Chapter 5
NAKITA ni Nathan si Helen na naghihintay sa chapel na nasa tabi ng simbahan nang dumating sila roon ni Kyte. Walang kaalam-alam si Kyte sa tootong pakay nila sa simbahan. Akala niya ay magsisimba lang sila dahil araw naman ng Linggo.
"Tapos na ang huling misa. Wala nang tao sa simbahan," sabi ni Helen. "Bakit kasama mo si Kyte?"
"Nahawakan niya ang rosaryo," halos pabulong na sabi ni Nathan sa kasintahan. "Hindi ko namalayan na nahulog mula sa bulsa ng pantalon ko at napulot niya."
Napaawang ang bibig ni Helen. "Kasama na rin siya sa pila ng mga mamamatay sa loob ng labintatlong araw."
"Na hindi natin hahayaang mangyari," deklara ni Nathan.
"Tito Nathan, saan po ba tayo pupunta?" biglang tanong ni Kyte.
"Halikayo, sumunod kayo sa akin," aya ni Helen sa dalawa.
Pumunta sila sa isang nakasarang pinto sa gilid ng chapel. Kumatok si Helen. Isang may edad na babae ang nagbukas ng pinto.
"Ano po ang kailangan ninyo?" magalang na tanong na matandang babae.
"Maaari po ba naming makausap si Father Jude? Importante lang po," sabi ni Helen.
"Tungkol saan po ba?"
"Magpapatulong po sana kami para i-exorcise ang isang bagay na isinumpa para hindi na umepekto pa ang sumpa."
Saglit silang tiningnan ng matandang babae bago ito muling nagsalita, "Sumunod po kayo sa akin," sabi nito sa seryosong tono.
Nagkatinginan sina Helen at Nathan bago sila naglakad sa gawi na pinuntahan ng matandang babae.
Dumiretso ang matandang babae sa isang silid na tila opisina ang ayos. Naroon ang isang lalaking siguro'y lagpas trenta lang ang edad na nakayuko at may binabasang kung ano. "Father Jude, may naghahanap po sa inyo."
Nag-angat ng mukha ang pari. Ngumiti ito nang makita ang mga bisita. "Tuloy po kayo at maupo. Ano po ang atin?" tanong ng pari bago bumaling sa matandang babae. "Manang Sola, iwanan n'yo na muna kami."
Yumukod pa si Manang Sola sa pari bago lumabas ng opisina.
"Ano pong maipaglilingkod ko?"
Umupo ang dalawa bago nagsalita si Nathan. Si Kyte naman ay nakatayo at nagmamasid lang sa paligid. "Father Jude, gusto sana naming ipa-exorcise ang rosaryong ito." Ipinakita niya sa pari ang rosaryo.
Akmang aabutin ng pari ang rosaryo pero mabilis na binawi ni Nathan ang kanyang kamay. "Huwag!"
"B-bakit?"
"May sumpa ang rosaryong ito, Father. Madadamay ka kapag hinawakan mo ang rosaryong ito," paalala ni Nathan sa pari.
"Ibigay mo sa akin. Titingnan ko," mahinahong sabi ng pari.
"Father... baka kasi mapahamak ka." Hindi nawawala ang pag-aalala ni Nathan.
"Huwag kang matakot. Mas makapangyarihan ang Diyos kaysa sa demonyo," sabi ng pari. "Ibigay mo sa akin ang rosaryo para masuri ko."
Sinulyapan ni Nathan si Helen. Nakita niyang bahagya itong tumango. Nagdadalawang-isip man ay iniabot niya ang rosaryo sa pari.
Sinuri ng pari ang rosaryo. Mula sa krus hanggang sa mga butil ay isa-isang tiningnan nito. Matapos ang ilang saglit ay nagsalita ang pari. "Wala naman akong nakikitang kakaiba sa rosaryong ito. Paano n'yo nasabing may sumpa ito?"
"Father, tatlong tao na naging may-ari ng rosaryong 'yan ay namatay na. Iyon ang sumpa ng rosaryong 'yan. Mamamatay ang sinumang magmay-ari o kahit humawak man lang diyan," pahayag ni Helen. Nakalimutan yata niyang kasama nila si Kyte.
"Mamamatay po ako?" takot na tanong ni Kyte. "Hinawakan ko 'yan, eh."
Nagkatinginan sina Helen at Nathan.
"Hindi, Kyte. Hindi ka mamamatay. Walang mamamatay sa ating tatlo. Kaya nga nandito tayo ngayon ay para humingi ng tulong kay Father. Maaalis niya ang sumpa sa rosaryo," paliwanag ni Nathan sa pamangkin. "Hindi ba, Father?" Muli niyang ibinalik ang tingin sa kaharap na alagad ng Diyos.
