Chapter 19: Memories
CHAPTER 19
Nararamdaman niya ang tensyon sa paligid. Hindi lang sa mga kaganapan na tila isang malaking paligsahan ng langit at ng lupa kundi sa kabuuan ni Rovan. May pagmamadali sa mga kilos nito nang magbihis ito at hindi na nito kinakailangan pang sabihin sa kaniya dahil kumilos na rin siya para mag-ayos. Saktong matapos siya ay lumapit sa kaniya ang lalaki at hinawakan siya sa kamay para hilahin pasunod dito.
"Leave everything."
Napapalunok na tumango siya at sumunod sa lalaki. Pero imbis na dumiretso sila sa kinapaparadahan ng sasakyan sa pagtataka niya ay tinahak nila ang daan papunta sa likod ng bahay kung saan sila nagtungo nang puntahan nila ang kinaroroonan ng mga magulang nito.
Kaagad nilang narating iyon pero hindi sila huminto ro'n at sa halip ay nagtuloy-tuloy sila papasok sa kasukalan. Mahigpit ang pagkakahawak ng binata sa kaniya na para bang sinisiguro nito na hindi siya mawawala habang ang mga mata nito ay nakatuon sa harapan nila.
Impit siyang napatili nang marinig niya ulit ang malakas na dagundong mula sa langit. Kasunod no'n ay ang bahagyang paggalaw ng inaapakan nila na lupa. Ginapangan siya ng takot sa nararamdaman sa paligid na kahit hindi niya alam kung ano ang nagbabadiya ay parang una iyong nakikilala ng buong systema niya. Mukhang hindi lang siya ang ganoon kundi maging ang mga maliliit na nilalang na namamalagi sa kinaroroonan nila. Naririnig niya ang maliliit na ingay mula sa mga insekto at ang mga ibon na kanina ay nagkukubli sa mga puno ay ngayon nagsisiliparan paalis sa kinaroroonan nila.
"Rovan..."
"Don't be scared." sabi nito sa kaniya habang nanatiling nakatingin sa harapan nila. "Don't be scared, baby. You'll be okay."
Sa loob ng ilang mga araw ang mga salitang iyon ang paulit-ulit niyang naririnig mula sa lalaki. Na magiging ayos sila. Magiging okay lang sila. Pero hindi na siya sigurado kung talaga bang iyon ang nararamdaman ng lalaki o sinasabi lang nito iyon para sa kaniya. Hindi siya sigurado kung ang mga salitang iyon ay para ba sa kanila...o para sa kaniya lang. Dahil alam niya na handa si Rovan gawin ang lahat basta maging ligtas siya. Kahit ano alam niya na kaya nitong itaya. Kahit maging ang sarili nitong kaligtasan. Iyon ang hindi niya magagawang hayaan.
Nagpatuloy sila sa paglalakad. Hindi niya alam kung gaano na katagal mula ng umalis sila sa bahay. Basta ang alam niya ay hindi niya na matanaw iyon mula sa kinatatayuan no'n. Tanging mga puno na lang ang nakapalibot sa kanila ang nakikita niya na para bang kinukubli sila ng mga iyon.
Kasabay ng kumakabog niyang dibdib ay bahagya na rin siyang nakakaramdam ng pagkahingal. Para sa taong katulad niya na kadalasang maghapon lang na nasa isang lugar at nagtatrabaho ay hindi ang mga pisikal na gawain ang nakasanayan ng katawan niya. Sa kabila no'n ay hindi siya nagreklamo at sumusunod lang siya sa lalaki.
Ngunit dahil na rin sa pagod ay unti-unti ng bumabagal ang paglakad niya na kung hindi lang dahil kay Rovan na nakahawak pa rin sa kaniya ay baka naiwan na siya nito. Mukhang nararamdaman naman iyon ng lalaki dahil sa unang pagkakataon ay bumagal ang paglalakad nito hanggang sa huminto ang lalaki.
Madilim ang mukha ng lalaki ngunit alam niya na hindi iyon para sa kaniya dahil nang magtama ang mga mata nila ay tanging pag-aalala lang ang nakita niyang naiwan na nakabakas doon. "We need to keep going. Just a little bit more."
"O-Okay."
Nagbaba ang lalaki ng tingin sa mga paa niya na dahil sa pagmamadali ay ang pambahay na tsinelas lang ang naisuot niya. Manipis lang iyon at dahil sa mga batong nadaanan nila ay ramdam niya ang bawat baon no'n sa talampakan niya.
