Gitara
Gitara by D. Lavigne
A Valentine Special from #GuiltyReads writing community.
+++
"Ready ka na?"
"Yata?" sagot ko.
Natawa siya. "Para kang ewan, Rob. Ano, tuloy pa ba natin 'to?"
"Oo. Pero teka lang kasi, Lian. Kinakabahan ako." Nagkamot ako ng batok.
"Kailan ka pa kinabahan sa harap ng camera?" Tinutok niya ulit sa akin 'yong cellphone ko. "Dali na. Kanta na."
Hindi naman kasi sa harap ng camera ako kinakabahan. Sa 'yo.
Hindi ko naman 'yon pwedeng sabihin. Hinawakan ko sandali 'yong band-aid sa ibabaw ng ilong ko para kumalma. Bahala na nga.
Inatras ko nang kaunti 'yong armchair saka umayos ng upo hawak ang gitara. "Game na."
"Wait. Palit tayo ng pwesto. Mas maganda kung nasa video 'tong teacher's table at green board."
Wala na akong choice kundi sumunod. Boss, e. Kanina pa kami rito sa Room 106. Inabot na nga kami ng uwian sa dami ng suggestions niya.
Hindi niya alam, para sa kanya naman 'tong pauso kong "video clip para sa crush kong nasa malayong lugar". Pero syempre, sikreto ko lang 'yon. Lagot ako kay insan.
"Three... Two... One..."
"Happy Valentine's Day... crush," sabi ko sabay ngiti sa camera. "Para sa 'yo 'to."
Sa camera lang ang tingin, Rob. Sa camera lang.
Ngumiti ako nang mas malapad kaysa kanina bago ko tinuon ang atensyon ko sa paggigitara.
Para sa 'yo 'to, Lian...
🎶Bakit pa kailangang magbihis
Sayang din naman ang porma
Lagi lang namang may sisingit
Sa tuwing tayo'y magkasama 🎶
Natawa ako noong makita kong kumunot ang noo niya. Hindi kasi ito 'yong kinakanta ko kanina. Sinadya ko. Para kasing sinulat 'yong kanta para sa aming dalawa.
🎶Bakit pa kailangan ng rosas
Kung marami namang nag-aalay sayo
Uupo na lang at aawit
Maghihintay ng pagkakataon 🎶
Sabi sa akin ng ugok na si Migs, dagdag pogi points ang marunong kumanta at maggitara. Sa iba siguro, oo. Kasi 'yong babaeng nasa harap ko ngayon, alam kong iba ang gusto.
Sa isang writer siya nahulog at hindi sa singer. Kung magsusulat din ba ako ng kwento, may pag-asa na?
May pag-asa na rin ba ako sa kanya?
🎶Hahayaan na lang silang
Magkandarapa na manligaw sa'yo
Idadaan na lang kita sa awitin kong ito
Sabay ang tugtog ng gitara
Idadaan na lang sa gitara 🎶
"Tigil mo na 'yong video. Panood ako." Lumapit ako sa upuan niya.
Inabot agad sa akin ni Lian 'yong cellphone ko. "Ba't iniba mo 'yong kanta?"
"Kasi 'yon na mismo ang gusto kong sabihin sa kanya," sagot ko.
"Alin?"
"'Yong kanta mismo. Sana, makuha niya 'yong hint."
Tumango-tango siya. "So, anong oras mo balak iparinig 'yan sa crush mo?"
Lian, 'yong hint.
"Tapos na," wala sa sariling sagot ko.
Natahimik kami.
"Umm..."
"Tapos na... akong kumanta. Salamat, Lian."
"Wala 'yon. Ano ka ba?" Mahina niya akong pinalo sa balikat. "Tara na. Gabi na."
"Akin na bag mo. Hatid na kita sa inyo," offer ko.
Hindi ko na siya hinintay sumagot. Kinuha ko na sa kamay niya 'yong bag.
Nasabi ko naman 'yong gusto kong sabihin ngayong araw. Ang saya.
Happy Valentine's Day... crush.
+++
February 14, 2018
Practice Writing #1: 500-word One-shot
Word count: 495
+++
D's note:
Kaunting silip lang po ang one-shot na 'to mula sa sinusulat ko ngayong nobela. Sabay-sabay tayong magkakuliti. Pwedeng mag-appear ulit ang scene na 'to sa kwento pero through PoV na ni Lian. Pwede rin namang hindi na dahil gusto ko lang bigyan ng chance si Rob sa special chapter na 'to. Depends sa hinihingi ng kwento.
For comments, corrections or reactions dito sa "Gitara" at sa mga sinusulat ko, nandito lang po ako lagi, naghihintay at handang makinig. Pwedeng-pwede ilagay ang mga 'yon sa comment box, pm, or through twitter.
Tutal magkakakuliti ka na rin lang dahil sa pagbabasa nitong one-shot, baka gusto mong sumilip din sa account na 'to: @DeeeeLavigne sa twitter. Diyan tayo maglabasan ng sama ng loob. Jk. Nandito lang ako kung kailangan mo ng kausap. Medyo shy type lang po ako. Hihihi.
(/ω\)
Credits din po pala sa may-ari ng picture na ginawa kong cover. Bigla ko lang naisip 'tong one-shot at si Rob pagka-search ko. Kyot. Thank you. Sa Parokya ni Edgar na gumawa ng kantang Gitara, thank you rin po.
At higit sa lahat, salamat po sa pagbabasa o sa pagbisita. Happy Balentayms Day~
(*゚▽゚)ノ❤❤❤
+++
#DiditWrites
#DRoadForImprovement
+++
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top