15
Lumipas ang weekend na bumalik ang dating buhay ni Kristine. Hindi pa rin niya binubuksan ang mga social media accounts niya kaya wala rin siyang balita kay Alas. Naka-block ang number nito sa kaniya kaya hindi rin ito nakakatawag.
Ang issue kay Joanna ay hindi pa rin naaayos. Magka-usap sila ni Issa kagabi, ang sabi nito ay nagleave si Joanna sa gc nila. Mas lalo itong kinagalit ng kaibigan, hindi nila alam tatlo kung bakit bigla na lang itong naging distant sa kanila.
Ang hirap ng ganoon, yung biglang iiwas na lang sa'yo ang taong nakasanayan mong nandiyan palagi ng hindi mo alam ang dahilan ng biglaang pag-iwas nito.
Tatanungin mo ang sarili kung ikaw ba ang may mali, kung ano ang nagawa mong mali, o saang punto ka ng mga oras na magkasama kayo nagkamali.
Iniisip niya, ganoon din kaya ang nararamdaman ni Alas sa ginagawa niya, parang gusto niyang sabunutan bigla ang sarili. Kung sila nga na kaibigan ni Joanna, nasasaktan nang sobra dahil sa pag-iwas nito, paano pa si Alas. Naiisip niya pa lang ay parang mas lalo siyang nadudurog.
Maaga siyang pumasok ng araw na iyon para bumawi sa quiz na hindi niya nakuha noong Thursday. Kaunti pa lang ang nasa loob ng klase nila, kasama na rito si Jasmine at Issa.
Kasalukuyan lang silang nagrereview para sa susunod na klase ng dumating si Angela na halatang nagmamadali dahil sa pawis nito. 3rd floor ang room nila kaya posibleng tinakbo ito ng kaibigan.
"Saang marathon ka galing at pawis na pawis ka?" natatawang tanong ni Issa dito.
"Gagi, 'di kayo maniniwala sa nakita ko. Mga teh, si Joanna may kasabay pababa ng jeep. Eh hindi naman yun nagjejeep papasok 'di ba?" kwento nito sa kanila.
"Saan mo nakita?"
"Bumaba yung jeep doon sa may Padre Burgos, doon sa tawiran ng mga estudyante. Eh sakto naka red yung ilaw, patawid sila dito. May kasama siya mga teh, taga PNU teh." napalakas pa ang boses nito.
Napatingin naman sila sa pumasok, walang iba kundi si Joanna. Alam nilang narinig nito ang kinukwento ni Angela, pero ni hindi ito nagsalita, hindi tulad ng palaging ginagawa o tumingin man lang sa kanila.
Hindi ito muli umupo sa tabi nila. Nasa unahan ito at katabi pa ni Jasmine. Nilingon sila ng kaklase, at tinarayan lang ito ni Issa.
"Gusto niyo lapitan natin?" tanong niya sa mga ito.
"H'wag na, hayaan natin siya. Tignan natin kung hanggang kailan niya tayo hindi kakausapin." parang batang sabi ni Issa. Bakas ang inis sa toni nito, kahit pa nakatuon ang sarili sa binabasang notes.
"Pero mars, alam mo naman 'yan si Jo diba. Para 'yang ito si Kristine, walang ibang lalapitan iyon. Tayo lang din ang kaibigan noon." pag-aalala ni Angela rito.
Iyon ang isa sa iilang bagay na pinagkapareho nila ni Joanna, wala rin itong masyadong sinasamahan. Dahil nga madalas itong maisipan ng mga kaklase na nagmamagaling sa tuwing nakikipag diskurso ito sa klase, ay wala gustong samahan ito.
Wala namang issue ang mga kaklase nila kay Joanna, maliban kay Harry at Chris na palaging nakaka-ingkwentro ng kaibigan. Pero sila lang tatlo ang kayang tumagal sa ugali nito.
Naalala niya ng minsan nag-usap sila ng kaibigan, sila lang dalawa ang nagsabay umuwi noon dahil wala noon sila Issa at Angela.
Maswerte raw ito dahil napagtiisan nila Issa ang pagiging bitchesa nito at pagiging sarcastic minsan. Mabuti na lang daw at kaklase niya pa rin ang mga ito dahil kung hindi raw ay babalik ulit sa umpisa ang dalaga, mag-isa at walang kausap sa loob ng klase.
