Chapter 8 - Gala
NAKATAAS ang kilay niyang sinundan ng tingin si Ryan habang papunta ito sa tinutuluyan nitong unit sa hotel na iyon na katabi lang naman ng unit niya. Nang makapasok na si Ryan sa loob ng unit nito ay saka naman niya isinara ang pinto ng kanyang unit. Pumasok siya sa kuwarto at pabagsak na humiga sa kama.
Ilang saglit na siyang nakahiga nang maisip niyang sampung araw silang magkakasama ni Ryan sa bansang iyon. Bukas ay alam niyang magiging abala na si Ryan sa mga aktibidad ng sasalihan nitong kompetisyon. At siguradong pati siya ay magiging abala na rin dahil siya ang hahawak ng schedule nito at kasama rin siya sa lahat ng mga pupuntahan nito.
Wala pala siyang oras para makapamasyal. Akala pa naman niya ay masusulit niya ang oras habang nandito siya sa Singapore.
Napatingin siya sa kisame habang nag-iisip. Mamaya pa'y bumangon siya at nagpalit ng damit na panglakad. Alas-kuwatro pa lang ng hapon. Puwede pa siyang gumala at sulitin ang natitirang oras na hindi pa siya abala.
Hindi na siya magpapaalam kay Ryan, naisip niya. Saglit lang naman siya. Babalik siya kaagad. At saka hindi naman siya lalayo. May nakita siyang park kanina na malapit lang dito sa hotel. Walking distance lang. Iikot lang siya sa paligid. Maliit lang naman ang Singapore.
Dala ang kanyang shoulder bag ay lumabas siya ng tinutuluyang unit. Siniguro niyang nai-lock niya ang pinto bago siya nagtungo sa elevator.
Pagdating sa ground floor ay pasimple siyang naglakad papalabas. Ngumiti pa nga siya sa nadaanang receptionist.
Paglabas niya ng hotel ay mabilis siyang naglakad papalayo roon. Iba ang kasiyahang nararamdaman niya. First time ito na gagala siyang mag-isa at sa ibang bansa pa. Kahit sa Pilipinas ay hindi naman siya umaalis nang mag-isa. Lagi siyang may kasama--- ate niya o kaya naman ay mga kaibigan.
Humanga siya sa ganda ng Singapore. Napakaprogresibo ng basang ito. At napakalinis! Nakakahiyang magtapon ng basura dahil wala man lang siyang makita kahit isang piraso ng kalat sa kalye.
Sa kalalakad niya ay nakarating siya sa isang tila ba public park na maraming nagkalat na pigeons sa kalye. Naaliw siyang panoorin ang maaamong mga ibon.
Umupo siya sa isa sa mga bakanteng bench doon at pinanood ang nagkukumpulang mga ibon. Sa mga foreign movies lang siya nakakakita ng ganitong eksena na ang mga ibon ay nasa isang lugar lang at magkakasamang tila ba nakikihalubilo sa mga tao sa paligid.
Napansin niya ang dalawang teenager na umupo sa bench na katabi ng inuupuan niya. May dalang sandwich ang mga ito na binili sa kiosk na nasa kabilang bahagi katapat ng bench na inuupuan niya. Mukhang sarap na sarap ang dalawang teenager sa kinakaing sandwich kaya naengganyo siyang tumayo para bumili. Mabuti na lang at pinaalalahanan siya ng ate niya na magpapalit ng Singaporean dollar bago pa man sila bumiyahe ni Ryan patungong Singapore. Sabi ng ate niya, mas magandang may Singaporean dollar na siya pagdating pa lang ng Singapore para hindi hassle kung may biglaang gusto niyang bilhin.
Nang nakabili ng sandwich ay bumalik siya sa bench kung saan siya nakaupo kanina. Agad niyang nilantakan ang sandwich na ang pangalan ay Classical Reuben Sandwich. May corned beef o 'di kaya naman ay turkey filling ito. Pinili niya ang corned beef. Masarap nga pala talaga. Hindi naman pala siya lugi dahil sa napakamahal na presyo ng sandwich na iyon na dalawang slice ng rye bread na pinalamanan ng corned beef, three slices of Swiss cheese, thousand island dressing, sauerkraut at soft butter.
