Chapter 21

KARARATING lang nila sa bahay mula kina Carlos nang may kumatok sa pinto. Nasa salas sila noon at nakaupo sa mahabang upuang yari sa kawayan. Tatayo sana si Helen para buksan ang pinto pero naunahan na siya ni Nathan.

"Ako na..." Nagtungo sa pintuan si Nathan at pinagbuksan ang kumakatok.

Bumungad kay Nathan si Iskang Isda na may bitbit na unan at kumot.

"Napasugod po kayo?" tanong niya rito.

"Nathan, maaari bang dito na muna ako matulog? Natatakot akong mag-isa sa bahay."

"Sige po, pumasok po kayo."

Kaagad siyang pumasok sa loob ng bahay. "Salamat, Nathan. Kahit dito na lang ako sa salas, ayos na ako rito."

"Hindi po, doon tayong lahat sa kuwarto. Maglalatag na lang ako sa sahig. Kayong tatlo na lang sa kama," desisyon ni Nathan.

"Oo nga po, Aling Iska. Sa kuwarto na po tayong lahat. Mas okay 'yon, para madali nating matulungan ang isa't isa kung sakaling may mangyari na namang hindi maganda," susog naman ni Helen. "Teka, maliligo muna ako." Tumayo siya at pumasok sa silid para kumuha ng tuwalya at pamalit na damit. Tapos ay muling lumabas para magtungo naman sa banyo.

Kapapasok lang niya sa banyo ng makita niya sa salaming nasa pader ng banyo ang kanyang itsura.

"Aaahhhh!!!" Malakas na napasigaw si Helen.

Napasugod papunta sa banyo sina Nathan, Kyte at Aling Iska.

"Helen, anong nangyari sa'yo diyan?" Kinalampag niya ang pinto ng banyo. "Helen! Buksan mo ang pinto!"

Sa loob ng banyo ay nanginginig ang katawan ni Helen habang tinitingnan ang repleksyon niya sa salamin. Ang noo niya hanggang sa bahagi ng mata ay nabalot na rin ng kaliskis na tila balat ng ahas. Ilang araw na lang at buong katawan na niya ang mababalot ng kaliskis. Magmumukha na siyang taong ahas sa kanyang paningin.

Mabuti na lang at hindi ito nakikita ng ibang tao maliban na lang kung kukunan siya ng litrato. Kung nagkataon, paano pa siyang lalabas ng bahay kung ganito ang kanyang itsura?

"Helen, buksan mo ang pinto!" Ang kalampag ni Nathan sa pinto ng banyo ang nagpabalik sa parang nawalang katinuan niya.

Binuksan niya ang pinto. Nakita niya ang nag-aalalang itsura ni Nathan.

"Anong nangyari?"

"Kumalat na ang kaliskis na balat ng ahas sa mukha ko. Kunan mo ako ng litrato mamaya para makita mo."

"Okay ka lang ba?"

"Oo, nagulat lang ako kaya ako napasigaw. Hindi ko lang siguro inaasahan ang nakita ko," sabi niya sa nobyo. "Sige, maliligo na ako..." Dahan-dahan na niyang isinara ang pinto.

Sa bahay nina Master Jaime ay abala si Nicandro sa kanyang silid. Hinahalungkat niya ang isang maliit na baul na puno ng iba't ibang dokumento. Sa pinakailalim ay inilabas niya ang isang lumang diyaryo at saka muling isinara ang baul.

Dinala niya ang lumang diyaryo sa kanyang higaan at matamang pinagmasdan ang larawang naroon sa unang pahina. Isang larawan ng sira-sirang kotse dahil bumangga ito sa isang kongkretong pader. Nasa balita na namatay lahat ang apat na kabataang lalaking sakay ng naturang kotse.

Muli niyang naalala ang pangyayaring ito dahil sa tanong sa kanya ni Helen kanina. Hindi totoong walang nangyaring krimen sa Isla Maranlig maraming taon na ang nakararaan!

BUMUHOS ang malakas na ulan nang gabing iyon. Malalaki ang patak ng ulan at tila ba hindi kaagad ito hihinto. Tulog na sina Kyte, Helen at Iska pero si Nathan ay nananatiling gising. Hindi siya makatulog. Hawak niya ang cellphone niya at tinitingnan ang litrato ni Helen na kinunan niya kanina. Dito ay nakita niya nang maliwanag ang sinabi ni Helen na pati mukha nito ay halos mabalot na rin ng kaliskis na tila balat ng ahas.

