Chapter 23
NAGTATAKBO sa kagubatan si Didong Daga habang nagsisisigaw at humahalakhak. Sa kanang kamay niya ay naroon pa rin ang baril ni Helen. Nang makaramdam ng pagod ay saglit siyang huminto at saka humahagulgol na napaluhod sa damuhan. Umiyak siya na parang batang nagsusumbong sa kanyang ina.
Sa kabilang bahagi ng lugar kung saan naroon si Didong Daga ay matamang nagmamasid si Romano. Nasa gubat siya para manguha ng kahoy na panggatong. Kanina pa niya nakita ang lalaki na tumatakbo at humahalakhak kaya palihim niya itong pinagmasdan. Nakita niya ang hawak nitong baril. Kanino ang baril na iyon?
Ibinaba ni Romano ang mga nakuhang kahoy sa gubat at mabilis na binagtas ang daan patungo sa kubo ni Didong Daga. Pakiramdam niya'y may humihila sa kanya para pumunta sa tinitirhan nito.
"Romano!" gulat na sigaw ni Helen nang makita sa bukana ng kubo ang lalaki. "Tulungan mo kami?"
Maging si Romano ay nagulat din nang madatnang nakatali ang tatlo. "Anong nangyari? Bakit kayo nakagapos?"
"Napaniwala kami ni Didong Daga na sasabihin na niya sa amin ang nalalaman niya sa sumpa ng rosaryo. Napainom niya kami ng kapeng may pampatulog. Paggising namin, nakagapos na kaming lahat," paliwanag ni Nathan.
Inumpisahan ni Romano na kalagan ng tali si Nathan. "Mabuti na lang at naisipan kong mangahoy ngayon. Nakita ko sa gubat si Didong, nagsisisigaw at humahalakhak. Nakita ko rin na may dala siyang baril kaya nagduda ako at nagpunta rito."
Ilang sandali pa at tuluyan na niyang nakalag sa pagkakagapos si Nathan. "Kalagan mo si Helen. Ako na ang bahala sa bata," sabi ni Romano kay Nathan.
"Salamat, Romano!"
Nagkanya-kanya na sila sa dapat gawin. Inumpisahang kalagin ni Nathan ang lubid na nakagapos kay Helen. Si Romano naman ay naging abala sa pagtanggal ng lubid na nakatali sa mga paa't kamay ni Kyte.
Nang sa wakas ay matanggal na sa pagkakagapos sina Helen at Kyte ay agad na nag-utos si Romano.
"Umalis na tayo rito! Bago pa tayo mabutan ni Didong Daga."
"Saan kayo pupunta!" Hindi nila inaasahang makikita si Didong Daga nang makalabas na sila ng kubo.
"Bakit mo sila iginapos dito? Wala silang kasalanan sa'yo!" sigaw ni Romano.
"Wala kang pakialam!" Itinutok ni Didong Daga ang baril kay Romano at agad na ipinutok. Sapul sa balikat ang lalaki.
"Helen, tumakbo na kayo!" pasigaw na utos ni Romano sa tatlo na bagama't may tama ng bala ay buong giting na sinugod si Didong Daga na muli na namang itinutok ang baril sa kanya. Bago pa iyon maiputok ni Didong Daga ay nahawakan na niya ang kamay nito at pilit na nakipag-agawan sa baril.
Nagtatakbo sa kagubatan sina Nathan, Helen at Kyte habang nagpapambuno naman sina Romano at Didong Daga. Patuloy silang nag-agawan sa baril. Walang gustong magpatalo. Walang gustong sumuko. Kahit medyo may edad na si Didong Daga ay malakas pa rin ang katawan nito. At ang isip nito ay tuso.
Isang malakas na tadyak ang ibinigay ni Didong Daga kay Romano na siyang nagpabagsak dito. Bago pa makabangon ang lalaki ay apat na sunod-sunod na putok ang ibinigay dito ni Didong Daga. Gigil na gigil niyang ipinutok ng dalawang beses pa ang baril upang siguruhing hindi na makakabangon pa ang kalaban.
Dinig na dinig nilang tatlo ang mga putok ng baril. Napahinto sila sa pagtakbo. Alam nila, isa kina Didong at Romano ang patay na!
