Chapter 29

"CARLOS!" Tumakbo si Master Jaime para tulungan ang duguang anak.

Muling sumugod si Didong at si Nicandro na ang puntirya nito ngayon. "Papatayin kita!"

Napaurong sa takot si Nicandro. Isang tumpok ng mga tuyong dahon ang natapakan niya. Hindi niya inaasahang ang mga tuyong dahon na iyon ay may tinatakpang isang malaking butas.

"Kitang-kita ni Master Jaime nang mahulog sa butas ang kanyang ama. "'Tay!"

"Aaaahhhhh!!!" Tuloy-tuloy na nahulog si Nicandro sa butas na isa palang patay na balon. Paupo siyang bumagsak sa ilalim ng balon. Mabuti na lamang at maraming tambak na mga tuyong dahon sa ilalim ng balon kaya hindi siya gaanong nasaktan.

Samantala, sinikap ni Helen na makatakbo kasama si Kyte pero parang mas mabilis kumilos si Nathan kaysa sa kanya. Patuloy ang pagtulo ng berdeng likido sa bibig nito at umiilaw pa rin sa dilim ang madilaw nitong mga mata.

Namalayan na lang ni Helen na nasa unahan na nila ang lalaki at nakaumang na ang kamay nito para siya ay sakalin.

Nakaramdam ng sakit si Helen nang dumiin sa kanyang leeg ang dalawang kamay ni Nathan. Mahigpit ang pagkakasakal sa kanya ng nobyo at alam niyang kayang-kaya siyang patayin nito. Humahagok pa ito habang siya ay sinasakal.

"Aaakkk! N-nathan... Bit---tiwan..." Hindi na niya natapos ang sasabihin dahil mas dumiin pa ang pagkakasakal sa kanya ng lalaki. Sinikap niyang sipain ito pero parang balewala lang kay Nathan ang ginawa niya.

"Tito Nathan, bitiwan mo si Tita Helen. Bitiwan mo po siya!" Pinagsusuntok ni Kyte ang katawan ng tiyuhin pero hindi naman ito iniinda ng lalaki.

Halos maputulan na ng hininga si Helen. Nagsilabasan na ang ugat sa kanyang sentido sa pagpipigil niya ng kanyang paghinga. Sinikap niyang alisin ang kamay ni Nathan sa pagkakasakal sa kanya pero lubhang mapuwersa ang lalaki.

Ito na ba ang katapusan niya?

Dito na siya mamamatay.

Napakasakit lang na ang lalaking mahal na mahal niya ang siya palang papatay sa kanya.

Tumulo ang luha sa mga mata ni Helen at umagos sa kanyang pisngi.

Ubod-lakas na kinagat ni Kyte ang hita ni Nathan.

Parang nakaramdam ng kagat ng langgam ang lalaki kaya sandali niyang binitawan si Helen at hinarap ang paslit.

Halos masuka si Helen sa pagsagap ng hangin nang bitiwan siya ni Nathan. "Tulong... Tulong!" nanghihinang sabi niya.

Isang malakas na suntok ang ibinigay ni Nathan sa pamangkin na nagpawala dito ng malay at ang katawan nito ay lumatag sa damuhan.

KINUHA ni Master Jaime ang flashlight na gamit kanina ni Carlos at sinubukang ilawan ang ilalim ng balon, pero hindi niya makita ang pinakailalim nito.

"Tatay! 'Tay, naririnig mo ba ako?" sigaw ni Master Jaime. Wala na siyang ibang nasa isip ngayon kundi ang kaligtasan ng kanyang amang si Nicandro.

"Tulungan n'yo ako! Jaime! Iahon n'yo ako rito!" sigaw ni Nicandro na nasa ilalim ng balon. Nasulyapan niya si Didong na ngayon ay papalapit na rin sa kanya.

Mabilis niyang tinakbo ang baril na nasa tabi ni Carlos at agad iyong itinutok kay Didong na ngayon ay nasa gilid na ng patay na balon.

"Hanggang diyan ka na lang, Didong! Isang kilos mo pa, hindi ako magdadalawang-isip na patayin ka!"

"Hindi ninyo ako matatalo!" sigaw ni Didong Daga. "Habang may nabubuhay pa sa mga kriminal na lumapastangan sa ina ko at kapatid, hinding-hindi matitigil ang pagkamatay sa lahat ng magmamay-ari sa isinumpang rosaryo, o kahit na humawak man lang dito. Magbabayad sila ng buhay nila sa ginawa nilang kasamaan sa nanay at ate ko," humahagulgol na sabi niya. "Masasama kayong mga tao! Walang kasalanan sa inyo ang Nanay Carmen at Ate Adela ko. Pero pinatay n'yo sila!"

"Patawarin mo na sila, Didong."

"Hindi! Kailangang mamatay ang natitirang lalaking pumatay sa pamilya ko. Kailangang mamatay si Nicandro. Kung kailangang samahan ko siya hanggang sa impiyerno ay gagawin ko mabigyan ko lang ng katarungan ang nanay ko at ang kapatid ko!"

Hindi inaasahan ni Master Jaime nang bigla itong tumalon sa patay na balon.

Bumagsak ang katawan ni Didong Daga sa nakatayong si Nicandro na nabuwal nang madaganan niya.

"Dito ninyo hinulog ang ate ko pagkatapos ninyo siyang gahasain at patayin. Dito ka na rin mamamatay, Nicandro!"

