Chapter 18

NAGSUMIKSIK si Kyte sa likuran ni Nathan dala ng matinding takot.

Patuloy sa paglapit sa kanila si Iska. Ang nanlilisik nitong mga mata ay nagbabadya ng isanlibo't isang panganib.

Habang papalapit ang kasera nilang nilukuban ng masamang espiritu ay patuloy naman sila sa pag-atras, hanggang sa mapunta na sila sa sulok at wala ng lugar para umurong pa.

Itinaas ni Iska ang kanyang kanang kamay para daklutin ang sino man kina Helen at Nathan. Pero inunahan na siya ni Nathan nang dakmain nito ang nakataas niyang kamay at hilahin nang ubod-lakas.

Nagpang-abot silang dalawa. Walang gustong magpatalo. Bawat isa ay gustong gapiin ang isa pa.

Napatakbo si Kyte sa ibabaw ng kama. Hindi niya malaman ang gagawin. "Tito Nathan!"

Si Helen ay hindi rin malaman kung paano tutulungan ang kasintahan. Gusto niyang kunin ang baril niya pero naroon iyon sa bag niyang nasa may paanan ni Iska. At magagawa ba niyang barilin si Iska gayong alam niyang may espiritung sumanib lang sa katawan nito kaya ito nagkaganoon?

Napasigaw siya nang makita niyang binuhat ni Iska si Nathan at inihagis sa bintana.

Kahit sarado ang bintana ay nabuksan iyon dahil sa lakas ng pagkakabalibag kay Nathan at bumagsak ito sa lupa sa labas ng bahay.

Masama ang naging pagbagsak ni Nathan kaya nanatili siyang nakahiga at hindi makakilos.

"Nathan!" Napatakbo si Helen sa may gawing bintana para sana silipin ang nobyo pero heto na si Iska at papalapit na sa kanya.

"Mamamatay kayong lahat! Walang puwedeng makaligtas!" Humalakhak si Iska tanda ng kanyang tagumpay.

"Kyte! Kunin mo ang holy water, nasa bag ng Tito Nathan mo!" utos ni Helen sa bata.

Nilingon ni Iska si Kyte na hindi nakakilos sa ibabaw ng kama nang makitang nakatingin sa kanya ang babaeng sinapian ng masamang espiritu.

"T-tita Helen..." Mas lalo pa siyang kinabahan nang lumakad si Iska papalapit sa kanya.

"Kyte!"

"Tita Helen, tulong!" umiiyak na sigaw nito.

Bago pa tuluyang makalapit si Iska kay Kyte ay niyakap ni Helen ang babae mula sa likod at saka pinagsalikop niya ang kanyang dalawang kamay nang mahigpit na mahigpit.

Hindi inaasahan ni Helen nang pumadyak nang malakas si Iska sabay talon kaya nadala siya nito at sabay silang natumba sa sahig.

Natanggal ang pagkakayapos ni Helen kay Iska kaya mabilis itong kumilos at sinakal nang mahigpit si Helen.

Ramdam ni Helen ang bigat ng kamay ni Iska, maging ang higpit ng pagkakasakal nito sa kanya. Nakipaglaban siya sa matabang babae. Pinilit niyang alisin ang kamay nitong sumasakal sa leeg niya. Hindi niya namalayang nakalabas na sa bulsa niya ang rosaryo.

"Tita Helen!" sigaw ni Kyte.

"K-k-yte--- 'yung h-holy w---water..." Nangangapos na ang kanyang hininga.

Mabilis na hinalungkat ni Kyte ang bag ng tiyuhin at hinanap ang botelyang may holy water.

Nang makita ang hinahanap ay tinanggal niya ang takip ng bote at humarap kay Iska na sakal-sakal pa rin ang nakahigang si Helen na halos mapugto na ang hininga.

"Bitiwan mo ang Tita Helen ko!" nagtatapang-tapangang sigaw ni Kyte sabay saboy kay Iska ng holy water.

Ilang patak ng benditadong tubig ang pumatak sa likod ni Iska at agad na umusok ang bahaging nabasa.

Bahagya ring umungol si Iska tanda na nasaktan ito sa ginawa ni Kyte.

Binitiwan nito si Helen at hinarap ang pabibong bata na nanakit sa kanya.

Habol ang hiningang sumagap ng hangin si Helen. Sunod-sunod ang pagtaas-baba ng kanyang dibdib. Hinang-hina siya sa ginawang pagsakal sa kanya ni Iska.