"Nathan, baka napatay na ni Didong si Romano," nag-aalalang sabi ni Helen.
"Huwag naman sana..."
"Tito Nathan, umalis na po tayo rito. Baka barilin rin tayo no'ng matandang lalaki."
"Magtago na kayo! Kayo na ang isusunod ko sa lalaking ito!" Hawak pa rin ang baril ni Helen ay dinampot ni Didong Daga ang isang piko. "Nandiyan na ako!!!"
Nilukob sila ng matinding takot nang marinig nila ang sigaw ni Didong Daga. Kung mamalasin sila, hindi man sila mamatay nang dahil sa sumpa, mapapatay naman sila ni Didong Daga.
SAKAY ng kanyang motorsiklo ay nagtungo si Carlos sa bahay ni Iskang Isda kasama si Master Jaime at Nicandro.
"Aling Iska! Tao po, Aling Iska!" tawag ni Carlos. Hindi na sila bumaba sa motorsiklo.
Lumabas ang matabang babae na nagulat sa pagdating ng mga hindi inaasahang bisita.
"O, kayo pala, Carlos. Ba't napasugod kayo?"
"Hinahanap namin sina Helen. Importante lang. Nandiyan ba sila?"
"Aba, maaga silang umalis. Aabangan yata sa poblasyon si Didong Daga. Kung wala, baka pinuntahan nila sa Kadawagan."
"Ganoon ba? Sige po, pupunta na lang kami sa Kadawagan." Hindi na nila hinintay sa sumagot ang babae. Mabilis na pinaharurot ni Carlos ang motorsiklo.
PALINGA-LINGA si Didong Daga sa paligid ng kagubatan. Nakikiramdam siya kung nasaan ang mga taong hinahabol niya. Papalubog na ang araw. Ilang sandali na lang ay kakagat na ang dilim.
"Ano?! Hindi pa ba kayo lalabas sa pinagtataguan n'yo?" Umalingawngaw ang boses niya sa buong kagubatan. "Hindi ninyo ako matatakasan! Hindi ninyo puwedeng putulin ang sumpa. Hindi puwedeng maputol ang sumpa hanggang hindi pa nagbabayad ang lahat ng pumatay sa nanay ko, at sa gumahasa at pumatay sa kapatid ko." Napahagulgol si Didong Daga. Parang bata itong umiyak sa sobrang paghihinagpis nang maalala ang malagim na nangyari sa kanyang nanay at ate. "Hahabulin ng sumpa ang lahat ng may kinalaman sa trahedyang sinapit ng pamilya ko, pati na ang iba pang mga taong hahawak at magmamay-ari sa isinumpang rosaryo! Walang makakatakas sa sumpang inilagay ng demonyo sa rosaryo kapalit ng kaluluwa ng nanay ko! Mawawala lang ang sumpa kapag namatay na ang lahat ng taong lumapastangan sa kanila!"
Sa kanilang pinagtataguan ay halos hindi humihinga sina Helen, Kyte at Nathan. Dinig na dinig nila ang sinabi ng lalaki at hindi sila makapaniwala sa mga ibinulgar nito. Nagkatinginan sina Helen at Nathan. Sa mga mata nila ay naroon ang mga tanong. Sino ang mga walang pusong gumawa ng karumaldumal na krimen sa pamilya ni Didong Daga?
"Lumabas kayo sa pinagtataguan n'yo!" Muling umalingawngaw ang isang putok galing sa baril na hawak ni Didong Daga.
"Aaahhh!!!" Napasigaw sa takot si Kyte at naging dahilan iyon para malaman ni Didong kung nasaan sila.
"Andiyan lang pala kayo!" Napahalakhak na naman si Didong Daga. "Nandiyan na ako!"