Ano nga ba ang naghihintay sa kanila pagkatapos ng ilan pang mga araw? Kapag sumapit na ang ika-labintatlong araw, may matitira pa kayang buhay sa kanila?

Sino pa ba ang puwede nilang lapitan para makatulong sa kanila?

Si Master Jaime, ano ba ang kaugnayan nito sa sumpa ng rosaryo? Paano ba ito makakatulong sa pag-alis ng sumpa?

Iilang araw pa lang ang nakalilipas pero para na silang sumuong sa impiyerno sa dami ng kanilang mga pinagdaanan. At alam niyang hindi pa ito ang katapusan ng mga pagsubok. Alam niyang may darating pang mas matindi. Mas nakakatakot. Mas nakakikilabot!

Bumangon siya at nagtungo sa banyo para sa tawag ng kalikasan. Pagbukas niya ng pinto ng banyo ay agad niyang nakita ang kanyang repleksyon sa salamin. Pakiramdam niya ay nagtayuan ang lahat ng mga balahibo niya sa katawan. Tinutubuan na rin siya ng balat ng ahas sa parting kanang pisngi niya. Sanay na siyang makakita ng ganoon dahil nangyari na rin iyon kina Helen at Kyte, pero iba pala kapag sa sarili na niya mismo makikita ang kakatwang pagbabago ng kanyang balat. Saglit lang siyang natigilan, pagkatapos ay pilit na pinakalma ang sarili at ginawa nang magbawas ng laman ng kanyang pantog. Pagkatapos umihi ay kalmado siyang bumalik sa kuwarto na para bang walang kakaibang nangyari.

MAAGA silang umalis para magtungo sa Kadawagan. Kailangang mapiga na nila si Didong Daga at mapilit itong magsalita ng mga nalalaman nito tungkol sa isinumpang rosaryo. Wala na silang panahon na dapat askayahin. Ika-labingdalawang araw na ngayon mula nang mapunta sa kanya ang rosaryo. Nauubusan na sila ng oras!

Dinala ni Helen ang kanyang baril. Isinuksok niya 'yon sa likurang bahagi ng suot niyang pantalon. Sa harapang bulsa naman ay naroon ang rosaryo.

Pagdating nila sa paanan ng bundok ay sarado ang bahay ni Romano. Walang tao.

Nagsimula na silang akyatin ang bundok. Kumpara noong unang beses nilang pag-akayat, mas kumain sila ng oras ngayon. Marahil ay dahil kasama nila dati si Romano na kahit paano ay pamilyar sa lugar na pupuntahan nila. Ngayon kasi ay nag-iisip pa sila kung saan ba talaga ang tamang daan patungo sa bahay ni Didong Daga.

Nang sa wakas ay makita nila ang batis ay medyo nakahinga sila nang maluwag. Ibig sabihin, malapit na sila sa lugar na pupuntahan nila.

Malakas ang agos ng tubig sa batis at bahagyang tumaas din ang tubig nito. Marahil ay dahil sa nangyaring malakas na pag-ulan noong nagdaang gabi. Hanggang hita ni Nathan ang lalim at hanggang baywang naman kay Kyte. Maliban sa malakas na agos ng tubig ay medyo malumot din ang mga bato. Dahan-dahan silang tumawid upang hindi sila madulas. Hahawakan sana ni Nathan si Helen sa pagtawid pero sinaway siya nito.

"Si Kyte na lang ang hawakan mo, ako na ang bahala sa sarili ko," sabi ni Helen.

"Ingat ka, madulas ang mga bato," paalala ni Nathan.

Nasa bandang gitna na sila nang biglang matapakan ni Helen ang isang madulas na bato.

"Aaayyy!" Natapilok siya at pasalampak na napaupo sa batis. Lumubog ang katawan niya sa tubig.

Napasugod si Nathan para tulungan ang nobya. Nabitiwan niya si Kyte na dahil sa lakas ng agos ng tubig ay nawalan ng panimbang at tuluyan nang natumba..

Lumubog ang buong katawan ni Kyte. Ilang sandali rin itong nawala bago muling lumitaw sa tubig ang ulo nito pero sa mas malayong bahagi na ng batis.

"Tito Nathan!" takot na takot na sigaw ng bata habang tinatangay siya ng agos. "Tulungan mo ako!"

Mabilis na tinangay ng agos si Kyte.

"Nathan, tulungan mo si Kyte!" sigaw ni Helen. "Malulunod siya!"