Kaya naiintindihan niya ang pag-aalala nila Angela. Ito ang mga magkakaklase na matagal, at alam ng mga ito na wala ring nasasandalan si Joanna sa mga sandaling iyon.
"'Gel, gets ko 'yun. Pero pucha, masakit din paulit ulit ma-reject. Sabi nga nung bwisit na Harry, may kaniya kaniya tayong kwento, hindi lang si Joanna ang may pinagdadaanan dito." baling nito sa kaniya na parang alam ang nangyayari sa loob niya. "Kung ayaw mag-kwento ni Jo, bahala siya. Kung ayaw niya sa atin, bahala na rin siya. Pagod na ako maghabol 'Gel." makahulugan pang sabi ng kaibigan.
Wala ring nagawa si Angela kundi maupo sa tabi niya. Nang dumating si Kenny ay ito ang naupo sa pwesto ni Joanna. Nagbiro pa ito bago magsimula kanina na para raw nasa lamay ang klase nila dahil napakatahimik. Napansin din iyon ng professor nila, ngunit hindi naman ito nagkumento.
Nang maglunch ay hindi ulit sumabay sa kanila si Joanna, sa UTMT na lang sila kumain dahil wala silang ganang lumabas dahil wala rin naman si Joanna.
Patapos na sana sila ng mapansin ni Angela ang isang lalaki, "Ayun teh oh, siya yung nakita kong kasabay ni Jo pumasok kanina." turo nito sa lalaki na naglalakad sa gitna ng quadrangle at may dalang dalawang cup ng pagkain.
"Saan ka pupunta 'Gel?" tanong niya sa kaibigan nang tumayo ito at naglakad palapit sa direksyon ng binata.
"Mars, hindi mo ba pipigilan si Angela?" kinakabahang tanong niya sa kaibigan. Mukha naman itong unbothered at tuloy tuloy pa rin ang kain.
"Alam niya ginagawa niya, kung ako lalapit sa lalaking 'yan, tiyak sa OSASS kami didiretso. Maganda nang si Angela." hindi niya alam kung seryoso ang kaibigan o nagbibiro lang ba ito.
Pinanood niya naman si Angela, kausap na nito ang binata. Ngunit, parang hindi interesado ang kausap nito sa mga sinasabi ni Angela. Nakakunot ang noo nito, parang naiinis sa ginagawa ng kaibigan.
Tinignan niya naman si Issa sa gilid niya, "Hindi kita pipigilan kung gusto mong lumapit Tine, pero hindi mo ko maaasahan na umawat kay Angela. Dahil swear, hindi mo rin magugustuhan ang kalalabasan."
Dahil nakita niyang hindi umiimik ang kausap ni Angela, tumayo na siya para awatin ito dahil parang wala rin namang balak si Issa na umawat.
Nang malapit na siya sa mga ito ay rinig niya ang iritasyon sa boses ng kaibigan. Habang ang kausap nito ay parang hindi naman natitinag.
"Mars, tara na." aya niya ng makalapit sa mga ito. Tinignan niya ang lalaking kaharap nito, nakakunot pa rin ang noo nito at hindi man lang din siya binalingan ng tingin.
"Teka, tinatanong ko siya kung bakit niya kasama ang kaibigan natin pero hindi naman nasagot ang putik. Wala ka bang boses?" iritadong tanong nito ulit.
"Wala kong sasabihin, if you'll excuse me." paalam nito.
"Aba, sira ata 'to eh." gigil na baling ni Angela.
Tinignan niya muli ang lalaki, sa wakas ay nakatingin rin ito sa kaniya.
"Hindi siya interesado mars, mapapagod ka lang." tumingin siya muli sa binata. "Let's just wish na nasa mabuting lagay si Joanna. Tara na."
Hinatak niya na paalis ang kaibigan dahil may mga estudyante na ring tumitingin sa kanila. Hindi niya ma-determine kung anong major ng binata dahil naka ordinary lace lang ito. Yung lanyard pa na gamit nila noong first year sila.
"Ano, kumausap ka ng poste?" pang-asar ni Issa ng makabalik sila.
"He, wala kang dulot h'wag kang mang-asar." inis na sagot ni Angela dito.
