Chapter 6
NAGULAT pa sina Nathan at Helen nang madatnan nilang naghihintay sa kanila ang kilalang espiritista sa kanilang lugar. Nakangiti ito sa kanila.
"Pumasok kayo. Kanina ko pa kayo hinihintay." Sinalubong sila ng babae na ang itsura ay tipikal para sa isang manghuhula. Nakasuot ito ng peasant blouse na may puffy sleeves. Ang palda nito ay layered at may iba't ibang kulay. May mahabang scarf na nakatali sa baywang nito at nakabuhol sa bandang tagiliran kaya doon din lumaylay ang dulo ng tela. Malalaki ang hikaw ng espiritista at ang braso nito ay napapalamutian ang silver bangles. Bawat daliri yata nito ay may singsing din. Sa ulo nito ay may scarf din na ang dulo ay ibinuhol sa likod. Makapal ang make-up ng babae at ang labi nito ay pulang-pula. May kakaibang misteryo sa mga tingin nito.
Madilim ang silid na pinasok nila. Tanging liwanag na nagmumula sa isang maliit na lampara ang nagsisilbing ilaw sa silid na iyon. Kanina sa labas ay nabasa nila sa pinto ang pangalan ng espiritista, si Madam Lala.
"Maliban sa pakikipag-usap sa mga espiritu, nanghuhula rin ba kayo?" tanong ni Nathan nang makaupo na sila.
"Pati panggagamot sa mga kinulam at nilukuban ng masamang espiritu ay nagagawa ko rin," sagot ng babae na puno ng kumpiyansa sa sariling kakayahan. "At para maniwala ka, ngayon pa lang ay sasabihin ko na sa iyo ang totong pakay ninyo sa pagpunta rito." Misteryosong ngumiti ang babae.
"Ano ang sadya namin sa'yo?" halos sabay na tanong nina Nathan at Helen. Si Kyte ay nakatingin lang sa kanila at nakikinig pero ang mga mata nito ay gumagala rin sa paligid ng maliit na silid na iyon.
"Ginugulo kayo ng mga imaheng bigla na lang lumilitaw sa inyong isipan," diretsong pahayag ni Madam Lala.
Kapwa nagulat sina Nathan at Helen. Mukhang totoo ngang marunong manghula ang babaing ito. Marunong din kaya itong magtaboy ng mga masasamang elemento at mag-alis ng sumpa?
Inilabas ni Nathan ang rosaryo. "Madam Lala, eto ang rosaryong gusto naming ipasuri sa'yo. Ano ang sumpang nakapaloob sa rosaryong ito?"
Napapikit sandali si Madam Lala pero kaagad ding nagmulat ng mga mata. Bakas ang takot sa mukha nito. "Hindi ko puwedeng hawakan 'yan. Matindi ang sumpang nakapaloob diyan. Nararamdaman ko ang lakas ng espiritung naglagay ng sumpa sa rosaryong iyan."
"Sino ang naglagay ng sumpa sa rosaryong ito?" tanong ni Nathan.
"Hindi ko kilala. Matagal na siyang patay. Pero nandito lang siya at nagmamasid sa atin." Malilikot ang mga mata ni Madam Lala habang nagsasalita. Tila ba sinusundan nito ng tingin ang isang 'di nakikitang nilalang. "Babae siya..."
"Babae?" magkasabay na nasabi nina Nathan at Helen.
"Maaari mo ba siyang kausapin para sa amin? " tanong ni Helen. "Nadamay kaming tatlo sa sumpang inilagay niya sa rosaryo. Wala kaming alam sa mga galit niya sa mundo. Pero maraming inosenteng tao ang namamatay nang dahil sa sumpa. Kausapin mo siya. Tanungin mo sa kanya kung paano mawawala ang sumpa sa rosaryo at sa aming tatlo."
Pumikit si Madam Lala at umusal ng panalangin na hindi nila maintindihan kung anong lengguwahe. Mamaya pa ay bigla itong nanginig na tila kinokombulsyon. Hindi pa rin ito tumitigil sa inuusal na orasyon.
Biglang isa-isang nahulog ang mga piguring naka-display sa loob ng silid.
"Tito Nathan!" Nagulat si Kyte at napasigaw! Napatakbo ito papalapit sa tiyuhin.
