Chapter 12

HINDI magawang kumilos nina Nathan at Helen habang patuloy na naglalabas ng berdeng likido ang bibig ni Kyte. Nadagdag pa ang pagod na nadarama nila dahil sa pagod sa pakikipagbuno sa batang sinaniban ng masamang elemento.

Sa itsura ni Kyte ngayon, malabong makawala ito sa pagkakatali dahil halos hindi nito maigalaw ang buong katawan. Tumigil na rin ang paglabas ng berdeng likido sa bibig nito.

Dahil hindi makakilos ay todo ang ginawang pagsigaw ni Kyte. Ilang sandali pa ay muli itong sumuka. Ang dating berdeng likido na inilalabas ng bibig nito ay naging itim na. Pagkatapos sumuka ay may tila usok na lumabas sa mga mata nito kasunod ang pagkawala nito ng malay.

"Kyte..." Nag-aalalang tinawag ni Nathan ang pamangkin. Hindi niya mapapatawad ang sarili kapag may nangyaring hindi maganda kay Kyte.

"Tatanggalin ko na ang gapos niya," sabi ni Helen.

"Huwag!" mabilis na tutol ni Nathan. Pinulsuhan niya ang pamangkin at pinakinggan ang tibok ng dibdib nito. "Okay naman siya. Nawalan lang ng malay. Bukas na lang natin tanggalin ang gapos niya. Hindi pa natin sigurado kung si Kyte na ba talaga 'yan."

"Pero---" Hindi na itinuloy ni Helen ang sasabihin kahit na nakakaramdam siya ng habag kay Kyte.

Tumayo si Nathan at binuhat ang walang malay na si Kyte. Inihiga niya ang pamangkin sa kama. "Magpahinga ka na rin, Helen."

"Dito na lang tayong tatlo. Pagkatapos ng nangyari ngayon, nararamdaman kong hindi pa ito ang huli. May mga mangyayari pa para matupad ang sumpa anumang oras hanggang sa sumapit ang ikalabingtatlong araw." Bigla siyang may naalala. "Si Aling Iska nga pala!" Tumayo siya at agad na pinuntahan ang kasera sa labas ng silid. Sumunod na rin sa kanya si Nathan.

Laking pagtataka nila nang makitang wala na sa salas si Iskang Isda.

"Aling Iska?" Sumilip pa si Helen sa bintana upang tingnan ang katapat na bahay ng kasera nila ngunit kadiliman lang ang sumalubong sa kanya. Walang ilaw sa bahay ni Iska.

"Nasaan siya?" tanong ni Nathan.

"Nandiyan siya kanina at walang malay noong kinuha ko ang lubid," sagot ni Helen. "Nasaan na siya?"

"Baka naman nagkamalay na at umuwi na dahil sa takot?"

"Pero patay ang ilaw sa bahay niya?"

"Kasi nga, gabi na. Matutulog na siya."

"Seryoso ka sa sinasabi mo? May tao bang nakasaksi ng katulad sa nangyari kanina ang basta na lang uuwi para matulog kasi gabi na?" napapantastikuhang tanong ni Helen. Hindi siya makapaniwala sa mga rason ni Nathan.

"O, baka naman mag-away pa tayo dahil diyan. Ang dapat nating gawin ay magpahinga na rin dahil marami pa tayong gagawin bukas. Puntahan na lang natin bukas si Aling Iska sa kanila, sigurado namang andoon lang iyon." Nauna nang bumalik sa silid si Nathan.

Bagsak ang balikat na sumunod si Helen sa nobyo. Wala rin namang mangyayari kung magtatalo pa sila. Pagod na rin naman siya at gusto na niyang magpahinga.

Nakahiga na si Nathan sa tabi ng nakagapos na si Kyte nang pumasok siya sa silid. Nahagip ng mata niya ang cellphone nito na nasa sulok at kasalukuyang nagcha-charge. Ang flashlight nito ang siya pa ring nagbibigay liwanag sa buong silid. Kinuha niya ang sariling charger at isinaksak ang cellphone niya para mag-charge din ang battery nito. Pagkatapos ay humiga na rin siya sa kabilang gilid ng kama kaya napagitnaan nila ang bata. Dahil sa pagod, hindi na nila namalayan ang mabilis na paglipas ng mga sandali.

NAALIMPUNGATAN si Helen nang marinig ang boses ni Kyte.

"Tito Nathan, bakit po ako nakatali? Tanggalin n'yo po ang gapos ko."

Nagmulat siya ng mga mata. Nakita niyang gising na si Kyte at nasa mukha nito ang pagtataka sa nagisnang sitwasyon.

"Kyte!" Bumalikwas siya ng bangon para kalagin ang gapos ng bata. "Nathan, gising na si Kyte."

"Tita Helen..." naiiyak na sabi ng bata. "Bakit po ako nakatali?" muli niyang tanong.

"Sandali lang, kakalagan kita ng tali." Inumpisahan niyang alisin ang pagkakabuhol ng lubid sa katawan ni Kyte. Nahirapan siyang kalagin ang lubid dahil siniguro niyang mahigpit ang pagkakatali niya rito.

