Chapter 18: Burn

CHAPTER 18

Hindi magawang itigil ni Eliana ang pag paparoon parito niya habang kagat ang ibabang labi na napapatingin sa ngayon ay natutulog na si Rovan. Pagkatapos ng nangyari sa jacuzzi at mag-aya na itong umahon ay halata na niya ang tila panghihina ng lalaki. Tinangka niya itong tulungan pero tumanggi ito at sa halip ay pinakiusapan siya kung pwedeng umorder siya ng pagkain dahil nagugutom ito. Iyon na nga ang ginawa niya pero nang balikan niya ito sa kwarto ay natagpuan niya itong nakasadlak sa sahig at walang malay. Ngayon nga ay isang oras na ang nakakalipas at malamig na ang pagkain na dumating. Hanggang ngayon din ay hindi niya pa rin alam kung anong gagawin niya.

Muli siyang napabuntong-hininga at lumapit sa kama. Umuklo siya at inilapat niya ang palad niya sa noo ng lalaki. Napasinghap siya at marahas niyang binawi ang kamay niya. Normal na mainit ang temperatura ni Rovan pero sa pagkakataon na ito ay tila nag aapoy ito sa sobrang init na ang hawakan lang ito saglit ay nakakapaso na sa pakiramdam.

Napapitlag siya nang marinig niya ang pag-ungol ni Rovan. Natatarantang tumakbo siya palabas ng kwarto at nagtungo ng kusina. Binuksan niya ang freezer at kumuha ng yelo ro'n. Kalalagay niya lang ng ilan sa mga iyon kanina. Kung ano-ano na ang pinaglagyan niya. Tupperware, plastic, maging mga cup na nakita niya.

Hindi niya alintana kahit na hindi pa buong solido ang mga iyon at itinakbo niya na iyon paakyat pabalik sa kwarto kung nasaan ang lalaki. Ibinaba niya ang mga iyon sa bed side table at pagkatapos ay inabot niya ang bimpo na nakuha niya sa banyo kanina. Kaagad niyang hinuho ang ilan sa mga yelo roon at maingat niya iyong tinalian gamit ng tali niya sa buhok bago niya idinikit sa mukha ni Rovan.

Kita ang hirap sa mukha nito na para bang lumilikha ng pisikal na latay ang init na gumagapang sa buong katawan nito. Sa kabila rin ng lamig na nagmumula sa air conditioning ay nananatili ang butil-butil nitong pawis.

"Rovan...hindi ko alam ang gagawin ko." mahina niyang bulong habang pinipigilan ang pangangatal ng mga labi. Halos malasahan niya ang sariling dugo sa pagkakakagat niya sa mga iyon.

Alam niya kahit hindi pa nito sabihin na hindi siya maaaring tumawag ng doktor dahil hindi normal ang nangyayari rito. Tiyak siyang walang ospital ang magagawang solusyunan ang problema ni Rovan.

Halos mabitawan niya ang hawak nang bigla na lang magmulat ng mga mata ang lalaki. Ngunit hindi ang maamong mga mata nito ang sumalubong sa kaniya dahil ang noon ay itim na mga mata ng lalaki ngayon ay pulang-pula. Hindi na pwede 'to. Kailangan may gawin ako.

"Don't be scared." he whispered in a pained voice. "J-Just...just sleep in another room, Eliana."

Umiling siya at muli niyang idinikit ang bimpo na may yelo sa mukha nito. "Hindi ako natatakot. Dito lang ako. Hindi ako aalis sa tabi mo."

"Eliana..."

"Kailangan kitang itayo. Hindi ko alam kung paano...pero kailangan...."

Halos buong lakas niya ang kinuha nito nang alalayan niya ito at mahiga sa kama. Hindi niya alam kung paano niya magagawa iyon ulit na sa pagkakataong ito ay sa may kalayuang distansiya. "Rovan, please..."

