DALAGA 100❀

HINDI ko sukat akalaing may pagkakahalintulad ang nangyaring trahedya sa buhay namin ni Mama. At ang masaklap, mas lalong hindi ko sukat akalaing dalawang beses akong naging patay sa isip ng dalawang tao. Una si Poknat. At pangalawa, si Mama.

Ang salarin? Iisang tao lang din, ang mismong kadugo ko pa—si Doña Alba.

Hanggang ngayon ay kita pa rin ang sakit sa mga mata at himig ni Mama habang kinukwento niya sa'kin. Dahil hindi raw gusto ng totoo niyang ina ang pagdadalang-tao niya noon, binayaran nito sina Mamang at Papang ng malaking halaga para iwanan ako sa kanila.

Hindi na nga napigilang lumuha ni Mama nang maalala na wala siyang kamukat-mukat na buhay pa talaga ang anak na inakala niyang patay na.

Ipinadala siya sa Amerika para mag-aral, hindi niya raw maipaliwanag kung bakit may hinanakit sa kanyang dibdib kahit na anak pala siya ng mayamang pamilya. Nagrebelde siya noon, imbis na pumasok sa mga klase niya sa mamahaling university ay nagpunta siya kung saan siya tinatawag ng puso niya—sa teatro, sa pag-arte.

Dalawang taong nakipagsapalaran si Mama sa bansa ng mga banyaga para makapasok siya sa industriya na pinapangarap niya. Pero sa kabila ng pagpupursige at galing niya'y hindi siya matanggap ng mga puti dahil mababa ang tingin nito sa lahi ng bansang pinanggalingan niya.

Naranasan niya noon lahat ng hirap para lang makuha ang inaasam-asam na role, kaya pumayag siya sa isang kundisyon daw ng isang banyagang direktor na iparetoke ang kanyang mukha. Subalit pagkatapos no'n ay saka lang daw siya natauhan.

"It hits me finally. No matter how hard I work and try to please them, they'll never accept me because of my race," ang sabi pa ni Mama.

Umuwi siya ng Pilipinas at binigyan siya ng pangalawang pagkakataon ni Doña Alba. Tinanggap ni Mama ang pagkatalo kaya tinalikuran niya ang kanyang pangarap at sumunod sa kagustuhan ng ina. Kung susunod siya sa mga gusto nito at tanggapin ang pangalan niya, Lucía Adelina Custodio. Simula noon ay tinalikuran niya ang pangarap at pagiging si 'Judy Rose'.

Nag-aral siya at nakapagtapos ng medisina. Pagkatapos ay naipagkasundong ikasal sa isa ring doktor na gusto ni Doña Alba para sa kanya. Hindi lang din nagtagal ang pagsasama nila dahil maagang yumao ang asawa niya dahil sa isang karamdaman.

Hanggang sa hindi sinasadyang nagkita sila ng ama kong si Miguel sa abroad. Laking gulat daw nito nang malamang buhay siya at sa mga nangyari sa kanya. Emosyonal daw ang naging tagpuan nilang dalawa, alam niyang nagsisisi si Miguel na umalis noon para magpakasal sa iba.

Kinuwento niya lahat kay Miguel pero hindi raw kinuwento noon ni Miguel sa kanya ang tungkol sa'kin. Pagkatapos nang pagtatagpo nila ay hindi na ito muling nagparamdam sa kanya.

Nalaman na lang ni Mama ang totoo tungkol sa'kin nang pumunta raw siya noong debut ko. Gulat na gulat daw siya nang makarating sila ni Etta sa venue dahil sa lugar na 'yon siya lumaki at nagkaisip.

Walang nakakilala sa kanya noon kahit na sina Auntie at Mamang. Noong una'y akala niya ay anak ako ni Emily pero narinig daw niya na tinawag ko itong auntie. Kaya pala noong gabing 'yon ay magdamag lang siyang nasa pinakadulong mesa at 'di maipinta ang mukha.

