13




Nasa 7/11 siya para antayin si Alas at para bumili na rin sana ng inumin. 2 pm ang tapos ng klase ng binata, sakto lang naman ang dating niya para dito, katetext lang din nito na palabas na sila ng klase.

Magbabayad na sana siya sa cashier ng biglang tumawag si Alas.

"Saan ka?" bungad nito matapos niyang sagutin.

Inabot niya ang bayad sa cashier at kinuha ang binili, "Sa loob ng 7/11, labas ka na?"

"Yup."

"Sige, wait palabas na."

Lumabas siya ng convenience store na hindi pinapatay ang tawag, "Saan ka banda? Maglalakad pa ba ko?"

"Ang ganda." sagot nito sa kabilang linya. Hindi niya naman naintindihan ang sinabi nito. 

"Ha, teka saan ka ba?" nagpalingo lingo naman siya sa kalsada, halo halong estudyante ang nakikita niya, may taga Adamson, PNU at mula sa university nila Alas.

"Layo naman ng tingin mo, sa harapan mo lang oh." napatingin naman siya sa tapat ng barangay hall, doon nakatayo si Alas, hindi na ito naka-uniform at ganoon pa rin ang ngiti nito tuwing nagkikita sila.

Dahil red light pa ay hindi ito makatawid, ngunit tanaw na tanaw niya ang mga ngiti nito.

"Ba't parang ang saya-saya mo?" tanong niya sa taong nasa kabilang linya.

"Ang ganda lang kasi." natatawang biro nito. Tinitigan niya ang binata na nasa kabilang kalsada, hindi ito makikitaan ng pagod kahit mula kaninang umaga pa ang klase nito.

Nang mag-green ang ilaw ay tumawid na rin ito at pinatay ang tawag.

"Hi"

"Hello... Para kang sira." natatawa niyang sagot dito.

"Nasiraan na nga ata." tumatawang sagot nito sa kaniya. Para silang tangang dalawa ni Alas sa harapan ng 7/11, tumatawa sa bagay na hindi naman nila alam kung ano ang nakakatawa.

"Hmm, sorry medyo natagalan ah, nagpalit pa kasi ako tsaka nahirapan kami makalabas nila Marco." natanaw niya ang mga kaibigan ng binata na nasa kabilang kalsada lang din pala, nginitian at kinawayan niya lang ang mga ito kahit na parang nang-aasar ang mga ngiti nito sa kanila.

Napansin niyang nakaharap sa kanila ang cellphone ni Isaac at parang kinukuhanan sila ng picture dalawa. Hindi niya na lang iyon pinansin pa, at binalingan si Alas.

"Naglunch ka na ba?"

"Hmm, hindi pa. Ikaw ba?"

"Dapat kumain ka bago umalis sa inyo" ginulo pa nito ang buhok niya. "Hindi pa rin ako kumakain, 4 hours straight klase namin. Kumain muna tayo dahil naririnig ko na yung alaga mo sa tiyan." napahawak naman siya sa tiyan ng asarin siya ng binata.

Dahil lahat ng tao sa bahay nila ay may kaniya-kaniyang trabaho, wala rin siyang kasabay kumain kaya naisip niyang sabayan na lang kung sakali si Alas mag lunch.

Sa Popeyes dapat sila kakain, pero dahil hindi raw nakakadighay ang kanin sa Popeyes ay sa Mang Inasal na lang daw sila. Parehong gutom ang dalawa kaya halos wala nang nagsasalita sa kanila matapos mailapag ng waiter ang pagkain.

Nakaka-apat na siyang cup of rice nang biglang tumigil si Alas at inabutan siya ng tissue.

"Hindi mo naman ako ininformed na makalat ka pala kumain." pang-aasar nito sa kaniya, mabilis niya namang kinuha ang inabot na tissue at pinunasan ang pisngi.

