DALAGA 11❀


HALOS tumulo ang laway ng mga kaklase ko sa sobrang pagkamangha sa bagong laruan ni Olly—hindi 'yon basta-basta laruan dahil isa lang naman 'yong cellphone na natutupi.

"Oliver peram ako!" sigaw ng isa kong kaklase.

"Ako muna!"

Hindi sila magkanda-ugaga sa pag-aagawan kung sino ang unang manghihiram.

Sa totoo lang hindi naman talaga bago ang ganito para kay Oliver. Noong grade two pa lang kami ay mahilig na siyang magdala ng kung anu-anong laruan sa iskul.

Nagdadala siya noon ng Yugi-oh at pinagmamalaki ang kumpletong koleksyon niya ng Exodia. Nagdala rin si Olly noon ng Magic Eight ball na pinagkaguluhan ng lahat para itanong kung crush din ba sila ng crush nila. Madalas ding dalhin ni Olly ang Gameboy niya noon at ipinapakita ang laro niyang Pokemon.

At ngayon, cellphone naman ang bago niyang 'laruan'.

Kahit na alam ni Olly na bawal magdala ng mga 'yon ay nagdadala pa rin siya. Hindi naman sa mayabang si Olly, gusto lang niyang i-share 'yung mga bagay na meron siya kasi hindi naman siya madamot sa pagpapahiram—pinapauwi niya pa nga minsan sa mga kaklase ko 'yung Gameboy niya eh! Gano'n siya kabait.

Si Olly ang kauna-unahang nagkaroon ng cellphone sa klasrum. Hindi tuloy maiwasang mainggit ng mga kaklase ko kasi uso na 'yung mga text text.

Nang mga sumunod na araw... Ewan ko ba at nagulat na lang ako na naririnig kong nagpapalitan ng number ang mga kaklase ko.

"Kambal, uyy." Nilapitan ako ni Azami, bakas sa mukha niya ang pag-aalala.

Siguro napapansin niya na maraming araw na 'kong tahimik at hindi gaano nagsasalita lalo na pag kasama namin sila Alex at Kendra.

Hindi ko magawang sabihin sa kanya na nagtatampo ako sa nangyari pero... wala akong lakas ng loob.

Pakiramdam ko kasi kapag kinontra ko 'yung nangyari ay mapag-iiwanan ako lalo sa kanila... Kaya sinakyan ko 'yung nangyari kahit hindi ko naman talaga crush si Andrei.

"B-Bakit?" tanong ko.

Wala pa 'yung susunod naming teacher kaya kanya-kanyang daldalan 'yung mga kaklase ko.

Bigla siyang umupo si desk ko at parang excited na excited. "May cellphone na 'ko, Kambal!" masaya niyang anunsyo.

Ano ngayon? Gusto ko sanang isagot. Huh? Saan nanggaling 'yon? Parang nagiging masungit ako hindi naman ako gano'n.

"Ay... Wow..." sinubukan kong ngumiti para ipakita na kunwari masaya.

"Alam mo ba, ang galing nga kasi si Alex at Kendra rin may mga cellphone na rin sila, pinaglumaan daw ng mga ate at kuya nila," sabi pa ni Azami. "Nagpalitan na kami ng mga numbers, magpapaload ako mamaya."

Hindi ko na alam kung anong isasagot ko. Pero biglang may kumurot sa dibdib ko, napag-iiwanan ka na naman nila, Remison, wala ka kasing cellphone.

"Wala naman akong cellphone, Azami, hindi mo rin ako mate-text," sabi ko nang hindi ko maitago ang lungkot.

"Ano ka ba, okay lang 'yun," nakangiting sabi niya. "Malay mo ibili ka rin ng mommy mo."

Eh... Wala naman na akong mama.

"Si Viggo kaya may cellphone na?" tanong niya bigla habang nakatingin sa direksyon ni Viggo, katabi nito sila Marty at Andrei.

Malapit nang mag-Pasko. Dumaan na ang Christmas Party at ngayon ay Christmas vacation na.

Binibilang ko 'yung mga araw para dumating 'yung gabi bago 'yung araw ng kapanganakan ni Papa Jesus.

Nakahanda na 'yung sulat ko para kay Santa. Hihiling kasi ako ng cellphone.

Nagsabit ako ng medyas sa may bintana at doon sinuksok ko 'yung sulat ko para kay Santa Claus. Sinabi ko na... ngayon lang ako hihiling kaya kung sana pagbigyan niya ako ng cellphone.

Kaso... Noong umaga, wala akong nakita kundi mga barya lang at isang malutong na bente pesos.

