang.
"Sige, Ming, mag-iingat ka ha," sabi ni Mamang at kumaway siya sa'min.
Pumasok ako sa loob ng kotse at umandar 'yon.
"Wow! Ang ganda naman ng uniform mo, Kambal!" bati ko sa kanya.
Parang pang anime naman 'yung uniform ni Azami, kulay dark blue tapos may coat at neck tie, 'yung palda niya ay maiksi lang.
"Gusto mo araw-araw kitang daanan sa inyo?" alok niya.
Umiling ako. "Naku hindi huwag na, sabi ni Mamang kailangan ko raw matutuong magcommute," sabi ko at napatingin sa driver nila.
"Ang bilis ng oras, Kambal, high school na tayo," sabi ni Azami. "Alam mo... Magkatext kami ni Viggo, kailan niya kaya ako liligawan?"
"Huh? Magboboyfriend ka na?" tanong ko.
"Hmm... Siyempre secret kila mommy and daddy," nakangiting sagot niya. "Sayang nga eh, hindi sa school ko nag-aral si Viggo, mabuti pa kayo magkikita palagi."
Nagkwentuhan kami habang papunta sa eskwelahan. Wala pang kalahating oras nang marating namin ang siyudad, lumiko ang kotse mula sa malaking kalsada at huminto 'yon sa eskwelahan ko.
"Hala, dito ka na?" malungkot na sabi ni Kambal.
"Oo. Magkalapit lang tayo ng iskul, 'di ba?" sabi ko at tinuro 'yung iskul niya na literal lang na katapat ng akin.
"Sige, text text na lang tayo ha," sabi ni Azami at niyakap niya 'ko.
Bumaba ako ng sasakyan at kumaway kami sa isa't isa. Pumasok 'yung kotse nila sa isang magarang gate, parang subdivision 'yung iskul ni Azami dahil puro puno ang makikita mo.
Tumalikod ako at nakita ang eskwelahan ko sa kabilang kalsada.
Napalunok ako bago tumawid.
Parang narinig ko 'yung boses ni Mamang habang tumatawid, tingin kaliwa at kanan.
Nang makatawid ako ay tiningala ko ang malaking gate na may arkong kinakalawang.
TANSO NATIONAL HIGH SCHOOL
Napalunok na naman ako ulit at napahawak sa bag ko.
Naglakad ako papasok at nakita kong medyo mahaba ang pila sa may entrance. Nakita ko 'yung gwardiyang babae na tinutusok ng stick 'yung laman ng bag.
Pero... May napansin ako.
Bakit ako lang ang nakasuot ng uniform?
Pumila ako papasok at nang buksan ko ang bag ko para i-tsek ng lady guard ay nagsalita ito. "Oh, first day pa naman bakit naka-uniform ka, hija?"
"P-po?"
Hindi ko tuloy alam kung ano isasagot. Dali-dali akong pumasok sa loob at tumambad ang mahabang hallway, may mga upuan sa gilid at maraming mga estudyante ang nakaupo, ang iba'y mga nakatayo.
Ang iingay nila.
Naglakad ako at hindi ko maiwasang mapayuko dahil pakiramdam ko tumitingin sila sa'kin kasi ako lang ang nakasuot ng uniform.
Ano ba 'yan nakakahiya naman.
Hindi ko ring maiwasang tingnan sila—para kasing ang tatanda na ng mga itsura nila eh tapos ang tatangkad nila, pakiramdam ko ang liit-liit ko.
May naririnig akong mga sigawan, malakas na tawanan, may mga naghahabulan.
"Putanginaaaa ang saya!" hindi nakatakas sa pandinig ko ang malulutong nilang mura.
"Gago pre, alam mo ba!"
"Hoy, mga puta may tsismis ako!"
Hindi ko maiwasang mapangiwi. Ganito ba talaga sa public school? Parang isang malaking jungle na maraming hayop?
'Yung mga boys ang lalaki ng boses nila tapos ang lulutong magmura, 'yung iba sa kanila naghaharutan.
Gano'n din 'yung mga girls, 'yung iba nga ay kung makabukaka at makatawa ay wagas.
Walang anu-ano'y biglang tumunog ang bell. Natigilan ako. Saan ba 'ko papunta?
Hindi pinansin ng mga tao 'yung bell pero maya-maya'y nakarinig ako ng pito.
