Chapter 11 - The Event
MAAGANG gumising si TineJoy kinaumagahan at naghanda para sa event na pupuntahan nila ni Ryan. Sa pagkakatanda niya sa sinabi ni Xin, alas-siete ng umaga sila susunduin para sa isang tv guesting. Hindi naman siya nakaramdam ng excitement sa mga magaganap ngayong araw. Kung tv guesting pa sa Pilipinas, baka ngayon pa lang ay kinikilig na siya dahil makakakita siya ng mga artista. Eh, dito sa Singapore, wala naman siyang kilalang celebrity. Kahit siguro makabungguan pa niya ang mga iyon sa daan, hindi naman niya kilala kaya dedma lang.
Eksaktong katatapos lang niyang magbihis nang tumunog ang doorbell ng unit niya. Presentable siya sa suot niyang jeans at puting off shoulder ruffle blouse.
Parang nakakita ng multo si TineJoy nang makita niyang naghihintay sa labas ng pinto si Ryan. Guwapong-guwapo ito sa suot sa polong murang pula at fitted jeans. Ilang ulit pa siyang napalunok sa nakitang kaguwapuhan ng lalaking nasa kanyang harapan.
Hindi rin nakaligtas sa mga mata niya ang kunot-noong lalaki na salubong ang kilay.
"Ano pang hinihintay mo? Hindi ka pa ba kikilos?" nakakunot pa rin ang noong tanong ni Ryan. "Kailangan pang sunduin kita rito?"
Hindi naman nagpasindak si TineJoy. "Papalabas na ako no'ng kumatok ka. At saka, wala pa naman ang sundo, 'di ba? Alas-siete pa darating ang sasakyang susundo sa'yo. Excited lang?" pagtataray pa niya sa lalaki. "Quarter to seven pa lang, o." Ipinakita pa niya kay Ryan ang wrist watch niyang suot.
"Wala ka bang balak mag-almusal bago pumunta sa tv station?"
Bahagya siyang natigilan. Pinuntahan ba siya ni Ryan para mag-almusal muna sana sila? Lumunok siya bago magsalita. "Sa taba kong ito, hindi ako manghihina kahit pa isang buong araw akong 'di kumain."
Hindi na sumagot ang lalaki. Walang sabi-sabing tinalikuran siya nito at naglakad papuntang elevator.
"Hoy, teka!" Nagmamadali niyang ini-lock ang kanyang unit at patakbong sinundan si Ryan.
Walang kibuan silang dalawa habang nasa loob ng elevator papuntang lobby ng hotel. Matigas anga loob ni TineJoy. Kung inaakala ng lalaking katabi niya na siya ang unang makikipag-usap dito, eh, pareho na lang silang mapanisan ng laway.
Hanggang sa van na maghahatid sa kanila sa tv station ay wala pa ring kibuan ang dalawa. Pero hindi maiwasang humanga ni TineJoy sa kasamang modelo. Noon lang din niya nakita ang mga modelong makakasama at makakalaban ni Ryan pero alam niyang hindi talaga magpapatalo ang lalaking ito pagdating sa itsura at porma. Lalo na siguro sa rampahan.
PAGDATING sa tv station ay dinala ang mga modelo sa kani-kanilang mga dressing room. Sumusunod lang si TineJoy kung saan man pumunta si Ryan. Wala siyang balak humiwalay sa lalaki. Or else, baka kung saan pa siya mapunta.Kahit naman hindi sila nagkikubuan ay wala siyang balak na mapalayo rito dahil siya pa rin ang napag-utusang bantayan at samahan ito sa lahat ng oras habang nandito sila sa Singapore.
Habang naghihintay silang isalang sa segment ng tv show ay inubos ni TineJoy ang oras sa pagbabasa. Hindi pa rin naman siya kinakausap ni Ryan kaya wala rin siyang balak na kausapin ito. Nakikita naman niyang nag-e-enjoy ito sa pakikipag-usap sa iba pang modelong kasama nila sa dressing room na iyon habang hinihintay na isalang sila sa segment ng tv show na iyon kung saan guest ang mga lalaking modelo.
Paminsan-minsan ay nahuhuli niyang sumusulyap sa kanya si Ryan pero kunwari ay hindi niya ito napapansin.