"Kilala ni Sebastian ang isang iyon, nakausap ko siya noong Saturday. Dahil hindi rin ako mapakali, same faculty pero chemistry daw ang isang iyon." kwento ni Issa habang nililigpit ang pinagkainan nila.
"Bio sila Sebastian 'di ba?"
"Oo, eh nasa iisang faculty lang sila tsaka 'di naman sobrang laki ng PNU."
"Ngayon ko lang nakita 'yun baliw, ikaw din diba Tine? Ano yun, kabute biglang nalabas?" maski siya ay ngayon lang din nakita ang lalaking iyon. O hindi lang talaga nila pinapansin ang mga tao sa pamantasan.
"Nagtaka ka pa, wala kang social life remember?" pang-iinis pa ni Issa sa kaibigan.
"Wow, nagsalita ang meron. Sila Sebastian lang outside friends mo, pangarap ka." ganti ng kaibigan dito.
Kahit papaano ay gumaan ang atmosphere sa kanilang tatlo dahil sa asaran ng dalawa, siya naman ay tahimik lang.
"Si Joanna pa rin ba yung natakbo diyan?" pagkuha ng atensyon ni Issa sa kaniya.
"Ha? Oo naman, nag-aalala lang ako."
"Maniwala. Sige mars, 'di ka pa naman namin kukulitin, tsaka na pag nandito na si Jo, para sure na 'di ka maka-iwas." pahabol pa ng kaibigan.
Hindi naman niya talaga gusto ilihim dito ang nangyayari sa kaniya, ayaw niya lang isabay ang pansariling problema.
"Kung iniisip mo na dapat sarilihin mo iyan dahil may issue kay Joanna, sinasabi ko sa'yo baka for the first time ay makaltukan kita mars. Hindi lang si Joanna ang kaibigan namin, mahalaga rin sa amin na ayos ka." muli ay seryosong sabi ni Issa.
Tinignan niya lang ang dalawang kaibigan, may pag-aalala sa mga mukha ni Angela, habang si Issa ay tinatago ang pag-aalala sa seryosong mukha nito. Nginitian niya lang ang mga ito bilang pagsang ayon.
Siguro, tamang sabihin niya rin dito ang bumabagabag sa kaniya, after all mga kaibigan niya pa rin ang mga ito. At minsan, mas nauunawaan pa ng mga ito ang nararamdaman niya kaysa sa kaniya.
Papasok na sila sa panghuling klase noong makatanggap si Kristine ng text mula kay Joanna, ang sabi dito ay magkita silang magkakaibigan pagtapos ng klase sa katabing room ng MIS sa GWA. Nagkatinginan lang silang tatlo matapos mabasa ang maikling mensahe mula rito.
"Sabi sa inyo, maaalala rin ni Joanna paano mag-isip eh." natatawang biro ni Issa.
Bakas dito ang kasiyahan dahil kahit sa maikling text ng kaibigan, panatag silang makakausap na rin nila ito.
Pagdating sa klase ay naabutan nilang nag-aannounce ang president nila.
"Wala daw si Ma'am Marte, nasa senate raw sila kasama si Dr. Reyes para doon sa hearing ng senate bill. Walang iniwan si Ma'am na gawain, yung ppt lang daw ng grupo nila Harry ang kailangan ipasa. The rest, pwede na raw matulog, chos." seryoso ngunit may birong announced nito.
Napansin nilang wala si Joanna sa loob ng room. Natawag pansin naman sila ng lumapit ang president nila.
"Mga teh, baka naman pwede niyong kausapin si Joanna. Nagtatanong na kasi talaga si madam, ayaw pumayag na si Harry ang paliparin sa Japan. Kilala niyo yun si Ma'am, baka masakal ako 'pag sinabi kong 'di makausap si Joanna. Ilang beses ko na chinat si Joanna sa messenger pero 'di naman nag-rereply. 'Di ko knows ang drama ni bakla pero baka makausap niyo, pasabi na lang." bulong nito sa kanila. Pansin niya ang kaba sa boses ng kaklase, kung siya rin naman ang kakausapin ng professor nila ay kakabahan din siya ng ganoon.
"Issa, ano ba kasi sabi ni madam noong nakausap mo?" tanong ni Angela kay Issa habang pababa sila sa MB.