Nang masigurong okay na ang nobya ay nagpatianod na rin si Nathan sa tubig para mabilis na mahabol ang pamangkin. "Kyte!!!"

"Tito Nathan! Tulooong!!!" Ang sigaw ni Kyte ay nilamon ng ingay na sanhi ng pagragasa ng tubig.

Tuloy-tuloy na inanod ng tubig si Kyte. Lulubog, lilitaw ang katawan nito sa rumaragasang tubig. Si Nathan naman ay ginawa ang lahat ng makakaya niya para maabutan ang pamangking tinangay ng agos.

Hindi inaasahan ang pagbangga ng katawan ni Kyte sa isang malaking tipak ng bato sa gitna ng batis. Nakahawak siya sa bato at napigilan nito ang pagtangay sa kanya ng agos.

"Tito Nathan, tulong!!! Tulungan n'yo po ako!" umiiyak na sigaw niya. Saklob na ng matinding takot ang mukha ni Kyte.

"Humawak kang mabuti, Kyte! Nandiyan na ako!" Sinikap ni Nathan na sagupain ang matinding agos para makapunta siya sa batong kinasadlakan ng pamangkin. Siya man ay natatangay din ng agos, mabuti na lang at marunong siyang lumangoy kaya nagagawa niyang makipaglaro sa agos ng tubig.

Pagkalipas ng ilang minuto ay nagawa rin niyang mapuntahan ang bato kung saan naroon si Kyte. Maputla na ang mga labi nito dahil sa pagkakababad sa malamig na tubig ng batis.

"Sumampa ka sa likod ko at huwag kang bibitiw sa akin kahit na anong mangyari," bilin niya kay Kyte.

"O-opo," sagot nito kasabay ang sunod-sunod na pagtango.

Nang maayos nang nakaposisyon si Kyte sa likod niya ay tinawid ni Nathan ang batis upang makapunta sa kabilang bahagi nito.

PUMASOK si Master Jaime sa kuwarto ng amang si Nicandro para linisin ang silid nito. Unang tumawag sa kanyang atensyon ang lumang diyaryong nasa kama nito. Dinampot niya ang diyaryo at agad niyang nakita ang balita sa unang pahina tungkol sa isang naaksidenteng kotse.

Binasa ni Master Jaime ang balita na nangyari pa noong taong 1968, anim na taon bago pa siya ipanganak.

Binalot siya ng pagtataka pagkatapos mabasa ang nasa pahayagan. Bakit itinatago ng tatay niya ang napakalumang diyaryong ito?

Bumukas ang pinto ng silid at pumasok si Nicandro. Agad nitong nakitang hawak ng anak ang lumang diyaryo. Lumapit siya rito at padaskol na kinuha ang pahayagan. "Akin na 'yan!" angil ni Nicandro sa anak.

"Importante ba 'yan, 'Tay? Lumang diyaryo lang naman 'yan," sabi ni Master Jaime na nagtataka sa inaasal ang ama.

"Lumabas ka na, magpapahinga ako."

"Hindi, 'Tay. Sabihin mo sa akin kung ano ang mayroon sa diyaryong iyan at parang napakaimportante naman yata."

"Wala. Ayoko lang na pinapakialaman mo ang mga gamit ko."

Hindi makapaniwala si Master Jaime sa sinabi ng ama. "Anong pinapakialaman? Bawal bang basahin ko ang isang lumang diyaryo? Bakit, 'Tay?"

"Lumabas ka na, Jaime!" sigaw nito sa kanya.

Nanatili siya sa kinatatayuan. "Noong nandito sina Helen, halata kong nagbago ang timpla mo noong magtanong siya tungkol sa posibeng pinagmulan ng sumpa sa rosaryo. Na para bang ayaw mong matatanong ka ng tungkol doon. May tinatago ka ba, 'Tay? May kinalaman ka ba sa dahilan kung bakit nagkaroon ng sumpa ang rosaryo?"

Hinarap siya ng matandang lalaki. Lumapit ito sa kanya nang halos isang dangkal lang ang pagitan ng mga mukha nila at tinitigan siya sa mga mata. "Gusto mong malaman? Gusto mong malaman ang totoo?"

Halos hindi humihinga si Master Jaime habang nakikipagtitigan sa ama. Naghihintay siya sa anumang sasabihin nito sa kanya. At natatakot siya sa maaaring sabihin nito.

"Oo! May kinalaman ako kung bakit nilagyan ni Carmen ng sumpa ang rosaryo!"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top