Chapter 20

"MATAGAL ka na bang nakatira dito sa isla, Master Jaime?" naitanong ni Helen sa lalaki.

"Oo, dito na ako ipinanganak hanggang tumanda. Ikaw, ngayon lang kita nakita rito," pansin nito.

"Nagbabakasyon lang po. Ilang araw pa lang kami rito ng mga kasama ko. Doon kami tumutuloy sa pinarerentahang bahay ni Iskang Isda."

"Ganoon ba? Maganda rito sa Isla Maranlig, tahimik, mapayapa ang buhay. Siguradong magugustuhan n'yo rito ng mga kasama mo." Nagpalinga-linga ito. "Nasaan pala sila?"

"Ah, nandoon sa bahay na tinutuluyan namin. Dumaan lang ako saglit dito para sumagap ng signal ng cellphone."

"Ayun nga lang, napakahirap talagang maghanap ng signal ng telepono rito. Minsan, merong signal kahit nasa bahay ka lang. Pero madalas na wala. O kaya naman, napakahina. Hindi mo rin magagamit," pagkukumpirma pa nito. "Pero maliban doon, alisin mo lang ang makabagong teknolohiya, napakagandang mamuhay dito sa isla."

"Oo nga po." Hindi niya alam kung bakit siya sumang-ayon sa sinabi ni Master Jaime gayong sa loob ng iilang araw nilang pananatili sa islang ito ay halos mamatay na silang tatlo nina Kyte at Nathan.

"Kung magtatagal kayo rito, dumaan kayo minsan sa bahay ko," anyaya ni Master Jaime. "Ipaghahanda ko kayo ng masarap na pagkain."

"Aba, sige ho. Saan ba kayo nakatira?"

"Kapag nasa poblasyon kayo, ipagtanong n'yo lang kung saan ang bahay ni Master Jaime. Alam ng lahat ng mga tagarito kung saan ang bahay ko."

Tumango-tango si Helen. Sa isip niya ay nabuo na ang isang balak. Dadalawin niya talaga isang araw si Master Jaime sa bahay nito dahil maaaring isa ito sa mga susi para maputol nila ang sumpa sa rosaryong kahoy. "Puwede po ba kaming dumalaw sa'yo bukas?"

Natigilan si Master Jaime, nagtataka. "Bukas? Agad?"

"Opo sana... May pupuntahan kasi kami mamaya. Baka wala na kaming oras sa ibang araw. Kaya bukas na lang... sana."

"Ahhh, sige. Walang problema," sagot ni Master Jaime bagama't may konting pagtataka sa kanyang isip. Pero dapat nga ba siyang mag-isip o magtaka, eh 'di ba siya naman ang nag-anyaya kay Helen na dumalaw sa bahay niya?

HINDI makapaniwala si Nathan nang ikinuwento ni Helen ang tungkol kay Master Jaime at sa nakita niyang pinagawa nito sa tutang si Chichi.

"Malakas ang kutob kong may makukuha tayong impormasyon kay Master Jaime. Hindi ko lang maisip sa ngayon kung paano naging konektado sa sumpa ang tuta o si Master Jaime, pero nararamdaman kong nasa tamang landas tayo, Nathan. At kailangang alamin natin iyon sa lalong madaling panahon," deklara ni Helen.

"Sige, pero sa ngayon si Didong Daga muna ang hahanapin natin. Malapit na ang ika-labintatlong araw. Hindi tayo dapat nag-aaksaya ng panahon," giit ni Nathan.

MAGKASAMA silang nag-abang kay Didong Daga sa poblasyon. Pero hanggang sa lumubog ang araw ay hindi nila ito nakita. Laking panghihinayang ang nadama nina Helen at Nathan.

"Sana pala, pinuntahan na lang ulit natin siya sa Kadawagan. Baka hindi siya lumabas ng bahay ngayon dahil sa nangyari sa inyo kahapon," hinala ni Nathan.

"Baka nga. Paano ngayon 'yan? Papagabi na. Kung pupuntahan pa natin siya ngayon sa Kadawagan, baka hindi na tayo makababa ng bundok. Mahirap namang doon tayo magpalipas ng gabi. Hindi natin alam kung ano ang meron sa bundok na iyon."

