Chapter 17

BINALOT ng takot ang mukha ni Didong Daga.

"Huwag mong ilapit sa akin 'yan! Ayokong hawakan 'yan! Ilayo mo sa akin 'yan!" nanginginig nitong sigaw.

"Madali akong kausap, Didong Daga. Tutulungan mo ako o pareho tayong mamamatay. Mamili ka." Mahina pero may diin ang bawat salitang binitiwan niya.

"Oo, magsasalita na ako. Magsasalita na ako! Alisin mo na sa harap ko ang rosaryong 'yan." Kita ni Helen na totoo ang nararamdamang takot nito. Ibig sabihin, alam talaga nito ang panganib na dala ng rosaryo.

Ibinalik niya sa bulsa ang rosaryo pero hindi niya inaalis ang pagkakahawak sa kuwelyo ni Didong Daga. Mas matangkad siya rito kaya hindi siya nahirapang hilahin ito papunta sa isang sulok para kausapin.

"Marunong akong gumalang sa matanda pero pasensyahan muna tayo. Ngayon, sabihin mo lahat ng nalalaman mo. Sino ang naglagay ng sumpa sa rosaryo at bakit?"

"Eh--- si..."

"Ma'am Helen!"

Napatingin siya sa pinagmulan ng tinig. Nakita niya si Carlos, sakay ng motorsiklo nito. Iyon ang sinamantala ni Didong Daga. Malakas niyang itinulak si Helen at saka tumakbo nang mabilis. Pumasok siya sa malilit na pasilyo sa paligid ng talipapa at agad na nawala sa paningin ni Helen.

Hindi na siya nagawang habulin ng imbestigador.

"Carlos, bakit?"

"Nakita kasi kita rito. Akala ko napagtripan ka ni Didong Daga kaya lumapit ako. May problema ba?"

"Si Didong Daga. Siya ang susi sa lihim ng isinumpang rosaryo."

"Ha? Paanong---?"

"Alam niya kung paanong nagkaroon ng sumpa ang rosaryo at ang dahilan ng paglalagay ng sumpa rito. Magsasalita na siya kanina nang tawagin mo ako kaya nagkaroon siya ng pagkakataong takasan ako. Dahil ayaw na ayaw niya talagang magsalita. Tinakot ko lang siya. Kaso, natakasan na naman niya ako."

Nanlumo si Carlos. "Sorry, kasalanan ko pala. Hindi ko alam, pasensya na," paghingi niya ng paumanhin.

"Hindi bale. Hindi naman basta makakaalis ng isla si Didong Daga. Pupuntahan ko na lang siya ulit sa bahay niya."

"Kung may maitutulong ako, sabihan mo ako. Hayaan mo, kapag nakita ko siya rito bukas, aanyayahan ko siya sa kampo. Para doon kayo mag-usap."

Matipid na ngiti ang isinagot niya sa sundalo. "Saan pala ang punta mo?" tanong niya rito.

"Pauwi na. Doon lang kami nakatira, malapit lang dito." Itinuro pa ni Carlos ang direksyon patungo sa bahay nila.

"Ahh," sabi niya sabay tumango-tango. "Sige, may bibilhin lang ako, tapos babalik na rin ako sa tinutuluyan namin. Baka hinihintay na ako ng mga kasama ko."

"Ingat..."

Tumango siya at iniwan na ang kausap.

Nagtungo siya sa isang tindahan upang bumili ng bumbilya ngunit wala siyang nabili.

"Saan pa kaya ako puwedeng bumili?" tanong niya sa tindera.

"Dito sa katabing tindahan, kaso sarado na sila. Balik ka na lang bukas," suhestiyon ng tindera.

Walang nagawa si Helen kundi ang umuwi na lang. Ganito ba talaga kahirap ang pamumuhay sa lugar na ito?

