Chapter 6 - Flight

NAIA, 9AM

Alas-diez ng umaga ang flight nina TineJoy at Ryan pero alas-ocho pa lang ay nasa airport na ang dalaga. Hindi naman siya excited. Ayaw lang niyang maghabol sa oras. At saka hindi rin niya kabisado ang traffic situation mula sa bahay hanggang airport kaya mas mabuti na 'yung naglaan siya ng sapat na oras para sa biyahe.

Si Ryan ay wala pa. Hopefully, darating naman siguro ang isang iyon bago mag-9:30 na siyang check in time ng mga pasahero.

Tumunog ang celfone niya. Tumatawag si Ma'am Paula.

"Hello, TineJoy! Asan ka na?" Agad nitong tanong.

"Nasa airport na po ako kaninang 8am pa. Hinihintay ko pa po si Ryan," kalmadong sagot ng dalaga.

"Wala pa siya riyan? Kausap ko siya kaninang 8, sabi niya nasa biyahe na siya."

"Baka po na-traffic."

"Okay, I'll try to check him again."

Nawala na ang kausap ni TineJoy.

Noon naman niya nakita ang paparating na si Ryan. Parang gustong matulala ni TineJoy. Simpleng polo shirt at cargo pants lang ang suot ng binata pero tila ba ito diyos na nagkatawang-tao. Bakit ba nang magsabog yata ng kaguwapuhan sa mundo ay malaking bahagi ang nasalo ng Ryan na ito?

"I'm here!"

Tila walang narinig si TineJoy. Basta nakatingin lang siya sa guwapong modelong nasa harapan niya ngayon.

"Hello?!" Itinapat pa ni Ryan ang kanang kamay niya sa mukha ni TineJoy at iginalaw-galaw para kunin ang atensyon ng babae. "Hoy!"

Parang biglang nagising sa mahimbing na pagkakatulog si TineJoy. "Ha?! Maka-hoy ka naman."

"Eh, ba't ka kasi tulala riyan? Para kang namatanda."

"Calling all passengers of flight 745 bound to Singapore. Please proceed to gate 5 for boarding."

"Halika na, boarding time na. Ikaw na lang pala ang hinihintay. Ang tagal-tagal kasi." Binuhat na niya ang kanyang bagahe at nag-umpisang maglakad.

Napailing na lang si Ryan. Hindi pa sila nakakaalis ng Pilipinas pero mukhang hindi talaga sila magkakasundo ng matabang babaing ito.

Wala silang imikan habang nasa eroplano. Inubos ni Ryan ang oras sa pagbabasa samantalang si TineJoy ay natulog. O nagtulug-tulugan? Kasi ba naman, pagkatapos ng halos tatlo at kalahating oras na biyahe ay kusa na itong nagising. Gusto sana itong kumustahin ni Ryan pero hindi pa man siya nakakaporma ay tinaasan na siya nito ng kilay. "Anong problema ng babaing ito?" naibulong na lang niya sa sarili.

Pagdating sa Changi Airport ay sinalubong sila sa arrival area ng isang representative ng Asian Mannequins Corporation, ang kompanyang namamahala sa taunang Search for Male Mannequins of Asia.

"Hi! I am Xin Ho, one of the marketing officers of Asian Mannequins Corporation," masayang bati nito sa dalawa at inilahad pa ang kamay.

Inabot naman kaagad ni Ryan ang kamay nito sabay pakilala, "Ryan Ronquillo from the Philippines and with me is Kristine Joy Roxas." Matamis ang ngiti niya habang nagpapakilala.

Muntik nang manlaki ang mga mata ni TineJoy. Alam pala ni Ryan ang buo niyang pangalan? Sabagay, wala namang nakapagtataka roon. Alam nga ang number niya at tinawagan pa siya no'ng Sabado, 'di ba?

Inabot din ni Xin ang kamay niya kay TineJoy kaya napilitan na rin siyang makipagkamay rito.

Isang shuttle bus ang huminto sa harapan nila.

"Here, this shuttle will bring us to the hotel. You will be staying in Raffles Hotel together with the representatives from other asian countries," paliwanag ni Xin.

Sumakay ang tatlo sa shuttle at inihatid sila sa hotel kung saan may naka-reserve ng kuwarto para kina Ryan at TineJoy. Pagkatapos kunin sa reception ang mga susi ng kuwarto ay nagpaalam na si Xin.

