Chapter 4 - Big Break

Maagang dumating sa opisina si TineJoy nang araw na iyon. Masigla niyang inumpisahan ang umaga niya sa trabaho. Iilan pa lang ang empleyado nung oras na iyon dahil wala pa namang alas-ocho nang dumating siya sa office pero hindi na pumetiks pa ang dalaga. Agad na niyang inumpisahan ang mga gagawin niya para sa araw na iyon.

Ilang minuto pa ay nagsimula nang magsidatingan ang ibang mga empleyado. Si Irish ay lumapit kay TineJoy.

"Tawag ka ni Ma'am Paula. Pumunta ka raw sa office niya."

"Ako talaga? Bakit daw?" gulat na tanong ni TineJoy, medyo kinakabahan.

Nagkibit-balikat si Irish. "Hindi ko alam. Baka may iuutos lang."

"Sige, pupunta na ako. Salamat."

"Balitaan mo ako mamaya."

Tumango si TineJoy at lumakad na papuntang opisina ni Ma'am Paula.

Kumatok muna si TineJoy bago binuksan ang pinto.

"Good morning, ma'am. Pinatatawag n'yo raw po ako?"

"Yes, please sit down."

Umupo si TineJoy. Nakatingin lang siya sa babaeng kaharap.

"May passport ka naman, 'di ba?"

"Opo," sagot ni TineJoy. Passport ang isa sa requirements na hiningi sa kanya ng kompanya nung mag-apply siya rito. May travel opportunity raw kasi paminsan-minsan kaya kailangang ready na ang passport ng lahat ng empleyado rito.

"Alam mo naman na malapit ng mag-maternity leave si Eve, 'di ba?"

"Opo."

"May commitment kasi sa Singapore ang isang model natin. Representative ng agency sa search for Male Mannequins of Asia. At dahil 'di siya puwedeng samahan ni Eve, ikaw sana ang gusto kong sumama sa model natin. Ten days ka lang naman mawawala dito sa opisina. May pre-pageant activities kasi na kailangang daluhan ng mga candidate kaya naging ten days. Madali lang naman ang gagawin mo. Sasamahan mo lang naman ang model natin sa lahat ng activities na gagawin nila. Ikaw ang hahawak ng schedule niya at lahat ng interviews niya, sa'yo rin muna dadaan. So, ikaw rin ang direct contact ng organizers ng contest. Basta anything na tungkol sa model natin, ikaw muna ang kakausapin." mahabang paliwanag ni Ma'm Paula.

"Sino po ba ang model na ipapadala natin sa Singapore?"

May kumatok sa pinto at pagkatapos ay bumukas iyon at tumambad ang panauhin.

"O, Ryan andyan ka na pala. Come here. Buti maaga kang pumunta. Kinakausap ko na nga ang makakasama mo sa Singapore, kapalit ni Eve."

"Ikaw?" Halos sabay na sabi nina Ryan at TineJoy.

"Magkakilala na pala kayo. That's good," masayang sabi ni Paula.

Tumingin si TineJoy kay Ma'am Paula. May gusto siyang itanong pero walang tinig na lumalabas sa bibig niya.

Si Ryan naman ay nakangiti lang na parang nakakaloko. Hindi mo masabi kung ano ang itinatakbo ng isip nito.

Muling nagsalita si Ma'am Paula. "So, aayusin ko na ang papers n'yo. Your flight will be on Monday next week. 'Yung other details, I'll let you know na lang 'pag planstsado na lahat."

"Okay," sabi ni Ryan.

Bumaling si Paula kay TineJoy. "Any question, TineJoy?"

Umiling si TineJoy. "Wala po, ma'am."

"Kung ganun, thank you so much sa pagpayag mo. You can now go back to your work. Ryan, maiwan ka muna may pag-uusapan pa tayo."

"Pumayag ba ako?" tanong ng isip ni TineJoy. "Hindi na nga ako nakapagsalita nang malaman kong si Ryan pala ang makakasama ko dun sa Singapore."

Pero wala naman siyang magagawa, alam iyon ni TineJoy. Parte iyon ng trabaho niya. Babayaran siya para gawin 'yun. Wala siya sa posisyon para tumanggi. Lalong wala siyang karapatang mag-inarte. Kabago-bago lang niya sa trabaho kaya siya ang dapat mag-adjust.

