Chapter 25

NAIWAN sa loob ng kubo ang naghihingalong si Carmen at ang umiiyak na si Didong.

"Nanay... Nanay, 'wag kang mamamatay..." Walang humpay sa pag-iyak si Didong.

Dahan-dahang umangat ang kamay ni Carmen na may hawak na rosaryo at hinaplos ang pisngi ng anak niya. Ilang saglit lang iyon. Pagkatapos ay mapait siyang ngumiti at tuluyan nang hinigit ang huli niyang hininga.

"Nanay!!!" Halos kapusin ng hininga si Didong sa nadaramang paghihinagpis sanhi ng pagyao ng mahal niyang ina. "Nanay! Nanay, gumising ka!"

Nalaglag ang kamay ni Carmen na nakadampi sa pisngi ni Didong. Kasabay na nahulog sa lupa ang rosaryo eksakto sa bahaging may patak ng dugo na nanggaling sa saksak ni Carmen.

Sa isang gilid na bahagi ng kubo ay isang malaking sawa ang gumagapang. Paikot-ikot ito sa loob ng kubo na para bang sinusuri ang mga nasa loob nito. Maya-maya pa ay gumapang ito papalapit kina Carmen at Didong.

Nahintakutan si Didong nang makita ang malaking sawa na dilaw na dilaw ang mga mata at mahahaba ang mga pangil kaya bigla siyang napatayo at napatakbo papalayo sa bangkay ng ina. Kitang-kita niya ang dahan-dahang paglapit ng ahas sa kanyang ina. Nakakatakot din ang mahaba at sanga-sanga nitong dila na labas-pasok sa bibig nito.

Dinila-dilaan ng ahas ang mukha ni Carmen. Kasunod nito ay dinilaan din ang mga braso at binti. Gumapang ang ahas sa buong katawan ng babae at unti-unti ay nagkaroon ng tila kaliskis na balat ng ahas ang mukha, braso at binti nito at lahat ng bahaging nadaanan at nadilaan ng ahas. Ilang sandali lang at nabalot ng tila kaliskis na balat ng ahas ang buong katawan ng kanyang ina. Binalot ng sindak si Didong sa kanyang nasaksihan at napako na siya sa kanyang kinatatayuan.

Mas lalo siyang kinilabutan nang dahan-dahang bumuka ang bibig ng ahas hanggang sa lumaki nang husto ang bibig nito. Kitang-kita rin niya nang lumapit ang nakabukang bibig ng ahas at sinakmal ang bangkay ng kanyang ina.

Hindi na mawawala sa kanyang gunita kung paanong kinain ng ahas na iyon nang buo ang kanyang mahal na ina! Sa paningin niya'y nagmistulang isang buong taong ahas ang kanyang ina habang unti-unti itong nilulunok ng malaking ahas.

Halos hindi na gumagalaw si Didong sa kanyang kinatatayuan sa pangambang siya naman ang isunod na lunukin ng malaking sawa. Pati ang kanyang pag-iyak ay pilit niyang pinigilan. Ayaw naman niyang mapunta sa loob ng tiyan ng ahas. Sa kanyang murang isipan ay hindi na maaalis ang nakakakilabot na eksenang kanyang nasaksihan.

Ilang sandali ring namalagi roon ang sawa. Labas-masok ang dila nito na tila ba naghahanap pa ng makakain. Nang makita nito ang rosaryong puno ng dugo ni Carmen ay inikutan nito ang rosaryo at saka dinilaan nang paulit-ulit. Pagkatapos ay tila ba may buhay na biglang gumalaw ang rosaryo. Gumalaw ito na para bang gustong kumawala sa lupa at lumutang sa hangin. Ilang saglit din itong kumiwal-kiwal hanggang sa tuluyan na itong umangat at lumutang. Dahan-dahan itong nagpaikot-ikot sa loob ng bahay, naghahanap ng malulusutan. At nang matiyempuhan ang daan papalabas ay para itong bulalakaw na sumibad papalayo hanggang sa tuluyan na itong nawala sa kadiliman ng gabi.

Nanatiling hindi kumikilos si Didong sa kinatatayuan niya. Panay lang ang lunok niya ng laway. Balot na balot ng takot ang kanyang itsura. Sobra-sobrang sindak na ang nasaksihan niya ngayon simula kanina sa pagdating ng mga buhong na kalalakihan.

Muli niyang tiningnan ang malaking ahas. Nasa harap pa rin niya ito at hindi pa rin umaalis. Ano pa kaya ang gagawin nito? Ang katawan nito ay maumbok pa rin at mahahalatang katatapos lang nitong lumunok ng isang malaking pagkain. Patuloy na naglalabas-pasok sa bibig nito ang mahaba at sang-sangang dila nito. Mamaya pa ay muli na itong gumapang papalabas ng kubo at ilang saglit lang ay wala na ito sa paningin ni Didong.