"Oh, Ming, parang ang lungkot mo? Pasko na Pasko," sabi ni Mamang sa'kin habang nag-aalmusal kami. Pagkatapos kasi nito magsisimba kami sa plaza.

"Eh... Mamang, hindi naman po tinupad ni Santa 'yung wish ko," malungkot kong sabi.

Halos mabulunan si Mamang nang marinig 'yon sa'kin.

"Mingming naman..." sabi niya. "Naniniwala ka pa rin sa Santa Klaws?"

Tumitig lang ako kay Mamang. Bakit? Gusto ko sanang sabihin. Tumango na lang ako bilang sagot.

"Diosmio," sabi ni Mamang. "Magdadalaga ka na naniniwala ka pa rin do'n."

"Mamang, sabi sa'kin ni Papang dati totoong pumapasok sa bahay natin si Santa, siya nga naglalagay ng barya lagi sa medyas ko eh," katwiran ko kahit na sa loob-loob ko'y matagal na 'kong nagdududa na wala talagang Santa.

Pero simula kasi nang mamatay si Papang... Palagi pa ring may laman 'yung medyas ko kapag nagsasabit ako nito. Kaya ayokong isipin na... hindi totoo si Santa.

Pero ngayon diretso nang sinabi ni Mamang sa'kin. Parang expected ko naman na 'yun.

Biglang lumungkot 'yung itsura ni Mamang.

"Mingming, si Papang mo lang ang naglalagay ng barya, walang Santa Klaws," dahan-dahan niyang sabi. Pinilit ngumiti ni Mamang at hinaplos ako sa ulo. "Hay nako kang bata ka, bakit ba kasi kay Santa ka nagpapabili ng cellphone."

"Eh... Kung sa'yo po ba 'ko magpapabili... ibibili n'yo po ba 'ko?" tanong ko.

Napaisip tuloy si Mamang, parang gusto niya 'atang bawiin 'yung sinabi niya.

"Sige, ibibili kita ng cellphone kapag nag-top one ka sa klase!" sabi ni Mamang at nabuhayan ako ng loob.

"Talaga po?!"

"Oo, dapat sa susunod na grading ikaw ang top one, ha."

Bigla akong ginanahan ng sabihin 'yon ni Mamang.

Pagkatapos nagsimba na kami at nagpunta sa mga ninong at ninang ko para mamasko. Sabi ni Mamang hanggang next year na lang daw ako pwede mamasko kasi matanda na raw ako at hindi na bata. Medyo nalungkot ako kasi hindi na 'ko makakahawak ulit ng malulutong na pera.

Nang magbalik eskwela ay excited akong nag-aral.

Sineryoso ko talaga 'yung usapan namin ni Mamang dahil kung nagkataon ay ito ang first time na magta-top ako sa klase. For sure magiging masaya si Mamang.

Nag-aral ako nang nag-aral nang mabuti kahit na nakakapagod at nakakasawa.

'Yung tipong kahit kating-kati akong manuod ng TV ay mas pinipili kong magreview.

Panay ang sagot ko sa recitation at madalas akong ma-very good.

Papalapit na ang mga exam namin kaya mas lalo kong pinag-igihan.

Isang gabi ay nagising ako at sumilip ako sa may sala, nakita ko si Mamang na nagbibilang ng pera sa mesa.

Napansin ko na parang namumrublema siya sa pagbibilang. Naririnig ko 'yung bulong niya sa sarili kung mangungutang na ba siya sa five-six. Bumalik ako sa pagtulog na iniisip kung maibibili niya nga ba ako ng cellphone.

Kaso... Nang lumabas ang resulta ng top 10 sa klase...

Pang top two lang ako.

Top one si Kambal. Hindi ko maiwasang isipin na mabuti pa siya ay walang kahirap-hirap na nakuha 'yon.

"Congrats, Kambal!" masayang bati sa'kin ni Azami dahil first time kong pumasok sa loob ng top 10. Si Azami na dating top four ay biglang naging top 1.

Tuwang-tuwa si Ma'am Annaliza para sa'kin nang bigyan niya ako ng ribbon.

Hindi ako masaya, hindi rin ako malungkot.

Parang mas okay pa nga na hindi ako nagtop one kasi... Mukhang kulang ang pera ni Mamang.

Nang umuwi ako ay masaya akong sinalubong ni Mamang.

"Oh, Mingming! Anong balita?" tanong ni Mamang.

"Mamang, top two lang po ako eh," sabi ko.

Nagtaka si Mamang kasi parang hindi ako malungkot.

"Okay lang po pala kahit hindi n'yo ko ibili ng cellphone," sabi ko. "Kapag malaki na lang po ako tsaka ako bibili."