Nagtagis ang mga bagang ng lalaki at mariing napapikit. Kita niya kung paanong parang sinisisi nito ang sarili sa nangyayari. Kusang umangat ang kamay niya at marahang inilapat niya iyon sa braso ng binata dahilan para mapamulat ito.
"I'll carry you."
Umiling ako, "Rovan mahina ka pa. 'Yung mga nangyari kagabi-"
"Please, baby. I need you to let me carry you."
Natigilan siya sa pagsusumamo sa boses nito at sa pagka-alarma sa mga mata ng lalaki. Wala na siyang nagawa kundi tumango na lang. Tumalikod ito sa kaniya at bahagyang umuklo para magawa niyang sumampa sa katawan nito. Animo wala lang dito ang bigat niya na tumayo ito habang siya ay napahawak na lamang sa balikat ng lalaki.
Muli itong nagsimulang maglakad at sa pagkakataon na ito ay naging mas mabilis ang pagkilos ng lalaki. Halos takbuhin na nito ang distansiya na tinatawid nila patungo sa direksyon na hindi niya alam kung saan ang hahantungan.
Alam niyang hindi siya magaan at base na rin sa nangyari kagabi ay inaasahan niya ang pagod na ibinibigay no'n sa lalaki. Pero sa kabila no'n ay nagpatuloy ito sa ginagawa habang ang pokus nito ay tila hindi magagawang matibag kahit sa mga kakaibang pangayari na ngayon ay pumapalibot sa kanila. Kita niya kung paanong tumulo ang pawis sa gilid ng mukha nito indikasyon ng pagod na marahil ay nararamdaman na ng binata. Kung normal lang siguro ito na pagkakataon ay baka magawa ito ni Rovan na hindi kababakasan ng kahit na anong senyales na nahahapo ito. Pero iba ngayon na tila may kung anong nagdudulot sa mga pagbabagong nangyayari rito.
Ilang minuto pa ang lumipas bago niya naramdaman ang pagbabago sa dinadaanan nila. Unti-unti iyong nagiging pababa at mas lalong naging madami ang mga punong nakapalibot sa kanila at malalaking mga bato na para bang nakabaon sa mga lupa. Napatingin siya sa mga iyon at sa pagtataka niya ay may namataan siyang tila mga nakaukit sa bato. Mga salita na hindi niya maintindihan dahil hindi iyon nakasulat sa mga letra na nakasanayan niya.
Napahawak siya ng mahigpit sa lalaki nang maramdaman niya ang biglang pagbagal nito at pag-iba ng direksyon. May namataan siya na malalaking mga bato na para bang hinubog ng kalikasan para magmukha iyong maliit na masisilungan. Kung tama siya ay para bang tatlong tao lang ang maaaring magkasya roon.
Sa pagkabigla niya ay maingat siyang binaba ni Rovan at muling hinawakan sa mga kamay. Iginaya siya nito patungo roon at marahan siyang itinulak papasok sa loob hanggang sa maramdaman niya ang malamig na bato sa likod niya. Hinawakan nito ang ulo niya na nararamdaman niyang dumidikit sa bato na nasa tuktok lang ng ulo niya dahil sa baba no'n at inalalayan siya para makaupo bago tumabi sa kaniya.
"Rovan, anong nangyayari?" pinipigil man ay lumabas ang takot sa boses niya. Hinawakan ng lalaki ang kamay niya at saglit na hindi nagsalita habang pilit nitong binabawi ang hininga nito. Ang akala niya kanina ay maputla ang mukha nito ngunit ngayon ay mas lalo pang nawalan ng kulay ang lalaki. "Natatakot ako."
"No." sabi ng lalaki at umiling. "Magiging okay ka lang."
"Tayong dalawa. Gusto kong maging ayos tayong dalawa."
Nand hindi nito magawang makasagot ay napayuko siya at napasubsob sa mga kamay niya. Kasabay ng luha na kusang dumaloy mula sa mga mata niya dahil na rin sa nararanasang pagkabahala at pagod ay naramdaman niyang pumalibot sa kaniya ang mga braso ni Rovan.