Inirapan niya naman ito nang tumawa lang ang binata, "Weh, ang pang-asar kala mo siya hindi." ginantihan niya rin ito at tinampal ng pabiro ang tissue sa mukha ng kaharap.

"Okay lang Tine, hindi ako naturn off pramis. Ang cute mo nga eh." asar nito muli sa kaniya, siya naman ay parang na-glue sa upuan dahil sa biglaang banat ng binata.

"Ayi, nahihiya siya. Okay lang kiligin Tine, promise. Ako lang 'to." mayabang pang sabi nito.

"Napakakapal po oh, ramdam dito." ginaya niya pa ang kamay sa tapat ng mukha ng binata.

"Ayaw pa aminin, sige kunwari 'di ko alam na kinikilig ka talaga."

"Ewan ko sa'yo, kumain ka na lang, kawawa naman yung manok, he feel harassed" halos buto na lang kasi ang matira sa manok, tumawa naman ang binata sa sinabi niya.

"Nakakahiya po, pwede pong hinaan yung tawa?" nakayukong bulong niya rito, halos lingunin na sila ng mga tao dahil sa lakas ng tawa ng binata.

Inangat pa ng binata ang kawawang katawan ng manok, "Tingin mo ikukulong niya na ko?" natatawang tanong nito sa kaniya.

"Ang korni ng joke mo ah." natatawa niyang sagot.

"Korni pero tumawa, ikaw ata tong baliw eh. Ito na po tatapusin na, porket ang bilis mo kumain makalat nga lang." kinurot niya sa braso ang binata dahil sa pang-aasar muli nito.

"Joke lang joke lang, ang sakit mo mangurot, walastik pantastik shet." madramang sabi nito.

"Ang oa mo lang kaya. Wait, hugas lang." tumango lang ito sa kaniya, at muling binalikan ang kawawang manok.

Natatawa niyang iniwan ito sa lamesa at dumiretso sa washroom ng fast food. May mga dalaga pa sa harap ng sink kung saan naghuhugas ang mga customers, kaya naman nag-antay muna siya sa likod ng mga ito.

"Dai, kita mo yung lalaki sa left part, yung naka black shirt? Shet, ang yummers." hindi niya sinasadyang marinig ang usapan nito pero natatawa siya sa reaksyon ng dalawa. 

Nakikita niya kasi ang mga kaibigan dito, ganito rin ang reaksyon ng mga iyon kapag nakakakita ng gwapo.

"Kaya lang dai mukhang may jowa, sayang." muling tumingin ang kasama nito sa direksyon ng lalaki. Hindi sinasadyang napatingin din siya rito.

Isa lang ang lalaking nakaitim sa direksyon tinitignan ng dalawang babae sa harapan niya, sakto rin na si Alas ang nag-iisang lalaking naka suot ng itim na shirt.

Totoo naman na gwapo ang binata sa ayos nito ngayon, hindi nga mahahalata na galing ito sa klase. Suot pa nito ang slacks na uniform at pinarehan lang ito ng itim na shirt na binata na may malaking print ng natapon na ink. Pero bagay na bagay rito ang suot.

Napansin niya namang nakatingin sa kaniya ang mga babae sa harap na kanina lang ay pinabubulungan si Alas, na-realize siguro ng dalawa na siya ang babaeng kasama ng tinuturo nilang lalaking naka-itim kaya napayukong umalis ang mga ito.

"Hala ka dai, narinig ka ata nung jowa. Ang ingay mo kasi." sabi ng isa sa kasama nito.

"Shh, dalian na lang natin nakakahiya."

Pabalik na sana siya nang mapansin na nasa likod niya si Alas.

"Grabe, naghugas ka ba ng plato? Ang tagal mo eh."

"He, may tao kaya dito kanina. Mukhang crush ka pa nga eh." dumiretso naman si Alas para maghugas din ng kamay.

"Selos ka naman?" lingon nito sa kaniya.