"Paano, uuwi na tayo? Hindi na darating iyon..."

"Tara na!" yaya ni Helen.

"Nathan! Ma'am Helen!" Kapwa sila napatingin sa pinagmulan ng tinig. Nakita nila si Carlos na papalapit at may bitbit na plastic bag na may lamang mga madahong gulay.

"Carlos, ikaw pala. Saan ang punta mo?" tanong ni Helen.

"Pauwi na. Baka gusto n'yong dumaan muna sa amin, para malaman n'yo kung saan ako nakatira. Malapit lang naman 'yon dito. Para makilala n'yo rin ang tatay ko. Nasa bahay siya. Naikuwento ko kasi kayo sa kanya."

"Baka makaabala kami," nag-aalangang sabi ni Nathan.

"Hindi naman. Kung gusto n'yo, doon na kayo maghapunan," alok pa ni Carlos. "Sige na, minsan lang naman."

"Punta na tayo, Tito Nathan. Gutom na ako, eh." Si Kyte.

Tumingin si Nathan kay Helen. Tumango ito.

"Okay, sasama kami."

"Halikayo, sunod na lang kayo sa akin. Malapit lang ang bahay namin."

Walang limang minuto ay narating nila ang bahay nina Carlos. Pagpasok nila sa loob ng bahay ay sinalubong sila ng isang lalaki.

"Tatay, kasama ko iyong kinuwento ko sa'yo noong isang gabi. Nakita ko sila sa talipapa kaya inalok kong dito na maghapunan." Ipinakilala niya ang mga bisita sa tatay niya. "Tatay, sina Helen at Nathan at ang pamangkin nila. Helen, Nathan, ang tatay ko... Jaime ang pangalan niya."

Hindi pansin ni Helen ang sinasabi ni Carlos at ganoon din naman ang tinawag nitong tatay. Nakangiti siyang nakatingin sa ama ng sundalo.

"Ang liit po ng mundo, Master Jaime. Kayo pala ang tatay ni Carlos," sabi niya rito.

"Oo nga. Akala ko bukas kayo pupunta, ngayon na pala," natatawang sagot ni Master Jaime. "Ikinagagalak kitang makilalang muli. Ikaw rin, Nathan at ang cute na batang kasama n'yo."

"Magkakilala na kayo?" tanong ni Carlos.

Nagpaliwanag si Helen, "Nagkakilala na kami kaninang umaga sa tabing-dagat. Nagtuturo siya ng tricks sa tuta." Nilingon niya si Nathan na napatango na lang sa pagkakaalam na ito pala ang kinuwento kanina ni Helen na nagtuturo sa tuta para bumalanse sa beach ball.

"Maupo muna kayo at ihahanda ko lang itong uulamin natin. Tatay, ikaw na po muna ang bahala sa kanila," sabi ni Carlos na agad nang nagtungo sa kusina.

Kauupo lang nila nang muling magsalita si Master Jaime. "Naikuwento sa akin ni Carlos na naghahanap kayo ng mga taong posibleng makapagbigay ng detalye sa pinagmulan ng sumpa sa rosaryong galing dito sa isla na dala-dala n'yo, tama ba?"

Halos sabay na tumango ang magkasintahan.

"Nagbabakasakali kami na mapuputol namin ang sumpa, dahil kung hindi ay baka sapitin din namin ang katulad ng sinapit ng mga naunang humawak at nagmay-ari sa rosaryo. Baka matulungan mo kami, Master Jaime," seryosong sabi ni Helen.

"Sa paanong paraan ako makakatulong, sabihin mo? Hindi ako magdadamot kung kaya ko."

"Noong hawakan namin ang rosaryo, may mga imaheng bigla na lang naglitawan sa aming isip... kaming tatlo. Pare-pareho naming naranasan iyon."

Matamang nakikinig si Master Jaime. Hinihintay niya ang susunod pang sasabihin ni Helen.

"Isa sa imaheng lumitaw ay ang tutang nagbabalanse sa isang beach ball." Saglit na lumunok si Helen bago muling nagsalita, "Nang makita ko kaninang umaga na pinagbalanse mo sa beach ball si Chichi, naisip kong baka may kaugnayan iyon sa imaheng nakikita namin. Hindi iyong mismong tuta, kundi iyong taong nagtuturo doon sa tuta."