Nakita niya si Miguel na dumalo noong gabing 'yon at nakita rin siya nito. Lihim daw silang nag-usap at saka lang pinagtapat ni Miguel ang tungkol sa'kin at tungkol sa plano nito. Gustong-gusto raw niya akong sunggaban agad at yakapin pero wala siyang nagawa.

Hanggang sa bigla na lang daw ako nawala at makalipas ang ilang buwan ay naaksidente ako. Simula raw noon ay hindi na siya lumayo sa akin. Nagalit si Mama kay Doña Alba kaya walang nagawa ang huli kundi akuin ang responsibilidad ng pagpapagamot sa'kin.

"Napatawad n'yo po ba siya?" Nang itanong ko 'yon ay natulala si Mama sa kawalan, halatang napaisip. Saka siya bumuntong-hininga at umiling.

"Lahat ng gusto niya sinunod ko. After my failure, I let her to control everything in my life—including marrying someone I don't even love. Pagkatapos... Pagkatapos malalaman ko kung ano 'yong tinago niya sa'kin? Ikaw. During those time na nasa ospital ka, I really hated my mother. But... Noong dapuan siya ng sakit, on her deathbed she asked for forgiveness, she told me to take care of you the way she didn't took care of me. That was the time I finally forgave her sins." Tumingin siya sa'kin ng may nagbabadyang luha sa mga mata. "Mapapatawad mo rin ba ako, anak?"

Niyakap ko siya at saka sinabing, "Kanina pa po kayo humihingi ng sorry." Pero kung ako ang tatanungin niya... Mapapatawad ko ba ang ginawa ng lola ko? Hindi ko alam. O hindi ko pa alam ang sagot. Siguro balang araw maluwag ding matatanggap ng kalooban ko ang nangyari.

May maganda rin naman palang nangyari habang noong nasa comatose state ako dahil nagawang makasama ulit ni Mama ang naging pamilya niya noon, sina Mamang at Auntie. Humaplos sa puso ko nang malaman kung paano sila muling nagkita-kita at nagsama-sama para patatagin ang isa't isa habang hinihintay akong magising.

Kaya nagpapasalamat ako na dumating 'yung araw na 'to, na akala ko noon ay hinding-hindi na mangyayari pa.

Sa kabila ng mga nangyaring hindi maganda noon, na kung titingnan ng iba ay maaaring kasalanan ng dalawang tao na mismong kadugo ko, dapat ay mapuno ng poot ang puso ko sa trahedyang sinapit ko.

Kung mapupuno lang din ng galit ang puso ko, ano pang silbi ng buhay na binigay sa'kin? Anong kabuluhan ng lahat kung mapupuno lang ako ng poot, paninisi, at pagsisisi?

Kung pagtakas ang hindi pagpapatawad, sisikapin kong matutunan 'yon. Kailangan kong matutunang patawarin lahat.

Tumatakbo ang oras at hindi natin namamalayan ang mabilis nitong pag-ikot. Kaya hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa at kaagad na sinimulan ang misyong 'yon.

Nang sabihin ko kay Mama ang gusto kong mangyari ay nagulat ako nang sabihin niyang malapit lang kami sa kinaroroonan ng taong pakay ko.

Sa isang ospital sa siyudad, nagtungo kami kung nasaan ang ama ko. Bago kami pumasok sa gusali ay pinaliwanag sa'kin ni Mama ang sitwasyon.

Two years ago na-diagnose si Tito Miguel ng sakit na cancer, pinilit daw nitong ma-confine sa ospital na 'yon dahil alam nitong nandito lang din ako sa bansang 'to. Nagbabaka-sakaling mapuntahan ako pagkalabas nito sa ospital, pero hindi na nangyari 'yon dahil unti-unti nang humina ang katawan nito.

Sinabi rin ni Mama na hiniwalayan na ni Tita Griselda si Tito Miguel kaya tanging ang isa pa nitong ampon na anak na si Ate Mika na lang ang dumadalaw dito. 

"A-alam po ba ni Miggy kung anong nangyari sa daddy niya?" tanong ko habang nasa loob pa rin kami ng sasakyan.