Takot na tumakbo sina Nathan, Helen at Kyte. Halos magkandarapa na sila sa pagtakbo. Hindi na nila alam kung saan susuot. Madilim na sa gubat at tanging ang liwanang lang ng papasikat pa lang na buwan ang tumatanglaw sa kanilang dinadaanan. Walang lingon-lingon, puro takbo lang ang kanilang ginawa para matakasan ang lalaking humahabol sa kanila. Alam nilang nasa likuran lang si Didong Daga at hinahabol sila. Nagkasugat-sugat na silang tatlo sa pagsuot sa madawag na kagubatan. Ang mga halamang ligaw sa gubat na may magilik na sanga at mga dahon ay tila maliliit na patalim na humihiwa sa balat ng kanilang mga braso.
Hawak ni Nathan sa braso si Kyte para siguruhing hindi maiiwan ang bata. Halos lumulundag na ang paslit sa ginagawa nitong pagtakbo para masabayan ang kanyang amain.
Isang nakausling malaking ugat ang nadaanan ni Helen na naging dahilan para matapilok siya at matumba.
"Aaayyy!" sigaw ni Helen na nagpahinto sa pagtakbo nina Nathan at Kyte.
Nilapitan nila ang babae at tinulungang makatayo at saka muli silang nagtatatakbo sa bahaging iyon ng kagubatan.
"Bilis! Hindi tayo dapat maabutan ni Didong!" sigaw ni Nathan.
Si Didong ay mabilis ding humahabol sa tatlo bitbit pa rin ang baril at isang piko. Kahit may edad na, maliksi pa rin ang katawan nito at nagagawa pa ring makipaghabulan. At dahil teritoryo niya ang gubat na iyon, kabisado na niya ang pasikot-sikot dito at hindi man lang siya nag-aalalangan na matatakasan siya ng tatlo.
"Sumasampalataya ako sa Diyos Amang makapangyarihan sa lahat, na may gawa ng langit at lupa. Sumasampalataya naman ako kay Hesukristo, iisang Anak ng Diyos, Panginoon nating lahat. Nagkatawang tao Siya lalang ng Espiritu Santo, ipinanganak ni Santa Mariang Birhen. Pinagpakasakit ni Poncio Pilato, ipinako sa krus, namatay, inilibing." Habang sinusundan ang tatlo ay inuusal ito ni Didong Daga. "Magtago na kayo! Wala na kayong tatakbuhan pa! Hindi ninyo ako matatakasan. Dito na kayo malilibing!!!" sigaw niya habang patuloy sa paghabol kina Kyte, Helen at Nathan.
Biglang kumulog at kumidlat. Kasunod noon ay bumuhos ang malakas na ulan.
Saglit na huminto ang tatlo sa pagtakbo at sumilong sa isang malaking puno na mayabong sa dahon.
"Dito muna tayo," humihingal na sabi ni Nathan.
"Pagod na ako, Tito Nathan. Hindi ko na po kayang tumakbo."
Nakaramdam ng habag si Helen kay Kyte. Maging siya man ay nakararamdam ng sakit sa paang sumabit sa malaking ugat kanina nang matapilok siya.
"Huwag tayong maingay," sabi niya. "Baka marinig tayo ni Didong Daga."
Mas lalo pang lumakas ang ulan. Halos wala na silang marinig sa paligid kundi ang tunog na likha ng bumabagsak na malalaking patak ng ulan.
"Nasaan na kayo! Malapit na ako diyan!" Humalakhak si Didong Daga at dinig na dinig iyon ng tatlong nagtatago sa malaking puno.
Nanlalaki ang mga mata ni Kyte sa takot. Si Nathan ay mas tinalasan ang kanyang pakiramdam. Si Helen naman ay nanatiling alisto sa posibleng biglaang pagsalakay ni Didong Daga.
"Tito Nathan, malapit na siya..."
"Shh... 'wag kang maingay, Kyte." Inilagay pa ni Helen ang hintuturo niya sa kanyang bibig. "Baka marinig niya tayo."
"Natatakot po ako. Papatayin niya tayo..."
"Nasaan na kayo?! Hindi ninyo ako puwedeng takasan!" Humalakhak si Didong Daga bago napahagulgol. Salitang iyak at halakhak ang kanyang ginawa na para bang nawawala na sa sariling katinuan. Pero kahit ganoon, malinaw pa rin sa utak niya ang malagim na nangyari sa ina niya at kapatid, limampung taon na ngayon ang nakalilipas.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top