Chapter 10
"ANO?"
"Tingnan mo, papunta siya sa gawi ng pinanggalingan natin. Patungo siya sa may paanan ng bundok. Ibig sabihin doon siya nakatira," pag-aanalisa pa ni Helen.
Nilingon ni Nathan ang lalaki pero hindi na niya ito nakita. "Nasaan na iyon? Ang bilis naman niyang maglakad. Nawala na agad siya?"
"Sundan natin siya," mungkahi ni Helen.
"Babalik tayo?" Parang gustong tumutol ni Nathan. "Gabi na, hindi natin kabisado ang isla. Baka hindi tayo mamatay sa sumpa, pero ibang kapahamakan naman ang masalubong natin sa daan."
"Tito Nathan, pagod na po ako..." daing ni Kyte. "Bumalik na lang po tayo bukas."
Nagkatinginan sina Helen at Nathan. Nakakaawa na rin ang itsura ni Kyte. Pawisan na ito at halatang pagod na pagod sa paglalakad.
"Sige, umuwi na tayo," pasya ni Helen. "Ituloy na lang natin ang paghahanap bukas."
"Kaya mo pa bang maglakad, Kyte?" tanong ni Nathan sa pamangkin.
"Opo," sagot ng bata kasabay ang pagtango.
Nagpatuloy sila sa paglalakad na tanging ang flashlight pa rin ng cellphone ang tanglaw nila sa daan.
"Sayang itong isla," pakli ni Helen. "Maganda sana pero hindi sinusuportahan ng gobyerno. Tingnan mo, wala man lang sasakyan maliban do'n sa lumang motorsiklong nakaparada sa kampo. Porke ba isla, wala nang paraan para makapag-transport ng sasakyan dito? Napakadali naman ng solusyon. Kailangan lang ng barkong bibiyahe mula Burgos papunta rito. Imbes na maliliit na bangkang pangisda, bakit hindi sila magpabiyahe ng barko kahit isang beses sa isang linggo o dalawang beses sa isang buwan?"
Natawa si Nathan. "Eh ba't sa akin mo sinasabi? Pareho tayong nagtatrabaho sa gobyerno, pero pareho tayong walang magagawa para umasenso ang kabuhayan ng mga tao dito sa isla," seryosong sabi niya.
"Iyon lang... Wala kasi tayo sa puwesto."
"At wala tayo rito para asikasuhin ang pag-asenso nila. Nandito tayo para hanapin ang pinagmulan ng sumpa sa rosaryo at alamin kung paano ito mapipigilan," paalala ni Nathan. "Dahil kapag hindi natin naputol ang sumpa, mas lalong wala na tayong magagawa para umasenso kahit ang mga sarili natin dahil pareho na tayong mamamatay." May diin ang huling salitang sinabi nito.
Napabuntong-hininga na lang si Helen. Wala na silang imikan habang naglalakad at hanggang makarating sa tinutuluyan nilang bahay.
Binuksan ni Nathan ang ilaw sa salas nang makapasok na sila sa loob. Si Kyte naman ay tumakbo papasok sa loob ng silid.
"Mabuti na lang at may generator dito kahit paano. Isipin mo na lang kung paanong mas mahirap ang pamumuhay ng mga tao rito kung wala silang sapat na liwanag tuwing sasapit ang gabi." Akala ni Nathan ay tapos na ang speech ni Helen tungkol sa kawalang suporta ng gobyerno sa isang napakagandang lugar na puwedeng mag-ambag ng kasiglahan ng turismo sa bansa.
Nakarinig sila ng mga katok sa pinto. Binuksan iyon ni Nathan.
"Magandang gabi!" masayang bati ni Iskang Isda na may dalang food bowl at abot tainga ang ngiti. "Dinalhan ko kayo ng ulam. Kinamatisang isda. Tikman n'yo, masarap ito," buong pagmamalaking sabi ng babae patungkol sa kanyang dalang ulam.
"Pumasok po kayo," sabi ni Nathan.
"Kanina ko pa dapat dadalhin ito, kaso nakita kong wala pang ilaw at nakakandado pa rin ang pinto. Pero 'wag kayong mag-alala, ininit ko na ito para mas masarap ang kain n'yo." Hindi nawawala ang maaliwalas na itsura ng babae.
"Naku, wala pa nga pala tayong bigas!" bulalas ni Helen.
"Ganoon ba? O, kunin mo na itong ulam at kukuha ako ng kanin sa amin." Iniabot ni Iska kay Helen ang food bowl at nagmamadaling lumabas ng bahay.
Ilang sandali lang ay nakabalik na ang kasera nila dala pa nito ang mismong kalderong naglalaman ng kanin. "O, pagkasyahin n'yo na lang ito."
"Salamat po. Sana hindi na kayo nag-abala," sabi ni Nathan.
