Chapter 15: Effect
CHAPTER 15
Hindi magawang ituon ni Eliana ang atensyon niya sa hawak na pinggan na hinuhugasan. Nakatutok kasi ang mga mata niya sa bintana kung saan kita niya si Rovan na kasalukuyang abala sa pag a-assemble ng patio set. Kadadating lang kasi ng deliver kani-kanina lang.
Kahapon pa nila nalipat sa bagong bahay ang mga gamit nila ng nanay niya. Hindi naman ganoong kadami iyon kaya hindi rin sila nahirapan ni Rovan. Nakabili na rin sila ng kakailanganing mga gamit ilang araw na ang nakakalipas kaya nagsidatingan na ang mga iyon kahapon. Pagkagaling kasi nila sa pag celebrate ng monthsary nila ay hindi na nila natuloy ang balak nito na pupuntahan sana nila. Nagkaroon kasi ng emergency sa ospital ang sanggol na pasiyente ni Rovan kaya kinakailangan nilang bumalik. Kaya kinagabihan nang makauwi ito sa bahay ay itinuloy nila ang date nila sa pag o-online shopping ng mga kagamitan sa bahay. Kaya kaninang umaga ang pagsundo na lang sa nanay niya ang kinailangan niyang intindihin. Dahil ayaw ng binata na mamasahe na lang sila ay ito na mismo ang nagmaneho sa kanila papunta sa bahay.
Imbis tuloy mapaghandaan niya ang pagkikita ng nanay niya at ni Rovan ay naging biglaan na lang iyon. Mabuti na lang talaga at mukhang wala namang problema sa nanay niya nang ipakilala niya ang lalaki bilang nobyo niya.
Nahugot siya mula sa iniisip nang matanaw niya si Rovan na kasalukuyang nakauklo habang inaayos ang patio set. Sinabihan niya na ito kahapon na 'wag na iyong bilhin pero nagpumilit ito. Maganda raw na may mauupuan ang nanay niya kapag naisipan nitong lumabas sa garden.
Okay na rin pala na pumayag na siya. Ngayon tuloy nakikinabang ang mga mata niya habang pinapanood niya ang lalaki. Kupas na pantalon at itim na sando lang kasi ang suot nito at kada yuyuko ang lalaki ay bahagya niyang nakikita ang likod nito. Nagiging aktibo tuloy ang imahinasyon niya dahil alam na alam niya kung ano ang nasa likod ng mga damit nito.
Grabe ka, Eliana. Ang laswa mo na. Ipinilig niya ang ulo sa naisip at pinagpatuloy niya ang pagsasabon sa hawak na pinggan.
"Baka naman mabura na ang kulay niyan anak."
Napaigtad siya nang marinig niya ang boses ng nanay niya na pumasok na pala ng kusina. Mabuti na lang ay nasalo niya ng isa pang kamay ang pinggan kundi nabitawan niya na siguro iyon sa pagkagulat. "Nanay naman eh. Nanggugulat pa."
"Aba kanina pa kaya ako dito. Kanina ka pa kasi nakasilip diyan." Tumingin ito sa bintana na kanina pa niya tinitignan, "Hindi naman mawawala 'yan."
Pinaikot niya ang mga mata at mabilis na niyang tinapos ang kahuli-hulihang pinggan na siyang pinakamalinis sa lahat dahil sa tagal niyang hinugasan iyon. Nang matapos siya ay kinuha niya ang basahan at pinupunasan ang kamay na humarap siya sa nanay niya.
Hindi na ito nakatingin sa kaniya at sa halip ay nasa direksyon na rin ng bintana ang atensyon nito habang mukhang may malalim na iniisip.
"Nay?"
"Doktor siya di ba?"
Saglit na nilingon niya si Rovan bago siya muling tumingin sa nanay niya. "Oo, Nay. Neonatal surgeon siya."
"Mukha siyang mayaman."
Hindi siya sumagot at nanatili lang siyang nakamasid sa nanay niya habang iniintay ito na ipagpatuloy ang sasabihin habang ang dibdib niya ay tila ang lakas ng kabog. Mukha namang walang problema ang nanay niya kay Rovan base sa interaksyon ng mga ito kanina pero wishful thinking lang ba niya iyon? Mali ba siya ng pagkakaintindi?