Tumango si Mama at malungkot na tumingin sa'kin. "Miggy was aware but he never visited his father. Earlier I messaged him na pupunta tayo rito, hoping he could come with us but he didn't reply." Hinawakan ako ni Mama sa kamay. "He needs more time, Remi. Ikaw, are you sure you're ready to meet him again?"

Isang tango lang ang sagot ko. Kasi kung hindi ko pa haharapin 'to ngayon, kailan? Lalo pa't nalalabi na lang ang oras niya sa mundo, hindi namin alam kung kailan siya maaaring mawala.

Bumaba na kami para magtungo sa silid kung nasaan si Tito Miguel. Habang naglalakad ay hindi ko maiwasang maalala lahat ng alaala na mayroon ako sa kanya, kinapa ko rin 'yung damdamin ko kung ano 'yung nararamdaman ko.

Namalayan ko na lang na nasa harapan kami ng silid nito. Nakahawak pa rin sa'kin si Mama at saka niya ako tinapik para papasukin sa loob.

Hindi ko naitago ang gulat nang makita ko siyang nakahiga sa kama, nang makita niya ko'y hindi rin maipinta ang kanyang itsura dahil sa surpresa. Kung gano'n ay nakikilala niya ako.

"R-Remi..." halos pabulong niyang tawag sa'kin.

Nang makalapit ako sa kanya'y lalo kong nakita kung gaano kalaki ang pinagbago ng kanyang itsura, bumagsak ang katawan nito at malayong-malayo na sa makisig nitong postura noon. Halos buto't balat na ito at lumubog ang pisngi sa kapayatan.

Hindi pa ako nakakapagsalita nang bigla siyang umiyak. Wala akong ibang nagawa kundi umupo sa upuan sa tabi niya at hawakan ang kamay niyang nanlalamig. At saka muli siyang umusal nang paulit-ulit na salita: sorry.

Sa mga salita at luha ay napadama niya ang lubusang pagsisisi. Kung gano'n ay sinisi rin pala niya ang kanyang sarili sa nangyaring aksidente sa'kin noon.

Gustuhin ko mang sabihin na hindi na maibabalik ng sorry ang mga nangyari, wala naman akong ibang choice kundi tanggapin ang sorry na 'yon. Tapos na. Nangyari na ang lahat. Nandito ako para harapin at tanggapin 'yon.

Imbis na bumigat 'yung pakiramdam ko at magalit sa kanya nang maalala ko na naman 'yung mga ginawa niya. Tumayo ako at niyakap siya kaya mas lalong lumakas ang kanyang pag-iyak.

Nagtagal kami sa gano'ng posisyon, walang mga salitang sinasabi kundi paghingi ng tawad, walang kahit anong paliwanag. Hanggang sa pumasok na 'yung nurse kaya kinailangan ko nang lumabas. Sinalubong ako ni Mama, pinahid niya 'yung basang pisngi ko.

"Ang totoo niyan, bago siya magpa-admit sa ospital dito, dinalaw ka niya sa manor," sabi bigla ni Mama habang nagmamaneho, pauwi na kami. "I didn't tell Miggy about that visit, I know he'll be upset."

"Hinayaan n'yo po siyang dalawin ako?"

"Yes," sumulyap siya sa'kin saglit, "hindi ko pa siya napapatawad noon pero hinayaan ko siya dahil... tatay mo pa rin siya."

Muli kong kinapa 'yung dibdib ko kung ano 'yung nararamdaman ko ngayon. Mas nangibabaw 'yung pakiramdam ng awa kaysa sa sama ng loob. Senyales ng isang hakbang sa pag-usad. Napangiti ako sa sarili ko dahil... dahil alam kong tama 'yong ginawa ko.

Dahan-dahan... Dahan-dahan lang na hakbang.

Nang makauwi kami sa manor ay nakahanda na 'yung hapunan. Kung dati'y mag-isa ako noong kumakain, ngayon ay kasama ko na si Mama, dito na rin siya sa manor natutulog kasama ko. Paminsan-minsan ay dumadalaw si Miggy at sumasabay sa'ming mag-tanghalian o meryenda.