"Ha, ano---hoy, ba't naman ako magseselos? Kapal nito." tanggi niya.

"Sayang, kala ko nagseselos ka na eh." mahinang bulong ni Alas.

"Anong sabi mo?" pag-ulit ni Kristine dito.

"Wala, sabi ko ang daldal mo na ngayon, kumpara nung araw na inipit mo ako sa UV." pagbalik nito sa unang beses nilang pag-uusap.

"At ang hilig mo pa rin mang-asar hanggang ngayon ha." tawa niyang sagot dito.

Hindi niya alam kung saan talaga sila pupunta ni Alas. Tumawid sila papunta sa Kartilya ng Katipunan kung saan dumadaan ang halos mga sasakyan palabas at papasok ng Maynila.

Sumakay sila ng jeep ni Alas papuntang Lawton, sa tuwing titignan niya ito ng nagtatanong ay ngiti lang ang sinasagot sa kaniya ng binata.

Ang akala niya ay titigil sila ni Alas sa Plaza Roma, ito ang pinaka center ng Intramuros kung saan mas makikita mo ang pinagmamalaki ng Maynila at dinarayo ng mga turista.

Huminto si Alas sa tapat ng Manila Cathedral, dahil Wednesday, ay hindi gaano karami ang tao doon. Aakma sana siyang pumasok sa loob ng pigilan siya ni Alas.

"Saan ka pupunta?"

"Papasok?" irap niyang sagot dito.

"Ha? hindi tayo papasok. Pero kung gusto mo, we can stop for a couple of minutes."

Naguguluhan siyang tumingin dito, "Gulo mo, nagpunta tayo dito tapos 'di tayo papasok?"

"Remember the time you saw my drawing? Then you said that it looks real?"

"Hmm? Ano po connect?"

Tumawa muna ito at ginulo ang buhok niya bago lumayo sa cathedral, sinundan niya naman ang binata. Nakatayo sila sa kung saan tanaw ang kabuuan ng harap ng simbahan.

"'Yung unang beses akong dinala dito ni mama, 8 year old lang yata ako noon. Sabi niya sa Divisoria raw talaga kami pupunta, syempre noong bata ako ang isip ko kapag Divisoria ay mga laruan. But then, sobrang namangha ako sa itsura nito, pati sa loob. Sabi ko noon kay mama, dito ko unang dadalhin yung babaeng gusto ko makasama tsaka ikasal. Tapos si mama tinawanan lang ako noon."

Nakatingin lang siya kay Alas habang nakatingin ito sa harapan ng simbahan, everytime Alas speaks like this, sobrang siyang nasisiyahan titigan ito.

"Gusto mo bang pumasok sa loob?" tanong sa kaniya nito. Tumango naman siya bilang sagot.

"Sige, pero bilisan lang natin, kasi baka abutin tayo ng gabi."

Mas maganda ang loob ng simbahan kaysa sa labas nito, bakas na sa labas na anyo nito ang katagalan, ngunit sa loob ay buhay na buhay ito. Kita niyang mas nagningning ang mga mata ni Alas. She never seen a guy look in a church like how Alas see it, para itong batang dinala sa shop ng mga laruan.

"Bakit gustong gusto mo ang lugar na ito?" tanong niya rito.

"Ito kasi yung unang bagay na ginuhit ko, hindi pa ako magaling noon, then noong pinakita ko kay Mama, sabi niya maaari daw akong gumuhit ng mas magagandang gusali kapag lumaki na ako. That's the time I started to dream to be an architect, to design a building like this."

Sino ba ang nagsabi na walang pangarap ang taong ito, na hindi ito kasing taas ng pangarap na mayroon siya, kasi ang totoo, ang sarap pakinggan ni Alas kung gaano nito kagusto ang ginagawa.

They stayed for a while and offer a little prayer to Him. Nauna pa siyang natapos sa binata.

"Ano pinagpray mo?" tanong niya rito nang makalabas sila ng simbahan.