Nangiti na lang si Mamang at kiniss ako sa pisngi. "Nakuu, very good ka pa rin kasi top two! Ang galing-galing talaga ng Mingming ko."

Napangiti na lang din ako dahil natuwa pa rin si Mamang kahit hindi ako naging top one. Mabuti na 'yung kesa mangutang siya ng pera para ipambili ng cellphone.

Siguro nga naka-tadhana na hindi ako maging top one para hindi ako ibili ni Mamang ng cellphone kasi nagalit si Ma'am Annaliza sa'min isang araw.

"Class, alam n'yo naman na bawal na bawal magdala ng gadget dito sa eskwelahan," sinesermunan ang buong klase namin ngayon.

Nahuli kasi ni Ma'am si Oliver nang biglang tumunog 'yung ringtone nito habang nagkaklase. Ayon, mayroong isang sumbungera (inggitera) ang nagsabi na may iba pang nagdadala ng cellphone sa klase.

Bukod sa kinumpiska ang cellphone, ipapatawag din ang mga magulang ng mga nahuli. Kabilang na ro'n ang mga kaibigan kong sila Azami, Kendra, at Alex.

Mabilis ding naabswelto ang mga kaklase ko, at dahil nadala na sila ay hindi na ulit nila dinala ang mga gadget sa iskul para ipakita sa iba (Maliban kay Olly na nuknukan ng tigas ng ulo.)

Valentine's day.

Ang daming nagtitinda ng mga rosas sa labas ng eskwelahan, pati mga lobo na hugis puso at mga tsokolate.

Nagulat ako kasi binigyan ako ng rosas ni Marty at Andrei.

"Bakit n'yo naman ako binigyan nito?" tanong ko sa kanila. "Crush n'yo ko?" biro ko sa kanila kasi close ko naman sila eh.

"Sus, ikaw nga crush mo si Andrei eh!" pambabara sa'kin ni Marty na parang labag naman sa kalooban niya ang pagbibigay sa'kin ng bulaklak.

"Hindi naman kasi 'yon totoo," sagot ko.

Natawa si Andrei. "Siyempre, sabi ni Boss Viggo kailangan gentleman kami 'di ba, dahil close ka namin at si Azami pala—may flowers ka!" Mabuti na lang hindi kami nagkakailangan ni Andrei kahit na inaasar kami sa isa't isa, alam niya naman 'ata siguro na hindi totoo 'yon.

Mabuti na lang good sport kami parehas ni Andrei dahil kung hindi baka hindi na kami nagpapansinan.

"Thank you!" pasasalamat ko sa kanila.

Na-touch naman ako kasi naalala nila akong bigyan kahit na hindi ako nag-eexpect.

"Nasaan pala si Azami?" tanong ni Andrei.

May program kasi ngayon sa iskul at busy na busy ang mga tao, malaya kaming nakakapaglisaw sa campus dahil maraming mga nagtitinda-tinda sa ibang section.

Umiling ako kasi hindi ko pa nakikita si Azami.

"Baka na-late lang," sabi ko.

"Ah, gano'n, sige, bigay mo na lang 'to sa kanya, maglalaro na kami sa court," sabi ni Andrei sa'kin sabay abot ng isang rosas.

"Sige," sabi ko tapos iniwanan na nila ako. "Magpapabaho na naman kayo!" habol ko sa kanila at tinawanan lang ako ni Andrei at si Marty naman ay binelatan ako.

Apat na rosas tuloy 'yung hawak ko.

Pagpasok ko sa loob ng klasrum nadatnan kong walang masyadong tao. Tinanong ko 'yung mga kaklase ko kung nasaan 'yung iba naming mga kaklase at sinabi na nasa labas daw at naglilibot kasi maraming boots at may tiangge.

Napansin ko na iilan lang kami sa loob at ang ilan ay natutulog. Napansin ko si Deanna na mag-isang nakaupo sa pwesto niya.

Nagkatinginan kaming dalawa at hindi ko tuloy alam kung lalabas ako o hindi.

Pero may kung anong bumulong sa'kin na lapitan ko siya.

Tumaas ang kilay ni Deanna nang lumapit ako sa kanya. Mataray pa rin naman siya at gano'n pa rin, silang dalawa lagi ang magkasama ni Olly kaya sa tingin ko hindi naman siya gano'n ka nag-iisa.

"Problema mo?" wala pa rin pala talaga siyang pinagbago.

"Ahm..." nagulat siya nang iabot ko sa kanya 'yung isang rosas. "Pinabibigay ni Andrei."

