16


Matagal bago sila nakasakay ni Alas, halos 5 PM na rin noong may humintong UV sa kanila. Alam ni Kristine na hindi sila pwedeng dumiretso sa bahay nito, ayaw niya ring malaman ng mga magulang niya ang nangyayari sa kaniya. 

Hindi niya na gustong dumagdag sa mga iniisip ng mga ito. Kaya kahit ayaw niya ng makasama si Alas ay mas pinili niyang ayain ito sa malapit na convenience store sa lugar nila. 

Saktong hindi ganoon karami ang tao sa loob ng convenience store kaya maaari silang mag-usap dalawa. Nasa counter si Alas at kasalukuyang kinukuha ang order nila, siya naman ay hindi mapalagay sa kinauupuan. Iniisip kung ano ang sasabihin sa binata.

"Kumain ka muna, hmm. Hindi naman 'yan ganoon ka heavy kaya makaka-kain ka pa sa inyo." sabay lapag nito ng isang cup ng soft drinks at isang hashbrown. 

Mas lalong nasasaktan si Kristine dahil sa pinapakita ng binata. 

Marahil dala ng ilang araw na pagpipigil, bumagsak ang luhang matagal na niyang pinipigilan kasabay ng pag-inom niya.

Nataranta si Alas nang makita siyang umiiyak, kinuha nito sa bag ang isang pamunas. 

Nakilala iyon ni Kristine, towel niya ang inabot ng binata. Tinignan niya ito ng may luha sa mata, kitang kita niya ang sakit na dumaan sa mga mata ng binata.

Iniwas nito ang tingin sa kaniya, "Malinis iyan, hindi ko lang kayang alisin sa bag." paliwanag nito sa inabot na towel.

"Kristine, bakit kailangan mo kong iwasan? Gets ko naman na gusto mo ng oras, pero, ang sakit naman nung iblock mo ako at magdeactivate ka ng social accounts mo." nagtatampong wika ng binata. 

"Bakit naman ganoon? Nirespeto ko naman na ayaw mo muna akong kausap, pero parang pinapaalis mo naman ako sa ginawa mo eh."

"Kristine sabihin mo naman kung may mali ba? Sobra ba kitang nabigla? Sabi ko naman 'di ba, walang pilitan. Hahayaan kitang mag-isip pero h'wag ganoon, h'wag mo naman akong alisin sa buhay mo." basag na wika nito sa harapan niya.

Nakayuko lang si Kristine, hindi kayang harapin ang mga sinasabi ng binata. Para siyang unti unting dinudurog ng mga sinasabi nito.

"Magsalita ka naman, mas nasasaktan ako sa pagiging tahimik mo eh." sinubukan nitong abutin ang kamay niya ngunit mabilis niya itong iniwas. Mabilis na gumuhit ang sakit sa mukha nito.

"Pabayaan mo na ako, nakapag-isip na ako. Hindi mo ko deserve. Hindi mo ito deserve Alas." mahina ngunit umiiyak niyang wika.

Ayaw niyang maka-agaw ng atensyon ng mga tao, kahit kaunti lang ang customer sa convenience shop na iyon, may mga staff na maaari silang panoorin.

"Alam mo ba ang sinasabi mo Kristine? Anong hindi deserve? Ang nonsense namang dahilan iyan." napalitan ang kaninang basag na boses nito ng inis.

"May nagsabi ba sa'yo niyan? Pucha Kristine, ano ba sa mahal kita ang hindi mo maintindihan? Dalawang salita lang iyon, tagalog pa." 

"Mawawala rin yan Alas, marerealize mo rin na nakakasawa ako." 

"Pambihira, hindi ko alam na ganyan ka kagrabe manakit. Pinapatay ako ng mga salita mo Kristine." tuluyan na ring bumagsak ang luha ng binata. 

Nang makita iyon ni Kristine ay dire-diretso rin ang luhang binagsak ng mga mata niya.

"Na-analyze mo yung feelings ko, pero sa'yo. Ano bang nararamdaman mo para sa akin Kristine?" 

"Hindi na iyon mahalaga, wala rin naman itong patutunguhan." 

"Mahalaga Kristine!" malakas na hampas nito sa lamesa, napatingin ang mga tao sa kanila. 

Mabilis siyang yumuko para hindi makita ang mga luha niya. 

"H'wag naman ganito, sobrang sakit eh." 

"Gusto kita Alas. Ano masaya ka na? Ayan, ito gusto mo marinig 'di ba? Oo sige, mahal din kita." matapang niyang sinalubong ang mga tingin nito, ngunit imbis na ngiti ang makita sa mukha ng binata tulad kung paano siya nito tignan, lungkot at sakit ang tumambad sa kaniya.