"Well, hindi naman siguro ganoon kagrabe tulad ng kay Matthew, dama niyo yung kaba ni bakla eh. Hindi raw makausap nang matino ni madam si Joanna, ang huling sabi lang sa akin, si Dr. Reyes daw ang kakausap, baka ayun yung time na naiyak si Jo kasabay ni Doc papasok." paliwanag nito.
"Bilisan na nga lang natin, baka nasa GWA na ang magaling niyong kaibigan." dagdag pa nito.
Imbis na ang kaibigan ang makita, nadatnan nila ang lalaking kinausap kanina na nasa labas ng room sa GWA. Walang bakas ng Joanna roon, kaya ang tanging choice lang nila ay tanungin ito.
"Nasaan si Joanna?" mataray na tanong ni Angela rito.
"Hanapan ba ako ng nawawala?" masungit na sagot nito.
"'Luh, siraulo pala talaga ang isang ito eh." pinigilan naman nila ang kaibigan sa pagsugod nito sa binata.
"Tsk, nasa faculty. Kausap yung professor niyo. Okay na?" sagot nito at akmang iiwan sila.
"Ano bang mayroon sa inyo ng kaibigan namin?" lakas loob na tanong ni Angela dito.
"Wala. Mauuna na ako." at naglakad na nga ito paalis.
Inis na inis namang naiwan ang mga kaibigan niya lalo na si Issa.
"Totoo bang may ganoong lalaki? Potek, napakasungit. Napagtiisan ni Joanna kasama 'yun?" takang tanong ni Angela, naupo sila sa bato na tinatambayan tuwing P.E.
"Tinext ko na si Joanna, magkita raw tayo sa gate." pagbalita niya sa natanggap na text sa kaibigan.
"Tara na, baka magbago na naman isip ng gagang iyon, makakaltukan ko na talaga siya."
Nagmadali naman silang puntahan ang kaibigan. Hindi nila inaasahang maabutan nila ito sa tapat ng Finance department, malapit lang ito sa GWA kaya nagtataka sila dahil ang sabi nito ay gate.
Kausap ng kaibigan ang masungit na lalaki. Kitang kita nila ang tawa ng kaibigan habang nakangisi naman ang kausap nito, tingin nila ay inaasar ni Joanna ang lalaki dahil nakanuot pa ito habang nakangising nakatingin sa dalaga.
Hindi niya naman napigilan ng lumapit si Issa dito.
"Wow, sali naman kami." biro ngunit mataray na agaw atensyon dito ni Issa.
"Sige na, una na ko. Mag-ingat pauwi." paalam ng lalaki sa kaibigan nila, habang tumingin lang ito sa kanila.
Ngiting tinanguan lang ito ni Joanna. Nang makaalis ay nakayuko silang binalingan ng kaibigan.
"Hello mga teh." nahihiyang wika nito.
Dahil nasa gitna sila ng hallway papuntang GWA. Napasiyahan nilang pumasok sa room ng finance, mayroon lounge na pwedeng pagtambayan ng mga estudyante sa loob. Doon ay naupo sila habang nakatingin ng masama si Issa sa kaibigan, habang siya at si Angela ay natatawa sa dalawa.
"H'wag mo kaming mahello hello, 'di kami natutuwa sa ginagawa mo. Ano, naalala mo na ba kung paano ulit paganahin yang utak mo?" mataray ngunit nag-aalalang wika ni Issa.
"Sorry na, kailangan ko basahin ulit manual paano mag-isip eh." nakangiting sagot nito sa kanila.
Hindi na napigilan ni Angela ang tumawa kaya matalim siyang tinignan ni Issa, siya naman ay nangiti lang sa mga ito.
"Lintek Joanna, tigilan mo ko sa mga biro mo, explanation ang hinihingi namin, hindi korni mong joke." naiinis na wika ng kaibigan, halata nilang hindi na ito nakikipag biruan kaya maging siya ay nagseryoso na.
"Tumawa nga si Angela eh." nagulat naman ang kaibigan ng banggitin ito.
"Hoy Jo, ikaw ang hot seat wag mo kong idamay, mamaya ako bugahan ng apoy ni Issa." pag-iwas pa nito.
Bumuntong hininga ang kaibigan harap nila bago ito magsimulang mag-kwento. Kitang kita niya ang pagsisi sa mukha ni Issa dahil pinilit pa nitong mag-kwento ang kaibigan, bakas sa mukha ni Joanna ang sakit na nararamdaman.