"Activities start tomorrow. We will all fetch you here at seven in the morning for a tv guesting. In the meantime, I'll leave you here so you can relax and have enough rest."

"Thank you so much, Xin!" Muling nakipagkamay si Ryan dito.

"I'll see you tomorrow."

"Yeah!"

Kumaway pa si Xin bago tuluyang sumakay sa shuttle.

Nasa 8th floor ang kuwarto nina Ryan at TineJoy. Magkatabi ang mga kuwarto nila. Room 810 at 812.

Napansin ni TineJoy na tila natatawa ang binatang modelo. "Nasisiraan ka na ba ng ulo? Wala namang nakakatawa," sita niya rito.

"Akala mo siguro magkasama tayo sa room, ano?"

"Asa pa more! Hashtag feeling guwapo. Hoy, hindi lahat ng babae ay nagkakagusto sa'yo. Huwag mo akong igaya sa mga babaeng nauuto mo. Feelingero!" Hindi na niya hinintay na makasagot si Ryan. Agad siyang pumasok sa Rm. 810 at sinigurong nai-lock niya ang pinto.

Naiwan sa labas si Ryan na natatawa pa rin. Ang sarap talagang inisin ni TineJoy. Ang bilis kasing mapikon.
*****
Namamangha si TineJoy sa kanyang silid. Napakaganda. Sobrang elegante. Ngayon lang siya nakapasok sa hotel. Kahit sa probinsiya nila ay wala namang ganito kagandang hotel. Agad nga niyang hinubad ang sapatos niya pagkapasok sa silid dahil nag-aalangan siyang tumapak sa alpombra nang may suot na sapatos. Aba, eh puwedeng-puwede nang higaan ang sahig dahil sa makapal na alpombrang nakasapin dito. Pakiramdan niya tuloy ngayon ay isa siyang prinsesa.

Sinubukan niyang humiga sa kama. Shit! Ang lambot! Ang sarap sigurong matulog dito. Nagpagulong-gulog siya sa kama hanggang mapagpasyahan niyang magpahinga na lang.

Pagkatapos magpahinga ng tatlumpung minuto ay naisipan ni TineJoy na pumunta sa salas. Binuksan niya ang tv at naghanap ng mapapanood pero wala siyang nagustuhang palabas kaya kinuha na lang niya ang baong libro at nag-umpisang magbasa.

Hindi na niya namalayan ang oras. Nangangalahati na siya sa librong binabasa nang makaramdam siya ng gutom.

OMG! Saan ba siya kakain? Puwede ba siyang magpadala ng pagkain sa kuwarto? O kailangan ba niyang bumaba at kumain sa labas? Paano nga ba? #firsttime

Naisip niyang si Ryan ang makakasagot sa mga tanong niya. Wala naman kasing sinabi si Ma'am Paula kung sagot ba ng organizer ang pagkain namin. Pero dapat sagot nila 'yun, eh.

Napansin ni TineJoy ang telepono. Nabasa niya roon ang contact number ng hotel na iyon. Inangat niya ang telepono at itinapat sa kanyang tenga at nagulat pa siya nang biglang may magsalita, "Good evening. How may I help you?" Malambing ang boses ng babae. Mukhang mabait kaya medyo nawala ang kaba niya.

"Ahh, can you please connect me to room 812? I just need to talk to my companion." Peste, sampung araw kami rito. Mauubos ang baon kong English.

"One moment please..."

"Hello..." Narinig ni TineJoy ang boses ng isang lalaki. Si Ryan ba 'to?

"Ryan?"

"O, bakit? Gutom ka na , ano?"

Pft! Paano niya nahulaan? "Ah, eh oo. Nagugutom na ako. Hindi pa ba tayo kakain?"

"Nakatawag na ako for room service. Hintayin mo na lang diyan ang pagkain mo."

"Ah, ganoon ba? Sige, salamat."

"Pagkain lang pala ang magpapabait sa'yo. Kung hindi ka pa nagutom, hindi ka pa babait." Sinundan iyon ni Ryan ng isang malutong na halakhak.

"Buwisit!" Pinagbagsakan niya ng telepono ang binata.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top