Chapter 7
NAGULAT si Father Jude nang buksan ang drawer kung saan niya inilagay ang rosaryong dala nina Nathan at Helen kanina. Wala sa drawer ang rosaryo.
"Manang Sola! Manang Sola!" tawag niya sa katiwala sa simbahan.
Nagmamadaling pumasok sa opisina ng pari ang matandang babaeng katiwala. "Ano po iyon, Father?"
Nawawala ang rosaryong dala ng mga bisita natin kanina, nakita mo ba? Dito ko lang iyon inilagay sa drawer." Hindi maalis ang pagtataka sa mukha ng pari.
"Baka naman po kinuha ulit nila," sabi ni Manang Sola.
"Hindi, eh. Imposibleng kinuha nila. Ako mismo ang naglagay ng rosaryo dito sa drawer. At pagkatapos kong ilagay rito ay nagpaalam na sila at umalis."
"Eh, nasaan na po kaya ang rosaryong 'yon?"
"Hindi ko alam. Wala naman akong nakita o napansing kakaiba sa rosaryong iyon. Pero bakit nga kaya wala na iyon dito sa drawer ng mesa ko?"
Hindi nakasagot si Manang Sola. Paano niya sasagutin ang isang tanong na wala siyang kaalam-alam?
Bigla ay tila natigilan si Father Jude. Saglit itong natulala at parang naguguluhan ang kanyang isip. Ano itong mga imaheng sunod-sunod na naglabasan sa kanyang gunita? Imahinasyon? Hindi! Bakit may dagang nagbubunganga ng pananampalataya? Bakit may tutang nakapatong sa isang beach ball at pilit bumabalanse rito? Bakit may balon ng tubig sa gubat? Bakit may kotseng sangkot sa isang aksidente? Anong ibig sabihin ng mga imaheng ito?
"Father?" Napansin ni Manang Sola ang biglang pananahimik ng pari. "Anong nangyari sa'yo, Father?"
"Huh?!" Ipinilig ni Father Jude ang kanyang ulo na para bang iwinawaksi ang laman ng kanyang isipan. "W-wala... may naalala lang ako."
"Okay lang po ba kayo?" paniniyak ni Manang Sola.
"Ayos lang ako, Manang Sola," sagot niya sa matandang babae. "Ako na ang bahala rito. Ako na lang ang maghahanap sa rosaryo."
"Ah, sige po. Maiwan ko na kayo rito." Nang tumango ang pari ay lumabas na ng opisina nito si Manang Sola.
PAGDATING sa bahay ay muling napansin ni Helen ang mga kaliskis sa kanyang braso, mas malaki na ang parteng nasasakop nito kumpara kahapon.
"Nathan..." tawag niya sa nobyo na nasa salas kasama si Kyte.
Lumapit sa kanya ang lalaki, pati na rin ang pamangkin nito. "Bakit?"
"Mas lumapad ang parte ng braso ko na mayroon ng kaliskis. Ano na ang kasunod nating gagawin ngayon?" tanong niya.
Saglit na nag-isip si Nathan, pagkatapos ay huminga nang malalim at saka ibinuga ang hangin. "Kung sinasabi ni Madam Lala na dapat nating hanapin ang daga, iniisip ko kung saan tayo pupuwedeng mag-umpisa ng paghahanap. Lumilipas ang mga araw. Kailangan nating magmadali."
"Sa Isla Maranlig!" mabilis na sagot ni Helen. "Nabanggit ni Cristy na doon nakuha ng tatay niya ang rosaryo. At alam ng mga tao roon ang tungkol sa sumpa nito. Kung pupunta tayo roon, mas malaki ang tsansa na makahanap tayo ng mga taong puwedeng tumulong sa atin sa pagtuklas ng lihim sa sumpang nasa rosaryong ito."
Tumango-tango si Nathan tanda ng pagsang-ayon. "Sige, maaga tayong aalis bukas para pumunta sa Isla Maranlig," deklara ni Nathan.
"Tito Nathan, sasama po ako. Ayoko pong maiwang mag-isa rito."
"Helen, mag-empake ka na ng mga damit na dadalhin mo. Tapos, doon ka na lang matulog sa amin. Hindi ako makakampanteng iwanan kang mag-isa rito. Kailangang bantayan ko kayong dalawa ni Kyte para masiguro kong walang mangyayaring masama sa inyo," sabi ni Nathan.
"Sige, sandali lang. Hintayin n'yo ako rito." Nagmamadaling nagtungo siya sa kanyang silid upang kumuha ng mga dadalhing gamit. Sa pinakailalim ng bag ay nilagay niya ang kanyang baril.