"Nathan, gumising ka na. Tulungan mo akong kalagin ang lubid na nakagapos kay Kyte."

Dumilat ang mga mata ng binata. "Kyte, okay ka na ba?" agad niyang tanong sa pamangkin.

"Tito Nathan..."

Bumangon si Nathan at dalawa sila ni Helen na nagtulong para maalis kaagad ang lubid na nakagapos kay Kyte hanggang sa tuluyang makalag ang tali.

"Kumusta na ang pakiramdam mo?" tanong ni Nathan kay Kyte. "May masakit pa ba sa'yo?"

Sunod-sunod ang naging pag-iling ng bata. "Bakit po ako nakagapos?"

"Hindi mo ba alam? Namilipit ka sa sakit kagabi. Pagkatapos, biglang nagbago ang boses mo at---" Hindi na niya itinuloy ang sasabihin. Naisip niyang baka lalo lang matakot ang kanyang pamangkin.

Si Kyte naman ay tila naghihintay pa sa sasabihin ng tiyuhin.

"Hindi na mahalaga kung ano ang nangyari kagabi. Ang mas importante, okay ka na at puwede na nating gawin ang mga bagay na dahilan kung ba't tayo nagpunta rito sa isla," maagap na salo ni Helen.

Hindi na nagtanong pa si Kyte.

"Ayusin n'yo na ang mga sarili n'yo, para makaalis na tayo," utos sa kanila ni Nathan.

BAGO tuluyang umalis ay dumaan muna sila sa bahay ni Iska.

"Aling Iska!" tawag ni Nathan. "Tao po!"

Walang sumagot.

Si Helen naman ang tumawag, "Tao po! Tao po!"

Wala pa ring sumagot.

"Baka naman naglalako na ng isda si Aling Iska kaya wala siya," sabi ni Nathan.

"Siguro nga," pagsang-ayon naman ni Helen. "Sige, lakad na tayo. Mamaya na lang natin kausapin si Aling Iska."

"Doon muna tayo sa poblasyon. Baka naroon ulit si Didong Daga," suhestiyon ni Nathan. "Pero kumain muna tayo, kagabi pa tayo hindi kumakain."

Pagdating sa poblasyon ay hindi nila nakita si Didong Daga. Nagtungo sila sa isang karinderya at bumili ng makakain. Habang kumakain ay nagbabakasakali silang darating ang taong kanilang hinahanap. Kapag hindi iyon dumating ay mapipilitan silang puntahan ito sa sinasabing lugar kung saan ito nakatira. Sa Kadawagan.

HANGGANG sa matapos silang kumain ay walang Didong Daga na dumating kaya nagpasya silang muling maglakad para hanapin ang tinitirhan nito sa Kadawagan.

Medyo malayo na rin ang nilalakad nila nang madaanan sila ng isang karitela. Huminto ang karitela sa kanilang tapat. Kinausap sila ng lalaking nakasakay rito.

"Mukhang malayo ang pupuntahan n'yo. Sumakay na kayo rito," anyaya sa kanila ng lalaki. Pinahinto nito ang kabayong humihila sa karitela.

"Papunta po kami sa Kadawagan," sabi ni Helen.

"Sige lang, ibababa ko na lang kayo sa may paanan ng bundok," sagot naman ng lalaki.

Hindi na nahiya sina Nathan at Helen. Sumakay na sila sa karitela.

"Ano ba ang gagawin ninyo sa Kadawagan?" tanong ng lalaki habang minamaniobra nito ang karitela.

"Hinahanap namin si Didong Daga. May kailangan lang kaming itanong sa kanya." Si Nathan ang sumagot.

"Aba, madalas sa poblasyon iyon, ah. Hindi n'yo ba siya nadaanan doon?"

"Hindi po. Kaya nagpasya kaming hanapin na lang siya sa Kadawagan dahil doon daw siya umuuwi."

"Mukhang mahalaga ang pakay ninyo sa kanya para dayuhin n'yo pa siya sa Kadawagan. Baka abutin na kayo ng gabi roon. Mahihirapan kayong umakyat sa bundok lalo na at umulan kahapon. Baka madulas ang daan."

"Pagtitiyagaan na lang namin. Kailangan talagang mahanap namin siya at makausap," untag ni Helen.

"Baka hindi kayanin ng batang kasama n'yo. Mas matatagalan kayo sa daan." Bumaling ang lalaki kay Kyte. "Okay ka lang ba, Totoy?"

"Opo," sagot nito sabay tango.

"Kung gusto n'yo, iwanan n'yo na lang sa bahay ko itong bata. Balikan n'yo na lang 'pag uuwi na kayo. Tutal naman, doon lang ako nakatira sa may paanan ng bundok."

Nagkatinginan sina Nathan at Helen. Pareho ba sila ng iniisip?

"Nagpunta nga rin po kami kahapon sa may paanan ng bundok dahil hinahanap naman namin si Romano Pascua," naibulalas ni Helen.

Pinahinto ng lalaki ang karitela at saka sa seryosong tinig ay muling nagtanong, "Ano ang kailangan ninyo kay Romano Pascua?"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top