Chapter 3
HAPON na nang makauwi si Helen. Nang tingnan niya ang oras sa kanyang relong pambisig, alas-singko y medya na. Kapapasok lang niya sa kanyang silid nang tumunog ang kanyang telepono.
Tiningnan niya sa screen ng telepono kung sino ang tumatawag.
Si Nathan pala, ang boyfriend niya.
Sinagot niya ang tawag ng nobyo.
"Saan ka nanggaling? Dumaan ako sa opisina mo kanina, wala ka. May pinuntahan ka raw." Malinaw niyang narinig ang boses ni Nathan.
"Nagpunta ako ng Burgos. Inaasikaso ko lang 'yong kaso ni Marissa Andres."
"Eh, ba't nakarating ka ng Burgos? Parang ang layo naman yata. Balita ko naman, wala raw foul play."
"Wala pa namang resulta ang autopsy. Kapag lumabas na ang resulta, malalaman natin kung ano ba talaga ang ikinamatay ni Marissa."
"Okay, sige. Dadaan ako diyan mamaya, ha? Nandito lang ako sa bahay, tinuturuan ko lang ng lessons niya sa Math itong pamangkin ko."
"Ikaw ang bahala. Matutulog lang muna ako. Napagod ako sa biyahe," sagot niya.
"I love you. Bye!"
"I love you, too." Inilagay niya sa ilalim ng unan ang kanyang telepono pagkatapos nilang mag-usap ni Nathan at saka siya humiga sa kama.
Hindi na niya namalayan kung gaano katagal siyang nakatulog. Madilim na sa kanyang silid nang magising siya.
Bumangon si Helen at binuksan ang ilaw sa kanyang kuwarto ngunit muntik na siyang mapatili nang makita sa liwanag ang kanyang braso. May tumutubo ng kaliskis na parang balat ng ahas sa bahaging iyon ng kanyang katawan!
Nahintakutan si Helen. Totoo! Totoo nga yata na may sumpa ang rosaryo.
Kiniskis niya ang braso niyang may kaliskis. Gusto niyang matanggal ang kaliskis na iyon sa pamamagitan ng kanyang pagkiskis dito.
Biglang pakiramdam niya ay umunit ang isang bahagi ng kanyang likuran. Namilipit siya sa mainit na sensasyong nadama.
Diyos ko! Pati ba ang likuran niya ay tinutubuan na rin ng kaliskis?
Itinaas niya ang suot na t-shirt at tumalikod siya sa salaming nasa kanyang silid para masilip ang likurang bahagi ng kanyang katawan. At anong laking gulat niya nang makumpirma ang kanyang hinala. May maliiit na bahagi ng kanyang likod ang mayroon na ring balat ng ahas.
Magiging taong ahas ba siya?
O mamamatay siya ng katulad ng kamatayang nangyari kay Marissa?
Napasigaw sa gulat si Helen nang biglang makarinig ng mga katok sa pinto.
"Helen? Anong nangyayari diyan?" Narinig niyang sabi ng boses sa labas ng pintuan. Si Nathan iyon, nakilala niya ang boses ng lalaki.
Mabilis siyang lumabas ng silid upang pagbuksan ang kumakatok na nobyo.
"Anong nangyari sa'yo? Bakit ka sumigaw?" tanong ni Nathan nang pagbuksan na niya ito ng pinto. May hawak itong plastic bag na may lamang kung ano.
"W-wala, nagulat lang ako sa katok mo," sabi niya. "Pumasok ka. Kagigising ko lang kasi."
Pumasok si Nathan. Sanay na siya sa loob ng bahay ni Helen. Namana pa ito ng nobya niya sa namapaya nitong mga magulang. At dahil nag-iisang anak lang, lahat ng mga ari-arian ng mga magulang nito ay napunta lahat sa dalaga.
"Kumain ka na ba? Magluluto ako."
"Huwag na, may dala akong pagkain rito. Binili ko lang diyan sa labas, baka kasi hindi ka pa kumakain. Eto, o..." Iniabot ni Nathan kay Helen ang dala niya.
"Ba't ka nga pala napapunta rito?" tanong ni Helen. "Saglit lang, ha? Ilalagay ko lang ito sa plato." Tumalikod na siya para magpunta sa kusina. Sumunod naman sa kanya si Nathan.
"Wala naman. Nami-miss na kasi kita. Tapos, hindi pa kita natiyempuhan sa presinto kaninang hapon. Kaya sabi ko, dito na lang kita dadalawin sa bahay mo. Masyado ka kasing busy sa trabaho mo."
Inilagay ni Helen sa plato ang dalang pagkain ni Nathan. "Naku, pasensya ka na. Alam mo naman ang trabaho ko, kung kinakailangang umakyat ng bundok para makakuha ng impormasyon, gagawin ko."
"Sino ba ang pinuntahan mo sa Burgos? Tagaroon ba ang suspek mo? Bakit, naniniwala ka ba na pinatay si Marissa?"
"Hindi," sagot ni Helen. "Ang totoo nga, wala naman akong makitang palatandaan na may foul play sa pagkamatay niya." Tiningnan niya ang nobyo sa mata.