Saglit niya kong tinitigan. "Weh?!"

Napangiti ako. "Oo nga. Namimigay kasi sila ng flowers."

Tinanggap ni Deanna 'yon habang nakangiti, halatang kinikilig siya. Umupo ako sa tabi niya.

Sa totoo lang, kahit na naging masungit siya palagi noon eh minsan naiisip kong maawa sa kanya kapag nakikita ko siyang walang kausap.

"H-Hindi ka ba galit?" tanong ko.

Natigilan siya at tumingin sa'kin. "Bakit naman ako magagalit sa'yo?" mataray niyang tanong.

"K-Kasi... 'Di ba kumalat sa klasrum na... Na... Crush ko si Andrei," sabi ko.

Alam ko kasi na ayaw na ayaw niyang may kaagaw siya sa ultimate crush niya.

"Tsss!" reaksyon niya. "Alam ko namang hindi mo talaga crush si Andrei."

"H-Huh?"

Halos umikot ang mga mata ni Deanna. "Duh! Remison, since grade one kaklase na kita kaya kilala ko kung sino talaga crush mo."

Napalunok ako sa sinabi ni Deanna. Hindi ko tuloy alam sasabihin.

"Don't worry dahil hindi naman ako madaldal. Thanks sa flower by the way."

Napangiti na lang ako at naisipan kong lumabas.

Saktong papasok si Viggo sa loob kaya muntik na kaming magkabungguan.

"Sorry," sabay pa naming sabi.

"Rems, si Azami?" tanong niya sa'kin. Napansin kong nakasuot siya ng jersey, mukhang galing siyang court at kakalaro lang ng basketball.

Mukha ba 'kong hanapan ng mga nawawalang tao?

"Hindi ko pa siya nakikita eh," sagot ko.

"Ah, gano'n ba..." Tumingin ako sa hawak niya at nakita ko ang dalawang rosas, 'yung isa plain at 'yung isa naman ay may maliit na teddy bear. "Sige. Ito nga pala para sa'yo."

Inabot sa'kin ni Viggo 'yung isang plain na rosas, katulad no'ng binigay ni Marty at Andrei.

"T-Thank you."

"You're welcome!" sabi niya at pagkatapos ay umalis na siya habang dala-dala 'yung isang rosas na may kasamang maliit na teddy bear.

Siguro para kay Azami 'yon.

Hindi pumasok si Kambal sa 'di malaman na dahilan. Umuwi ako na... Umuwi ako na okay lang.

Pagdating ko sa bahay nakita ko sa mesa ang isang maliit na kahon.

TO: MINGMING
FROM: MAMANG

Na-excite ako bigla at 'agad kong binuksan 'yon.

"Cellphone!" nagliwanag ang mata ko nang makita ko ang isang pink na cellphone na 'di tupi katulad ng kay Oliver!

Pero nang buksan ko 'yon ay bigla 'yong tumunog.

"Ay, ay, ay
I'm your little butterfly
Green, black and blue
Make the colors in the sky"

"Ngek! Laruan," nakangiwi kong sabi.

"Surprise!" biglang sumulpot si Mamang mula sa kusina tapos kasunod niya si Ate Melai at Tita Beth. "Nagustuhan mo ba ang gift ko sa'yo?"

"Wow! May flowers si Mingming!" bati ni Ate Melai.

"Nakow, Aling Eme, may manliligaw na 'ata ang apo mo," sabi naman ni Tita Beth.

"Mamang, ano po 'to?" tanong ko kahit obvious naman ang sagot.

"Nako, hindi pa pwede ligawan ang Mingming ko!" saway ni Mamang kila Ate Melai at Tita Beth. Humarap siya sa'kin. "Pasensiya na, Ming, 'yan muna ang cellphone na kaya kong ibigay sa'yo."

"Okay lang po, Mamang, thank you!" sabi ko tapos lumapit ako sa kanya para yakapin si Mamang.

"Awwww..." reaksyon nila Ate Melai at Tita Beth.

"Oo nga pala, Ming," sabi ni Mamang. "May nagpadala nito, para sa'yo raw," sabi ni Mamang at inabot sa'kin 'yung hawak niyang parihabang kahon.

Nakabalot 'yon kaya binuksan ko at nakita ko ang isang bracelet.

"Wow..." kulay ginto 'yon. "Kanino po galing 'to?" tanong ko kay Mamang.

Hindi sumagot si Mamang at inabot sa'kin ang isang maliit na papel.

"Hindi ko rin alam, Ming, eh..."

Happy Valentine's, Sweetheart!

To: Remison May Berbena
From: Mr. E

"Sino po si Mr. E?"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top