Hindi na nag-aksaya ng sandali si Didong Daga. Mabilis niyang sinakal ang matandang lalaking naging dahilan ng napakasakit na trahedya sa kanyang buhay.

"Mamatay ka, Nicandro! Mamatay ka!" Gigil na gigil si Didong Daga. Buong lakas ay ibinigay niya para siguruhing hindi na makakatakas sa kanya si Nicandro.

"Huwaaag! Aaahhhhhhh!" Pumuno sa loob ng patay na balon ang sigaw ni Nicandro.

"Tatay!!!" Lubos ang pag-aalala ni Master Jaime, pero wala naman siyang magawa. "'Tay! Didong, anong ginagawa mo sa tatay ko?" sigaw niya sa mga nasa ibaba ng patay ng balon.

"T-tu---long! Jai--- Aaaagghh!"

"Papatayin kita, Nicandro! Papatayin kita! Pagbabayaran mo ang mga ginawa mo sa pamilya ko!" Matinding galit ang nakarehistro sa mukha ni Didong. Wala nang makapipigil pa sa kanya para bigyan ng katarungan ang sinapit ng kanyang nanay Carmen at Ate Adela.

NASA walang malay na si Kyte pa rin ang atensyon ni Nathan na nasa ilalim pa rin ng masamang espiritung lumukob sa katawan nito. Maya-maya ay bumaling itong muli kay Helen na hindi pa man nakakabawi ay may naramdamang kakaiba sa kanyang bulsa kung saan naroon ang isinumpang rosaryo.

Dinukot ni Helen ang rosaryo sa kanyang bulsa nang maramdaman niyang umiinit na naman ito. At saka niya nasulyapan ang kanyang relong pambisig. Limang minuto na lamang bago mag-hatinggabi.

Ginapangan siya ng kakaibang kilabot sa kanyang katawan.

Malapit na siyang mamatay!

Hindi niya nailagan ang muling pagsalakay ni Nathan. Sinakal siya nito nang walang pag-aalinlangan. Ngayon ay mas lalo pang humigpit ang pagkakasakal nito sa kanya.

"Tulong! T-tulooong!" Pinilit ni Helen na sumigaw.

Narinig siya ni Master Jaime pero hindi nito malaman kung sino ang unang tutulungan. Ang ama ba nito o si Helen?

Patuloy sa pag-init ang rosaryo hanggang hindi na niya makayanang hawakan ito.

Nabitiwan niya ang rosaryo at bumagsak ito sa lupa. Isang dilaw na usok ang lumabas mula rito. Nagpaikot-ikot sa ere ang dilaw na usok at pagkatapos ay tila may isip itong lumipad papunta sa balon.

Kitang-kita ni Master Jaime kung paanong naglakbay papunta sa ilalim ng balon ang dilaw na usok. Hindi siya makapaniwala sa nakikita.

"Jaime! Tu—lungan mo a---ko!"

Paano ba niya matutulungan ang kanyang ama? Hindi siya puwedeng basta na lang bumaril sa ilalim ng balon. Baka hindi si Didong ang matamaan niya kung hindi ang kanyang ama.

Sa huli ay nagpasya si Master Jaime. Tinakbo niya ang kinaroroonan ni Helen at itinutok ang baril kay Nathan. Pero agad din siyang natigilan. Papatayin ba niya ang lalaki gayong sinaniban lang ito ng kung anong masamang espiritu?

Kailangan niyang magdesisyon!

Ngayon!

Ipinutok niya ang baril at tumama ito sa balikat ni Nathan ngunit parang walang sakit itong naramdaman gayong umagos ang dugo nito sa bahaging pinaglagusan ng bala. Nilingon siya nito pero hindi nito binitiwan si Helen na halos mapugto na ang hininga. Nakita ni Master Jaime ang umiilaw sa pagkadilaw na mga mata ni Nathan.

Muli niyang itinutok dito ang baril sa lalaki.

Sa ilalim ng balon ay biglang sumalpak sa mukha ni Nicandro ang kulay dilaw na usok at pumulupot sa kanyang leeg papunta sa buo niyang katawan. Tila ito matibay na lubid na sumakal nang mahigpit sa leeg ni Nicandro habang ang isang dulo naman ng usok ay pilit na pumasok sa bibig ng matandang lalaki. Ngayon ay dalawa na ang gustong pumatay sa kanya. Si Didong Daga at ang dilaw na usok!

"Saklolo! Tulungan n'yo ako! Aaakkk..." Kinakapos na siya sa hangin.

Ganoon din si Helen. Nagdidilim na ang tingin niya sa paligid. Alam niya, bibigay na siya. Konting-konti na lang...

Limang segundo bago mag-hatinggabi.

Apat na segundo.

Tatlo...

Dalawang segundo...

Muling pumutok ang baril at tinamaan sa hita si Nathan.

Hindi na kinaya ni Nicandro ang higpit ng pagkakasakal ni Didong Daga at ng dilaw na usok. Sumuko na ang matanda niyang katawan sa puwersa ng tao at ng isang hindi niya nakikitang elementong gustong pumatay sa kanya.

Isa.

Nagdilim ang lahat kay Helen. Kasunod ng pagbagsak niya sa damuhan ay bumagsak din si Nathan.

The End

Author's Note:

At diyan po nagwawakas ang kuwento nina Helen, Nathan, Kyte at ng isinumpang rosaryo. Iniiwan ko sa inyong mambabasa ang tanong kung ano ang nangyari sa mga tauhan. Maraming salamat sa inyong pagsuporta sa kuwentong ito.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top