"O, eh bakit ka nga nagpunta roon?" Bakas sa mukha ni Nathan ang matinding kuryusidad. Kilala niya ang nobya. Hindi ito pupunta sa isang lugar para mag-imbestiga kung alam nitong wala namang makukuhang importanteng ebidensya sa kasong hawak nito.
"Naniniwala ka ba sa sumpa?" biglang tanong ni Helen na muntik nang ikabunghalit ng tawa ni Nathan.
"Sumpa? Sa taong 2018? Meron pa ba no'n?" natatawang sabi ng lalaki.
Inilahad ni Helen ang braso niya. Ipinakita niya sa nobyo ang parteng tinutubuan na ng balat ng ahas.
"Ano 'yan?" tanong ni Nathan.
"Ayan ang sumpa," sagot niya. "Dati hindi rin ako naniniwala. Ayokong maniwala. Pero, ayan na siya. Nag-uumpisa nang kumapit sa akin ang sumpa."
"Ano bang pinagsasabi mo? Asan ang sumpa?"
"Eto, o sa braso ko. Hindi mo ba nakikita?"
"Asan nga?" Hinawakan pa ni Nathan ang braso ng nobya at tinitigang mabuti. Hindi niya alam kung ano ba ang hinahanap niya sa braso nito.
"Hindi mo nakikita? Wala kang nakikitang balat ng ahas sa braso ko?"
"Wala." Nagtatakang tinitigan ni Nathan ang nobya. "Ano bang nangyayari sa'yo? Ano ba ang sinasabi mo?"
"Hindi mo nakikita," bulong ni Helen. Nalilito siyang napatingala sa kisame. Tapos ay bigla siyang may naalala. "Teka, may kukunin lang ako sa kuwarto."
Mabilis siyang pumasok sa kuwarto niya at kinuha ang kanyang telepono sa ilalim ng unan. Agad din siyang bumalik sa nobyo niyang naghihintay sa kanya sa kusina.
"Eto, kunan mo ng litrato ang braso ko," utos niya sa nobyo. Umaasa siyang ang hindi nakikita ng mata nito ay malinaw na makikita sa larawan.
Nag-aalangang kinuha ni Nathan ang telepono at humanda para kunan ng litrato ang braso ng nobya.
"Bilisan mo..."
Ginawa ni Nathan ang dapat niyang gawin.
"Tingnan mo ang litrato." Siguradong-sigurado si Helen na nakunan ng larawan ang kaliskis sa kanyang braso, na nakikita niya pero hindi nakikita ng iba.
Kitang-kita niya ang panlalaki ng mga mata ng nobyo. Hindi ito makapaniwala sa kung ano mang nakita nito sa litrato.
"Tingnan mo!" Iniabot sa kanya ni Nathan ang telepono.
Inaasahan na ni Helen ang makikita niya. "Iyan ang sinasabi ko sa'yo. 'Yan ang pinapakita ko sa'yo sa braso ko na hindi mo nakikita."
"Ano 'yan? Bakit nakikita mo pero 'di ko nakikita, pero na-capture ng camera?" Hindi maipaliwanag ang pagtataka sa mukha ni Nathan.
"Sumpa. Umeepekto na sa akin ang sumpa!"
"Ano ba ang sinasabi mo? Hindi kita maintindihan."
Muli niyang ibinigay sa nobyo ang cellphone. "Eto, tingnan mo ang mga litrato ng bangkay ni Marissa."
Hindi makapagsalita si Nathan nang makita ang mga larawan. "Taong ahas ba 'to? Bakit siya nagkaganito?"
"Hindi ganyan ang itsura niya kung titingnan mo lang ang bangkay niya. Pero sa litrato, ganyan ang lumalabas. At naniniwala na ako na dahil nga 'yan sa sumpa."
"Sino ang nagsumpa? Sino ang isinumpa?"
Dinukot ni Helen ang rosaryo sa bulsa ng suot niyang pantalon. "Eto, may sumpa ang rosaryong ito. Ang sinumang humawak o magmay-ari ng rosaryong ito ay mamamatay sa loob ng labintatlong araw."
"Seryoso ka?"
"Gagawin ko bang biro ang ganitong bagay?"
"Sinong nagsabi sa'yo na may sumpa ang rosaryong 'yan? Sumpa? Hindi tayo naniniwala sa sumpa, 'di ba?"
"Hindi rin ako naniniwala. Dati! Pero paano ko ipaliliwanag ang pagkamatay ni Marissa Andres na wala rin akong makitang anumang kakaiba sa itsura niya pero nang kunan ng litrato ang bangkay ay ganyan na ang nakita naming itsura ng katawan niya?"
"Patingin nga ng rosaryo." Aagawin sana ni Nathan ang rosaryong hawak ni Helen pero mabilis na naiilag ng dalaga ang kamay niya.
"Huwag! Hindi puwede. Madadamay ka sa sumpa."
"Eh, anong gusto mong gawin ko? Tumunganga at hintaying magkatotoo sa'yo ang sumpang sinasabi mo?"
"Ayokong madamay ka! Kung mangyayari sa akin ang sumpa, sa akin na ito magtatapos. Wala nang iba pang mamamatay dahil sa sumpa ng rosaryong ito."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top