"Aling Iska, may itatanong sana ako," biglang bulalas ni Helen.
"Ano iyon?"
"May kilala ba kayong tagarito na mahilig sa daga o kaya naman ay nag-aalaga ng daga? Kahit sino po na tagarito."
Nag-isip ang matabang babae. "Daga? Dagang kosta ba ang sinasabi mo? Iyon lang naman ang alam kong daga na puwedeng alagaan. Kung ganoong daga, wala akong kilala. Pero dagang bukid, may mga nanghuhuli na mga tagarito, hindi para alagaan kundi para lutuin at gawing pang-ulam," kuwento pa ni Iska.
"Sino po sila?" interesado niyang tanong.
"Naku, napakarami. Halos lahat ng tagarito na nagsasaka ay kumakain ng daga."
Napangiwi si Helen. Kahit alam niyang may mga lugar talaga na ginagawang putahe ang daga, hindi niya nakikita ang sarili niya na titikim ng pagkaing iyon. Kahit kailan.
"Teka..." Biglang napangiti si Iskang Isda. "May dagang kilala dito sa lugar namin."
"Sino?" halos sabay na sabi nina Nathan at Helen. Ito na ba ang sagot sa tanong nila?
"Eh, bakit ba interesado kayo sa daga? Nagpunta lang ba kayo rito para maghanap ng daga? Wala bang daga sa lugar na pinanggalingan n'yo?" tanong ni Iska.
Nagkatinginan ang dalawa. Kailangan na nilang sabihin sa babae ang totoong pakay nila, dahil baka may maitulong ito sa kanila. Konting araw na lang ang nalalabi. Mauubos na ang oras nila.
Inilabas ni Nathan ang rosaryo at ipinakita sa kanilang kasera. "Kilala n'yo po ba ang rosaryong ito?"
"May pangalan ba 'yan?" inosenteng tanong nito.
"Ang ibig kong sabihin, alam n'yo po ba kung ano'ng meron sa rosaryong ito?"
"Umiling si Iska. "Hindi, eh. Pero merong kumakalat na kuwento dito sa amin tungkol sa isang isinumpang rosaryo. Pero 'di ko pa nakikita ang rosaryong iyon." Biglang nanlaki ang mga mata ng babae at tinitigan si Nathan. "Iyan ba ang isinumpang rosaryo? Hesusmaryosep!"
"Opo, ito nga ang isinumpang rosaryo," sagot ni Nathan.
Napaantada si Iska. "Diyos ko po, bakit hawak mo 'yan? Hindi mo ba alam na mamamatay raw sa loob ng labintatlong araw ang sinumang humawak o magmay-ari sa isinumpang rosaryo? Saan mo nakuha 'yan?"
"Mahabang kuwento. Pero kaya kami naparito ay para subukang putulin ang sumpang nakakapit sa rosaryong ito. Kumonsulta kami sa isang espiritista. Ang sabi sa amin, hanapin namin ang daga. Dito nanggaling ang rosaryo kaya naisip naming dito rin matatagpuan ang dagang iyon," paliwanag ni Nathan.
"Daga? Anong kaugnayan ng daga sa sumpa?" naguguluhang tanong ni Iska.
"Sino po iyong sinasabi mong kilalang daga na tagarito sa inyo?" sabad ni Helen sa usapan. "Baka matulungan niya kami sa aming pakay dito sa lugar n'yo?"
May pag-aalangan sa itsura ni Iska. "Eh, kasi... baka hindi naman niya kayo matulungan."
"Bakit po? Sino po ba ang dagang iyon?"
"Sinto-sinto raw kasi iyon. Baka hindi n'yo makausap nang matino. Paano niya kayo matutulungan?" Hindi pa rin nawawala ang alinlangan ni Iska.
"Anong pangalan niya? Saan namin siya puwedeng puntahan? Tulungan mo kami. Tatlo kaming nanganganib na mamatay kapag hindi naputol ang sumpa." Desidido si Nathan na makumbinse ang kausap.
Sasagot na si Iska nang makarinig sila ng sigaw mula sa loob ng silid. "Tito Nathan!!!"
"Si Kyte!" Patakbong nagtungo sa silid si Helen kasunod sina Nathan at Iska.
Naabutan nila si Kyte na walang suot na t-shirt at umiiyak na.
"Anong nangyari sa'yo?" tanong ni Nathan sa pamangkin.
"Tito Nathan, tingnan mo ang dibdib ko andaming kaliskis. Parang natakpan ng balat ng ahas ang dibdib ko," umiiyak na sabi ng bata.
Bakas ang pagtataka sa mukha ni Iska. Anong kaliskis sa dibdib ang sinasabi ng bata ganoong wala naman siyang nakikitang kakaiba sa balat nito?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top