Curious x2

Curious x2

Written by D. Lavigne

+++

"Dito ka muna. May kukunin lang ako sa salas," paalam ni Yohan.

Tumango-tango si Shane saka agad na inilibot ang mga mata sa loob ng kuwarto. Lilibangin na lang muna niya ang sarili sa pamamagitan ng pang-uusisa.

Wala namang kakaiba sa kuwarto ni Yohan. Masinop na nakasalansan ang mga libro nito sa shelf kasama ng ilang Pokemon action figures bilang display. Puno ng anime posters ang dingding pero sa paraan na hindi masakit sa matang tingnan ang pagkakadikit. Nakalagay rin sa tamang lagayan ang mga damit at kahit medyas. Pati ang kama at mga unan sa ibabaw nito ay nakaayos din sa isang tabi.

'Nakakahiya naman manggulo dito,' isip ni Shane.

Nilapitan niya si Stitch sa kama at pinindot-pindot ang ilong nito. Mukhang ito lang yung tanging bagay na reasonable niyang galawin para hindi halata na nakikialam siya habang wala yung may-ari. Nang hindi makuntento ay niyakap na niya si Stitch saka pinanggigilan. Ang cute, e. Binitiwan niya lang ito nang makita ang isang picture frame sa gilid ng tv.

"Baby picture ni Yohan?" bulong ni Shane sabay kuha ng frame. Napahagikhik siya. "Tabachoy. Pero cute."

"Hoy! Anong sinisilip mo diyan?"

Napalingon si Shane sa likod dahil sa sumigaw. Kinabahan kaya humigpit ang hawak sa frame. Hindi siya naninilip, may tinitingnan lang! Nang masiguro na walang ibang kasama sa kuwarto at sa labas nanggagaling ang ingay ay natawa siya.

"Nandito si Ate Shane?"

Napangiti siya nang marinig ang baby bro ni Yohan sa labas ng kuwarto.

"Oo. Bakit?" boses ni Yohan.

"Papasok din ako!"

"Hindi pwede, may gagawin kami."

"Ano gagawin n'yo?"

"Secret."

Nagulat si Shane nang biglang pumasok si Yohan sa kuwarto. Bumaba ang tingin nito sa frame na yakap na niya ngayon. Napangiwi siya.

Natawa si Yohan saka marahang kinuha sa kamay niya ang frame. "Bakit tinitingnan mo 'to? Ang taba ko dito."

"Cute naman, e." Huli na para bawiin niya ang sinabi.

Natahimik sila.

"Uyyy... Si Kuya at Ate Shane..." singit ni baby bro na nakapasok na rin pala sa kuwarto. Sumiksik ito sa gitna nila para manukso.

"Ba't nandito ka? Labas nga!" bulyaw ni Yohan sa kapatid kasabay ng mahinang pagtulak dito at saka isinarado ang pinto. Tumingin ito sa kanya. "Sorry."

"Okay lang. Ano, game na sa review?" sagot ni Shane.

"Sige."

"Papasok sabi, e!" Hinampas ni baby bro ang pinto. "Kuya!"

"Maglaro ka sa labas! Hindi pwede dito!" sigaw ni Yohan.

"Ba't hindi pwede?! Hindi naman ako manggugulo, e! Papasok kasi!"

"Ang kulit naman! Sinabing--"

"MAMA! PAPA! NAKITA KO PO SINA KUYA AT ATE SHANE, NAGKIKISS!"

"Puchanggala," mura ni Yohan.

Agad na namula ang mukha ni Shane. Pinaypay niya ang sarili gamit ang kamay.

Mainit ba talaga? Kanina hindi naman, a.

"Teka lang, ha? Lalabas ulit ako," paalam ni Yohan na mabilis na tumalikod.

Napaisip si Shane sa nakitang reaksyon ni Yohan. Namumula ang mga tenga nito. Bago ito tuluyang lumabas, nasilip niya ang simple nitong ngiti.

Ano kayang ibig sabihin n'on?

+++

Guilty Reads v.2.0 activity

January 11, 2020 (Monday)

+++

#GuiltyReads

#DiditWrites

#DRoadForImprovement

+++

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top