"This is a sacred ground, Eliana." bulong ng lalaki sa tapat ng tenga niya. "We didn't have a church before. Malayo kami sa sibilisasyon. Pero sa loob ng maraming taon ay siniguro ng mga magulang namin na magkakaroon kami ng sagradong lugar kung saan magiging ligtas kaming magkakapatid. Everyday they will walked here to pray over and over again. Mula sa bahay namin hanggang dito, inukit ng ama ko sa mga bato ang mga pangalan naming magkakapatid kasama ng mga sulat na inkantasyon. My father scribbled them with the oldest of languages that were from his time of creation."
Nag-angat siya ng mukha at sinalubong niya ang mga mata ng lalaki. Tumataas-baba ang dibdib niya sa kaba na hindi niya magawang pawiin. "Sino iyong babaeng dumating? Sinong tinatakbuhan natin? Saan tayo pupunta pagkatapos nito? Si Nanay paano? Paano tayo? Paano ka? Iyong mga nangyayari sa'yo alam nating parehas na hindi iyon normal. Paano kung dahil do'n mawala ka sakin? P-Paano kung...paano... " Unti-unti nang nagiging histeriya ang kaba niya at hindi iyon nakaligtas sa lalaki.
Hinawakan nito ang magkabila niyang pisngi para pilitin siyang manatiling nakatingin dito. Ang bahid ng pag-aalala sa mga mata nito ay naglaho na at sa halip ay napalitan iyon ng determinasyon. "Hindi ako mawawala sa'yo katulad ng sabi mo na hindi mo ko iiwan."
"Rovan-"
"Red is a succubus. Isa siya sa mga alagad ng unang sukubo." Nagtagis ang mga bagang nito sa sumunod nitong binitawang mga salita. "Hindi nila gagalawin ang nanay mo. That's why the heaven is taking action. You're mother is a mortal. They won't let the dark harm her. But it's different with you. They don't know what to do with you because you're mine. The moment that I took part of your light and soaked it in, you became tangled in this play."
Bumakas ang pagsisisi sa mukha nito dahilan para hawakan niya ang mga kamay nitong nakadikit sa balat niya. Puno ng pang-unawa na tumango siya, tinatanggap kung ano man ang ibinibigay sa kanila ng tadhanang nakaukit sa mga palad nila. "Mahal mo ko?"
"Higit pa sa buhay ko."
Muli ay tumango siya bago niya inilapat ang isang kamay sa tapat ng puso nito. Nag-iisang bagay na alam niyang mananatiling tama para sa kaniya sa kabila ng lahat. Iyon ay ang puso nito na naging kaniya at ang kaniya na naging pag-aari nito. "Higit pa sa buhay ko."
NAALIMPUNGATAN siya nang maramdaman niya ang pag-ugoy ng katawan niya. Napabalikwas siya ng bangon pero hindi niya kaagad nagawa iyon nang may pumigil sa katawan niya. Sinakmal ng takot na napasigaw siya na natigil lang nang maramdaman niya ang pamilyar na kamay na humawak sa kaniya.
"It's okay, Eliana. You're safe."
Lumingon siya sa kaliwa niya at para siyang nabunutan ng tinik nang makita niya si Rovan na kasalukuyang nagmamaneho. Ang bagay na pumigil sa bigla niyang pagkilos ay ang seat belt ng sasakyan.
Inilibot niya ang paningin sa paligid. Base pa lang sa itsura noon sa loob ay alam na niyang hindi ito ang kotse na pag-aari ng lalaki. "Paano tayo nakaalis? Kanino 'tong sasakyan na 'to?"
"This is my car. Nakaparada na ito sa bahay ng kapatid ko na nasa mas malapit sa kinaroroonan natin kanina. I was just buying us some time and that place where we at is a place that the first succubus won't easily track. Posible pero hindi magiging madali."
"Paano ka nakakasigurong hindi siya nakasunod sa atin?"
Humigpit ang mga kamay nito sa manibela ng sasakyan bago saglit siyang tinignan. "Mahahanap pa rin niya tayo. Pero umaasa akong may sapat na tayo ng oras para makarating sa pupuntahan natin." Bahagya itong lumapit sa manibela para magawa nitong tignan ang langit. "The sky is quiet and so does the earth. We have time."
Pinasibad nito ang sasakyan. Hindi niya alam kung saan sila pupunta pero hindi na iyon mahalaga. Dahil mas importante na magkasama sila. Hindi mawawala iyong takot. Hindi maiaalis sa kaniya ang pag-aalala. Pero kailangan niyang maging matatag dahil hindi pa sila tapos. Hindi sila maaaring matapos hanggang hindi nila nakukuha ang kalayaan na maging magkasama sa paraan kung saan hindi na mawawala sa kaniya si Rovan sa matagal na panahon na mabubuhay siya rito sa mundo.