Biglang pumasok sa kuwarto ang isang babaeng staff ng programa. "Guys, get ready. You're next after the commercial gap. Follow me," sabi pa nito sa kanila.
Nagsitayuan ang mga modelo at sumunod sa babae papunta sa studio kung saan ginaganap ang live morning show. Naabutan nilang naroon na ang iba pang mga modelo na hindi nila nakasama sa dressing room. Pinatayo silang magkakatabi sa isang bahagi ng stage katabi ang babaeng host ng programa.
Nang matapos ang commercial break ay sumenyas ang floor director senyales na on air na ulit ang programa.
"Welcome back to the show!" masiglang sabi ng babeng host sa matingkad nitong Singaporean accent. "We are lucky today to have the models of.....
Si Tinejoy ay masayang nanonood sa isang gilid malapit sa audience area. Namamangha siya sa mga naguguwapuhang modelong makakalaban ni Ryan na mas lalo pang gumuwapo nang maayusan. Pero hindi naman padedehado si Ryan kung itsura at katawan din lang naman ang pagbabasehan.
"How did you prepare for this modelling competition?" narinig niyang tanong ng host sa mga modelo bago isa-isang sumagot ang mga lalaki.
Nang si Ryan na ang sumagot ay pigil ang hininga ni TineJoy.
"I go to the gym daily so tenchically, it is one of the preparations I did in addition to maintaining a healthy diet," kampanteng sagot ni Ryan.
At saka pa lang nakahinga nang maluwag si TineJoy. Bakit ba pakiramdam niya'y magkakalat sa show na iyon si Ryan? Ganoon ba siya kawalang tiwala sa kakayahang intelektuwal ng lalaking kinaiinisan niya?
"Miss..." Napalingon siya para tingnan kung sino ang tumawag. Nakita niya ang isang lalaking mukhang intsik na masayang nakangiti sa kanya.
"Ako?" tanong niya na nakalimutang nasa ibang bansa siya at posibleng hindi siya naiintindihan ng lalaking kaharap.
"What?" tanong ng lalaki na halatang nagtataka sa kanyang sinabi.
"I mean, are you calling me?"
"Yes!" Mas lumapad pa ang pagkakangiti nito sa kanya. "Can we talk somewhere else? I have a very good business proposal for you."
"Business proposal? For me?" hindi makapaniwala niyang tanong.
"Yes. Let's talk in the coffee shop outside this studio."
"I can't leave right now," sabi niya at itinuro pa si Ryan. "Do you see that guy? I am his personal assistant. After this show, we need to go back to the hotel."
"Oh, if that's the case take this." Naglabas ng calling card ang lalaki at iniabot sa kanya. "Call me on that number later today or tomorrow."
Napatango na lang siya habang binabasa ang nakasulat sa calling card. "Mr. Allen Zhu?"
"That's me. May I know your name?"
"Kristine Joy Roxas..."
"Nice meeting you..." Inilahad ng lalaki ang kanang kamay. Tila wala sa, sariling inabot iyon ni TineJoy.
"Nice meeting you, too..." Nginitian niya ang lalaki.
"I have to leave..." muling sabi ni Mr. Zhu at kumaway pa ito sa kanya.
Wala sa sarili siyang napatango.
Hindi niya namalayan na tapos na pala ang segment at commercial break na ulit. Nakalapit na sa kanya si Ryan nang hindi pa rin niya namamalayan dahil hindi maalis-alis ang tingin niya kay Mr. Zhu na naglalakad na papalabas ng studio.
"Gusto mo ba talaga na lagi kang sinusundo?" Seryosong boses ang narinig ni TineJoy.
"H-ha?" Napalingon siya sa pinagmulan ng tinig. At sino pa ba ang aasahan niyang makita kundi ang lalaking naging hobby na yata ang pagkunot ng noo at pagsasalubong ng kilay. "Aalis na ba tayo?"
Hindi siya sinagot nito, bagkus ay tinalikuran lang siya at naglakad papunta sa kung saan. Wala siyang nagawa kung hindi sundan na lang ito kaysa maiwan pa siya sa istasyong iyon.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top