Muli itong napaungol na tila ba hirap na hirap ito na ikilos ang katawan nito. Sa kabila niyon ay pinilit nito ang sariling katawan na maingat habang siya ay kaagad dinaluhan ito. Nilagay niya ang braso nito sa balikat niya at inalalayan niya ito sa pagtayo. Pinigilan niya ang sarili na gumawa ng ingay hindi lang dahil sa bigat nitong nakadantay sa kaniya kundi maging sa balat nito na nagdudulot ng hapdi sa balat niyang nadidikitan niyon.

"Okay lang tayo. Okay lang, Rovan, ha? Kaya natin 'to."

Hindi iilang beses na tumama sila sa kung saan at hindi rin iilang beses na halos manghina ang mga tuhod niya. Pero hindi niya binitawan ang lalaki. Nanatili siyang pinapasan ang bigat ng katawan nito at tinitiis ang pagkagat ng sakit sa balat niya hanggang sa makarating sila sa banyo.

"Konti na lang." bulong niya sa binata habang palapit sila sa malaking bath tub. Inalalayan niya itong makaupo sa gilid no'n bago niya tinapik ng marahan ang pisngi nito hanggang sa magmulat ito ng mga mata. "Kapit ka."

Mahina siyang napaigik sa sakit nang maramdaman niya ang kamay nito na dumantay sa balikat niya. Pilit na iniinda niya iyon na yumuko siya para magawa niyang iangat ang mga binti nito at ipasok iyon sa loob ng bath tub. Pagkatapos niyon ay maingat niya itong tinulungan na makababa roon.

"Hintayin mo ko ha? Babalik ako."

"Eliana..."

"Babalik ako."

Halos takbuhin niya ang palabas ng banyo para pumanaog ng bahay. Kinuha niya ang mga natirang yelo at pagkatapos ay tumakbo siya ulit para umakyat. Tumuloy siya sa kwarto at kinuha ang mga yelo na naroon pa bago niya tinungo ang banyo. Naabutan niya roon si Rovan na nakayukyok sa gilid ng bath tub na animo hindi na nito kaya pang suportahan maging ang ulo nito.

Hindi na nagpapatumpik-tumpik pa na binuksan niya ang faucet at siniguro niyang nakaturo ang hawakan no'n sa kulay asul na buton. Kailangan niya ng malamig na tubig.

Binuhos niya lahat ng hawak na yelo sa bath tub. Hindi iyon sapat pero iyon lang ang meron sila. Wala siyang alam na mabibilan ng kahit na ano sa lugar na ito at malayo rin ang kinaroroonan nila. Hindi rin siya marunong magmaneho.

Sobrang helpless ng pakiramdam niya. Wala siyang magawa para rito samantalang ito napakadami ng ibinigay sa kaniya. Ngayon na kailangan nito ng tulong niya ay hindi niya alam kung ano pa ang maaari niyang ibigay dito.

1Nakita niyang kumilos si Rovan at pilit na nag-angat ng tingin sa kaniya. Para bang nararamdaman nito ang emosyon niya. "Eliana...I'm okay."

"Ano pang pwede kong gawin? Sabihin mo sa'kin. Kailangan may gawin ako." bulong niya sa binata.

Umiling lang ito at mahinang nagsalita, "I'm okay."

Tuluyan nang tumulo ang mga luha na kanina niya pa pinipigilan. Dahil alam niyang malayo ang sinasabi ni Rovan sa nararamdaman nito. Hindi niya kailanman nakita ito na ganito. Laging may buhay sa mga mata ng lalaki, ngiti sa mga labi, at hindi ito kababakasan ng kahinaan. Pero sa pagkakataon na ito ay lahat iyon ay tila hinubad paalis sa lalaki.

Nawalan ng lakas ang mga tuhod na napaluhod siya sa gilid ng kinaroroonan nito. Inabot niya ang mukha nito at hindi niya pinansin ang sakit na bunga ng paghawak niya rito. Umangat ang sarili nitong kamay at hinawakan siya sa braso upang mapilitan siyang ibaba ang mga kamay.

"I-I'm hurting you."

Tinignan niya ang direksyon ng mga mata nito. May pulang marka sa braso niya habang ang sa balikat niya ay sa sobrang pula ay may ilang parte na tila nalapnos at bahagyang nagdudugo. "Okay lang ako."