Pero hindi ba nasabi niya dati na ang sarap naman pala ng trabaho ni Eve? Eh ba't ngayong mabibigyan siya ng pagkakataong maranasan ang ganung trabaho ay saka naman siya tila nagdadalawang-isip pa?

"Eh kasi naman bakit si Ryan ang kasama?" reklamo ng utak ni TineJoy.

Eh sino ba dapat ang kasama? Hindi ba aware naman siya na si Ryan ang pinakasikat na male model ng kompanya nila? Swerte na nga niyang maituturing na makakasama niya sa ganung pagkakataon ang isa sa pinakasikat na lalaking modelo ng bansa. At kung mananalo pa ito sa seach for Male Mannequins of Asia, hindi ba malaking karangalan na rin itong maituturing na naging bahagi siya ng kung ano mang karangalang maiuuwi ni Ryan?

Pero kahit na!

"Mabuti sana kung hindi masungit ang Ryan na ito. Mabuti sana kung magkasundo kami. Eh kaso, para kaming aso't pusa na nagbabangayan sa tuwing magkakalapit kami. Paano pa kung kaming dalawa na lang ang magkasama? Baka sa ospital pulutin ang isa sa amin!" talagang nakipagtalo na siya sa kanyang isipan.

Weird.

Hindi naman siguro aabot sa pisikalan ang tinatawag n'yong away.

"O, ano ang sabi sa'yo ni Ma'am Paula?" si Irish. Nakaabang agad ito pagbalik ni TineJoy sa mesa niya. "Ba't mukha kang nalugi diyan?"

"Pupunta daw ako sa Singapore."

Nanlaki ang mga mata ni Irish. "Wow! Talaga? Ang swerte mo naman. Anong gagawin mo sa Singapore?"

"Aattend ng search for Male Mannequins of Asia."

Kumunot ang noon ni Irish. "Tapos?"

"Kasali kasi si Ryan Ronquillo..."

"Ikaw ang sasama kay Ryan sa Singapore?" natitilihang sabi ni Irish. Tila gusto nang magsisigaw ng dalaga sa kilig. Pero napansin niyang parang wala talagang gana si TineJoy. "Choosy ka pa, teh?! Ryan Ronquillo na 'yun. Maraming babae ang magreresign sa trabaho makasama lang ang isang Ryan Ronquillo!"

"Sila 'yun, iba ako."

Tumaas ang kilay ni Irish.

"Kung noon sana. Nung time na hindi ko pa nalalaman ang totoong ugali niya, baka halos namatay na ako sa kilig at excitement. Pero ngayong alam ko na kung paano siya makitungo sa ibang tao, I really want to stay miles away from him."

"Grabe naman ito. Big break mo na nga 'yan eh. Exposure na rin 'yan sa'yo. Time for you to meet connections and all, you know what I mean?"

"Hindi pa rin talaga. Ayoko pa rin."

"Pero wala ka namang choice, kaya all you have to do is to accept your fate. It's not that bad after all."

Noon dumaan sa harapan nila si Ryan na nanggaling sa office ni Paula. Nginitian ni Irish ang binata at gumanti naman ito ng ngiti.

Nasulyapan din ni Ryan si TineJoy pero parang wala itong nakita. Nagpatuloy lang si Ryan sa paglalakad papalabas ng opisina.

"Tingnan mo 'yun! Parang ikaw lang ang tao rito. Nakita ka, ngumiti sa'yo pero ako dinaan-daanan lang."

"Ngumiti kasi ako sa kanya. Ikaw naman kasi nakasimangot agad. Kaya paano naman mag-aattempt 'yung tao na ngitian ka? Eh kung dedmahin mo lang, e di napahiya pa siya?"

"Kahit na."

"Teka, eh bakit ba kasi ang laki ng galit mo sa kanya? Dahil lang ba sa pagkakapahiya niya sa'yo dati o may mas malalim pang dahilan?"

"Magtrabaho na tayo. Di tayo binabayaran dito para magtsismisan." Iniwasan ni TineJoy ang tanong.

"Hay naku, TineJoy! Crush mo siya, ano?"

Umismid si TineJoy. "Yuck! As in yuck talaga! Over my dead sexy and delicious body!"

Humagalpak ng tawa si Irish.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top