"Priiiiiiiit! Priiiiiiiiit! Flag ceremony na! Priiiiit! Priiiiit!" nakita ko 'yung lady guard na naglalakad sa hallway at pinagtatatapik gamit ang mahabang stick ang mga estudyanteng nakaupo. "Kilos! Pumunta na kayo ng court! Priiiiiiit!"
Nagsisunuran ang mga estudyante at para akong tinangay ng alon papunta sa court.
Bigla akong nakaramdam ng kakaiba dahil may bumulwak sa loob ko. Ughh... May regla na naman ako!
Nanghihinang nakarating ako ng court at nakita ko roon na may iba ring mga naka-uniform katulad ko.
May stage at may mga teachers doon. "Pumila kayo ng maayos, students! First year! Nasaan ang first year?!"
Matapos ang napakagulong pag-aayos ng pila ay tumugtog na ang lupang hinirang, pagkatapos naman ay panatang makabayan.
Maganda ang sikat ng araw pero medyo mainit nga lang kasi walang bubong 'yung court. Nagsalita 'yung principal pero maraming hindi nakikinig.
Napatingin ako sa mga kasama ko sa pila, hindi ko alam kung mga kaklase ko ba sila. Tahimik lang 'yung pila naming mga first year kumpara sa pila ng ibang higher years.
Matapos ang seremonya ay pinapunta kami sa kanya-kanya naming mga klasrum. Sumunod lang ako sa agos, sinundan ko 'yung mga first year kong kasama.
Napadpad ako sa kaliwang bahagi ng building at may mga nakapaskil na papel sa bawat classroom.
Kailangan ko palang hanapin kung saan akong section.
Wala sa first floor 'yung klasrum ko kaya umakyat ako at tiningnan ang bawat nakapaskil na papel sa bawat pinto.
1ST YEAR GUMAMELA
BERBENA, REMISON MAY
Ayun! Nakita ko 'yung pangalan ko.
Dali-dali kong tiningnan 'yung mga pangalan ng kaklase ko para hanapin kung may kakilala ba ako.
LIZARDO, JOHN VIGGO N.
Napangiti ako sa tuwa at medyo humupa ang pagkabahala sa puso ko kasi may makakasama na ako na kilala ko.
Pagpasok ko sa loob ay tumambad sa akin ang isang klasrum... na malayung-malayo sa nakagisnan ko sa private school.
Semento ang sahig pero nangingitim 'yon, tapos 'yung mga arm-chair ay kahoy, 'yung mga dingding at bintana ay kahoy din.
Malayo ito sa makulay na silid-aralan na nakasanayan ko noon. Nilibot ko 'yung tingin ko para makahanap ng upuan... May mga loner na tahimik, may mga nag-uusap-usap (baka magkakaklase sila noong elementary), at may mga boys na naghaharutan sa likuran.
Malulungkot na sana ulit ako dahil wala akong nakitang pamilyar na mukha pero may nakita akong lalaki na tumayo sa may bandang gitna.
"Yoh! Remison!"
S-Si Viggo!
Tumayo siya para kawayan ako, walang alinlangang lumapit ako sa kanya.
"Akalain mo 'yun magkaklase ulit tayo," sabi niya at itinaas ang kamay para makipag-apir pero nagdalawang isip ako.
Una, nakatingala ako sa kanya, bakit bigla siyang tumangkad?
"Huy," tawag niya sa'kin at nakipag-apir ako sa kanya.
Umupo kaming dalawa.
"Si Andrei at Marty 'di ba rito rin nag-aaral?" tanong ko sa kanya.
"Ah, oo, kaso nasa kabilang section sila," sabi ni Viggo.
Mingming! Mag-isip ka ng topic!
"Ahm..." nag-isip ako ng pwede kong sabihin kay Viggo pero parang namental block ako. "Kamusta kayo ni Azami?"
Mingming! Bakit iyon?! (TT.TT)
"Ha? Kami?" nagtatakang tanong ni Viggo. "Okay naman kami, ang bait nga no'n eh, nilo-loadan ako."
Wow, mabuti pa siya niloload-an ni Azami. Eh... Kunsabagay may gusto naman kasi talaga si kambal sa kanya.
"Ikaw, Remison—" pumalapakpak ang tenga ko nang magsalita siya pero kaagad ding napawi 'yon nang may pumasok sa loob ng klasrum.
"Good morning, class!" pumasok ang isang matandang ginang na sa palagay ko ay ang magiging adviser namin.