"Paano ba maging masaya, kung matapos mong sabihin iyan alam kong wala pa ring pag-asa? Sabihin mo, paano ako magiging masaya?" tuloy tuloy ang luha nito. 

Hinihiling ni Kristine na sana nasa isang pelikula na lang siya, yung tipong may magsasabi ng cut, dahil hindi na niya kaya. Never niyang inimagine na makikita niya si Alas na umiiyak, at siya ang dahilan.

"Gusto mo ako pero bakit ganito? Bakit ito ang ginagawa mo?" 

"Dahil hindi tama, dahil alam kong panandalian lang yung nararamdaman natin pareho. Kaya hangga't maaga mas maganda pigilan na natin."

"Wow, hindi ko alam na manghuhula ka na rin. Pucha naman Tine, walang nakakaalam ng mangyayari, at itong nararamdaman ko hindi ito panandalian. Ilang beses ko bang uulitin sa'yo na seryoso ako ha?" 

"Pero Alas, hindi mo ako naiintindihan eh."

"Kasi ayaw mong magpaintindi. Ang hirap hirap pumasok diyan sa loob mo, akala ko noong una, unti unti ko ng nakikilala at nasusubukan mapasok yung puso mo. Pero kahit pala sinabi mong gusto mo ako, na mahal mo ko parang wala pa rin silbi."

"Alas, please. Hayaan mo na lang ako, makakalimutan mo rin ako. Please, just let me go." pagmamakaaawa niya rito. 

Tumigil na si Alas sa pagluha nito, seryoso ang mukha nitong tinignan siya.

"Sana ganoon kadali Kristine eh, sana isang sabi ko lang o isang tulog lang wala na eh. Hindi na ikaw yung laman nito. Sana ganoon lang, pero Kristine hindi."

"Uuwi na ako, hindi ako nagpaalam. Umuwi ka na rin Alas, mas maganda siguro na h'wag na ulit tayo magkita."

Inayos niya ang mga gamit niya at mabilis na pinunasan ang mga natuyong luha sa mata. Tumayo siya para iwan na ang binata, nang muli ito ang magsalita.

"Ang akala ko, hindi ko na mararamdaman yung sakit kagaya noong iwan at talikuran kami ni papa. Akala ko iyon na ang huli. Pero, muli mong pinaramdam sa akin Kristine. Para akong sinasaksak." muling wika nito sa basag na boses.

Mabilis siyang lumabas ng convenience shop, ngunit hindi pa nakakalayo ng may pumigil sa braso niya.

"Hindi ako susuko, mali ka nang sinabi mong ito na ang huli nating pagkikita. Magpapahinga ako, oo. Pero ang sukuan ka hindi ko pa iyon napag-aaralan." huminga ito ng malalim at pinihit siya paharap. "May laban ako sa darating na buwan kaya mawawala ako ng ilang araw, pero hindi ibig sabihin no'n Kristine na sumusuko na ako. Babalik ako, ngayon pa na alam kong pareho tayo ng nararamdaman. Sabay nating aalisin ang takot na nararamdaman mo Kristine, pero sana tulungan mo ako. Mahirap lumaban ng mag-isa." mahabang paliwanag nito kasabay ng pagbitiw sa mga kamay niya.

"Bibitaw ako pero pansamantala lang ito, hindi ako bibitaw sa nararamdaman ko. Papatunayan ko sa'yo na seryoso ako sa nararamdaman ko. Na hindi ito panandalian Kristine, ako lang makakapagsabi kung sino ang deserving na mahalin ko, at ikaw iyon Kristine. Sana naman makita mo iyon." 

Walang lumabas na kahit ano sa kaniya, tinalikuran niya ang binata bago pa muling bumagsak ang mga luha niya. Mabilis siyang pumara ng tricycle at nagpahatid sa kanila. 

Natanaw niya pa si Alas na nakatayo pa rin sa pwesto nito. Nakayuko ang binata, gustuhin niya mang bumalik at yakapin ito, humingi ng sorry at sabihin dito na ayaw niya ring bumitaw at naniniwala naman siya talaga sa binata. Ngunit wala siyang lakas ng loob, mas nangingibabaw ang takot sa kaniya.  

Kita niya sa mukha ng pamilya niya ang pag-aalala ng makita ang mugtong mga mata niya. Napatayo ang papa niya mula sa kinauupuan nito at mabilis siyang hinawakan sa balikat.