Never nitong naikwento sa kanila ang problema tungkol sa pamilya, ang tanging alam lang nila ay hindi pabor ang mga magulang nito na maging teacher ang kaibigan, ang gusto ng mga ito ay mag-abogado ang anak. Pero hindi iyon gusto ng dalaga, kita nila ang passion nito sa pagtuturo.
Hindi malapit ang kaibigan sa mga bata, tawa nga sila nang tawa noog nagturo sila sa isang foundation para sa kanilang NSTP noong first sem. Halos gigil na gigil ang kaibigan dahil sa kakulitan ng mga nakapalibot na bata dito, pero nang magturo ito, maging ang mga madre sa foundation na iyon ay nakikinig sa dalaga.
Nakaramdam siya ng guilt dahil sa mga ilang araw na pakiramdam niya siya ang may pinaka mabigat na problema sa kanila. Akala niya tapos na ang iyakan nilang apat nang matapos ang kwento ni Joanna sa dahilan nito na piliin mapag-isa ng ilang araw.
Ngunit matapos noon ay nagburst out na rin si Issa, pinipigilan nito ang sigawan ang kaibigan dahil nasa taas lang ng lounge ang Finance.
"Punyeta Joanna, ganyan kabigat ang nararamdaman mo pero mas pinili mong ikwento sa lalaking iyon, ano kami bilang kaibigan mo? Waterlily? Display lang sa buhay mo? Kung ganoon lang, magkaniya-kaniya na lang tayo." nagulat sila sa binitiwang salita nito, pero alam niyang dala lang iyon ng nararamdaman ng kaibigan.
"Wow Issa, bakit ako lang ba ang nagsasarili ng problema dito? Ako lang ba ang pinipiling manahimik? Bakit ikaw? Pinilit ka namin ikwento ang pagpapakatanga mo?" bigla namang nanahimik ang kaibigan dahil sa sinabi ni Joanna.
Silang dalawa ni Angela ay nagulat din sa binitawan ni Joanna.
"Oh 'di ba, hindi rin alam nila Kristine, pero magkakasama kayo ng ilang araw. Ikaw Angela, hindi mo rin naman kinukwento kung sino yung laging katext mo 'di ba? Ikaw din Tine, kinulit ba kita na ikwento mo ang nangyari sa inyo ni Alas? Na bakit noong Thursday ay halos 2 oras na sa labas si Alas. Tinanong ko ba iyon sa inyo?" napatingin siya dito nang banggitin nito ang pangalan ng binata.
Nag-antay ito ng dalawang oras?
"Hindi, kasi nirerespeto ko na gusto niyong mapag-isa, na gusto niyong kayo mismo subukan ayusin ang mga problema niyo. Kaya Issa, h'wag mo akong awayin na parang ako lang ang nagsasarili ng problema dito. Oo magkakaibigan tayo, pero pare-pareho tayong ayaw bigyan ng problema ang isa't isa. Gusto mo magkaniya-kaniya? Edi magkaniya-kaniya, pucha." umiiyak na sabi nito.
Galit lang ang mga kaibigan niya, iyon ang iniisip ni Kristine sa mga oras na iyon. Tama naman si Joanna, ayaw nilang sabihin ang mga problema dahil ayaw nilang bigyan ng dagdag iisipin ang bawat isa sa kanila.
"Ang tatalino niyo pero ang bibilis niyong sumuko." natatawa ngunit umiiyak na sabi ni Angela sa tabi niya.
Pare-pareho silang natahimik sa sinabi nito.
"Biruin niyo 'yun, ikaw Joanna kapag nanggigisa ka ng kaklase, 'di ka sumusuko hangga't 'di mo napapatunayan na mali sila o na may iba pang dapat i-consider sa topic nila. Ikaw Issa, ang tapang tapang mo sa tuwing nakikipagtalo ka diyan kay Jo, pero ito ganitong 'di pagkakaintindihan susukuan niyo, wala pala kayo eh." muling wika nito.
"Makapagsalita ka naman Angela, sige nga ikaw ano bang magagawa mo?" galit na puna ni Issa dito.