"Malaki itong bahay na alam kong hindi natin kakayanin ang renta. May dalawa na din akong private nurse na siguradong hindi biro ang kailangan ibayad dahil isang buong araw na halinhinan silang mananatii dito sa bahay."
"Nay..."
Lumingon ito sa kaniya at bahagyang ngumiti. "Alam kong wala kang trabaho. Napansin ko iyon dahil kahit anong oras nakakapunta ka sa ospital. Nakikita rin kita na laging tutok sa laptop mo kaya alam kong kumukuha ka na naman ng komisyon na trabaho. Kaya alam ko rin na hindi mo kayang bayaran lahat ng ginastos natin sa ospital ng dahil sa akin."
Napayuko siya sa sinabi nito. Hindi niya alam na hindi na pala niya nagagawang ikubli rito ang kawalan niya ng trabaho. Paano ba niya naisip na makakapaglihim siya ng kahit na ano sa ina? Kahit may sakit ito ay nanatili pa ring atentibo ang utak ng nanay niya sa mga nangyayari sa paligid nito.
"Mas matanda siya sa'yo, Eliana."
"Nay-"
"Gusto ko lang makasiguro na hindi ka niya ginagamit kapalit ng lahat ng ito."
Napabuntong-hininga siya ng malalim sa narinig. Lumapit siya sa kinatatayuan ng ina at inabot niya ang kamay nito para pisilin. "Nay, 'wag na kayong mag-alala sa akin. Mali kayo ng iniisip."
"Hindi mo maiaalis sa akin ang mag-alala. Kahit pa sabihin na mukhang mabait na bata naman si Rovan ikaw pa rin ang inaaalala ko. Sinalo mo na lahat ng responsibilidad na dapat ako ang gumagawa. Bata ka pa lang ganiyan ka na. Halos wala na akong nagawa para sa iyo dahil ikaw ang halos igapang lahat para lang makaahon tayo sa hirap. Alam ko na hindi naging madali sa iyo ang mga nangyari nitong nakaraan kaya gusto kong makasigurado na hindi ka gumawa ng desisyon na pagsisisihan mo."
"Paano naman Nay na wala kang nagawa para sa akin? Halos kabi-kabila na nga ang trabaho mo mabuhay mo lang ako. Kaya ako natuto na magpakatatag dahil sa'yo. Kaya hindi importante kung hindi man naging madali lahat. Ang mahalaga nalagpasan natin lahat 'yon, Nay, na magkasama pa rin tayo."
"Eliana...inaalala lang kita."
"Alam ko 'yon, Nay. Pero wala ka namang kailangan na ipag-alala. Lalo na kay Rovan. Hindi ko kayang itanggi na ang dami niyang itinulong sa akin. Sa atin. Pero hindi iyon ang dahilan kung bakit ako nananatili sa tabi niya. Gusto kong makasama siya, Nay."
Hindi na nito kailangan pang malaman kung saan sila nagsimula ni Rovan. Kung paanong nagsimula sila sa isang kasunduan at kontrata kapalit ng tulong na ibibigay nito sa kaniya. Ayaw na niyang dumagdag pa iyon sa alalahanin nito at sa bagay na ikakaramdam nito ng guilt. Hindi naman na iyon mahalaga. Dahil matagal ng hindi ganoon ang relasyon nila ni Rovan.
"Si Rovan iyong klase ng tao na mas inaalala ang kapakanan ng iba kesa sarili niya." Idinipa niya ang isang kamay na para bang tinuturo ang nasa paligid nila. "Ganito siya. Kung ano ang sa tingin niyang makakabuti para sa taong importante sa kaniya ay ginagawa niya. Walang kinakailangan na kapalit kasi sa kaniya sapat na iyong alam niyang may nagawa siya para alagaan ang mga tao sa paligid niya."
"Unang beses kaming nagkita, Nay, suko na suko na ako. Pakiramdam ko no'n wala na akong kontrol sa sarili kong buhay. Kasi bawat lingon ko at bawat ikot ko ay iisa lang ang sumasalubong sa akin. Puro problema. Pero nang dumating si Rovan, Nay, alam niyo kung anong una niyang sinabi? Sabi niya sa akin, magiging ayos din ang lahat. Nang mga oras na iyon hindi tulong ang pinaka kailangan ko. Ang kailangan ko no'n ay maniwala ulit na magiging ayos lang ang lahat. At iyon ang ibinigay niya sa akin."