"Anong nangyari sa'yo? Bakit ganiyan ang mga mata mo?" galit ngunit may pag-aalalang tanong nito sa kaniya. "H'wag mong subukan magsinungaling Kristine, ilang araw na naming napapansin ang pagiging matamlay mo pero binigyan ka namin ng privacy, pero ang umuwi ka nang umiiyak. Hindi ko na ito kayang palagpasin." 

Kita niya ang sakit sa mukha ng papa niya, maging sa kuya at mama niya na nanonood sa kanila.

Bumuhos ang emosyon na kanina niya pa pinipigilan sa tricycle, ang tanging naririnig lang sa apat na sulok ng bahay nila ay ang hagulgol niya.

Hindi gusto ni Kristine na masaktan ng ganoon, alam niyang kasalanan niya kung bakit niya iyon nararanasan, ngunit masisisi niya ba ang sarili kung ang nais niya lang naman ay protektahan ito sa maaaring sakit na maramdaman niya once na matapos ang nararamdaman ni Alas para sa kaniya?

Walang nagsasalita, para lang siyang batang nakayakap sa papa niya. Ito ang unang beses na nakita siyang umiyak ng pamilya simula ng mag highschool siya. Simula nang marealize niya na nasa tamang edad na siya para hindi pag alalahin ang mga magulang ay doon na rin niya itinago ang mga problema sa mga ito. Never siyang nagsumbong sa mga ito, kahit noong unang beses niyang nasaktan, hindi niya ipinakita sa mga ito. 

Siguro nga ay sumabog na ang nararamdaman niya kaya hindi niya na napigilan ang umiyak sa bisig ng ama.

Hindi siya tinanong ng mga ito, nang sabihin niya na hindi pa siya handang ikwento ang nararamdaman ay muli lang siyang niyakap ng ama. Nagpapasalamat siya sa binibigay na privacy ng mga ito, siguro sa susunod kapag handa na siya ay magawa niyang sabihin ang lahat lahat na nararamdaman. 

Wala siyang gana kumain, kahit naka ilang katok na ang kuya niya ay hindi siya lumabas. Nagpanggap pa siyang tulog nang pumasok ito sa silid niya. 

Kahit 9 AM pa ang klase ay mas pinili ni Kristine pumasok nang maaga, 7 AM pa lang ay nasa pamantasan na siya. Nasa library siya ng mga oras na iyon, nang makita si Joanna kasama ulit ang masungit na lalaki. Nasa ground floor ito ng library, tumatawa muli ang kaibigan habang ang kasama nito ay nakangiti lang. 

Masaya siguro ang kaibigan kasama ito. Ngayon niya lang kasi nakitang ganoon tumawa ang dalaga na hindi sila ang kasama. Parang palagay na palagay ang loob nito. Hindi niya alam kung gaano na ito katagal magkakilala pero kitang kita niya ang ngiti ng kaibigan. 

Hinayaan niya itong makita siya ng hindi tinatawag, ngunit napansin marahil ng lalaki na nakatingin siya kaya mabilis nitong tinuro ang direksyon niya. Nang makita siya ni Joanna ay mabilis itong nagpaalam sa binata, kita niya ang inis sa mukha ng kaibigan nang guluhin ng lalaki ang buhok nito.

Nabigla siya nang walang suntok o kurot na natanggap ang binata, ayaw na ayaw ni Joanna na ginugulo ang buhok nito, mukha ngang hindi lang simpleng kaibigan ito para sa dalaga.

Tumakbo ito sa pwesto niya matapos makaalis ng binata. Umupo ito sa tabi niya at nakangiti siyang binati.

"Ang aga mo naman mars?" nakangiting tanong nito sa kaniya.

"Ikaw din eh. Ang saya natin ah." pambawi niya rito.

"Hehe, nagpasa lang ng requirements para sa exchange trip."

"Kasama rin ba sa exchange trip yung lalaki from chemistry major?" asar niya rito, napaatras si Joanna sa sinabi niya. 

"Hoy, ma-issue ka. Tsaka nag-uusap lang kami." alibay ng kaibigan.

"Okay." nginitian niya lang ito ng makahulugan, hindi na niya ito pinilit, magkukwento naman ang kaibigan kapag gusto na nito.

Pinalipas nilang dalawa ang halos isa't kalahating oras na nagkukwentuhan lang. Pinag-usapan nila ang nalalapit na pag-alis ni Joanna, mag-iistay lang naman ito ng mga 1 week. Dalawang seminar kasi ang kailangan nitong puntahan, bigatin din ang kaibigan niya. Kaya nakakapanghinayang lang talaga kung tatanggi ito dahil lang sa ayaw ng mga magulang. 

Hindi sila agad nakauwi ng araw na iyon dahil sa emergency meeting ng STEP. Dahil sa dami ng nangyari sa nakalipas na linggo ay hindi na nila napansin ang papalapit na FBESS Month.