"Secret, bawal sabihin baka 'di magkakatotoo." isip batang sagot nito.

"Wow, ang damot ha."

Natatawang tumingin ito sa kaniya, "Ready ka na ba?"

Ang totoo, hindi siya sigurado kung saan sila papunta ni Alas o kung saan siya dadalhin nito, ang tanging alam niya lang kahit saan sila pumunta ng oras na iyon, alam niyang magiging masaya siya dahil ito ang kasama niya.

Madilim na ng makarating sila sa isang subdivision, takang taka siya sa kasama kung ano ang ginagawa nila doon at paano sila makakapasok.

"Huy, ba't tayo nandito? May kakilala ka ba rito?" kinakabahang tanong niya kay Alas.

Ngumiti lang ito sa kaniya at lumapit sa guard house.

"Kuya Andong, kumusta po?" bati nito sa guard na naka-duty.

"Alas, ngayon ka na lang ulit nakabalik ah. Ayos lang, papasok ba kayo?"

"Opo sana, pwede ulit Kuya Andong?" nahihiya pang tanong dito ni Alas.

"Oo naman, basta ikaw? Tawagan ko pa ba si Mr. Mercado?" nagtaka siya nang banggitin ng guard ang surname ni Alas, iniisip niya kung papa ba nito ang tinutukoy ng guard?

"H'wag na po. Sandali lang naman kami. Tsaka ito Mang Andong, pang-snack mo." sabay abot nito sa binili nila kanina sa convenience store.

Nagpasalamat ang binata sa guard ng makapasok sila sa loob. Medyo madilim na rin sa loob nito at mga ilaw na lang sa poste ang nagsisilbing liwanag ng kalsada.

"May kakilala ka dito?" tanong niya sa binata.

"Oo, tara." nahalata niya ang pag-iwas ng binata sa tanong niya, may kinalaman siguro iyon sa taong binanggit ng guard kanina.

Sa isang cliff sila nagpunta, para itong bakanteng lote na nasa dulo ng subdivision. Malayo layo rin ang nilakad nilang dalawa, pero sulit naman ng makita niya ang liwanag na dala ng lugar.

Tulad ng view sa rooftop na pinuntahan nila kagabi, ganoon na ganoon din ang vibe na dala ng lugar kung na saan sila ngayon.

"Ang overrated na kasi kung dadalhin kita sa amusement park, alam ko namang ayaw mo ng maraming tao. Kung sa intramuros naman, kaya niyong puntahan iyon ng mga kaibigan mo. So, dito na lang kita naisip dalhin. Gusto lang talaga kita idaan sa cathedral kanina, hindi ako sure kung nakapunta ka na roon, pero this time ako naman ang kasama mo kaya ayos lang sa akin." paliwanag ng binata matapos nitong maglatag ng sapin sa mga damo.

Hindi niya alam kung kikiligin siya dahil parang ready si Alas sa araw na iyon, ang laman kasi ng bag nito ay isang neck pillow at sapin na inuupuan nila ngayon. Ang akala niya kanina ay marami lang itong ginawa sa university kaya parang ang bigat ng bag nito.

"Ano ka ba, ayos lang. Maganda ang lugar na ito. Madalas ka rin ba rito?" curious niyang tanong dito habang binubuksan ang isang pack ng tsitsirya.

"Dati. Hmm, we used to live here." maikling sagot nito. Ramdam niya ang tensyon sa katawan ng binata, na parang may pinipilit itong kalimutan.

"Dito pa rin nakatira si papa, naghiwalay sila ni Mama noong 1st year college ako. Nagsawa raw sila sa isa't isa, isipin mo yun, tatlo na anak nila nagsawa pa sila." pagak na tawa nito. "Galit ako kay papa, siya ang lalaki dapat siya itong hindi susuko sa pamilya niya. Pero wala."