Nalaman na nga rin pala nina Quentin at Deanna ang nangyari kaya sinugod nila ako rito sa manor. Tuwang-tuwa si Quentin habang si Deanna naman ay nanggagalaiti sa'kin. Pinakilala ko sila kay Mama nang magpunta sila noong isang hapon.

Inis na inis pa rin si Deanna, niratratan na niya ako sa cell phone pero niratratan pa rin niya ako sa personal. Keyso sayang daw 'yung effort ko at effort niya sa pagtakas dito tapos babalik din daw pala ako rito sa Canada.

Tinawanan lang namin siya ni Quentin nang biglang mag-iba 'yung mood niya, na-excite kasi siya nang maisip na pwede na kaming gumala kung saan-saan.

"Remi, don't trust this bitch, mabait lang 'yan sa'yo kasi alam niyang may mahihita siya sa'yo—ouch!" biglang sinapok ni Deanna si Quentin sa ulo.

"Shut up, Q. Kung may parasite dito, ikaw 'yon, no!" sabi ni Deanna at ngumiti sa'kin. "Remi, I'm your true friend, right? Remember, I helped you!"

"Look! Nanunumbat na—" tinakpan ni Deanna 'yung bibig ni Q kaya natawa na lang ako sa kanilang dalawa.

Bago umuwi ang dalawa ay nakapag-set na sila ng magiging una naming gala, sumang-ayon lang ako at pinaubaya kay Deanna ang pagpaplano dahil siya ang mukhang pinaka-excited sa'ming tatlo. Hindi na rin ako makapaghintay.

Pag-akyat ko sa kwarto ko'y naabutan ko si Mama na may hawak na kahon.

"Ano po 'yan?" tanong ko sa hawak niya.

"Thank goodness hindi tinapon ng maid," sagot ni Mama saka nilapag sa lamesita 'yung kahon. "Ito 'yung box na pinadala ng Auntie mo rito noon, sabi niya baka raw kasi makatulong sa'yo 'yong mga nandito na mabalik 'yung memories mo noong wala kang maalala."

"Talaga po?"

"I'll leave you muna while we prepare the dinner," sabi ni Mama bago ako iwan.

Sabik kong kinuha 'yung kahon at binuksan 'yon sa may study table. Tumambad sa'king paningin 'yung mga bagay na akala ko hindi ko na muling makikita pa. Una ko munang dinampot 'yung photo albums, pagbuklat ko palang ng unang pahina ay naluha na agad ako. Larawan ko noong baby palang ako at karga ako ni Mamang na nasa tabi ni Papang. Bigla ko silang namiss.

Sa bawat pagbuklat ko ng pahina ay nakita ko 'yung paglaki ko, mula sanggol, pagtuntong ng elementary, at high school. Nakita ko rin 'yung pictures noong debut ko. Samu't saring emosyon, lungkot, saya, pangungulila sa kahapon.

Sa dulo ng pahina'y nakaipit ang isang lumang larawan na may sulat ng pentel pen sa ibaba: POKnat, MiNGMing, DETdET, MigGY. Mas lumawak 'yung ngiti ko nang maalala ang masasayang paglalaro namin sa duluhan. Ngayon ko lang napagtanto na napakakulay ng childhood ko dahil sa kanila.

Sunod kong dinampot ang mga cassette tape na pinadala noon ni Poknat. Naalala ko tuloy. Noong tinutulungan ako ni Ms. Adel bumalik 'yung alaala ko, pinatutog niya 'yung mga tape na 'to... Kaya nagawa kong maalala lahat dahil kay Poknat.

Huli kong dinampot ang isang pink envelope na naninilaw na. Nang buksan ko 'yon ay kaagad kong naalala kung tungkol saan 'yung sulat.

Iyon 'yung sulat ko para sa sa sarili ko noong grade six ako. Nang buklatin ko 'yon ay hindi nga ako nagkamali.