Pagdating niya sa nirerentahang bahay ay napansin niyang sarado pa rin ang bahay ni Iskang Isda. Ano bang nangyari sa matandang iyon at hindi na niya nakikita?

Dumiretso na siya sa tinutuluyan nila. Kumatok siya sa pinto at nang bumukas iyon ay nakita niya si Kyte.

"Asan ang Tito Nathan mo?"

"Nasa kuwarto po."

Ni-lock niya ang pinto at sabay silang pumasok ni Kyte sa silid.

"O, anong nangyari sa lakad mo?" salubong na tanong ni Nathan.

"Wala akong nabiling bumbilya. Anong gagamitin nating ilaw?"

"May nakita akong gasera sa kabinet, pagtiyagaan na lang muna natin iyon. Sa gabi lang naman tayo nag-iilaw," sagot ng lalaki. "Nakausap mo ba si Didong Daga?"

"Muntik na, kaso natakasan ako. Nalingat kasi ako noong biglang dumating si Carlos at tinawag ako."

"Carlos? Iyong sundalo?"

"Oo. Kaya babalikan ko ang bahay ng Didong na 'yan bukas na bukas din. Kumpirmadong may alam siya sa pinagmulan ng sumpa sa rosaryo. At alam ko na kung paano siya pagsasalitain, sa ayaw niya o sa gusto."

"Paano?"

Dinukot niya ang rosaryo sa bulsa. "Eto, takot na takot rin siyang hawakan ang rosaryong ito. Ibig sabihin, alam niyang pati siya ay mamamatay rin sa oras na mahawakan niya ito."

"Paano kung magtago na siya at hindi na natin malapitan? Malawak ang Kadawagan. Puwede siyang magtago sa ibang bahagi ng gubat," sabi ni Nathan.

"Bahala na. Gagawa tayo ng paraan na makalapit muli sa kanya," buo ang loob na sabi niya. "Ano nga pala ang resulta ng pagse-search mo sa internet? May nakita ka ba?"

Umiling si Nathan. "Wala. Mukhang mahihirapan tayo sa isang 'to. Saang lupalop ng mundo natin mahahanap ang kopya ng diyaryong 'yon? Malaki sana ang maitutulong sa atin kung malalaman natin kahit mga pangalan lang ng mga taong kasama sa aksidenteng iyon," malungkot ang boses na sabi niya.

"Sana, may mahanap si Cristy sa museum. Iyon na lang ang pag-asa natin. At saka si Didong Daga. Maaaring alam din niya ang tungkol sa aksidenteng 'yon. Kaya kailangan talagang mapuntahan natin siya at mapaamin."

NANG gabing iyon ay hindi mapalagay si Helen. Bakit ba iba ang pakiramdam niya? Para siyang kinakabahan na hindi niya mawari. Kahit ngayong nakahiga na siya sa kama katabi sina Kyte at Nathan ay hindi pa rin siya mapanatag.

Nilingon niya ang dalawang katabi. Sa pamamagitan ng konting liwanag na nagmumula sa nakasabit na gasera ay nakita niya nang malinaw sina Kyte at Nathan. Mukhang malalim na ang tulog ng mga ito, pero siya ay dilat na dilat pa.

Kinuha niya ang cellphone niyang nasa ilalim ng kama para tingnan ang oras.

Ala-una na. Ilang oras na lang at sisikat na ang araw. Ayaw pa rin talaga siyang dalawin ng antok.

Bigla siyang nakarinig ng mahihinang katok sa pinto. Napaisip siya. Sino ang kakatok sa pintuan nila sa ganitong oras?

Bumangon siya dala ang kanyang cellphone para gamiting flashlight at nagtungo sa salas para sinuhin ang dumating.

"Sino 'yan?"

"Helen, si Iska ito..." Narinig niya ang mahinang sagot ng tao sa labas ng pinto.

Binuksan niya ang pinto at nakita niya si Iska. Malalim ang mga mata nito na parang wala pang tulog. Pero ang ipinagtataka niya ay ang suot nito. Ito rin ang suot ng babae noong gabing pinasok ng masamang elemento ang katawan ni Kyte.