Nanatili lang nakatingin sa kaniya ang ina na para bang tinitimbang ang mga sinabi niya. May kung anong nagdaan sa mga mata nito na sumalamin sa kabuuang ekspresyon na nasa mukha nito. Na para bang nakahinga ito ng maluwag.
"Ang sabi niyo sa akin ay hayaan ko na ang puso ko ang makakita para sa akin. Iyon ang ginawa ko, Nay, kaya ngayon ay nakikita ko na kung ano ang kailangan kong sundin. Walang ibang tinuturo iyon kundi si Rovan."
Sumilay ang maliit na ngiti sa labi ng kaniyang nanay at pagkatapos ay inangat nito ang isang kamay bago marahang tinapik ang pisngi niya. "Wala akong ibang hinangad kundi ang maging masaya ka at ng makahanap ka ng taong kaya kang alagaan lalo na kapag wala na ako sa tabi mo. Kaya masaya ako na nahanap mo siya."
Naramdaman niya ang pangingilid ng luha ngunit pinigil niya iyon sa pagtulo at sa halip ay ngumiti na lang siya. Bago pa may makakilos sa kanilang dalawa ay nahagip ng pansin niya ang pintuan ng kusina kung saan nakatayo na roon ang lalaki na kanina lang ay pinaag-uusapan nila.
Napalingon din doon ang nanay niya. "Tapos ka na iho sa ginagawa mo?"
Sandaling nagpalipat-lipat ang mga mata ni Rovan sa kanilang mag nanay bago ito nagsalita. "Opo. Yung cabinet niyo na lang ang kailangan kong ikabit."
"Bigyan mo naman ng tubig si Rovan, Eliana. Aba'y kanina pa siya nasa initan."
Mabilis siyang bumitaw sa pagkakahawak dito bago nagmamadaling lumapit sa refrigerator. Kapag ginagamit na kasi ng nanay niya ang "Nanay Voice" nito ay kahit sa edad niya ay wala siyang magagawa kundi ang sumunod na lang.
Nang makapagsalin ng tubig sa baso ay lumapit siya kay Rovan para ibigay iyon. Kaagad namang kinuha sa kaniya ng lalaki ang baso ngunit hindi bago niya naramdaman ang paglapat ng mga daliri nito sa kamay niya na para bang sadiya nitong tinagalan pa.
Inisang lagok nito ang tubig habang siya ay nakatulala lang dito. Pinagmasdan niya kung paanong gumalaw ang adams apple nito sa bawat paglunok at ang tubig na gumagapang pababa mula sa kamay nito na hawak ang baso.
Napakurap lang siya at nahugot mula sa trance na nararanasan na naman niya nang may ngiti sa labi na ibinaba ng lalaki ang baso sa center island. Mukhang alam nito ang tinatakbo ng isip niya.
"Thanks."
Bumuka ang bibig niya ngunit walang salita na lumabas mula roon at bago pa niya mahanap ang nais sabihin ay naunahan na siya ng nanay niya sa pagsasalita.
"Samahan mo na si Rovan at baka mainip na 'yan sa paggawa." utos nito.
"Wala kang kasama dito-"
Natigil ang akmang pagpoprotesta niya nang paningkitan siya ng mga mata ng kaniyang nanay. Ang ayaw kasi nito sa lahat ay ang maramdaman nito na hindi nito kayang kumilos mag-iasa. Parehas kasi sila ng nanay niya. Sanay sila na may ginagawa at sanay sila na hindi dumidepende sa iba.
Ang pagkakaiba nga lang sa ngayon ay natuto na siya na pakawalan ang kontrol na mahigpit niyang hawak. Dahil alam niyang hindi niya kailangan matakot bumitaw basta kasama niya si Rovan.