"Issa ano ba? Umayos ka nga, hindi ito ang problema. Hindi natin kailangan mag-away away. Hindi tayo highschool." hindi na niya napigilan ang sarili, dahil pakiramdam niya mas lalong lalaki ang gulo dahil nagagalit na rin si Angela sa tabi niya.
"Pwede naman natin pag-usapan, 'yung mga tinatago natin, ilabas natin ngayon. And then after that, let's promise each other na ang kwento ng isa ay kwento ng lahat. Magkakaibigan tayo 'di ba?"
"Talaga Kristine, ang kwento ng isa kwento ng lahat?" sagot sa kaniya ni Joanna, mockingly laugh at what she said.
"Bwisit Joanna, hahambalusin kita." inis na sabi ni Issa dito, tinawanan lang ito ng kaibigan.
Nagsimulang mag-kwento si Issa ng sinabi kanina ni Joanna tungkol sa kaniya, pinipigilan pa nito ang mga luha. Ramdam niya ang bigat sa dibdib ng kaibigan, hindi nila kilala ang tinutukoy nito, ito siguro ang sinasabi ni Joanna kanina na hindi lang ang dalaga ang may hindi naikwento sa simula pa lang.
Ganoon din si Angela, nang sabihin nito kung saan nito nakilala ang palaging katext ay hindi napigilan ng dalawa niyang kaibigan ang tawanan ito nang malakas.
"Pucha, seryoso ba? Shet, 'di ko akalain may papatol sa trip natin na 'yon." tumatawang wika ni Issa rito.
"Hoy baliw ka, mamaya scammer 'yan ah. Sinong siraulo ang papatol sa sinulat natin sa papel ng NBS ng araw na iyon?" natatawang banta ni Joanna sa kaibigan.
"Kasalanan niyo 'tong dalawa eh, kung saan saan niyo pinagsusulat ang number ko. Tapos ngayon tawa tawa kayo riyan." inis na sagot nito sa mga kaibigan.
"Teka, ba't mo naman kasi nireplayan, aminin mo nag-eenjoy ka rin. Loka 'to kami pa sinisi." ganti ni Joanna rito.
"Kailan pa ba nag-text sa iyo 'yan? Start ng second sem ginawa nila Issa iyon 'di ba?" tinignan siya ng dalawa dahil sa sinabi niya. "He, wag niyo kong tignan ng ganiyan. Kayo may gawa noon."
"Teh, baka nakalimutan mong ikaw ang nagdictate ng number ni Angela, kabisado mo pa nga eh." asar sa kani
ya ni Joanna, matalim naman siyang tinignan ng katabi ngunit tinawanan niya lang ito.
"Tamo, pati ikaw Tine, I feel betrayed." madramang sabi nito, tumawa naman sila sa ginawa ni Angela. "Bwisit kayo. Nagtext siya mga week after natin pumunta sa NBS. Text lang, hindi ko pa rin nakikita. Takot ako mamaya ekis eh, mabait pa naman kausap. Tsaka may girlfriend, kaya friends lang."
Nagpalit sila ng tingin tatlo ng mahimigan ang lungkot sa boses ni Angela, mukhang may delikado.
"Tigilan mo na iyang kalokohan na 'yan 'Gel, nasa delikado ka na oh. Kapag 'di mo pa hininto ang pakikipag text diyan makikita ka na rin namin katulad ni Kristine." baling sa kaniya ni Joanna.
"Oh ba't naman ako?"
"Sino ba dito ang takot aminin ang totoo kaya mas pinili na lang iwasan yung tao?" makahulugang wika ni Joanna.
"Walang aaminin Jo." iwas niya rito.
"Asus, 'yan ba yung sinasabing kwento ng isa kwento ng lahat? Isa kang malaking utot Kristine." inis na sagot sa kaniya ng kaibigan.
"He, kahit gusto ko siya hanggang doon lang iyon. Magsasawa rin si Alas, marerealize din non na mas maraming better kaysa sa akin." malungkot siyang tumingin sa mga ito. "Soon, malalaman ni Alas na hindi niya deserve ang isang tulad ko, na hindi worth it na ipursue niya pa ang sarili sa akin."
"Tanga ka nga mars." sagot sa kaniya ni Issa.
"Thank you ah." sarcastic niyang sagot dito.