To my future self,

Hello! Ako nga pala si Remison, ako ang ten-years old mong sarili. Ang galing 'di ba? Ano na kaya ang tawag nila sa'yo? Mingming pa rin kaya? Kamusta ka naman? Okay ka lang ba riyan? Kumakain ka ba ng madami? Hindi mo na ba hinihiwalay 'yung pasas sa tinapay at carrots sa menudo ni Mamang? Sana kung nasaan ka man ngayon palagi kang okay.

Ahm... Marami akong itatanong sa'yo, alam mo naman bata pa lang ako napakakulit ko na raw sa dami ng tanong ko. Makulit ka pa rin kaya? Marami ka pa rin bang tanong? Masaya ka ba kung nasaan ka man?

Si Mamang, sana kasama mo pa rin siya. Lab na lab natin si Mamang, 'di ba? Sa edad ba na twenty-two may asawa ka na kaya? O anak? Wala kasi talaga akong idea kung anong mangyayari pagkatapos ng sampung taon, sabi ni Mamang mabilis lang daw ang oras eh kaya minsan kinakabahan ako.

Nagdodoktor ka na kaya? Ano na 'yung trabaho mo? Ilan na kaya ang boypren mo? Hehe... Sorry ang kulit ko, parang wala akong kwentang kausap. Kamusta nga pala kayo ni Kambal? Ni Azami! Sana palagi pa rin kayong nagkikita at nagkukwentuhan kahit na nagkahiwalay kayo noong hayskul.

Ahm... Marami ka na sigurong bagong kaibigan, ano? Marami ka na rin sigurong mga lugar na napuntahan.

Sana nahanap mo na 'yung gusto mong gawin sa life, at sana palagi mong ginagawa 'yung bagay kung saan ka masaya. Kapag malungkot ka isipin mo na lang 'yung mga taong mahal mo, kahit na lumaki kang walang mama at papa, hindi nagkulang si Mamang at Papang para sa'yo—para sa'tin.

Hindi man natin ma-meet ang isa't isa, sana maalala mo ako, si Remison, ang batang makulit—ikaw at ako ay iisa.

At isa pang kahilingan, sana huwag mong kalimutang mahalin 'yung sarili mo.

Nagmamahal,
Mingming (Remison)

Umiiyak na pala ako matapos kong mabasa ang liham mula sa nakababata kong sarili. Nilapat ko 'yung sulat sa dibdib ko, para bang niyayakap ko rin 'yung batang Remison. Tiyak kong naghihintay siya ng kasagutan mula sa akin.


*****

To my twelve-year-old self,

Hi, Remison! Ako nga rin pala ang twenty-eight years old mong sarili. Pasensiya ka na kung sixteen years na ang lumipas bago kita ma-replyan. Para sa una mong tanong, hindi na nila ako tinatawag na Mingming, si Auntie at Poknat na lang ang tumatawag sa'kin ng ganyan dahil ang nickname ko na ngayon ay Remi. Sosyal, 'di ba?

Okay naman ako. Iyan ang sagot ng mga matatanda kapag tinatanong sila kahit hindi naman talaga sila okay. Pero kung totoong sagot ko? Sinusubukan ko araw-araw maging okay dahil life is short para malugmok at ma-depressed. Kaya, huwag kang mag-alala masyado, mas strong na ako ngayon.

Salamat sa pagtanong kung kumakain ako ng marami, noong magising ako sa coma halos hindi ako kumakain dahil wala akong gana. Pero sa paunti-unti kong pagbangon sa buhay, bumabalik na ulit 'yung gana ko.

Hindi na ako gano'n kakulit, Ming. May mga tanong kasi tayo minsan na hindi magagawang sagutin ng ibang tao. May mga mahihirap na tanong na tanging Diyos lang ang makakasagot. Kaya ikaw, palagi kang magpe-pray sa kanya, ha.

Masaya ba ako? Simple lang 'yang tanong mo pero mahirap sagutin. Kasi iba-iba tayo ng depinisyon ng pagiging masaya. Dati, masaya na tayo kapag nakakapaglaro tayo sa labas, hindi ba? Pero ngayon? Kumplikado na masyado eh. Pero wag kang mag-alala, masasagot ko rin 'yan.