Napakapit siya sa upuan nang bigla na lang lumiko si Rovan kasabay ng pagbagsak ng isang malaking puno na nasa gilid ng dinadaanan nila. Nanglaki ang mga mata niya nang makita niyang hindi lang iisa iyon at nasundan pa ng nasundan.
Lalong inapakan ni Rovan ang gasolina para mas lalong humarurot ang sasakyan. Rinig niya ang ingay mula sa busina ng mga sasakyan na kasalubong nila habang ang mga nasa likuran nila ay walang nagawa kundi huminto dahil sa mga puno na nagsisibagsakan.
Muling niliko ng lalaki ang sasakyan hanggang sa maramdaman niyang lumiko at pagkatapos ay naging pataas na ang dinadaanan nila. Malakas itong bumisina at kaagad umiwas ang mga taong nagsisitakbuhan pababa. Kita ang takot sa mga ito dahil sa muling pagyanig ng lupa. Hindi iilang sasakyan ang nakasalubong nila ngunit hindi alintana ni Rovan ang liit ng daan at nanatiling mabilis ang takbo nito.
Nang marating nila ang tuktok ay basta na lang itong nag preno at pinatay ang sasakyan. Tumunog ang seat belt niya nang pindutin nito iyon at sa isang iglap ay hinila na siya nito sa kandungan nito bago binuksan ang sasakyan. Inuna siya nitong ilabas bago ito sumunod sa kaniya.
Pakiramdam niya ay may lamig na gumapang sa kaniya nang makita niya kung nasaan sila. Lugar na alam niyang magiging ligtas sila. Lugar kung saan alam ni Rovan na magiging ligtas siya. Ngunit hindi ito.
Sa isang simbahan.
"Ayoko!" sigaw niya nang hawakan siya nito sa kamay.
"Eliana, go!"
Nilingon niya ang tinitignan nito at ibayong takot ang sumaklot sa dibdib niya. Isang babae ang nakatayo di kalayuan sa kanila. Walang pagmamadali sa kilos ng babae habang lumalapit sa kanila na para bang alam na nito na ito na ang panalo sa laro nila.
"Go!"
Sinunod niya ang utos ng lalaki ngunit hinawakan niya ito sa kamay para makasunod ito sa kaniya. Tinakbo nila ang daan pataas patungo sa simbahan na nasa ituktok ng mataas na lugar. Halos bumaon ang kuko niya kay Rovan ngunit hindi nito iyon ininda.
Ilang hakbang na lang sa pintuan nang simbahan nang maramdaman niya ang pwersa na tumama sa katawan niya na nasundan ng paggapang ng sakit sa likod niya nang tumama siya sa matigas na kahoy na pintuan ng simbahan. Narinig niya ang malakas na pagtawag sa kaniya ni Rovan.
Pilit niyang itinayo ang sarili niya at inignora ang sakit na nararamdaman. Inangat niya ang ulo niya at doon niya nakita si Rovan na ilang dipa lang ang layo mula sa kaniya. Kita ang mga ugat nitong lumalabas sa leeg nito habang tila pinaglalabanan ang hindi makitang tali na humihigpit dito. Habang sa harapan nito ay nakatayo ang babae na hindi man lang inangat ang kamay ngunit alam niyang siyang dahilan kung bakit hindi makagalaw ang lalaki.
"Go, Eliana. You need to go." he whispered.
"Hindi ako aalis." bulong niya pabalik habang pilit inaangat ang sarili mula sa pagkakasadlak sa lupa. Sa nanlalabong paningin ay ibinaling niya ang mga mata sa babae na tanging kay Rovan lang nakatingin. "Tama na. Parang awa mo na. Tama na."
"Ang parusa mo ay ang maging katulad ng ama mo."
Malamyos ang boses ng babae at animo may tunog ng kampana na dinadala ang boses nito sa hangin. Ngunit kabaligtaran ng kampana ng simbahan na nag aanyaya sa mga taong nananalig para sa isang pagbubunyi dahil ang sa babae ay tila nagbabadiya ng panganib na parating.
"Parusa na minana mo dahil sa kataksilan ng ama mo."