"Seryoso, kung ang issue mo dito ay dahil noong shs ka, tanga ka nga talaga. Though hindi kita masisi, pero mars, sorry. Kung mawawala sa iyo si Alas at marealize mo na hindi siya tulad ng taong iyon, na nakikita ni Alas yung worth mo, na nakikita niya na kahit ano pa ang sabihin mo, wala ng ibang deserving para sa kaniya kundi ikaw." paliwanag ng kaibigan.
"Deserve niyo ang isa't isa, minsan 'di naman masama humarot teh. Sugal sugal din minsan." biro ni Angela sa tabi niya.
"Pag-isipan mo ang desisyon mo. Noong nakita ko si Alas last Thursday, grabe para siyang mastermind ng droga, sabog na sabog ang buhok, parang 'di pa ata nagsuklay ng buhok. Pero sorry, ang gwapo pa rin tignan ng bebe mo." seryoso ngunit may birong sabi ni Joanna.
Mas lalo siyang nag-alala para sa binata, pero hindi pa rin nawawala ang takot sa loob ni Kristine.
"Wait, speaking of gwapo. Sino yung lalaki kanina Joanna?" pagtatanong ni Angela. "Ngayon ko lang iyon nakita ha?" dagdag pa nito.
Nawala ang ngiti sa mukha ni Joanna, ngunit hindi niya alam kung ano ang nais ipahiwatig ng kinang sa mga mata nito.
"Wala, frennywaps lang. Tara, shake?" pag-aaya nito, o mas magandang paglilihis ng usapan.
"Na-stress din ako sa drama ni Joanna, tsaka 'di mo pa sinasagot kung paano mo nakikila yung bwisit na lalaki na iyon ah." sambit ni Issa habang nag-aantay sila ng pagpalit ng traffic light.
"Tsaka na, napagod din ako sa iyakan natin kanina. Focus muna tayo sa pagbawi ng trono kay Harry." tumawa pa ito ng malademonyo.
Kinakabahan siya sa mga kaibigan kapag ganito na ang usapan, pero hindi niya rin naman ito pipigilan, after all kay Joanna naman talaga ang chance na iyon.
Marami ang tao sa SanMar dahil labasan na rin ng ilang estudyante, binibilisan niya ang pag-ubos sa shake na binili dahil baka makita niya roon si Alas. Ganoon pa naman ang tapos at labas nito sa klase kapag Lunes.
"Huy, may atat na atat umalis. Baka mabrain freeze ka niyan teh." pag-agaw ni Issa ng pansin niya.
"Pinagsasabi mo? Iniisip ko lang kung mahaba ba pila sa sakayan ng UV."
"Parang okay lang mag-antay ng matagal 'no lalo na pag may kasabay ka?" makahulugang sabi ni Joanna sabay tingin sa likod niya.
"Kristine."
Pinigilan niya ang sarili na lumingon dahil boses pa lang ay kilalang kilala na niya kung sino ito. Ang mga kaibigan niya naman ay nakangiting nang-aasar lang sa kaniya.
"Pwede ka bang makausap?" may pagmamaka-awa sa boses nito.
Tama nga si Joanna, mukhang dinaanan ng bagyo ang binata, ngunit unfair yata ang mundo dahil bagay dito ang magulong buhok.
"Hmm, uuwi na kami eh. Sa susunod na lang, tara na mga teh." pag-aya niya sa mga kaibigan.
Hinawakan naman siya sa braso ni Alas para pigilan sa ginagawa.
"Kahit sandali lang?" his voice cracked. Kahit hindi niya tignan kitang kita niya sa mukha ng mga kaibigan ang lungkot matapos marinig ang boses ng binata.
Tumango si Joanna sa kaniya bilang paalam, matapos noon ay naglakad ito paalis, iniwan siya kay Alas na hawak pa rin ang braso niya. Ganoon din sila Issa, tumango lang ang dalawa sa kaniya, senyales na mauuna na ang mga ito.
Tahimik niyang nilingon ang binata.
"Tapos na klase mo 'di ba? Sasabayan na kita pauwi."
Tango lang ang sinagot niya rito.
Gusto niyang yakapin ang binata dahil sa ayos nito ngayon, pero alam niyang kasalanan niya naman kung bakit ganito ang ayos nito.
Walang iba, kundi siya.
Siya na hindi kayang harapin ang takot,
Siya na hindi kayang ipaglaban ang nararamdaman.
Siya na duwag.
----------------//
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top