Naiwan siyang nag-iisa sa loob ng kubong iyon. Nagtatakbo siya papalabas upang tingnan ang kanyang kapatid ngunit wala ito roon. Dinala ng mga lalaki ang ate niya. Napaiyak na lamang si Didong sa labis na takot at pag-aalala para sa nakatatandang kapatid. Ano na ang gagawin niya ngayon? Nasaan na kaya ang ate niya? Paano niya matutulungan ang ate niya?

Tumakbo siya sa madilim na kagubatan habang isinisigaw ang pangalan ng kanyang kapatid. "Ate Adela, nasaan ka? Ate Adela! Ate Adela!" Pero ang kanyang sigaw ay nilamon lang ng kadiliman. Walang sagot na narinig mula sa kanyang mahal na kapatid.

Wala nang nagawa si Didong kung hindi ang umiyak at at ipagdasal na sana naman ay makaligtas ang ate niya sa kamay ng mga salbaheng lalaking iyon.

Nang mga sandaling iyon, si Adela ay nagkamalay na at nasa gitna ng gubat kung saan siya dinala ng limang kalalakihang pawang lulong sa ipinagbabawal na gamot. Hindi sapat ang kadiliman para itago ang hilakbot sa mukha ni Adela sanhi ng matinding takot na kanyang narararmdaman.

"Maawa kayo sa akin... Maawa kayo..." umiiyak na sabi niya. Umaasa siyang maliligtasan pa rin niya ang nakaambang panganib.

Napuno ng malalakas na halakhakan ang paligid. Ang mga lalaking kasama niya ay tila walang nakikilalang habag.

'Ako ang mauuna!" sigaw ng isa na tumatayong leader sa grupo. "Bahala na kayo kung sino sa inyo ang susunod. Basta ako dapat ang mauuna," dugtong pa nito.

"Huwag! Maawa ka sa akin. Pauwiin n'yo na ako..." Walang hinto ang kanyang pagmamakaawa sa mga lalaking nagbingi-bingihan sa kanyang panaghoy.

Nilapitan siya ng leader at mariin na hinawakan ang kanyang mukha. "Maganda ka. Napakaganda mo kahit liwanag lang ng buwan ang tanglaw sa mukha mo," sabi pa nito kasunod ang isang nang-iinsultong halakhak.

Nandiri si Adela nang biglang sinunggaban siya ng mariin na halik ng lalaki na halos ikapugto ng hininga niya. Pilit niyang itinulak ang buhong pero walang silbi ang mahina niyang katawan sa lakas ng lalaking lumalapastangan sa kanya.

Pero buo pa rin sa kanyang loob ang lumaban at ipagtanggol ang pagkababae niyang gustong yurakan ng mga lalaking ganid sa laman. Sa pagnanais na maipagtanggol ang sarili, buong diin niyang kinalmot ang pisngi ng lalaki. Napaigtad ito sa sakit at tinigilan ang paghalik sa kanya pero isang malakas na suntok sa mukha mula rito ang nagpatilapon sa kanya sa damuhan.

Dinama ni Adela ang nasaktang mukhang pakiramdam niya ay nahati sa dalawa. Hindi pa siya nakakabawi sa sakit ay nakita niyang papalapit ang dalawang lalaki sa kanya. Impit na pagmamakaawa ang muling lumabas sa kanyang bibig. "Pakiusap, maawa na kayo sa akin. Hirap na hirap na ako..." Ang mga mata niya'y gusto pang umiyak pero wala na siyang maitangis.

Tila demonyo ang itsura ng dalawang lalaki nang makalapit kay Adela. Ang isa ay walang awa siyang hinila para maitayo samantalang ang isa naman ay humawak sa kanyang pang-itaas na damit na agad ring nawasak nang hilahin nito.

"Huwaaaaggg!" Hindi niya alam kung paano tatakpan ang nahubarang katawan na naglantad sa kanyang dibdib. Pinagsalikop niya ang kanyang mga braso para ikubli ang kanyang kahubaran na tila lalo pang nagpaulol sa mga lalaking nasa kanyang harapan.

Mas lumakas pa ang halakhakan ng limang lalaki. Lahat ay aliw na aliw sa palabas na sila rin mismo ang gumagawa.

Sa kawalan ng pag-asa ay biglang tumakbo si Adela papalayo sa mga lalaki. Pero mas lalo pang ginanahan ang mga buhong na wala nang kinikilalalang habag.

"Gusto niya ng habulan. Habulin natin! Pero 'wag n'yong kalilimutang ako pa rin ang mauuna sa kanya!" sigaw ng kanilang lider at saka ito humalakhak.

Nagkanya-kanyang takbo ang apat na lalaki para habulin si Adela. Abot-abot ang kaba ng dalaga pero pinilit niyang makatakbo nang mabilis kahit na ba walang sapin ang kanyang paa na paminsan-minsan ay nakakatapak ng matutulis na bagay na nagbibigay sa kanya ng ibayong sakit. Ngunit hindi na niya iyon iniintindi. Mas mahalaga para sa kanya na makalayo at matakasan ang mga halang ang kaluluwang alam niyang naroon lang sa kanyang likuran at patuloy siyang hinahabol.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top