"N-Nahanap ko na ang sagot sa sumpang binigay mo pero ikaw ang hindi sumusunod sa kasunduan." marahas na wika ni Rovan dito.
"Iiwan ka nila, tadhana ang mismong bubura sa kanila, o ikaw mismo ang dahilan bakit sila mawawala. Ginawa ko ang kasunduan na iyon dahil alam ko na isa sa tatlo na iyon ang sasalubong sa'yo sa bawat subok mo na hanapin ang taong magpapakawala sa'yo mula sa akin." mahinang sabi ng babae bago lumipat ang tingin nito sa kaniya. Kita ang nag-aalab na galit sa mga mata ng babae na mula sa kulay itim ay naging pula. "Pero dahil sa kaniya lahat ng 'yon hindi nangyari."
"Tinalo ka ng mga magulang ko. Tanggapin mo ulit ngayon na hindi ka na naman mananalo sa pagkakataong 'to."
"Ang parusa mo ay ang maging katulad ng ama mo." ulit nito sa naunang sinabi at pagkatapos ay itinuro siya. "Ang parusa niya ay pagtanggal ng parusa na iyon sa'yo. Kaparusahan kung saan magmamahal siya ng taong mawawala rin sa kaniya kapalit ng kalayaan mo sa mga kamay ko. Lahat ng nagdaan sa inyo, bawat araw, bawat oras, bawat segundo...lahat 'yon mawawala. Lahat iyon ay magiging isang alala na maibabaon sa lupa."
Kita ang paggapang ng kulay itim na ugat mula sa leeg ng babae paangat sa gilid ng mukha nito habang ang lupang kinatatayuan nito ay yumayanig na siyang dahilan para magsigalawan ang maliliit na bato sa inaapakan nito. "Ang mawawala sa kaniya ang magpapalaya sa'yo at ang magpapalaya sa'yo ang mawawala sa akin. Hindi ko iyon mapapayagan kahit kailan. Dahil kung mawawala ka sa akin iyon ay sa paraan na pipiliin ko."
Nanglaki ang mga mata niya nang mapagtanto niya ang ibig sabihin ng babae. Hindi nito pakakawalan si Rovan kahit na anong mangyari. Kung hindi nito makukuha ang lalaki sa paraan na gusto nito ay titiyakan ng babae na hindi ito mapupunta sa kahit na sino.
"Hindi!"
Isang makabasag tenga ng sigaw ang nagmula sa mga labi niya na kaagad nilunod ng isa pang nakakabinging tunog. Sa itaas nila kung saan ang kalangitan ay unti-unting dumidilim ay muling gumuhit ang kidlat.
Hindi niya alam kung ano at bakit pero kasabay ng kidlat na iyon ay tila nawalan ng lakas ang babae na nabitawan kung ano mang kapangyarihan ang pinanghahawakan nito laban kay Rovan. Muling nakakilos ang lalaki at tumakbo palapit sa kaniya. Sa panggigilalas niya ay binuksan nito ang pintuan ng simbahan at itinulak siya papasok.
"Hindi pwede! Rovan!"
Tinalikuran siya ng lalaki at humarap sa babae na ngayon ay muling nakatayo. Sa isang kisap-mata ay nasa harapan na ito ni Rovan ngunit pinanatili nito ang distansiya sa pagitan nila at nangangalit ang ngipin na lumingon sa pintuan ng simbahang nasa likod ng lalaki.
"Alam mong hindi mo ako matatakasan. Hindi din ako matatakasan ng babae na 'yan. Lalabas at lalabas siya diyan." Gumihit ang ngiti sa mga labi nito na tumingin sa direksyon niya. "Lalo na kapag nakita ka niyang maging abo."
Sunod-sunod na umiling siya habang ang masaganang luha ay pumapatak mula sa mga mata niya dahilan para mas lalong lumawak ang ngiti ng babae na tila nasisiyahan sa nakikitang paghihirap niya.
"Kung mamamatay ako. Sisiguraduhin ko na hindi iyon sa kamay mo." Itinuro ng lalaki ang langit at muling nagsalita, "Matagal ko ng dapat ginawa 'to pero hindi mo 'yon hahayan. Pero sa pagkakataon na 'to wala ka ng magagawa kung pipiliin ko na mamatay sa pamamagitan Niya."
