Chapter 15

BUMUKAS ang pinto ng kuwarto kung saan natutulog sina Helen, Nathan at Kyte. Iniluwa ng pinto si Romano na sumilip upang tingnan kung maayos ang lagay ng kanyang mga bisita.

Aalis na sana siya nang mapansin niyang tuwid na tuwid si Nathan sa pagkakahiga. Nagpasya siyang lapitan ito.

Bahagyang tinapik ni Romano ang binata, nagbabakasakaling may reaksyon ito sa kanyang ginawa.

Nanatiling nakatuwid lang ito sa pagkakahiga.

Nakaramdam si Romano ng panganib. "Nathan, gumising ka! Nathan!"

Sina Helen at Kyte ang nagising.

"Anong nangyari?" naalimpungatang tanong ni Helen.

"Ayaw magising ni Nathan. Naninigas ang kanyang katawan!"

"Tito Nathan! Gumising ka, Tito Nathan. Tito Nathan!" panangis ni Kyte.

Agad na kumilos si Helen. Sinubukan niyang ibangon ang nobyo pero nananatili itong nakapikit at naninigas ang katawan. "Nathan, gumising ka! Diyos ko, anong nangyayari sa kanya?"

"Ihiga mo siya," utos ni Romano na mabilis naman niyang sinunod.

Nang nakahiga na muli ang binata ay nagtungo si Romano sa paanan nito at ubod-diing kinagat ang hinlalaki nito sa kaliwang paa.

"Aaaahhhhh!" Umigkas ang paa ni Nathan kasabay ang pagmulat ng mga mata nito.

"Nathan!" Dinaluhan ni Helen ang katipan.

"Tito Nathan..." Hindi maawat ang pag-iyak ni Kyte.

Habol ang hininga at pagod na pagod na nakatulala sa kisame si Nathan. Parang sinisikap niyang ibalik ang hiningang nawala kanina habang pilit itong pinuputol ng kung anong elementong hindi naman niya nakikita gayong ramdam niya ang pagsakal nito sa kanyang leeg.

"Nathan... okay ka na ba?" masuyong tanong ni Helen sa kasintahan.

Gumalaw ang mga mata ni Nathan at nilingon ang nobya at saka siya marahang tumango.

"Binangungot ka. Ganyan din ang nangyari sa tatay ko. Bangungot ang ikinamatay niya. Kaya walang mag-iisip na namatay siya dahil sa sumpa sa rosaryong napulot niya," pahayag ni Romano. "Mabuti na lang at naisipan kong silipin kung maayos kayo rito sa kuwarto. Kung nagkataon, hindi ka na magigising mula sa pagtulog mo, Nathan."

Dahan-dahang bumangon si Nathan upang maupo sa kama. Sa mukha niya'y bakas pa rin ang pagkabalisa sa naging karanasan niya kani-kanina lang. "Maraming salamat, Romano."

"Wala 'yon. Magpahinga na kayo. Mahaba pa ang gabi. Kailangan n'yo ng lakas para sa mga bagay na kakaharapin n'yo pa sa mga susunod na araw. Matutulog na rin ako." Naglakad na siya papalabas ng silid.

"Tito Nathan, matulog ka na po. Babantayan kita. Hindi na lang ako matutulog."

Kinabig ni Nathan ang pamangkin at niyakap. "Ikaw ang matulog. Ako ang dapat na nagbabantay sa'yo." Sinulyapan niya si Helen. "Ikaw rin, matulog ka na ulit."

"Napapansin mo ba, Nathan? Parang iniisa-isa tayong sinusubukang patayin? Noong isang gabi si Kyte. Ngayon naman, ikaw. Ako na ba bukas? Masuwerte lang na nagagawan natin ng paraan na takasan ang kamatayang dala ng sumpa. Pero paano kung hindi? Wala na ba talaga tayong magagawa kundi tanggapin ang kamatayan?"

"Helen, walang mamamatay sa ating tatlo. Tayo ang puputol sa sumpa ng rosaryo. Pipigilan natin kahit ang pinakamasamang demonyo para hindi niya makuha ang mga kaluluwa natin," diin niya. "Kahit paano naman ay lumilinaw na ang puzzle na binubuo natin. Kailangan lang nating maghabol ng oras dahil baka kulangin tayo at maubusan ng panahon."

Tumango si Helen tanda ng pagsang-ayon. "Sana'y sapat ang panahong meron pa tayo ngayon. Sana ay mahawi natin ang palaisipang nakatago sa mga imahe at tuluyan na nating magawan ng paraan na maputol na ang sumpa ng kamatayan sa sinumang hahawak o magmamay-ari sa rosaryong kahoy na 'yan."

MAALIWALAS ang panahon kinaumagahan. Ang sikat ng araw ay matingkad. Ito ang ikasampung araw mula nang mapunta kay Helen ang rosaryo, at ika-limang araw naman para kina Nathan at Kyte. Suwerte na sigurong maituturing na buhay pa sila hanggang ngayon sa kabila ng mga palatandaan ng sumpa na nakadikit na sa kanilang mga balat, idagdag pa ang mga kakatwang karanasang nangyayari sa kanila sa tuwing sasapit ang gabi.