Sinusubukang itago ang sakit na nararamdaman sa pagtawa. Kitang kita niya ang lungkot sa mga mata ng binata.

"Nakausap mo na ba siya pagtapos ang nangyari?"

"Hindi ko pa siya kayang harapin eh. Hindi ko alam kung ano yung maaari kong masabi sa kaniya kapag nagkita kami."

"Then, bakit ayaw mo subukan?" abot niya rito ng inumin. "You will never know until you try."

"Siguro nga. Pero hindi pa ngayon." iwas nito.

Ilang minutong katahimikan ang namayani sa kanila, gusto man ni Kristine ilabas ang lahat ng nasa utak niya ay hirap siyang sabihin ito.

"Remember the day na sumingit ako sa UV na dapat sasakyan mo?" biglaang kwento ng binata.

"Syempre, muntik na akong hindi makapag pasa ng ppt ng araw na 'yun no." sagot niya rito. "At hindi ko rin makakalimutan yung nakakainis na ngiti mo, parang tuwang tuwa ka pa sa sitwasyon ko nung araw na 'yun." hampas niya sa braso ni Alas.

"Hindi ah. Natuwa ako sa reaksyon mo noon, nanlaki kasi yung mata mo tapos parang umuusok yung tenga mo sa galit." tawang tawa pa ito habang inaalala ang araw na iyon.

"He, alam mo bang doon ko unang ginamit bilang pang asar yung PUTO." natatawa niya ring sagot dito. "Kaila Angela ko lang naririnig 'yun, pero di ko alam na magagamit ko dahil sa inis ko sa'yo."

"Bakit pag sa'yo galing ang asar na iyan imbis na mainis ay natutuwa pa ako?" sabi nito habang  nakatingin sa kalangitan. "Nabasa mo yung post sa Freedom wall 'di ba?" muling tanong nito.

"Ha? Alin doon?" pa-inosente niyang tanong dito.

"Nabasa mo 'yun, minention ka ng mga kaibigan mo roon eh." asar nito sa kaniya. Siya naman ay parang hindi mapalagay sa kinauupuan.

"Bakit? ano naman kung nabasa ko?" tapang tapangan niyang sagot rito.

Matagal siyang tinitigan ni Alas bago muling nagsalita.

"Totoo yung sinabi ko roon Kristine." seryosong saad nito. "Kung kinuha ko man ang upuan mo, kinuha mo yung puso ko."

Kung sa ibang tao niya iyon narinig, napaka-korni noon para kay Kristine. Pero bakit parang mas kinakabahan pa siya?

She never took that post seriously, sa isip ng dalaga ay biro-biro lang iyon ng nagpost o ni Alas man. Ayaw niyang seryosohin iyon dahil alam niya namang hindi rin iyon totoo.

"Pinagsasabi mo Alas, gutom ka ata eh." iwas niya rito.

"Seryoso ako Kristine, sa tingin mo ba ay nandito tayong dalawa kung nagbibiro lang ako?"

"Alas"

"That day na tinawanan kita hindi iyon dahil sa natutuwa ako na makakauwi na ako or dahil sa inagawan kita." nakatingin lang ang binata sa kaniya, "Tinawanan ko ang sarili ko dahil ampucha, naiwan ko yung puso ko sa labas ng UV." natawa pa ito sa sariling kakornihan.

"Noong nag post ako sa freedom wall ninyo, nagbabakasakali lang ako roon na baka magreact or mag-comment ka, tapos nakita kong nag-comment ay ang mga kaibigan mo. Thankful pa ako kay Angela noon dahil may minention siyang pangalan, tapos ikaw pa iyon. Hindi ako nahirapan hanapin ka, kaya lang hindi ko naman alam kung private ba ang account mo dahil walang masyadong post."

Natawa siya sa sinabi nito, hindi kasi talaga siya mahilig mag-post ng kung ano-ano sa facebook, mas gusto niyang walang nakikita sa kaniya roon.