"Pero wala akong nakikita o nararamdamang kakaiba sa rosaryong ito?" sabi ng pari.
"Father, gawan n'yo na lang po ng exorcism ritual ang rosaryong iyan," pakiusap ni Helen. "Wala namang mawawala kung susubukan."
Tumango ang pari. "Sige," pagsang-ayon nito. "Iwanan n'yo na rito ang rosaryong ito. Ako na ang bahalang magsagawa mamaya ng ritwal na mag-aalis sa anumang masamang elemento sa rosaryo, kung meron man." Inilagay ng pari ang rosaryo sa drawer ng mesa.
"Salamat, Father. Aalis na po kami," paalam ni Helen.
"Mag-iingat kayo. Huwag kayong matakot sa sumpa. Ang Diyos pa rin ang pinakamakapangyarihan sa lahat," paalalani Father Jude sa tatlong bisita.
Lumabas na silang tatlo sa opisina ng pari. Pero pagtapat nila sa simbahan ay tumakbo si Nathan papasok sa loob.
"Saan ka pupunta?" tanong ni Helen.
"Kukuha lang ako ng agua bendita. Hindi ko alam pero baka kailanganin natin sa mga darating na araw. Hintayin n'yo na lang ako diyan." Tuluy-tuloy na pumasok sa loob ng simbahan si Nathan. Mula sa dala niyang backpack ay kinuha niya ang isang botelya at isinalok sa lalagyan ng agua bendita na nasa bukana lang ng simbahan. Pagkatapos ay kaagad din niyang binalikan ang mga kasama.
Sumakay na sila sa owner type jeep ni Helen. Magkatabi sila ni Nathan sa unahan. Sa likuran naman umupo si Kyte, "Uuwi na ba tayo?" tanong niya sa nobyo habang pinaaandar ang sasakyan.
"Hindi pa. Pupunta tayo sa bayan. Mayroong espiritista doon, 'di ba?"
"Anong gagawin natin doon?"
"May gusto lang akong itanong sa espiritista. Naguguluhan ako kung ano ang mga imaheng nakita ko noong hinawakan ko ang rosaryo. Gusto kong malaman kung ano ang ibig sabihin ng mga iyon," seryosong sabi ni Nathan.
"Tito Nathan, para!!!" Biglang sigaw ni Kyte. Nagpreno si Helen at huminto ang sasakyan.
Nilingon nina Helen at Nathan ang bata. "Bakit?"
Nagulat siya sa nakitang hawak ni Kyte. "Tito, nadukot ko ito sa bulsa ko..." Ipinakita nito sa dalawa ang rosaryong hawak.
Kapwa nanlaki ang mga mata nina Helen at Nathan. Hindi sila makapaniwala. Paanong nangyaring nasa bulsa ni Kyte ang rosaryong kanina lang ay ibinigay nila sa pari?
"Bakit nasa 'yo 'yan?" tanong ni Nathan sa pamangkin.
"Iniwan natin 'yan sa simbahan," sabi ni Helen. "Paanong napunta sa bulsa mo 'yan?"
"Hindi ko po alam. Pagdukot ko sa bulsa ko, nandoon na ito."
"Demonyo! Demonyo ang may kagagawan niyan! Hindi na tayo dapat magtaka. Totoo talaga ang sumpa sa rosaryong iyan, naniniwala na ako," wala nang pagdududang pahayag ni Nathan.
"Aaahhh!" Biglang nagsisigaw si Kyte. "Ano ito?!" Bumakas sa mukha niya ang matinding takot habang nakatingin sa kanyang sariling braso.
"Bakit? Anong nakikita mo?" tanong ni Nathan.
Ibinulalas ni Helen ang nasa isip, "May nakikita ka bang balat ng ahas sa braso mo?"
"Opo, nagkakaroon ng makapal na kaliskis ang braso ko. Parang balat ng ahas po," mangiyak-ngiyak na sabi ni Kyte.
Agad kinuha ni Helen ang cellphone niya at kinunan ng litrato ang braso ng bata. At katulad ng inaasahan niya, lumabas doon nang malinaw ang katulad ng mga nakikita niya sa kanyang braso at likod.
Hindi nagpahalata ng takot si Nathan. Ayaw niyang makita ng kanyang pamangkin na siya man ay kinakabahan na sa mga nangyayari. Kung ganitong nasa kanila na muli ang rosaryo, malamang na narito pa rin ang sumpang nakakabit dito.
"Helen, umalis na tayo rito. Pupuntahan natin ang espiritista sa bayan. Hindi tayo puwedeng magpabaya. Maaari tayong mamatay anumang oras kung hindi natin mapipigilan ang sumpa!"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top