Sorry, Ming... Hindi ko na kasama si Mamang ngayon, eh. Kinuha na siya sa langit... Pero huwag kang malungkot! Nawala man si Mamang, dumating naman ulit si Mama sa buhay ko, nandiyan din sina Auntie at mga kaibigan ko. Hindi ako nag-iisa dahil sa kanila—hindi na tayo nag-iisa.

Sa edad kong 'to, kahit na parang napag-iwanan ako ng mundo, wala pa rin akong asawa at anak. Huwag kang kabahan kasi lahat naman ng mga nangyayari ay may right timing. Darating din tayo sa puntong 'yon sa tamang panahon.

Sa kasamaang palad hindi ka nagdoktor, narealize mo noong high school na hindi mo pala trip ang subject na science. Alam kang nakucurious ka sa magiging trabaho mo pero huwag kang mangamba dahil maraming biyayang darating sa buhay mo at hindi lahat ng tagumpay ay nasusukat sa propesyon o trabaho at kung gaano karami ang pera mo.

Gusto kong malaman mo, Ming, may mga tao sa buhay natin na sadyang dadaan lang at hindi mananatili. Maaga nating natutunan na walang permanente sa mundo at sobrang okay lang 'yon. Palagi mong iisipin na sa tuwing may mawawala o umaalis sa buhay mo ay palaging may paparating na bago na mas mainam para sa buhay natin.

Salamat nga pala, dahil pinaalala mo sa'kin—sa huli mong kahilingan, na parati kong mamahalin muna ang sarili ko. Salamat dahil pinaalala mo 'yon dahil ngayon ay nakuha ko nang mahalin ang sarili ko ng buong-buo.

Mahal kong batang Mingming, palagi kang mananatili rito sa aking puso at kalooban. Katulad nga nang sinabi mo, ikaw at ako ay iisa. Palagi mo ring bubuksan ang mga mata mo para makita ang mga magagandang bagay sa mundo dahil napakarami mong makikita na nakamamangha.

Palagi mo ring buksan ang puso mo, at huwag kang matatakot na masaktan dahil bahagi 'yon ng ating buhay. Ang sakit ay siyang patunay na sulit ang pagmamahal na binibigay natin sa mundo.

Mahal din kita,
Remi


Kakatapos ko lang basahin 'yung liham na sinulat ko bilang sagot sa bata kong sarili. Palagi kong dala ang liham na 'to kahit na saan ako magpunta. Ngayong nandito ako sa Paris, nakaupo sa isang bench at tinatanaw ang magandang tore na sumisimbolo ng pag-ibig.

Isang taon na pala ang lumipas...

Hindi ko rin sukat akalain na sa maikling panahon ay magagawa kong pumunta ng iba't ibang bansa. Nag-umpisa ang paglalakbay ko nang sumama ako kay Mr. Najwan sa India para maging pormal niyang estudyante sa kanilang eskwelahan at ashram.

Naging bahagi ako ng international organization na lumilibot sa mundo upang tumulong sa mga kapos-palad na kabataan. Ang trahedya na sinapit ng buhay ko ay siyang naging kalakasan ko, naging speaker ako para ibahagi ang aking kwento at inspirasyon sa marami.

Nagkaroon ako ng iba pang mga kaibigan sa iba't ibang bahagi ng mundo, dahil doon ay natuto ako ng kanilang mga kultura, lenggwahe, pagluluto, at marami pang iba. Walang kamukat-mukat ang batang Remison kung gaano ka-adventurous ang magiging buhay niya sa hinaharap.

Biglang tumunog 'yung phone ko at nakitang tumatawag si Mama.

"Hello, Ma?"

"Remi, dear, sorry if naabala ko ang bakasyon mo, kinukulit kasi ako ng auntie mo kung anong oras ka raw ba makakauwi bukas."

Napangiti ako. Miss na miss na ako panigurado ng bruha kong Auntie. "I'll check, Ma, tatawagin ko na lang si Auntie para matanong ko na rin kung anong gusto niyang pasalubong."

"Sure. Take care, ha. Love you!"