"Paanong---?"

"Don't get me wrong, Master Jaime. Hindi ko iniisip na ikaw ang naglagay ng sumpa o ano pa man. Ang sumpa sa rosaryo ay isang palaisipan, na kailangan naming maresolba para maputol na ang mga nangyayaring pagkamatay."

Napailing-iling si Master Jaime. "Hindi ko maisip kung paanong posibleng magkaroon ako ng partisipasyon sa sumpa ng rosaryong iyon. Pero kung may dapat akong gawin, sabihin mo lang sa akin at handa akong tumulong."

Naputol ang pag-uusap nila nang lumabas sa kuwarto ang isang matandang lalaking mas matanda pa kay Master Jaime.

Napatingin dito sina Kyte, Nathan at Helen.

"Hindi pa ba tayo kakain, Jaime?" tanong nito.

Biglang napapitlag si Helen na para bang napaso. Ramdam na ramdam kasi niya na biglang uminit ang bulsa ng pantalon niya kung saan nakasilid ang isinumpang rosaryo!

"Carlos, hindi pa ba luto 'yan?" sigaw ni Master Jaime sa anak na nasa kusina.

"Maghahain na ako, 'Tay! Dumulog na kayo sa mesa," narinig nilang sabi ni Carlos.

Tinawag ni Master Jaime ang mas matandang lalaki. "Halika muna rito, 'Tay. Ipapakilala ko sa'yo ang mga bisita natin."

Lumapit naman sa kanila ang matanda.

"'Tay, eto si Nathan, Helen at ang pamangkin nila." Bumaling ang tingin ni Master Jaime sa tatlong bisita. "Siya naman ang ama ko, si Nicandro Alviar."

"Ikinagagalak po namin kayong makilala," magalang na sabi ni Nathan.

"Kain na tayo! Nakapaghain na ako." Hindi nila namalayang nakapalit na sa kanila si Carlos.

HABANG kumakain ay tuloy lang sila sa pagkukuwentuhan.

"Bakasyunista lang pala kayo rito," sabi ni Nicandro na nakatingin kay Nathan.

"Opo," maikling tugon niya.

"Lolo, siya 'yung naikuwento ko dati sa inyo ng tatay na nakapulot no'ng rosaryo na sinasabing may sumpa raw. Nagpunta sila rito para malaman kung paano ito nagkaroon ng sumpa at kung paano mapuputol ang sumpa," mahabang kuwento ni Carlos.

"'Tay, noong bata ka pa, wala ka bang nabalitaan tungkol sa isinumpang rosaryong 'yan?" tanong ni Master Jaime kay Nicandro.

Umiling ito at saglit na huminto sa pagkain. "Wala naman. Tahimik na lugar ang islang ito. mas kokonti pa nga ang mga tao rito noon," sagot nito at saka itinuloy ang pagkain.

"Wala po ba kayong nabalitaang anumang masamang nangyari dito noon? Mga matinding personal na pag-aaway ng mga magkapitbahay, o kaya naman ay mga alitan sa lupa na posibleng humantong para isumpa ng isa ang isa pa." Naisip ni Nathan na dahil matanda na si Nicandro ay baka mas may alam ito na lumang kuwento tungkol sa isla.

"O kaya naman po ay baka may magulang na isinumpa ang isang suwail na anak. O baka rin may nangyaring krimen dati sa lugar na ito at isinumpa ang mga kriminal?" Umiral na naman ang pagkaimbestigador ni Helen.

Napatingin si Nicandro sa kanya na parang nanunuri ang mga mata.

"Aray!" biglang sabi ni Helen na ikinagulat ng lahat.

"Bakit, Helen?" tanong ni Master Jaime.

"Ahh, nakagat ko lang po ang dila ko," pagsisinungaling niya. Ang totoo ay naramdaman na naman niyang parang napaso ang hita niya dahil mas mainit na ngayon ang bulsa niyang pinaglalagyan ng rosaryo.

Tumayo si Nicandro.

"Tapos ka na, Lolo?" tanong ni Carlos.

"Oo, alam mo namang hindi ako kumakain ng marami tuwing hapunan."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top