Huling linggo na ng buwan, kaya naman puspusan na dapat ang preperasyon nila para sa susunod na buwan. Dahil may kaniya kaniya namang head committee ang bawat program, pinausapan lang nila sa meeting ang progress ng bawat event. Dahil dalawa sa event ay kasama niya si Charlie, wala siyang nagawa kundi kausapin pa ito pagtapos ng meeting nila.

"Gusto mo bukas na tayo pumunta ng Divisoria? Kaunti lang naman ang kailangan natin bilhin, isabay na rin natin yung token para sa Research forum na hawak mo." gusto niyang tumanggi kay Charlie, dapat kasi ay isasabay niya iyon kaila Joanna, doon din kasi magpapagawa ang mga kaibigan ng tshirt para sa major nila. 

"Hmm, sige. Magkita na lang tayo sa labas ng pamantasan bukas nang umaga." pagpayag niya rito. Sasabihan niya na lang siguro mamaya sila Joanna na hindi na siya makakasama sa mga ito.

"Sige sige, pauwi ka na ba?" tanong muli ni Charlie sa kaniya.

"Ah, oo inaantay ko lang sila Jo." 

Kausap pa ng mga kaibigan niya ang adviser nila. Kinukuha ata ng mga ito ang sizes para sa polo shirt ng mga professors under Values. Nang matapos ay lumapit sa kanila si Joanna.

"Mars, una ka na umuwi or gusto mo sumama ka sa Divi? Pupuntahan namin yung nakausap ni Issa sa facebook, bukas pa raw iyon hanggang ngayon eh, para bukas diretso na lang kami sa Baclaran para bumili ng mga shirts." pag-aya sa kaniya ng kaibigan. 

Kung sasama siya sa mga ito ay mahihirapan siyang umuwi, though makakasabay niya naman si Angela, kaya lang ang iniisip niya ay baka hindi siya payagan ng papa niya kinabukasan. Malungkot man dahil hindi makakasama sa mga kaibigan ay umiling siya bilang pagtanggi dito.

"Sige, una na kami ah. Chat ka na lang pauwi o kaya text. Ingat mars." Nagpaalam din sila Issa at Angela sa kaniya. Napansin niya namang hindi pa rin umaalis si Charlie sa pwesto nito.

"Sabayan na kita pauwi, same lang naman tayo ng daan, sa LRT nga lang ako." 

Hindi niya gustong bigyan ng kulay ang mga ginagawa nito, minsan niya na rin kasing narinig kaila Joanna ang tungkol sa nararamdaman ni Charlie para sa kaniya. Ngunit hindi iyon sineryoso ni Kristine, malinaw sa kaniya na kaibigan lang ito at ayaw niyang lagyan iyon ng malisya. 

Bilang pakikisama dahil blockmates at president ito ng org nila, ay pumayag siyang sumabay dito. Palabas na sila ng MB nang makasalubong nila si Arkin na papasok naman.

"Naligaw ka yata pre, doon ang university niyo sa kabila." biro ni Charlie rito. Tinapik lang ito ni Arkin.

"May utos lang sa faculty ng BCAED. Kayo, pauwi na?" sagot nito habang nakatingin sa kanilang dalawa.

"Oo, trabaho sa org. Sige, una na kami. Tara na Kristine." pagpaalam ni Charlie dito, tahimik siyang tumalikod ng muling magsalita si Arkin. 

"You look good Kristine, weird lang dahil parang gusaling gumuho si Mercado sa kabila. Hmm.. I guess you're not that affected. Anyway, ingat." matapos nitong bitiwan ang balita tungkol kay Alas ay dumiretso ito paalis. 

Habulin man niya si Arkin ay wala rin naman siyang kayang gawin kahit malaman dito ang lagay ni Alas. Si Charlie naman ay naguguluhan sa binanggit ng kaaalis lang na binata.

"Mauuna na ko Charlie, gusto ko palang umuwing mag-isa. Ingat ka." ayaw niyang matakot sa maaaring isipin ni Charlie, mas gusto niyang mapag-isa sa mga oras na iyon. At hindi makakatulong ang kasama pa ang binata.

Mali si Arkin sa ideyang hindi siya apektado, dahil sa totoo lang ay niyayanig na ng pag-aalala ang sistema niya. Gusto niyang makita si Alas at sabihin dito ang lahat lahat pero ang lakas ng laban ng multo ng nakaraan kay Kristine, dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin niya magawang kalimutan ito.

Paano nga ba kakalimutan ang bagay na nagdulot sa'yo nang labis na pagdududa sa sarili?


----------------------------//

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top