Maaga silang nagpaalam kay Romano para umuwi sa inuupahan nilang bahay.

"Maga-iingat kayo," bilin nito sa kanila. "Kapag kailangan n'yo ang tulong ko, pauwede kayong bumalik rito anumang oras. Hindi ko na kayo maihatid sa poblasyon dahil mangunguha pa ako ng mga gulay na kailangan kong dalhin sa poblasyon mamaya."

"Napakalaki na ng naitulong mo sa amin, Romano. Maraming salamat." Kinamayan nina Nathan at Helen ang lalaki at saka nila inumpisahan ang paglalakad pabalik sa nirerentahan nilang bahay ng kapatid ni Iskang isda.

Habang naglalakad ay hawak ni Helen ang kanyang cellphone. Four percent na lang nag natitirang baterya nito. Sana naman ay makahanap na siya ng signal bago tuluyang maubos ang baterya ng telepono niya. Kailangang makausap niya ngayong araw si Cristy para humingi rito ng tulong.

"May battery pa ba ang cellphone mo?" tanong niya kay Nathan.

"Wala na. Drained na," sagot nito.

Napabuntong-hininga na lang siya. Wala naman siyang magagawa. Nasa isang sitwasyon sila na hindi nila hawak ang oras, kapalaran, maging ang buhay nila. Ang tangi nilang magagawa ay mag-isip ng tama at kumilos nang mas mabilis.

"Nathan, may nadaanan tayo noong isang gabi na lugar na nagkaroon ng signal ang cellphone mo, 'di ba? Saan nga 'yon?"

"Nalagpasan na yata natin. Doon iyon sa kung saan natin nakasalubong si Didong Daga."

"Hindi bale, doon na lang sa tabing dagat ako hahanap ng signal. Sana lang hindi agad mag-battery empty itong phone ko."

Pagdaan nila sa poblasyon ay namalengke muna sila para may mailuto pag-uwi nila ng bahay. Pagdating nila sa bahay ay nakita nilang sarado ang bahay ni Iskang Isda. Wala yatang tao?

"Aling Iska! Aling Iska!" Tumawag si Helen para kumustahin sana ang kanilang kasera. Mula noong hindi nila ito makita sa salas nang gabing namilipit si Kyte sa sakit ng tiyan ay hindi na nila ulit nakita ito. Nakokonsensya tuloy siya na dahil sa kanila ay may ibang taong nadadamay. "Tao po! Tao po, Aling Iska!"

"Wala yatang tao," sabi ni Nathan. "Ayan o, saradong-sarado ang pinto at mga bintana."

"Oo nga. Baka nakaalis na siya para magtinda ng isda. Kukumustahin ko lang sana kasi."

"Mamaya na lang, pagbalik niya. Halika na at nang makapagpalit ng damit. Kahapon pa itong mga suot natin."

"Sige na, mauna na kayo. Sasaglit lang ako sa tabing dagat para makahanap ng signal habang may baterya pa ang cellphone ko. Malapit lang naman tayo sa dagat. Babalik ako kaagad."

"Mag-iingat ka!" bilin niya sa nobya.

Binilisan ni Helen ang paglalakad papunta ng tabing-dagat. Nakita pa niya ang ang mga taong papasakay sa bangka upang pumunta naman sa Burgos.

Agad namang nagkaroon ng signal ang kanyang cellphone pero hindi ganoon kalakas. Bahagya siyang naglakad sa tabing-dagat upang humanap ng mas malakas na signal. Two percent na lang ang baterya ng telepono niya.

Nag-dial siya para kontakin si Cristy. Ilang sandali lang at naririnig na niya ang tunog ng telepono nito. Naghintay siyang sagutin ni Cristy ang tawag niya.

Halos mahulog ang puso niya sa tuwa nang marinig niya ang boses ng dalaga sa kabilang linya.

"Cristy, si Helen ito. Hihingi sana ako ng pabor sa'yo."

Pinakinggan niya ang sagot ng kausap.

"Oo, tungkol sa isinumpang rosaryo. May nakikita kasi kaming imahe ng lumang diyaryo na may balita tungkol sa isang aksidente sa kotse. Nandito kami ngayon sa Isla Maranlig. Puwede ka bang pumunta sa museum diyan sa Burgos at hanapin kung may kopya sila ng isang lumang diyaryong naglalaman ng balita tungkol sa isang car accident? Susubukan din naming mag-google dito, ang hirap lang kasing humanap ng signal."

Pinakinggan niyang muli ang sagot ng kausap.

"Subukan mo lang, mga year 1940 to 1980. Kung wala e 'di okay lang. Wala naman tayong magagawa. Pero mabuti nang sinubukan pa rin natin. Pasensya na sa abala, ha? Ikaw lang ang alam kong puwedeng makatulong sa amin---"

Hindi na niya natapos ang sasabihin dahil tuluyan nang nawalan ng baterya ang kanyang cellphone.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top