Itsura pa lang ni Ma'am ay mukha ng masungit, hindi kasi siya ngumingiti. Ang nipis pa ng kilay at ang pula ng labi.
"Good morniiiiiing, teacher!" sabay-sabay naming bati.
Parang biglang bumigat 'yung 'pakiramdam' ko... Naku... Mukhang puno na 'ata 'yung napkin ko.
"Boys at the back, magsi-upo kayo!" sita ng ginang at kaagad na sumunod ang mga kaklase ko.
"You are first year section Gumamela, I'm your adviser," nagsulat ito sa pisara. "You will call me Mrs. Nang. First, mag-attendance muna tayo."
Isa-isang tinawag ni Mrs. Nang ang mga pangalan namin.
"Half-day lang kayo ngayon, ano, class," sabi ni Mrs. Nang habang nagpapaypay.
May apat kasing electric fan sa loob kaso dalawa lang ang umaandar kaya medyo mainit.
"Okay ka lang?" tanong ni Viggo sa'kin. Tumango lang ako, siguro nahalata niya na parang hindi ako komportable.
"Orientation lang muna tayo ngayon, ano, class. Una, hayskul na kayo, mga hija at hijo, hindi na kayo baby baby kaya dapat makikinig kayong mabuti."
Nagsimula sa orientation si Mrs. Nang. Pagkatapos ay nagkaroon ng election ng class officers, nagkaroon ng botohan at siyempre 'yung mga maraming kakilala ang mga nanalo.
Umuwi ako noong araw na 'yon na parang nalugi. Ang tanging nagpasaya lang ng araw ko ay si Azami at Viggo.
Hindi ko gusto 'yung bago kong iskul, para kasing jungle na maraming hayop. Ang layo-layo sa dati kong iskul. Tapos 'yung mga kaklase ko parang ewan lang.
Parang ayoko na tuloy pumasok bukas.
Nakatanggap ako ng gm galing kay Olly, parang ang saya-saya ng first day nila sa school nila.
Sana kasama ko pa rin sila.
Ming, okay lang 'yun, kasama mo naman si Viggo, eh.
Kinabukasan, first time kong magcommute na ako lang mag-isa. Marami akong mga nakasabay na estudyante sa jeep. Tapos sabay-sabay kaming bumaba sa kanto papunta sa iskul namin.
Habang naglalakad ako sa gilid ay napatingin ako sa mataas na pader ng eskwelahan ko, may tusuk-tusok pa 'yong wire.
Tumingin ako sa kabilang kalsada kung nasaan ang tila subdivision na iskul nila Azami, walang naglalakad sa labas at puro mga sasakyan ang pumapasok sa loob ng gate nila.
Ang haba ng pila papasok sa'min. Eh tinutusok lang naman nung guard 'yung loob ng bag.
"Ayusin n'yo 'yung mga gupit ng buhok n'yo!" kay aga-aga tumatalak 'yung lady guard. Pinapagalitan 'yung mga boys. "At 'yung mga pantalon n'yo! Sabi nang bawal ang baston eh!"
Tuwing alas otso ng umaaga ay tumutunog ang bell at tinitipon lahat ng mga estudyante sa may court para sa flag ceremony.
Kapag na-late ka ng eight ay maghihintay sa may labas ng gate at bibigyan ka ng ticket na late ka. Sinabi 'yon sa orientation eh, kapag nakarami kang ticket at late magkocommunity service ka raw.
Hinanap ko si Viggo at nakita ko siya—may kinakausap na siyang mga boys. Nahiya na 'kong lumapit.
Mabuti pa ang mga boys madali lang makipagkaibigan sa mga kapwa nila.
Naging loner na naman ako.
Pagkatapos ng flag ceremony ay pumasok kami sa una naming klase, kay Mrs. Nang.
Ang dami palang kaibahan ng hayskul sa elementary. Una, 'yung mga notebook n'yo. Dati kasi sa elementary may kanya-kanya nang kulay bawat subjects.
Yellow – Math
Green – Filipino
Blue – Science
Red – English
Pink – Sibika at Kultura/HEKASI
White – GMRC
Violet – MAPEH
Sa haysul hindi. Kung ano raw gusto ng teacher namin. Halimbawa na lang, dito kay Mrs. Nang, ang subject namin sa kanya ay Araling Panlipunan, gusto niya na balutan namin ng diyaryo 'yung notebook namin. Bakit kaya diyaryo? Pang tinapa 'yun eh.