Naglaho ang ngiti sa mga labi ng unang sukubo nang mapagtanto nito kung ano man ang sinasabi ng lalaki. Umangat ang mga kamay nito at huli na para maintindihan niya kung ano ang ibig sabihin ni Rovan dahil isang hakbang ay umatras ito papasok sa lugar kung saan hindi ito maaaring tumapak.
Muli niyang isinigaw ang pangalan ng lalaki nang makita niyang halos mawalan ng lakas ang tuhod nito sa ginawa. Kaagad siyang lumapit dito at naramdaman niya ang mga kamay nitong pumaikot sa kaniya.
Sinalubong nito ang tingin niya at kumurba ang isang ngiti sa mga labi nito. Pero sa kabila no'n ay hindi nito maikukubli ang nararamdaman nitong sakit dahil maging siya ay nararamdaman iyon mula sa init na nagmumula sa palad nito.
Isang nakakabinging tili ang pinakawalan ng unang sukubo na nanatili sa labas ng pintuan. Naglikha ng pagyanig ang boses nito ngunit walang nagawa iyon sa kanila na nasa loob ng simbahan. Sa kabila ng panghihina ay tinulak ni Rovan ang pintuan upang sumara iyon.
"R-Rovan...hindi ka pwede...hindi ka pwede dito." Umiling ang lalaki at sa halip na umatras ay humakbang pa ito para mas lalong makapasok. "Rovan please..."
"I-Ito lang ang paraan."
Halos hindi niya na makita ang lalaki sa sobrang panlalabo ng mga mata niya dahil sa luha na hindi na maampat. Muli itong humakbang paabante, patungo sa altar ng simbahan na nasa sentro ng lahat. Bumuway ang tayo nito ngunit hinigpitan niya lang ang pagkakahawak dito.
Walang takot sa mga mata nito. Walang kahit na ano kundi pagtanggap lang.
Doon niya naintindihan kung anong gusto nito. Hindi nito gustong manatili sa buhay na meron ito noon. Kung saan lumilipas ang lahat habang ito ay naiiwan na hindi man lang nahahawakan ng kamay ng oras. Hindi rin nito gustong maglaho sa kamay ng babaeng nagtanggal dito ng kakayahan na lumigaya sa maraming panahon.
Kinukuha ni Rovan ang kontrol ng buhay nito pabalik. Kahit pa ang ibig sabihin no'n ay para magawa 'yon ay kailangan nitong ilagay sa sariling kamay ang tatapos sa sarili nitong buhay.
Mariin niyang ipinikit ang mga mata at sa kabila ng puso niyang tila nababasag ay inalalayan niya ito para lumapit sa altar. Sa bawat hakbang ramdam niya ang pagbigat ng katawan nito...sa bawat hakbang rinig niya ang paglikha nito ng tunog na tila nahihirapan ito.
"E-Eliana look at me." Iminulat niya ang mga mata niya para salubungin ang sa lalaki. Inangat nito ang nanginginig na kamay at pinahid ang luha niya. "Mahal kita."
Tumango siya sa kabila ng luha. Binaba ng lalaki ang kamay at may kinuha ito sa bulsa. Pakiramdam niya ay unti-unti siyang nanghihina nang makita niya kung ano iyon. "Rovan..."
Sa kabila ng hirap na nakikita niya rito ay bumitaw ito sa kaniya para magawang kunin ang isa niyang kamay habang sa isa nito ay hawak ang isang singsing. Sinuot nito iyon sa kaniya bago may maliit na ngiti sa labi na tumingin ito sa kaniya. "Higit pa sa buhay ko."
"Rovan..."
"Sa isang katulad ko, imposible ang isang kasal. Pero ngayon sa harap Niya. Sa harap ng Diyos. Ibinibigay ko sa Kaniya ang buong buhay ko habang sayo ang buong puso ko. "
Tinignan niya ang singsing na ngayon ay nasa kamay niya. Singsing na palatandaan ng pagmamahalan na may basbas ng itaas. Alam niya na imposible iyon. Pero gusto niya pa ring hilingin iyon. Dahil alam niyang hindi magiging mali kailanman na nagmahal siya. Lalong-lalo na nang mahalin niya si Rovan.
"Tinatanggap kita, Rovan. Nang buong puso ko. At sa harap ng Diyos wala akong ibang pipiliin na mahalin kundi ikaw lang."