Napapakamot sa ulo na sinundan niya si Rovan na nauna ng lumabas ng kusina. Nang makalabas na rin siya ay nangingiting hinawakan nito ang kamay niya bago siya iginaya patungo sa kwarto kung saan tutuloy ang nanay niya. Sa baba lang kasi ang kwarto na o-okupahin ng nanay niya para hindi na ito mag a-akyat panaog pa. May kwarto rin na maaaring tuluyan ng mga private nurse ng nanay niya. Salitan lang naman kasi ang mga ito sa pagbabantay kay nanay.
Sabi nga niya kay Rovan ay hindi naman kailangan. Nandito naman siya kaya maaasikaso niya ang nanay niya. Pero ayon sa lalaki isa iyon sa mga "selfish thing" na gusto nitong mangyari. Walang problema rito kung siya ang mag-aalaga sa nanay niya basta magkakaroon pa rin ng pagkakataon na makaalis sila dahil may gusto raw itong ipakita sa kaniya na hindi natuloy noon. Ayaw naman nitong maiwan ang nanay niya mag-isa sa bahay at mabuti na raw na nurse ang makakasama ng ina niya para masiguradong magiging maayos ang patuloy na recovery nito.
"I like your mother."
Napatingin siya kay Rovan nang magsalita ito pagkapasok nila sa kwarto ng nanay niya. "Talaga?"
"Mas mabilis ka niyang napapasunod kesa sa akin."
Pinaikot niya ang mga mata niya sa sinabi nito, "Malamang nanay ko 'yon. Na-perfect na niya ang pakikipagtigasan sa akin ng ulo bata pa lang ako."
Mahinang napatawa ito sa sinabi niya bago naiiling na tinungo ang kabinet na hindi pa naitatayo. Binuksan nito ang mga kahon at nagsimula na itong mag assemble habang siya ay nakatayo lang sa isang tabi at nakatingin dito.
Ilang sandali na binalot sila ng katahimikan bago binasag iyon ng lalaki. "Does she like me?"
"Gusto ni Nanay basta gusto ko."
Tinapunan siya nito ng malawak na ngiti na para bang sinasabi nito na gusto nito ang narinig. Either dahil gusto siya ni Nanay o dahil ang ibig sabihin lang no'n ay gusto niya ito. Na para bang hindi pa nito alam ang bagay na iyon.
"May maitutulong ba ako?" tanong niya pagkaraan.
"Yes, actually."
"Ano?"
Itinuro nito ang upuan di kalayuan sa kanila. "Sit there and stay as beautiful as you are."
Pinaningkitan niya ito ng mga mata bago siya humakbang palapit sa upuan at umupo ro'n. "FYI lang ha? Marunong din ako sa mga ganiyan kahit "supposed to be" panglalaki 'yan. Ako kaya ang nag-aayos ng mga gamit sa bahay namin kapag may nasisira. Kaya ko pa ngang umakyat ng bubong para magtakip ng mga butas, ayusin ang lababo namin, at kumpunihin ang sewing machine ni nanay kapag nasisira 'yon."
"Alam kong marami kang kayang gawin. That's why you're not going to do anything right now." Umangat ang sulok ng labi nito nang mag-angat ng tingin mula sa ginagawa, "You have a man now, baby. You don't need to do everything alone anymore."
Katulad ng mga ilang beses na narinig niya ang katagang "baby" mula sa mga labi nito ay pakiramdam niya nawala lahat ng buto sa mga katawan niya dahil sa panlalambot...at sa kilig. Natural na ata kasi sa lalaki ang mga salitang binibitawan nito na tila dumideretso at bumubulusok papunta sa puso niya.
Pinagmasdan niya ito habang kumikilos. Bawat galaw nito ay sigurado. Kung hindi lang niya alam na doktor ito ay baka isipin pa niyang sanay na sanay ito sa mga ganitong gawain. Lalo pa at nakikita niya ang paglabas ng mga umbok ng muscles nito kada gagalaw ito.
Napakagat siya sa ibabang labi dahil alam niya ang pakiramdam no'n sa mga palad niya. Matigas...at puno ng lakas. Sa kabila ng trabaho nito na hindi naman pisikal ay nananatiling alaga ang pangangatawan nito.
"Paanong ang isang surgeon ay magaling din sa mga ganito?" tanong niya rito.
Pinahid ng binata ang pawis sa likod ng kamay nito bago may pilyong ngiti sa mga labi na tumingin ito sa kaniya, "I'm good with my hands. But you already know that right?"
