Part II
Kampante siyang naglakad. Tantiyado na niya ang oras na lalakarin. Walong minuto.
Napatingin siya sa taas. Bilog na bilog ang buwan. Para bang may itinatago itong hindi niya malaman.
Nagkibit-balikat siya. Hindi naman siya matatakutin. Mas kinatatakutan pa niya ang buhay kaysa sa patay.
And speaking of buhay, may dala-dala siyang pepper spray sakali mang may magtangka sa kaniya. Medyo confident din siyang ipagtanggol ang sarili. Graduate siya sa ROTC o madaling sabi ay isa siyang reservist.
Kalalampas lang niya sa ikalawang bloke nang may matanawan siya sa gitnang kalsada, dalawampung hakbang mula sa kaniya.
"Nangkupo!" Wala siyang choice kung hindi mag-iba ng ruta.
Ang nakita niya ay mga asong hindi lalampas sa sampu ang bilang. Kapag usapang aso, may phobia siya riyan kaya mas minabuti niyang iwasan na lang ang mga ito.
Napabuntong-hininga siya. Dahil ito ang napili niyang daan ay higit na lalayo siya sa bahay ni Coleen. Sa tantiya niya ay madaragdagan ng bente minutos ang lalakarin niya.
Umusbong ang kaba sa dibdib niya. Paniguradong aabutin siya ng curfew. Ilang minuto na lang ay mag-aalas diyes na.
Lakad-takbo ang ginawa niya. Binalewala na kung mapawisan o hindi. Magre-retouch na lang siya mamaya.
Hinahabol na niya ang paghinga nang biglang tumunog ang sirena. Hudyat iyon ng pagsisimula ng curfew hours.
Napatda siya sa kinatatayuan nang matanaw niya ang paparating na sasakyan. Sa ibabaw noon ay may pula't asul na ilaw na nagsasalitan.
"Lagot na," palatak ng dalaga sa sarili.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top