Sa subject naman naming Math ay guhit-guhit na green na 'yung notebook tapos ang gusto ng teacher namin ay balutan namin ng kulay green 'yung notebook—favorite color daw kasi ng teacher namin.
Tapos 'yung sa English naman ang gusto ng teacher namin magazine 'yung cover tapos nakatahi ng yarn 'yung notebook, ayaw niya ng spiral.
Kakaiba rin pala trip ng mga teacher sa hayskul. Nagulat nga ako kasi 'yung teacher namin sa Science ay nagmumura. "Gagong bata 'to ah," sabi ba naman ng teacher namin kasi pilosopo sumagot 'yung isa kong kaklase.
Hays. Namiss ko tuloy 'yung mga mababait kong teacher noong elem. Kamusta na kaya sila? Hays. Ang dami kong namimiss.
Dumating ang lunchbreak, pumunta ako sa canteen mag-isa. Nakalimutan na 'ata ako ni Viggo kasi naging tropa na niya 'yung mga boys sa likuran.
Kaso pagdating ko sa canteen, napakadaming tao!
Akala mo ay palengke dahil napakaingay! Hindi ako makahanap ng bakanteng pwesto kaya lumabas na lang ako.
Papunta ako sa may student plaza para kumain sa mga mesa roon.
"Hoyyyy!" may narinig akong sigaw sa likuran ko kaya napalingon ako sa kanya.
Nakita ko ang isang mataba at malaking bulas na babae—kaklase ko 'ata siya pero hindi ko alam kung anong pangalan niya.
"B-Bakit?" tanong ko nang huminto siya sa harapan ko.
"Girl, may tagos ka!" pabulong niyang sabi pero malakas.
Nanlaki ang mga mata ko.
Dali-dali niya 'kong hinila papuntang CR (mabuti na lang ilang kembot lang 'yon dito). Pagpasok namin ay may isang babaeng maliit na nananalamin.
"Malaking problema 'yan!" bulalas ng mataba kong kaklase. "May sabon ka?" tanong niya sa'kin.
"W-Wala..." parang maiiyak na 'ko. Ngayon lang ako natagusan. Tiningnan ko 'yung likuran ko at nakita ko na nagmistulang mapa ng Japan ang palda ko.
"Holy shet!" sabi ng maliit na babaeng nananalamin. "Nabaril ka, teh!"
"May sabon ka?" tanong ng mataba sa maliit.
"Waley! Ay, teka!" pumunta sa isang cubicle si maliit at kinatok 'yon. "Teh! May sabon ka?"
"Duh, always ready ako, meron," sabi ng babae sa loob ng cubicle.
Para lang akong tuod na nakatayo na maiiyak.
"Hubarin mo 'yung palda mo," utos ni mataba. "Lock mo 'yung pinto, teh," utos niya sa maliit.
Sinara ni maliit 'yung pinto ng CR at ni-lock 'yon.
Sumunod ako kay mataba. Naka-shorts naman ako kaya paghubad ko'y inabot ko sa kanya 'yung palda ko.
"Anong meron?" lumabas ang isang babaeng payat sa cubicle. "Ow, shit!"
"Pati shorts mo, teh, tagus na tagos!" sabi ni maliit sa'kin.
Kinukuskos ni mataba 'yung palda ko sa may lababo.
"Honey, may extra panty ka?" tanong ni maliit dun sa payat.
"Of course!"
Ang daming tanong sa utak ko. Imbis na umiyak ako'y ginulo ako ng isip ko kung bakit may baong extra panty 'yung payat na babae at may dala rin siyang sabon. Atsaka bakit nilalaban ni mataba 'yung palda ko?
"Ayan, 'Brazil' na ulit ang palda mo, berdeng berde," sabi ni mataba nang ipasuot niya sa'kin 'yung palda kong wala nang marka ng mapa ng Japan.
"Kaso huwag ka nga lang masyadong magaslaw kasi nakapanty ka na lang," sabi ni maliit.
"'Yung panty ko pakisoli ha, Avon 'yan," sabi naman nung payat sa'kin.
Nakatingin sila sa'kin ngayon at hindi ko alam kung anong sasabihin ko.
Bigla akong umiyak.
"T-Thank you."
Sasagot pa lang sila nang biglang kumalabog 'yung pinto.
"Hoy, puta! Natatae na 'ko, sino naglock?!" sigaw ng isang babae sa labas.
Nagkatinginan sila at natawa.
Sinong mag-aakala na sila ang magiging kaibigan at kasama ko?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top