"W-We're both liars then." sabi nito habang may maliit na ngiti sa mga labi. Ngiti na agad napawi habang ang paghinga ng lalaki ay tila ba kinakapos. "Y-You need to go."

"Hindi. Hindi ako aalis."

"Eliana...I-It's not safe to be around me..."

"Hindi mo ako magagawang saktan." Inabot niya ang isang bimpo na nakasabit sa tabi niya at inilublob niya iyon sa tubig bago niya idinampi iyon sa balat ng lalaki. "Hindi kita iiwan."

"I-I want to give you years...decades...I want us to have that..." he whispered.

Pinahid niya ang mga luha sa mga mata niya at tumango, "Alam ko."

"I-I don't know what's happening, Eliana. B-But I...I don't think we have a lot of time."

"Alam ko."

Nanatiling nakatingin lang sa kaniya ang lalaki. May sakit sa mga mata nito na sa pagkakataon na ito ay alam niyang hindi lang dahil sa sakit na nararamdaman nito. Latay ng sakit dahil sa kinahaharap nila, sakit mula sa pangamba sa nag-iintay sa kanila, at sa takot sa maaaring kahantungan ng lahat. Ramdam niya ang latay na 'yon maging sa kaniya. Pero hindi siya aalis. Kung may mga dekada sila na nalalabi, limang taon, isa, limang buwan, isang buwan, isang linggo, o isang araw...hindi iyon mahalaga. Mananatili pa rin siya sa tabi nito.

Sa kabila nang nakikita niya na pagkakaiba nila, alam niyang hindi mahalaga iyon. Dahil hindi ang mga mata niya ang nakakakita kundi ang puso niya. Ito ang pinili niya. Si Rovan ang pinili niya. Kaya hindi siya bibitaw. Hindi siya aalis.

Kahit na ano pa ang mangyari.

"I-It's cruel."

Bahagya siyang lumapit sa lalaki nang marinig niya itong magsalita. Mahina ang boses nito at hindi niya masyadong narinig iyon. "Rovan?"

"I-It's cruel...this life. Gusto ko lang naman ng ordinaryong buhay. Gusto ko lang naman mabawi ang ninakaw sa amin. Living the life I had...it was a constant battle of gripping hard to the humanity in me and to fight the pull of not having any. I'm not a human but I also don't believe that I'm a demon. Or I like to believe that I'm not completely one of them. I didn't belong anywhere...until you came into my life."

"Rovan..."

"P-Pero pakiramdam ko pinarurusahan pa rin ako. Tanggap ko kasi alam kong marami akong naging pagkakasala. But I didn't want this life, Eliana. Believe me, I tried to end this. I wanted to die not changing. I wanted to die as a human. All my life I carried the punishment that I earned just by being born. But it's too much. It's too much because for the first time in my life I have something to lose. And I don't want to lose you."

Inangat niya ang mukha nito at pilit niyang pinagtama ang kanilang mga paningin. Hindi niya alintana ang sakit na dinudulot ng pagdadaiti ng mga balat nila. Hindi niya iyon maramdaman dahil mas masakit ang sakit na nagmumula sa mahigpit na pumipiga sa puso niya.

"Kahit anong mangyari hindi ako mawawala at hindi ka rin mawawala sa akin. Kasi kahit saan pa matapos ang lahat ng 'to alam kong mahahanap natin ang isa't-isa. Kasi pinangako mo 'yon sa'kin. Kasi iyon ang sinabi natin sa harapan ng mga magulang mo. Hanggang dulo, Rovan. Hanggang sa dulo hindi ako bibitaw."

Pinakawalan lang niya ang malakas na paghikbi nang makita niyang pumikit ang mga mata ng lalaki. Tinakpan niya ang sariling bibig na para bang maitatago no'n ang nararamdaman niya na pilit kumakawala.

