Chapter 19

NAPANSIN ni Nathan na titig na titig si Helen sa rosaryo.

"Helen, bakit?" tanong niya rito.

Dinampot ni Helen ang rosaryo. "Bakit buo 'to?"

"Ha?"

"Napatid na ito kanina dahil naghilahan kami ni Aling Iska. Gumulong pa nga sa sahig ang ilang butil na nahulog. Bakit buo na ulit?" Hindi maubos ang kanyang pagtataka.

"Ba't ka pa nagtataka? Alam mo namang may sa maligno ang rosaryong 'yan. Hindi ba iniwan na rin natin 'yan kay Father Jude, pero biglang napunta sa bulsa ni Kyte? May sa demonyo talaga ang rosaryong 'yan. Kaya nga tayo naririto ngayon dahil mamamatay tayo 'pag hindi natin naputol ang sumpang inilagay diyan."

"Tito Nathan, umalis na tayo rito. Lagi na lang may nangyayaring masama sa atin dito. Bumalik na tayo sa bahay natin," samo ni Kyte sa tiyuhin.

"Hindi puwede, Kyte. Kailangang tapusin natin ang misyon natin dito bago tayo makauwi sa atin. Mas mapanganib kung uuwi tayong hindi nagagawa ang mga dapat nating gawin dito," paliwanag niya rito.

"Mamamatay po tayo?"

Marahang pagtango ang isinagot niya sa pamangkin. "Ayaw nating mangyari iyon, 'di ba?"

Napansin ni Kyte ang botelya ng holy water.

"Ang holy water!" sigaw niya sabay takbo para kunin ang botelya.

Nanlumo ang bata nang makitang halos gapatak na lang ang natirang laman ng botelya.

"Paano na 'to, Tito Nathan? Natapon ang holy water."

"Wala na tayong magagawa. Ang mahalaga ay nakatulong 'yan para umalis sa katawan ni Iska ang masamang espiritu," sagot ni Nathan.

Narinig nilang umungol si Iska.

"Aling Iska?" tawag ni Helen sa kasera.

Dahan-dahan itong nagmulat ng mga mata. "Ba't nakahiga ako rito? Anong nangyari sa akin?"

"Hindi n'yo po alam?" tanong ni Nathan.

Umiling si Iska. "Masakit ang ulo ko at buong katawan."

"Marami tayong pag-uusapan. Pero salamat na lang at wala ring nangyaring masama sa'yo pagkatapos ng lahat." Niyakap ni Helen ang nagtatakang babae.

"Bakit, ano ba ang nangyari? Wala kasi akong matandaan maliban sa nangyari noong gabi na dapat ay pupunta ako sa bahay para kumuha ng bumbilya, pero may malakas na hangin na tinangay ako pabalik sa loob nitong bahay. Pagkatapos noon, wala na akong iba pang maalala."

Nagkatinginan sina Nathan at Helen. Kung ganoon, hindi nga alam ni Iska na may masamang espiritung sumanib sa katawan nito.

"Hoy! Ano? Natatakot na ako, ah!" sabi ni Iska sa kanilang dalawa.

"Naalala n'yo po na sumakit ang tiyan ni Kyte?"

"Oo..."

"May masamang elementong sumanib sa katawan niya. At sa tingin namin, iyon din ang espiritung pumasok sa katawan mo kaya hindi mo kami kilala kanina at muntik mo na kaming patayin."

"Hesusmaryosep! Sumanib sa akin ang espiritu?" gulat niyang tanong.

Sumagot si Nathan, "Oo, at hinagis mo pa nga ako sa labas ng bintana. Kaya eto, may maliit na sugat ako sa ulo. Buti na lang, hindi masyadong dumugo."

"Naku, pagpasensyahan mo na kung ano man ang nagawa ko. Wala talaga akong kamalay-malay sa mga nangyari. Isipin ko pa lang kung paano kita mabubuhat para ihagis sa labas ng bintana, parang napakaimposible na."

"Huwag po kayong mag-alala, wala naman kayong kasalanan doon. Pasalamat pa nga kami na hindi kayo napahamak. Konsensya namin kung may nangyaring masama sa inyo," sabi ni Nathan.

"Paano n'yo ba naalis ang masamang espiritu sa katawan ko?"

"Bigla na lang kayong natumba at nawalan ng malay noong mapatid ang isinumpang rosaryo. Tapos, may itim na usok na lumabas sa mata at bibig mo," kuwento ni Helen.

"Kung nahawakan ko ang isinumpang rosaryo, ibig bang sabihin ay nakapila na rin ako sa mga mamamatay nang dahil sa sumpa?"

"Wala ka sa sarili mo noong hawakan mo ang rosaryo kaya hindi ko alam kung may parehong epekto. Puwedeng oo, puwedeng hindi. Pero manalig kang kaya nating labanan ang demonyo o ang sinumang naglagay ng sumpa sa rosaryo.