"Love you din po." Nang ibaba ko ang tawag ay napatingala ako sa langit.

Bukas, uuwi na ako ng Pilipinas.

*****

KATULAD nang ipinangako ko kina Burma ay umuwi ako ng Pilipinas para dumalo sa first birthday ng inaanak kong si Travis.

Siyempre, para naman mai-flex ko sa kanila ang cooking skills ko ay nagvolunteer ako na magluto ng ilang putahe.

Naki-join na rin si Aiza at Corra para tumulong. Si Honey ay hahabol na lang dahil naghalf-day lang ito, sabi'y dadalhin daw niya at ipakikilala ang bago niyang nobyo.

Habang nasa kusina kami ay walang humpay ang tsikahan at tawanan namin. Si Aiza, ayon, bitter pa rin sa love life niya. Si Corra naman ay dedicated single-mom.

"Naku, Corra, ha, baka naman tinatago mo lang sa'min na may kinakalantari kang lalaki," sabi ba naman ni Aiza habang naghahalo.

"'Di mo talaga ko titigilan sa pang-iintriga mo?" tinaas ni Corra 'yung kutsilyo na hawak, naghihiwa kasi siya.

"Joke lang, sis! Ito naman, 'di mabiro!" Biglang pumasok si Burma sa kusina at halatang stress na stress sa pag-aayos sa labas. "Hoy, Burmakels, smile naman diyan, mukha kang nanay na may sampung anak—aray!" Binatukan kasi siya nito .

"Naku, Aiza, huwag ka nang dumagdag sa stress ko, ha." Umalis din ito nang kuhanin 'yung kahon.

Dinig na dinig sa labas 'yung tilian ng mga naglalarong bata, dumating na rin kasi ata 'yung mga kamag-anak nina Burma at Bobby.

"What's next, Chef Remi?" tanong ni Corra.

"Uy, bagay! Alam mo, friend, sa yaman mo, bakit hindi ka magpatayo ng mga restaurant, ano?" komento ni Aiza. Kinuwento ko sa kanila na balak ko sana 'yon kaso hindi pa tapos 'yung mission ng organization namin kaya hindi ko pa maitutuloy.

Bago magsimula 'yung party ay successful naming naihanda 'yung mga pagkain. Naiwan pa rin ako sa kusina para gawin saglit 'yung dessert na tinuro ni Olly sa'kin noong magkita kami sa Italy. Narinig ko na nagsimula na 'yung program sa labas.

"Remi! Mamaya na 'yan! Lumabas ka naman para ma-enjoy mo ang party!" sabi ni Aiza nang pumasok sa kusina.

"Wait lang—"

"Mamaya na 'yan, may games for adults!" Wala na 'kong nagawa nang hilahin ako ni Aiza papuntang garden. "Wait! Si Remi raw sasali!"

"Ano bang laro 'to, Aiza? Kapag 'to sayaw-sayaw hindi ako sasali—"

"Hahaha! Paper dance!" sigaw niya sa'kin at hindi talaga ako binitawan. "Sinong wala pang partner diyan?!"

"Ako, wala pang partner." May nagsalita sa likuran at nang lumingon kami ni Aiza ay bigla ba namang tumili ang gaga. Ako naman ay muntik nang mahulog ang panga sa lupa.

"Alright, ladies and gentlemen, alam n'yo naman na ang mechanics ng larong 'to." Nangibabaw bigla 'yung boses ng clown na host sa harapan.

Para kong natuod sa kinatatayuan ko habang nakatingin lang sa kanya. Ngumiti siya nang malapad at nang dumapo 'yung kamay niya sa braso ko'y parang may libo-libong boltahe ang dumaloy doon.

Dinala niya ako sa gitna kung nasaan ang ibang players. Inayos niya 'yung diyaryo sa sahig at saka muling tumindig at tumingin sa'kin.

"Long time no see, Ming."

"I-ikaw pala, Poknat."

"Mi—" bago pa niya matuloy ang sasabihin niya'y biglang tumugtog nang malakas ang isang nakakaindak na sayaw.