"Pakialamero ka, bata!" sigaw ni Iska kay Kyte.

Nawala ang ipinapakitang tapang ng bata. Paano siya tatapang ngayong siya na ang napagbalingan ng babaeng sinapian ng masamang espiritu?

Akmang sasabuyan muli ni Kyte ng holy water si Iska pero naunahan siya nito nang tabigin ng babae ang kamay niyang may hawak ng botelya. Bumagsak sa sahig ang botelya na bagama't hindi naman nabasag pero tumapon sa sahig ang laman nitong benditadong tubig. Wala na siyang panlaban kay Iska. Wala na siyang panlaban sa demonyo!

"Aaahhhhh!!!" Pumuno sa loob ng silid ang malakas na sigaw ni Kyte na tila ba ito ang gugupo sa malakas na puwersa ni Iska.

"K-kyte..." Sinikap niyang tumayo para tulungan ang pamangkin ng kanyang nobyo. Sa pagtayo niya ay nahulog sa sahig ang rosaryo.

Yumuko si Helen para pulutin ito.

"Tita Helen!!! Tulungan mo ako!"

Nanlaki ang mga mata niya nang makita si Kyte na buhat ni Iska at akmang ihahagis din katulad ng ginawa nito kay Nathan.

"Huwaaag!!!" sigaw niya para pigilan ang matabang babae.

Malutong na halakhak ang isinagot sa kanya ni Iskang Isda at saka ito humanda para ihagis si Kyte.

Hawak ang rosaryo ay sinugod ni Helen ng suntok ang matabang babaeng sinapian ng masamang espiritu. Hindi niya sigurado kung masasaktan ito sa suntok niya, pero mabuti nang may gawin siya kahit paano para pigilan ito kaysa hayaan niyang saktan nito si Kyte.

Ininda ni Iska ang malakas na suntok ni Helen sa kanyang sikmura. Nabitiwan nito si Kyte na bumagsak sa kama. Nakita niyang muling susugod si Helen kaya sinalubong niya ang suntok nito. Nahawakan niya ang kamay nitong may hawak na rosaryo at nagkahilahan silang dalawa kaya hindi inaasahang napatid ang rosaryong pinag-aagawan nila.

Bumagsak at gumulong sa sahig ang ilang butil ng rosaryo na natanggal sa napatid nitong maliliit kadenang alambre. Kasunod nito ay parang kandilang naupos si Iska. Dahan-dahan itong napaluhod hanggang sa tuluyang bumulagta sa sahig. Walang malay!

Lalapitan sana ni Helen si Iska pero biglang may maitim na usok na lumabas sa bibig at mga mata nito.

Ang usok ay ilang saglit ding nagpaikot-ikot sa loob ng silid hanggang sa lumabas ito sa bintana at tuluyan nang nawala.

"Kyte!" Sinugod niya ang bata at niyakap. Bakas pa rin sa mukha nito ang matinding takot.

"Tita Helen, si Tito Nathan!" umiiyak nitong sabi.

"Halika, puntahan natin siya!" Patakbo silang lumabas ng bahay para puntahan si Nathan sa lugar na pinagbagsakan nito nang ihagis ni Iska kanina.

Natagpuan nila ang binata na walang malay.

Dinaluhan nila si Nathan.

"Nathan!"

"Tito Nathan, gumising ka na. Niyugyog ni Kyte ang kanyang amain para gisingin ito.

Ilang saglit ang lumipas bago pa nagkamalay si Nathan. "A-aray..." Dinama nito ang ulo. "Masakit..."

"Kumapit ka sa akin, itatayo kita."

Inalalayan niya ang nobyo hanggang makapasok sila sa loob ng bahay.

"Maupo ka muna..." Makita niya ang natuyong dugo sa may ulo nito. "May sugat ka."

"Okay lang ako, wala ito," sabi ni Nathan. "Nasaan na si Iska? Anong nangyari?"

"Oo nga pala, naroon siya sa kuwarto. Iniwan namin siyang walang malay. Diyan ka lang, pupuntahan ko siya."

"Sasama na ako," untag ni Nathan.

Pumasok silang tatlo sa loob ng silid. Naroon pa rin si Iska at wala pa ring malay. Pero ang nagpabalik ng takot sa dibdib ni Helen ay nang makita niyang buo na naman ang napatid na rosaryo!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top