"Hesusmaryosep! Ayoko pang mamatay," nag-aalalang sabi nito. "Tulungan n'yo ako..."

"Huwag kang mag-alala, Aling Iska. Kakayanin natin ito," pagpapalakas-loob ni Nathan sa kasera.

ANG sumunod na araw ay parang normal lang at tila walang nangyaring kakaiba noong nagdaang gabi.

"Nathan, tingnan mo... May signal ako dito sa bahay pero napakahina. Sinubukan kong tawagan si Cristy pero hindi ko makontak, nawawala kasi ang signal."

"Kaya nga humanap ka ng lugar na malakas ang signal para maayos rin kayong makapag-usap. Kung ganyan kahina ang signal mo, puwede siguro kayong mag-usap sa text lang. Makakapag-text ka na sa ganyan kahinang signal. Iyon nga lang, hintayin mo kung kailan papasok ang sagot niya sa'yo."

"Sige na nga, pupunta na lang ako ulit sa tabing-dagat. Makasagap na rin ng sariwang hangin."

"Bilisan mo, hahantingin pa natin si Didong Daga," bilin ni Nathan.

"Oo..."

"Babalik ako kaagad," sabi niya at saka naglakad na siya para magtungo sa tabing dagat. Pero bago pa siya nakarating sa pupuntahan ay nakatanggap siya ng text message mula kay Cristy.

"Helen, sorry. Wala talaga akong mahanap na kopya ng diyaryo o ng balitang sinasabi mo. Nagtanong na rin ako sa munisipyo, pero wala silang matandaang ganoong pangyayari."

Nakadama ng panlulumo si Helen. Mukhang mahihirapan talaga silang malaman ang kaugnayan ng diyaryong may balita tungkol sa isang car accident sa isinumpang rosaryo.

"Chichi, habulin mo ako!" narinig niyang sigaw ng isang batang babae. Nakita niya sa bandang unahan ang isang tumatakbong bata habang hinahabol ng isang tuta. Ito rin 'yong batang nakita niya kahapon, ah. At gaya kahapon ay may bitbit na namang beach ball ang batang babae.

Hindi niya alam kung bakit parang may puwersang nag-utos sa kanya para lapitan ang bata.

"Anong pangalan mo?" nakangiting tanong niya sa bata.

"Bea po," magiliw namang sagot nito. "Ikaw po, anong name mo?"

"Ako si Helen. Ang cute naman ng tuta mo."

"Nice to meet you po. Siya po si Chichi, alaga ko. Regalo sa akin ng daddy ko noong birthday ko po," kuwento pa ni Bea. Lumabas agad ang natural na kabibuhan nito.

"Nakita rin kita rito kahapon. Tagarito ba kayo?"

"Opo. Doon lang kami nakatira." Itinuro pa nito ang direksyong binanggit.

"Ahh, naroon ang mga magulang mo?"

"Si Daddy lang po. Wala na kasi akong mommy." Biglang nalungkot ang paslit.

"Oh, I'm sorry to hear that."

"Bea!" narinig nilang sigaw ng isang paparating na lalaki.

"Ayan na ang daddy mo, Bea. Hinahanap ka na niya."

Tiningnan nito ang lalaking paparating. Bigla itong natawa gayong kanina lang ay malungkot na ito. "Hindi ko naman po siya daddy. Si Master Jaime po siya."

"Master Jaime?"

Nakalapit na sa kanila ang lalaki.

"Magandang umaga," nakangiting bati ng matandang lalaki kay Helen. Sa tantiya niya'y nasa higit kuwarenta na ang edad nito.

"Magandang umaga rin po. Kaanu-ano n'yo po si Bea?"

"Pet trainor ako. Ako ang nagtuturo ng iba't-ibang tricks kay Chichi, sa tuta ni Bea," malugod na pagkukuwento nito.

"Opo, may new trick nga pong itinuro si Master Jaime kay Chichi kahapon, eh," pagyayabang pa ni Bea.

"Wow naman! Puwede ko bang makita?"

Bumaling si Bea kay Master Jaime. "Master Jaime, puwede po ba?"

Ngumiti ang lalaki. "Oo naman. Tamang-tama, dala mo 'yang beach ball. Akin na..."

Napaawang ang labi ni Helen nang kunin ni Master Jaime kay Bea ang beach ball at ilapag iyon sa buhangin. Pagkatapos ay binuhat nito si Chichi at dahan-dahang ipinatong sa beach ball.

Ngayon ay nakapatong na sa beach ball si Chichi at tila may isip na bumalanse ito sa beach ball.

"Go, Chichi. Stand proud on the beach ball..." utos ni Master Jaime sa tuta.

Nanlalaki ang mga mata ni Helen habang pinanonood ang tuta sa pagbalanse nito sa beach ball. Parang bigla ay nagbalik sa isipan niya ang isang imaheng nagsimula niyang makita nang mapasakanya ang isinumpang rosaryo.

Ito na ba iyon?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top