Nakikiusap po ako. Huwag Niyo siyang kunin sa akin. Hindi niya kasalanan kung bakit nagkaroon siya ng ganitong buhay. Huwag Niyo naman pong ipagkait sa kaniya na maging masaya. Huwag Niyo namang ipagkait sa amin na manatiling magkasama. Nakikiusap ako. Hayaan Niyo na mahalin ko siya.



MARAHANG PAGHAPLOS sa balikat niya ang nagpagising sa kaniya. Nalilitong nagmulat siya ng mga mata at nagpalingon-lingon. Nasa ibabaw siya ng malambot na kama habang may mga kamay na dumadampi sa kaniya.

Si Rovan. Nagsibalikan sa kaniya ang mga nangyari nang nagdaan na gabi dahilan para mapabalikwas siya ng bangon. Akmang tatayo na siya mula sa kama nang maramdaman niya ang kamay na humawak sa braso niya. Mainit na palad ngunit hindi nakakapaso.

"I'm here, baby."

Nilingon niya ang pinanggalingan ng boses at namilog ang mga mata niya nang makita niya si Rovan na nakaupo sa gilid ng kama. May suot ito na puting bathrobe at may hawak na tube ng gamot.

"Rovan..."

"I'm okay." sabi nito at binigyan siya ng maliit na ngiti. "I'm really okay."

Muli nitong dinampian ang balikat niya ng ointment. Malamig iyon sa pakiramdam na nakakatulong para bahagyang mapawi ang hapdi na nararamdaman niya sa balikat niya. "Rovan sigurado ka bang okay ka na?"

Maputla ang lalaki at walang kulay ang mga labi nito. Sa kabila no'n ay bumalik na sa dati ang temperatura nito maging ang kulay ng mga mata ng binata. Pero hindi niya maintindihan. Maaari ba na ganoon na lang? Na parang walang nangyari at babalik na ito sa dati?

"I hate that I did this to you."

Hinawakan niya ang kamay nito para pigilin iyon sa ginagawa. Umikot siya ng upo para mapaharap siya sa binata at sinalubong niya ang mga mata nito. "Hindi ikaw ang gumawa nito sa akin."

"Eliana-"

"Wala kang kasalanan kasi kung may iba lang paraan, kung iba lang ang sitwasyon, hindi mangyayari ito. Kasalanan ng demonyo na iyon na gumawa sa'yo nito at sa mga kapatid mo ang lahat ng 'to. Kasalanan niya kasi dinamay niya ang mga inosenteng tao para sa pagkaganid niya. Wala kang kasalanan dahil biktima ka."

Inangat nito ang kamay niya at hinalikan iyon. Sandaling nanatili lang ang labi nito sa balat niya habang nakapikit ito na para bang sa pamamagitan no'n ay magagawa nitong pigilan ang sariling nararamdaman.

Nang magmulat ito ng mga mata at ibinaba ang kamay niya ay kita niya ang sari-saring mga emosyon na lumalangoy sa mga mata nito. "This will be hard but I need you to listen."

"Ano-"

"Under the staircase of your house, I left some money that will let you and your mother have a comfortable life. I also transferred money in your savings account. Hindi ko maaaring ilagay lahat doon dahil ayokong masilip iyon nang bangko kapag nagkataon. It's not safe and I don't trust banks."

Nanglaki ang mga mata niya sa tinutungo ng usapan. Sunod-sunod na umiling siya ngunit hinigpitan lang nito ang pagkakahawak sa mga kamay niya at nagpatuloy.

"That house, it's fully paid. The deed is under your name." Bumuka ang labi niya para magsalita pero umiling ito na para bang sinasabi na patapusin niya ito. Tinikom niya ang bibig niya at kagat ang ibabang labi na nanatili siyang naghihintay sa sasabihin ng lalaki. "I want to take care of you. And I still want to that in case that I won't be around to make sure of that. Hindi ko alam kung anong mangyayari pero gusto kong masiguro na magiging ayos ka. Write your graphic novel, do art, work somewhere you want, or even build your own business. Just promise me that you will do all the things that will make you happy."

"Rovan-"

"Your mother..."