Binulong nito sa hangin ang pangalan niya ngunit bago pa nito maituloy iyon ay bigla na lang bumuway ang tayo nito. Hindi niya nagawang makakilos agad at tuluyan na itong bumagsak sa sahig. Isinigaw niya ang pangalan nito at mabilis siyang lumuhod para daluhan ito pero nanghawakan niya ang binata ay may kung anong kuryente na dumaan sa buong katawan niya.
Napadiretso siya at nakita niyang ganoon din ang lalaki. Namilog ang mga mata niya habang tila may kung anong tumakip sa mga mata niya para lang ipakita na tila pelikula ang unang beses na nakita niya ang lalaki. Makulay iyon na para bang pinapanood niya talaga na mangyari iyon hanggang sa unti-unting kumupas ang kulay at maiwan na lang ay dilim.
Napakurap siya at kita niya sa mga mata ng lalaki na naiintindihan nito ang nangyayari sa kaniya. Pilit niyang inalala kung ano ang bagay na nakita ngunit kahit anong gawin niya ay walang pumapasok sa isipan niya.
"R-Rovan anong nangyayari?"
Hinapit siya ng lalaki palapit dito at marahang hinaplos ang mukha niya. "Eliana."
"Ayokong mawala ka sa akin." nagsusumamamong wika niya sa lalaki. "Hindi ko kaya. Please. Hindi ko kaya, Rovan."
"Mahal kita."
"Rovan-"
"Mahal kita higit pa sa buhay ko. Ikaw ang pinakamagandang nangyari sa'kin. I was lost for a long time until I found you. I was lost in a world where pain is the only thing that I know how to live with. There's no light in that world, Eliana. There's nothing but dark and even the tiniest bit of light can't enter. Until I found you. In that one moment, I was found. In that one moment I able to feel what it's like to have light. Lahat ng hirap, lahat ng sakit...lahat iyon hindi na naging mahalaga dahil nahanap kita."
Napayuko ito na para bang hindi na nito kayang suportahan maging ang sarili nitong ulo. Kaagad niyang sinalo ito dahilan para mapasubsob ang mukha nito sa leeg niya. Sa kabila ng panghihina ay pilit nitong hinigpitan ang pagkakayakap sa kaniya.
"Kung ito na lang ang tanging meron ako, tatanggapin ko. Dahil nandito ka. Ikaw na nagpalaya sa akin sa simula pa lang na pinaramdam mo sa akin kung paanong mahalin." Kinagat niya ang ibabang labi nang maramdaman niya ang pamamasa ng balikat niya na alam niyang nagmumula sa sariling mga luha ng lalaki. "But if there's something I'm thankful for from that curse I carried all my life is that they're taking me away from your memories. I don't want to leave you knowing that you will be hurting."
"A-Ayoko...ayokong mawala ka."
Itinukod nito ang kamay sa gilid niya upang magawa nitong salubungin ang tingin niya. Nagniningning ang mga mata ng lalaki kung saan bumabagsak ang luha mula roon.
"If it means hurting less when I'm gone, please take the punishment, Eliana. Forget me." Nang umiling siya ay masuyo nitong hinawi ang buhok niya at inipit iyon sa likod ng tenga niya. Katulad ng lagi nitong ginagawa. "Someday...someday I'll find you again. I will find a way to remember and come back to you. So please...please be strong for me. For just a little while."
"Mahal kita." ang tanging salita na nagawa niyang sabihin sa lalaki.
Tumango ito at nginitian siya, "We will find a way back into each other. Be strong, Eliana."
Kasabay ng pagbaba ng mukha nito palapit sa kaniya at ang paglapat ng kanilang mga labi ay isa-isang nagdidilim bawat kulay ng memoryang nakabaon sa isipan niya. Bawat oras, bawat minuto...bawat segundo. Unti-unti ay naglaho ang mga iyon.
Ngunit hindi sa puso niya. Hinding-hindi sa puso nilang dalawa.
"Mahal kita, Rovan. Kaya maghihintay ako. Hanggang sa dumating ang oras na pwede na tayong magmahal ng hindi nasasaktan. Kung saan pwede na tayong magmahal ng malaya."
Doon sa lugar kung saan nabigyan ng tuldok ang mahaba nitong buhay ay doon din nagkaroon ng dulo ang sila na nagdaan. Dahil doon ay naiwan lahat ng alaalang noon ay naging kanila. Lahat ay naglaho sa isipan nila ngunit hindi sa puso. Hindi sa puso nila na magagawang maalala ang isa't-isa para tuparin ang pangako.
___________________End of Chapter 19.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top