Kumilos ang ibang players, sumayaw habang umiikot-ikot sa diyaryo. Noong una'y nakatayo lang ako at nakita ko sila Aiza na sumesenyas sa'kin na gumalaw. Narinig ko ang mahinang pagtawa ni Poknat, bigla ba naman siyang sumayaw ng hiphop at gumiling kaya naghiyawan ang mga tao.

Hindi ko alam kung mahihiya ba ako o ano. Wala akong ibang nagawa kundi umikot at sumayaw kahit na hindi ko alam kung paano...

Biglang huminto 'yung music at muntik na kong mawalan ng balanse nang bigla niya kong hilahin para makantuntong sa papel. Nang magkalapit kami'y biglang nangibabaw ang lakas ng tibok ng puso ko. Pero kaagad din 'yong naputol nang muling tumugtog 'yung music.

Tinupi niya sa kalahati 'yung papel bago ulit kami umikot at sumayaw. Kitang-kita ko kung gaano kaganda 'yung ngiti niya habang sumasayaw, para bang nagpapa-impress talaga sa mga nanonood. Ni hindi ko nga inalintana 'yung mga kumukuha ng pictures at video sa'min dahil sa kanya lang ako nakatingin.

Muling huminto 'yung music at parehas kami ulit humakbang sa papel, nakahawak ulit siya sa'kin at mas malapit kami sa isa't isa. Nagpatuloy 'yon hanggang sa unti-unting lumiit ang papel at espasyong namamagitan sa'ming dalawa—kulang na lang ay magyakap kaming dalawa.

"Final two na lang!" dinig kong sabi ng host.

Napatingin ako sa kalaban namin, nakita kong kumaway sa'min si Honey at si Viggo? Dinig na dinig ko 'yung sigaw nila Aiza na kulang na lang ay maglupasay.

Tumugtog ulit 'yung music, umikot at umindak kaming dalawa. Napatingin ako sa papel at nakitang kakapiranggot na lang 'yon. Biglang huminto 'yung music, nasulyapan ko si Honey na pinasan ni Viggo.

Sa pagkalutang ko'y hindi ko napaghandaan ang biglang pagbuhat sa'kin ni Poknat. Umugong na naman ang hiyaw sa paligid.

"Kapit ka." Sinunod ko naman siya, kinawit ko 'yung braso ko sa leeg niya.

Hindi ko alam kung paano nababalanse ng isang paa niya habang buhat-buhat ako. Halos nakayakap na rin pala ako sa kanya at langhap na langhap ang pamilyar niyang amoy.

Ngayon ko lang din mas malapitang nakita ang mukha niya. Wala na 'yung hikaw niya, malinis ang pagkaka-ahit ng bigote, 'yung buhok naman niya'y hindi na mahaba. At 'yong mga mata niyang nakakalusaw kung tumitig—gano'n pa rin...

"Kamusta, Mi—"

"Congratulations!" biglang sumulpot 'yung host sa gilid namin kaya muntikan na kaming matumba. "Ang galing n'yo!"

Binaba ako ni Poknat at kinuhanan kami ng larawan habang hawak ang mga premyo namin. Pagkatapos no'n ay bigla siyang dinumog ng iba pang mga bisita para makipag-picture sa kanya.

Hanggang ngayon wala pa rin palang kupas ang karisma niya sa mga tao. Habang may nakikipag-selfie siya ay sumusulyap-sulyap siya sa'kin. Wala akong ibang nagawa kundi bigyan siya ng ngiti.

"Look, nadumihan ka," biglang may tumabi sa'kin at pinagpagan 'yung tuhod ko.

"Miggy," gulat kong sabi nang makita siya. "Mabuti nakaabot ka. Hindi ka man lang nagtetext."

"Of course." Hinalikan niya ako sa pisngi. "I'm starving. Kumain ka na ba?"

"Oo—" sumulyap ulit ako sa kinaroroonan niya at nakitang nawala na 'yung ngiti niya sa labi. 


-xxx-

THANK YOU AGAIN! o(* ̄▽ ̄*)o

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top