Habang ine-enjoy niya ang sandwich ay tatlong pigeons ang lumipad at dumapo sa bakanteng bahagi ng bench na inuupuan niya. Ang isa nga ay tumalon-talon pa hanggang makadapo sa kanang binti niya.
Tuwang-tuwa si TineJoy sa maamong ibon na kahit hinawakan niya ay hindi nagtangkang lumipad papalayo sa kanya. Nanatili lang doon ang tatlong ibon na para bang naghihintay na bigyan sila ni TineJoy ng kinakain nitong tinapay.
Sa sobrang pagkaaliw ni TineJoy sa mga pigeons ay pumunit siya ng kapirasong rye bread at masayang ipinakain niya iyon sa tatlong kalapati.
Agad na tinuka ng mga ibon ang tinapay na bigay ni TineJoy kaya naman muli siyang pumilas ng kapirasong tinapay at inilagay sa harapan ng mga ibon para tukain ng mga ito.
Nasa ganoon siyang sitwasyon nang may marinig siyang boses ng lalaki. "You should not feed the pigeons. Don't you know how to read?" sabi ng lalaki na payat at mukhang intsik at nakasuot ng parang uniporme ng pulis sa Singapore.
Pulis?!!!
Napatingala siya sa lalaking nasa kanyang harapan na may itinuturo sa kanya mula sa kanyang likuran.
"Can't you read that sign?" muling sabi ng lalaki.
Lumingon siya sa kanyang likuran para makita kung ano ang itinuturo ng lalaki at muntik na siyang himatayin nang mabasa ang sinasabi nitong "sign".
Malinaw ang nakasulat sa sign na sinasabi ng lalaki.
DO NOT FEED THE PIGEONS
Nanlaki ang mga mata ni TineJoy at hindi siya kaagad nakapagsalita. Alam niyang mahigpit sa pagpapatupad ng batas ang bansang Singapore. Hindi nga ba't sabi eh bawal dito ang kumain ng chewing gum at maaari kang makulong kapag nahuli kang kumakain nito? Paano pa itong nagawa niyang pagpapakain ng mga pigeons? Eh, hindi naman niya kasi alam. Malay ba naman niya na bawal din ang ganoon. Wala naman siyang masamang ginawa. Hindi naman niya nilason ang mga ibon. Masama na ba ang magpakita ng pagmamahal sa mga hayop ngayon?
"I'm sorry, officer. I did not notice the sign. I am not aware that feeding the birds is not allowed," paliwanag niya sa lalaki.
"Ignorance of the law excuses no one. You need to pay $500 as fine for what you did," sabi sa kanya ng lalaki sa tunog intsik nitong pagsasalita ng English.
"What? $500? Ganoon kamahal?" Hindi niya namalayang nagtagalog na pala siya.
"Speak English. I cannot understand you," sagot ng lalaki.
Mabilis siyang nagkuwenta sa kanyang isip. Ang one Singaporean dollar ay katumbas ng P37.36 sa palitan ng pera. Kung ganoon, magkano ang $500? My God, hindi niya makuwenta sa isip. Ang laki siguro. At sa pagkakaalam niya, wala siyang dalang $500 dahil $200 lang naman ang pinapalit niya sa Pilipinas. At mahigit P7000 ang palit niya sa $200. Ibig sabihin, mahigit P18,000 ang penalty na kailangan niyang bayaran? Mahabanging Diyos!!!
May dala rin siyang Philippine peso pero P10,000 lang. Saang kamay ng Diyos niya kukunin ang $500? Nagpa-panic na ang kanyang isip.
"I don't have $500 here. I only have $150, can't that be enough?" kinakabahan niyang sabi. Mas malakas na ang kabog ng dibdib niya ngayon.
"No, penalty for first offense is $500. If you can't pay the penalty for violating the law, you need to come with me to jail." Ang seryosong mukha ng lalaki ay mas nagpadagdag sa nararamdamang takot ni TineJoy.
Paano ba ito? Juice colored!
Naalala niyang dala nga pala niya ang cellphone niya pero hindi pa ito naka-roaming. Paano ba niya makokontak si Ryan?
Sa facebook?
May facebook ba ang lalaking iyon?
Juice colored! Hindi ko pinangarap makulong dito sa Singapore, tili ng isip niya.
Author's Note:
Nasa comment po ang recipe ng Classical Reuben Sandwich.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top