Nagmulat ng mga mata si Madam Lala. Tila pagod na pagod ito at hinahabol ang paghinga. Matalim ang matang tumitig ito kay Helen. "Ayaw niyang makipag-usap. Hindi siya pumayag na alisin ang sumpa sa rosaryo. Hindi ko siya puwedeng kalabanin. Kayang-kaya rin niya akong patayin. Pasensya na, hindi ko kayo matutulungan."
"Pero---" Gustong magprotesta ni Nathan.
"Umalis na kayo. Ayokong madamay sa sumpa."
"Tulungan mo kami, pakiusap. Sabihin mo lang sa amin kung ano ang ibig sabihin ng mga imaheng lumilitaw sa isip ng bawat humahawak sa rosaryong ito. Baka may kaugnayan ang mga imaheng iyon para mawala ang sumpa. Tulungan mo kami, Madam Lala." Masidhi ang hangarin ni Nathan na mapapayag ang manghuhula.
"Marami na ang namatay dahil sa sumpa. Gusto naming maputol na ang sumpa, Madam Lala. Kung may maitutulong ka, huwag mong ipagkait ang karunungan mo," sabi ni Helen.
"Nakikiusap kami sa'yo, tulungan mo kami. Kailangang mawala ang sumpa sa rosaryong ito bago pa kami maunahan nito. Tulungan mo kami, Madam Lala." Buo ang loob ni Nathan na mapapayag ang manghuhula.
Tumitig si Madam Lala kina Nathan at Helen. Ang mga mata nito ay balot pa rin ng takot pero makikita rin ang tila pag-aalala para sa kanilang dalawa.
"Madam Lala..." untag ni Helen. Itinuro niya si Kyte. "Makakaya ba ng konsensya mo na pati ang batang ito ay mamatay nang dahil lang sa isang sumpa na wala naman siyang kinalaman? Siguro naman ay may mga anak ka rin. Paano kung isa sa mga anak mo ang makahawak sa rosaryong ito, hindi mo ba siya tutulungan? Hahayaan mo lang ba siyang mamatay?"
"Tulungan mo kami, Madam Lala. Ang itutulong mo sa aming tatlo ay tulong din na maibibigay mo sa iba pang mga nakahawak sa rosaryo at pati na rin sa iba pang magiging biktima nito sakaling hindi maputol ang epekto ng sumpa," pangugumbinse ni Nathan.
Tahimik na dinampot ni Madam Lala ang tarot cards na nasa mesa. Binalasa niya iyon habang matamang nakatitig lang sina Helen, Kyte at Nathan. Ilang ulit pang binalasa ng matandang babae ang tarot cards at saka tiningnan nang matalim si Helen.
"Hatiin mo sa tatlo ang baraha," utos ni Madam Lala.
Walang pag-aalinlangang hinati ni Helen sa tatlo ang mga baraha.
"Pumili ka ng isa."
Kinuha ni Helen ang barahang nasa ibabaw ng pangalawang hati. Iniabot niya iyon kay Madam Lala.
Inilapag ng espiritista ang baraha ni Helen sa mesa. Nakita nila ang imaheng nakalarawan sa baraha. Isang muroidea rat.
"Daga!" sigaw ni Kyte.
"Iyan ang sagot sa mga imaheng gumugulo sa inyong isipan," bulalas ni Madam Lala.
"Ha?" naguguluhang sabi ni Nathan. "Paanong magiging sagot 'yan sa mga tanong namin?"
"Anong ibig mong sabihin, Madam Lala?" tanong ni Helen.
"Hanapin ninyo ang dagang 'yan."
Biglang may naalala ni Helen. "Isa sa mga imaheng nakita ko nang hawakan ko ang rosaryo ay isang hooded rat. Dagang literal na may suot na hood. Kung iyon ang dagang sinasabi ng baraha, saang sulok ng mundo kami makakakita ng dagang may suot na hood?"
"Kung hindi naman literal, ang ibig sabihin ng hooded rat ay domesticated rat. Isang dagang maamo. Isang dagang inaalagaan..." paliwanag naman ni Nathan.
"Ano mang interpretasyon ang kunin natin, pareho pa ring daga ang hahanapin natin. At hindi ko maintindihan kung paanong magkakaroon ng koneksyon ang isang daga sa pagtanggal ng sumpa sa rosaryong ito, Nathan."
"Hanggang diyan lang ang puwede kong itulong. Makakaalis na kayo," sabi ni Madam Lala. "Sana ay magtagumpay kayong maalis ang sumpa ng rosaryo."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top