NARAMDAMAN niyang humigpit ang pagkakakapit ni Rovan sa kamay niya bago siya nito bahagyang hinila dahilan para mapunta siya sa kabila nito. Bago pa siya lumingon sa daan ay nauna na niyang narinig ang pag busina ng sasakyan na dumaan sa gilid nila.
"What an ass. Nagmamaneho sa loob ng subdivision pero ang bilis masyado ng takbo. That kind of people should return to their driving school ."
Marahan niyang ibinangga ang balikat niya sa lalaki na ngayon ay naglalakad na sa side ng daan habang siya ay nasa may gutter. "Mahirap magturo ng common sense sa taong walang sense, Rovan."
"That's true."
Inangat nito ang kamay niya at hinalikan bago nito iyon binaba sa gilid nila. Iginalaw ng lalaki ang kamay para hindi na ito nakahawak sa kaniya at sa halip ay pinag-ugnay nito ang mga kamay nila habang patuloy sila sa paglalakad.
Inutusan kasi sila ng nanay niya na bumili ng kulang na sahog sa lulutuin nitong hapunan. Gusto raw nitong ipagluto si Rovan bilang pasasalamat sa tulong nito sa kanila. Dahil may malapit naman na convenience store ay nagpasiya sila na roon na lang bumili. Iyon nga lang bago pa makuha ni Rovan ang susi niya ng kotse ay sinabihan siya ni Nanay na hindi na kailangan iyon kung malapit lang naman. Kaya heto sila at naglalakad papunta sa convenience store na hindi naman talaga gano'n kalapit.
Nakakatuwa lang din na makita si Rovan na hindi makatanggi sa nanay niya. Ang binata kasi ang klase ng tao na mukhang laging may desisyon sa mga bagay-bagay. Bukod sa propesyon nito ay panganay din ito sa magkakapatid kaya sanay ito na mag take charge. Iyon nga lang iba pa rin kapag nanay na ang nagsasalita. Mukhang kahit hindi naman ito anak ni Nanay ay umeepekto pa rin sa binata ang "Nanay Voice" nito.
"Alam mo hindi mo naman kailangan sundin si Nanay. Lalo na at malayo rin pala 'tong pupuntahan natin."
Nagkibit-balikat si Rovan, "Mas mahabang lakad mas matagal kitang makakasama. Nasa bahay naman na si Pearl."
Ang tinutukoy nito ay ang nurse ng nanay niya. Bukas naman ay si Mebonalyn ang papalit dito para makauwi naman si Pearl sa pamilya nito.
"Para namang hindi ka mag a-ala akyat bahay mamaya para matulog sa kwarto ko." Napabuntong-hininga ang lalaki at kunot ang noo na nag-angat siya ng tingin dito. "Hindi ka pupunta mamaya?"
"I need to go back to the hospital. Baka bukas na ang balik ko."
Wala namang problema sa kaniya iyon. Alam naman niya kasi na talagang hindi normal ang oras sa trabaho nito. Iyon nga lang ngayon pa lang ata na hindi makakabalik agad si Rovan at uumagahin na sa ospital.
"Surgery?" tanong niya.
"Yes. We're supposed to have the surgery in the morning but the mother is causing the delay."
"May problema financially?"
Umiling si Rovan, "Superstition. Hindi ko nga rin naintindihan. Basta pamahiin lang sa pamilya nila. Hindi nila gustong gawin ang surgery dahil it's the 13th day of the month at tumapat pa iyon sa Friday. May mangyayari raw masama sa anak niya kaya kailangan palipasin muna raw ang araw na 'to. I can't delay further so I'm doing it at midnight."
Hindi siguro talaga maiiwasan na may mga ganoong pangyayari. Kung tutuusin naman kasi talagang ang daming pamahiin sa Pilipinas. Minsan nga sa isang superstition ay iba-iba ang bersyon bawat pamilya.
Pinisil niya ang kamay ni Rovan, "Good luck."
Sumilay ang ngiti sa mga labi nito at sa pagkagulat niya ay bigla na lang dumukwang sa kaniya at binigyan siya ng magaang halik sa labi. Sandali lang iyon at lumayo na ito kaagad para hilahin siya sa convenience store na nasa tapat na pala nila.