Napapikit siya nang matigilan ito. Dahil hindi miminsan na nagkrus sa utak niya ang kalagayan ng ina. Noon ay akala niya isang himala lang ang lahat. Pero nang dumating si Rovan...nang malaman niya kung ano ito ay may mga katanungan na namuo sa isipan niya. Alam niya sa puso niya na hindi maaaring nagkataon lang ang biglang paggaling ng kaniyang ina. Malubha ang karamdaman nito. End stage. Kahit ang mga doktor ay hindi maipaliwanag ang nangyari.

"I know I should have told you earlier but I don't know how. Ako ang dahilan kung bakit nadugtungan ang buhay ng nanay mo. I searched for someone that can help me save her and he did." Huminga ito ng malalim bago muling pinisil ang kamay niya. "But it's not enough, Eliana. It's just a few more years. I'm sorry."

Kita niya ang pangamba sa mga mata nito sa maaaring maging reaksyon niya lalo na nang manatili siyang tahimik. Marahil ay inaasahan nito ang galit na makukuha mula sa kaniya ngunit hindi iyon ang nararamdaman niya.

"Hindi ko masasabing magagawa ko na ihanda ang sarili ko pero sa pagkakataon na 'to mabibigyan pa kami ng pagkakataon ni Nanay na magkasama. Mabibigyan pa ako ng pagkakataon na ipakita sa kaniya na magiging ayos lang ako. Ang masabi sa kaniya ang mga bagay na noon ay hindi ko magawa. Kaya salamat na ibinigay mo iyon sa amin." Kita ang pagkagulat sa mga mata nito sa sinabi niya ngunit sa pagkakataon na ito ay ang lalaki naman ang hininto niya sa pagsasalita. "Alam kong gusto mo akong alagaan. Alam kong nag-aalala ka. Pero gusto kong maintindihan mo, Rovan. Iyon pera, iyong bahay, o kung ano mang pangarap kong gawin sa buhay...hindi iyon ang kailangan ko. Kasi ikaw lang. Ikaw ang kailangan ko."

"I want to give you that too. But it's one thing that I can't assure."

"Nangako ka."

"Eliana-"

"Kahit na anong mangyayari panghahawakan ko 'yon. Na kahit anong mangyari babalik at babalik tayo sa isa't isa."

Hindi ito nagsalita at sa halip ay nakatingin lang ito sa mga mata niya. Hindi siya nag-iwas ng tingin at sinalubong niya ang sa lalaki na parang pinaparating niya sa pamamagitan no'n ang ang mga salitang gusto niya pang sabihin dito. Ipinararamdam.

Mariing pumikit ito habang ang mga kamay ng lalaki ay bumitaw sa kaniya para lang ipaikot iyon sa bewang niya. Hinila siya ni Rovan palapit sa katawan nito at naramdaman niya ang pagdampi ng labi nito sa tuktok ng ulo niya.

"Sa kabila ng eskalang tumitimbang sa lahat, sa kasamaan at kabutihan, sa tama at mali, ay sa gitna niyon ay may lugar para ang liwanag at dilim ay magtagpo."

Nag-angat siya ng tingin sa lalaki at nagsalubong ang mga kilay niya sa tinuran nito. "Anong ibig mong sabihin?"

"Sinabi iyon ng ama ko noon. Sa mundo may dalawang bigat na nasa timbangan ng buhay. Kasamaan at kabutihan. Pero siguro nga may lugar para magtagpo ang lugar na iyon. It's not only black and white. Maybe there are shades of gray. And in those, maybe we can create our own conclusion. I'm black and you're white. Maybe together we can have those shades in between. Maybe there is hope."

"Sabi mo hindi mo mahanap ang lugar mo. Hindi ka ordinaryong tao at hindi mo rin hinahayaan ang sarili mo na maging sila. Narating mo ang oras na 'to na nananatili ka sa gitna ng balanse. Doon pa lang nagawa mo ng baliin kung anong parusa ang ipinatong sa'yo. Dahil ikaw ang nagdesisyon sa sarili mong tadhana. Kaya hindi ka magpapatalo. Hindi ngayon kung kailan nahanap na natin ang isa't isa." Inilapat niya ang kamay sa tapat ng dibdib ng lalaki kung saan nararamdaman niya sa palad ang mabilis na tibok ng puso nito. "Hindi ka pababayaan ng mga magulang mo kasi nandito lang sila. Hindi kita pababayan kasi nandito din ako sa puso mo. At higit sa lahat hindi ka pababayaan ng Diyos dahil nandito tayo. Patunay na sa kabila ng lahat ay pinagtagpo niya tayo."