"Aling Iska, ba't napasugod kayo? Saan ka galing?"

Hindi sumagot ang babae kundi tinitigan lang siya nang matiim. Bumalasik ang anyo nito dahil sa mga matang biglang nanlisik at tila nag-aapoy.

"Aling Iska, anong nangyayari sa'yo? Bakit---?" Hindi na niya natapos ang sasabihin dahil dumapo sa mukha niya ang malakas na sampal mula kay Iska. Sobrang lakas ng pagkakasampal sa kanya kaya tumilapon siya at napaupo sa sahig. Humagis din sa isang bahagi ng bahay ang telepono.

Dahan-dahang lumapit sa kanya si Iska.

"Aling Iska, bakit? Anong nangyayari sa'yo?" sigaw niya sa pagkahilakbot.

Tatayo na sana siya ngunit mabilis siyang nadaklot ni Iska sa isang braso at pinilipit ito nang buong lakas.

"Aaaahhhh!!!" Napasigaw siya sa matinding sakit. Sigaw na gumising kina Nathan at Kyte.

"Helen?!" Bumalikwas siya ng bangon at mabilis na lumabas sa salas. Sumunod sa kanya si Kyte. Kitang-kita nilang namimilipit sa sakit si Helen habang hawak-hawak ni Iska ang isang braso nito.

Dinaluhong niya ang dalawa para umawat pero inihagis sa kanya ni Iska si Helen.

Kapwa sila bumagsak sa sahig. Nadaganan siya ni Helen. Nilukob ng takot ang buong pagkatao ni Kyte sa nakitang pangyayari.

Bago pa sila makabangon ay heto na si Iska at papalapit na sa kanilang dalawa!

Dinampot ni Iska ang isang upuan na gawa sa kawayan at akmang ibabagsak sa magkasintahan.

Mabilis na umigkas ang isang paa ni Helen at sinipa ang babaeng tila nasapian ng masamang espiritu.

Nawalan ng panimbang si Iska at bumagsak. Ang hawak nitong upuang kawayan ay sa ibang direksyon tumilapon.

Bumangon na sina Helen at Nathan, pero mabilis ding nakatayo si Iska at iniharang ang katawan sa pinto.

"Hindi na kayo makakatakas pa! Mamamatay kayong lahat ngayong gabi!!!" sigaw ng matabang babae na ang boses ay bahaw at parang nanggagaling sa malalim na balon. Parang ganito rin ang boses ni Kyte noong gabing sinaniban rin ito ng masamang elemento.

Napaurong sina Nathan at Helen.

"Tito Nathan, dito kayo!" sigaw ni Kyte.

Takbo papasok sa loob ng kuwarto ang dalawa. Ni-lock nila ang pinto gamit ang bisagrang nakakabit dito. Saglit silang natahimik. Pinakiramdaman nila ang paligid. Bakit tila wala na sa salas si Iska?

Bubuksan sana ni Nathan ang pinto para sumilip pero pinigilan siya ni Helen. "Huwag! Baka tumitiyempo lang siya."

Hindi nila inaasahan nang biglang kumalabog ang pinto na para bang binabangga ng katawan. Ginamit nina Helen at Nathan ang sariling mga katawan para pigilan ang pagbukas ng pinto. Ramdam nila ang kakaibang lakas ni Iska na walang tigil sa ginagawa nitong pagbangga ng katawan sa pinto. Ilang pagbangga pa at tuluyang bumigay ang bisagra ng pinto. Hindi na rin kinaya ng pinagsamang lakas nina Helen at Nathan ang mala-demonyong puwersa ni Iska.

Nasukol na silang tatlo. Wala na silang tatakbuhan. Ngayon, kailangan na nilang harapin ang babaeng sinaniban ng masamang espiritu!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top