Hindi pa nakakabawi sa ginawa nito na nagpatangay na lang siya rito. Nang makapasok sa loob ay binati sila ng dalawang empleyado na babae na kaagad napako ang mga mata kay Rovan at tila nababalatubalaning napatitig na lang sa lalaki.
"Alam mo nagtataka rin talaga ako minsan." sabi niya kay Rovan nang maikubli sila ng mga stante.
"Why?"
"Alam kong gwapo ka pero naguguluhan din talaga ako minsan kung bakit parang 'yung mga babaeng nasa paligid natin parang handang ibenta lahat ng ari-arian nila makalapit lang sa'yo."
Natigilan ang lalaki at napatingin sa gawi nang dalawang empleyado ng convenience store. Mabilis itong nag-iwas ng tingin nang makitang nasa direksyon pa rin namin ang mga mata ng dalawang empleyado.
"It's part of it."
"Nang alin?" nagtatakang tanong niya.
Tumingin ito sa kaniya, ang ngiti sa labi nito ay tila naglaho na, "Me being an incubus."
Naumid ang dila niya sa sinabi nito. Muli siyang tumingin sa mga babae at ngayon ay mas napansin na niya ang iba pang mga bagay na bumabakas sa mga ito. Parang ginamitan ang mga ito ng mahika at tila ba wala sila rito talaga at naglalakbay ang utak ng mga ito sa alapaap...o mas tamang sabihin ay naglalakbay ang diwa ng mga babae sa pinakapinapantasiya nila.
"Ganoon din ba sa akin?" tanong niya ulit.
"No. It never worked with you even though I tried once to intentionally do so."
Alam niya iyon kahit pa hindi nito kumpirmahin. Iba naman kasi ang reaksyon niya sa nakikita niya ngayon sa mga empleyado o sa mga babae na nagkakataong nasa iisang lugar kung saan nandoon si Rovan. Natural ang reaksyon niya pagdating sa lalaki.
"Patay na patay lang talaga ata ako sa'yo kaya malapit na sa reaksyon nila sa'yo ang kilos ko kapag kasama ka."
Ayaw niyang magdalawang-isip ang lalaki na buksan ang paksa na iyon pagdating sa kaniya. Kahit ayaw pa nito at hindi man madali para sa kaniya ang katotohanan sa pagkatao nito ay hindi maitatangi na parte iyon ng pagkatao nito. Kailangan nilang tanggapin ang papel no'n sa mga buhay nila para magawa nilana magkasamang harapin ang laban na nag-iintay sa kanila.
"Ibig lang sabihin no'n totoong gusto talaga kita." muli niyang sabi.
Na-freeze ang ekspresyon sa mukha ni Rovan na mukhang hindi inaasahan ang lumabas mula sa bibig niya. Sandaling nakatingin lang sa kaniya ang lalaki bago sa isang iglap ay humagalpak na lang ito ng tawa.
Hindi alintana na may nanonood sa kanila ay natagpuan na lang niya ang sarili na nakapaloob na sa mga bisig nito habang ang mga labi niya ay sakop na nito sa isang marubdob na halik na kaagad niyang tinugon.
Hindi pa siya handa na bumitaw sa halik nang maramdaman niya ang marahas na pagputol ni Rovan doon. Napamulat siya ng mga mata na nanglaki nang makita niya si Rovan na nakahawak sa stante sa tabi nito habang may bumalatay na sakit sa mukha nito.
"Rovan?" nahihintakutang tanong niya at kaagad niya itong dinaluhan. "Rovan, anong nangyayari?"
Umiling ito at pilit siyang binigyan ng ngiti kahit pa kita pa rin dito ang iniinda na sakit. "Nothing. I'm okay. Must be the effect of our earth shattering kiss."
Hindi niya magawang ngumiti sa biro nito dahil pakiramdam niya ay hindi nalalayo roon ang nangyayari. Bakit pakiramdam niya ay kailangan niyang ihanda ang sarili sa maaaring unti-unting pagkagunaw ng pumapalibot sa kanila?
"Everything's okay, Eliana."
Bakit pakiramdam niya ay hindi iyon totoo?
______________________End of Chapter 15.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top