Hinahayaan niya lang magsalita nang magsalita si Alas, hindi niya alam kung ano ang dapat sabihin dito o kung ang nasa isip niya ba ang dapat niyang sabihin ay matutuwa ito.

"Noong nagkasabay tayong muli sa UV, tapos nagalit ka noong inoffer kong ihatid ka, naisip ko na sumobra ako. Na I'm giving you discomfort, lalo na at hindi mo naman ako masyadong kilala. Kaya sinabi ko sa sarili ko na hayaan na lang ang oras ang magsabi kung ano ang mangyayari sa atin sa mga susunod. Pero Kristine, hindi ako nawalan ng pag-asa"

Unti unting gumulo ang isip niya nang magsimula si Alas balikan ang mga tagpo sa kanila. 

"Hindi naman nagtagal, agad naman tinupad ni Lord yung prayer ko sa kaniya. Nakasabay kitang muli, bukod pa roon pumayag kang ihatid kita. Kung alam mo lang Kristine, sobrang saya ko ng mga oras na iyon. 

Pero, hindi ko alam na may nararamdaman ka pa palang uncomfortable sa akin. Sabi ko sa sarili ko na kailangan ko na siguro idistant ang sarili ko, baka masyado akong nagiging feeling close. Ayokong nararamdaman mo yun eh, walang kaso sa akin kung pinagtitinginan tayo ng mga tao, pero ayoko rin na makita na parang nahihirapan ka dahil sa mga tingin nila."

"Pero noong opening ng SCUAA, noong ayain mo akong kumain, 'yung panonood mo ng laro ko, 'yung mga ngiting binibigay mo habang nakikita mo kami nila Marco, pati yung boses mo noong magkausap tayo, lahat yun Kristine nagpagising sa akin na dapat kitang i-pursue."

"Anong ibig mong sabihin?" sa dami ng sinabi ng binata ay ito lang ang tangi niyang nasagot.

"Kristine, selfish na kung selfish, pero gusto kong ako ang maging dahilan ng bawat pag-ngiti mo, ako yung dahilan ng masasayang araw mo. Gusto ko na makita pa ang saya sa mga mata mo." huminga nang malalim si Alas bago bitawan ang mga kasunod na salita, "Pwede ba kitang ligawan Kristine?"

Sa mga sinabi ni Alas simula pa lang ay expected na ng sistema niya kung saan talaga ito tutungo, pero hindi niya alam kung bakit nagulat pa rin siya sa mga sinabi nito. 

"Ano bang pinagsasabi mo Alas, anong gusto? Paano mo naman ako magugustuhan? Bakit ako?" sunod sunod niyang tanong dito.

"Kung nagbibiro ka lang Alas, please hindi na ito nakakatawa." tumayo siya dahil hindi na niya kaya ang mga tingin ng binata sa kaniya. "Tara na umuwi na tayo, hindi ko nasabi kaila papa na late ako makakauwi." aya niya pa rito.

"Sandali, hindi ako nagbibiro pucha." frustrated na sabi ni Alas, "Seryoso ako, at anong bakit ikaw? Bakit hindi ikaw Kristine?"

"Bulag ka ba Alas? Kailangan ba sabihin ko pa sa iyo? Hindi naman ako maganda, hindi ako kasing ganda ni Trixie o ng mga babae sa university niyo. Walang wala ako sa mga tao na maaari mong magustuhan, kaya please lang Alas umuwi na tayo. Sige na." pagmamaka-awa niyang sabi dito.

"Anong Trixie? Teka, bakit kilala mo siya, tsaka wala akong pakialam sa kaniya, Kristine." ramdam niya ang inis sa tono nito. "Bakit ganiyan ka? Hindi ba pwedeng gusto kita kasi ikaw si Kristine? Hindi ba pwedeng magustuhan si Kristine dahil sa gusto ko siya bilang siya? Bakit hindi mo iyon nakikita?"