Hindi naman nagtagal at bumalik siya sa salas kung saan naghihintay sina Nathan at Kyte.
"Okay ka na?" tanong ni Nathan.
Tumango si Helen.
Kinuha ni Nathan ang dalang bag ni Helen sabay sabing, "Halika ka na." Nagpatiuna na siyang naglakad papunta sa pintuan kasunod sina Kyte at Helen.
Sakay ng owner type jeep ni Helen ay mabilis nilang narating ang bahay ni Nathan.
"Kyte, doon ka matutulog sa kuwarto ko," bilin ni Nathan sa pamangkin. "Ang Tita Helen mo ang gagamit ng kuwarto mo."
"Opo..."
"Magpalit ka na ng damit. Maghahanda lang ako ng hapunan natin."
"Tutulungan na kita," alok ni Helen.
MALALIM na ang gabi. Tahimik na ang buong bayan. Maging sa simbahan ay mahimbing na rin ang tulog ni Father Jude. Pero pagkalipas ng ilang sandali ay biglang umungol ang pari. Ang mahihinang ungol nito ay sinundan ng tila pagpupumiglas pero may kung anong bagay na pumipigil dito para hindi tuluyang maigalaw ang mga kamay, paa at katawan. Patuloy lang na umuungol si Father Jude. Maging ang mga mata ay hindi nito maidilat.
Ang dating mahinang pag-ungol ni Father Jude ay unti-unting lumakas. Pero nandoon pa rin ang hindi niya maisagawang tuluyang pagpupumiglas. Pag-ungol lang ang tanging nagagawa ng pari sa kung ano mang masamang bangungot na dumalaw habang siya ay natutulog.
Isang malakas na ungol ang naging pagsigaw at tuluyan nang nagmulat ng mga mata ang pari. At sa kanyang paggising ay hindi niya nagawang bumangon dahil kitang-kita niya ang isang hindi pangkaraniwang nilalang na mukhang babae na nakaupo sa kanyang dibdib na siyang pumipigil para siya ay makahinga nang maayos. Nilamon ng sindak si Father Jude nang makita ang itsura ng nilalang na ngayon ay nakadagan sa kanyang dibdib. Payat ang nilalang at halos butuhan na ang katawan nito pero sadyang ito'y napakalakas. Ang mukha nito'y tila bungo na lang sa sobrang kapayatan at litaw ang malalaki nitong mga ngipin. Ang mga paa nito ay may matutulis na kuko ganoon din ang mga kamay nito. Ang buhok nito ay tila kulot-kulot na alambreng sabog-sabog.
Biglang umigkas ang kamay ng nilalang at sumakal sa leeg ni Father Jude. Halos maputulan ng hininga ang pari. Nagpupumiglas siya pero hindi sapat ang kanyang lakas para mapigilan ang nilalang na nakadagan sa kanyang katawan.
Nang sa wakas ay naigalaw niya ang kanyang ga kamay ay pinilit niyang tanggalin ang mga kamay nitong nakasakal sa kanyang leeg. Nakipagbuno siya sa nilalang sa abot ng natitira niyang lakas. Pero ang demonyo ay mas malakas kaysa sa nanghihina na niyang katawan.
Ilang minuto lang ang lumipas at hindi na gumagalaw si Father Jude. Hindi na niya nakita nang unti-unting nalusaw at naging tila espiritung humalo sa hangin ang nilalang na kanina lang ay nakadagan sa kanyang katawan. Iniwan nitong walang buhay ang alagad ng Diyos na humawak din sa isinumpang rosaryo!
ANG mahimbing na tulog ni Helen ay naputol nang bigla siyang magmulat na parang gulat na gulat. Nananaginip ba siya? Bakit napanaginipan niya ang paring kausap nila kahapon sa simbahan? Pinakiramdaman niya ang paligid. Madilim sa loob ng silid. Bakit pati yata ang buwan ay nagdamot ng liwanag sa mga oras na iyon?
Nakaramdam siya ng tawag ng kalikasan. Bumangon siya at binuksan ang ilaw pero hindi ito bumukas. Brownout?
Lumabas siya ng silid. Mas madilim sa salas. Halos wala siyang makita kundi kadiliman. Saglit niyang sinanay ang mga mata sa dilim at saka siya nagtungo sa toilet. Wala nga talagang kuryente dahil hindi rin bumukas ang ilaw sa toilet.
Ilang sandali lang ay lumabas na rin siya ng palikuran at naglakad na pabalik sa kuwarto. Pero bago siya nakapasok ay isang kamay ang humawak sa kanyang balikat!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top