Pagbigkas niya nang mga huling kataga na iyon ay mula sa labas ay dumagundong ang malakas na kulog na sinundan ng paguhit ng kidlat sa kalangitan. Lumingon sa bintana si Rovan kung saan kita nito ang isa pang beses na pag marka ng kidlat sa langit.

May kung anong sakit na bumakas sa mga mata nito at naiintindihan niya iyon. Minsan na nitong sinabi na sa tingin nito ay wala ng nakikinig sa mga panalangin nito. Ang sabi nito ay matagal na ang huling beses na humarap ito sa itaas para hilingin ang sagot. Dahil matagal na ipinagkait ng langit ang bagay na gusto nito. Ang mahanap siya.

"Umm, hello? I hate to break this up for you guys but that is not a good sign. If the guy upstairs is knocking, guess who will knock next?"

Narinig niya ang ang marahas na angil na nagmula sa nangangalit na ngipin ni Rovan kasabay ng pag-iiba ng kulay ng mga mata nito. Mabilis siyang hinila nito palayo at itinulak upang maitago sa likod nito.

"Get out, Red."

"Uh no. You should."

Sumilip siya mula sa pagkakakubli at namilog ang mga mata niya nang makita niya kung sino ang nakatayo roon. Iyon ang babaeng nagbigay sa kaniya ng business card ng D-Lair. Katulad noong gabi na iyon ay kulay pula rin ang suot nito mula sa bestida hanggang sa suot nitong sapatos.

"You're one of my favorite toy so I hate to see you getting destroyed without a fight. Kaya umalis na ka na kasama niyang..." Tinapunan siya ng tingin ng babae. "Just go. Kung madali ko kayong nahanap mas madali na magagawa iyon ng unang sukubo."

"Bakit mo ginagawa 'to?" may paghihinala sa boses na tanong ni Rovan.

"Dahil gusto kitang maging katulad namin. But I'm the stupid demon who lead that woman to you. How was I to know what she's the one you're looking for? I thought that was a myth." Pinaikot ng babae ang mga mata bago siya muling tinignan. "If I could just wring her neck then all of this would be over."

Muli siyang nakarinig ng ingay na nagmumula sa kaloob-looban ni Rovan dahilan para sandaling matigilan ang babae at mapaatras. Itinaas nito ang mga kamay at bumuka ang mga labi na para bang may sasabihin ngunit hindi na nito iyon naituloy nang kasabay ng isa na namang pagdagundong na nagmumula sa kalangitan ay isang pagyanig ang naramdaman nila na nagmumula sa lupa.

"Okay. I'm out of here. Bye!"

Pagkasabi niyon ay kung gaano kabilis dumating ang babae ay gano'n din itong kabilis na lumabas ng kwarto papunta sa kung saan ito nanggaling. Palayo sa kanila kung saan nasa sentro sila ng mga kaganapan.

"Rovan..."

Humarap sa kaniya ang lalaki, ang mga mata nito ay nagbalik na sa dati. Hinawakan nito ang pisngi niya at tinitigan siya sa mga mata. Ang takot na nararamdaman niya ay nawala ng parang bula dahil alam niya na hindi siya nito pababayaan.

"We're going to buy some time. Then after that I know where we need to go. Do you trust me?"

Tanging tango ang nagawa niya. Kahit walang kasiguraduhan at kahit hindi nila alam kung ano ang maaaring kahihinatnan ng lahat ay binibigay niya rito ang buo niyang tiwala. Tiwala na nakuha na nito nang hayaan niya itong kunin ang puso niya.

"This will end soon, Eliana."



_______________________End of Chapter 18. 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top