"'Yung mga simpleng ngiti mo, pag-aalala, mga simple gestures mo, yung outlook mo sa buhay, kung paano mo tignan ang mga bata kapag nasa labas tayo, o kung paano ka magpursigi sa pag-aaral mo, alam mo bang ang ganda ganda mo Kristine kapag sinasabi mo ang mga iyon? Bakit Sa tingin mo ba hindi iyon kagusto gusto? Bakit hindi mo iyon makita?" sigaw na sabi sa kaniya ni Alas.

Kailanman ay hindi niya tinignan ang sarili sa paraan kung paano siya tignan ni Alas, hindi kailanman sumagi sa isip niya na may taong makakakita ng sa kaniya ng ganoon.

"Please naman Kristine, pagdudahan mo na ang lahat h'wag lang ang nararamdaman ko." mahinang sabi nito. "Pero sige, hindi naman kita mamadaliin, handa akong mag-antay Kristine, hanggang sa oras na maging handa ka."

Niligpit ng binata ang sapin na ginamit nila pati ang mga kalat nito. Muli siyang tinignan ni Alas, nasasaktan siyang makita ang lungkot sa mga mata nito. Ito ang pangalawang beses na makita niya ang ganoong emosyon sa mga mata ng binata, una ay nang ikwento nito ang paghihiwalay ng mga magulang, at ito nga ng umamin ito sa kaniya.

Para kay Kristine, masyadong mataas si Alas. Hindi siya naniniwala sa sinasabi ni Arkin, na iba ang pagkakakilala niya sa binata, iba man ang Alas na kilala ni Arkin, para sa kaniya ang Alas na nakikita niya ay hindi magbabago.

Ang ugali nitong kayang pagaanin ang bigat ng nararamdaman niya, kung paano nito mahalin ang ginagawa, ang kislap ng mga mata ni Alas sa tuwing tumatawa ito kasama sila Marco o maging siya, para kay Kristine ito ang Alas na kilala niya at kikilalanin niya lang.

Pasado alas-diyes na ng gabi ng makarating sila sa tapat ng bahay nila Kristine, hindi na sila muling nag-usap dalawa matapos nilang umalis sa subdivision kanina.

Nginitian niya si Alas bilang paalam dito at tumalikod na siya ng muli itong magsalita.

"Kristine, sinabi ko kanina na hindi kita mamadaliin, na aantayin kita kung kailan ka magiging handa. Pero sana naman, h'wag mong tanungin sa akin kung bakit ikaw, at bakit sa'yo ko ito nararamdaman. Kasi even I, hindi ko rin alam, pero hindi ko kinu-question ang sarili ko."

Nanatili siyang nakatalikod sa binata habang nagsasalita ito. Ayaw niyang makita ni Alas na naiiyak siya sa mga sinasabi nito.

"Kristine, magsalita ka naman." may pagmamaka-awa sa tono ng binata, mas lalo namang nasasaktan si Kristine sa boses nito.

"Umuwi ka na muna Alas, bukas na lang tayo mag-usap. Goodnight." at iniwan niya itong nakatayo lang sa labas.

Patay na ang ilaw sa sala nila ng makapasok siya, tahimik na rin ang silid ng mga magulang niya ang tanging bukas na lang ay ang ilaw mula sa silid ng kuya niya.

Hindi niya alam kung umalis na si Alas sa tapat ng bahay nila, gusto niyang puntahan ang binata pero hindi niya gustong makita nito na naiiyak siya.

Papasok na sana siya ng kwarto ng lumabas ang kuya niya sa silid nito.

"Ginabi kayo ah, kumusta?"

"Ayos naman, pasok na ko kuya. Goodnight." tinignan lang siya ng matagal ng kuya niya bago ito tumango.

Patulog na sana siya ng mabaling ang atensiyon niya sa katok ng pinto.

"Be, nasa labas kanina si Alas. Mukhang walang balak umalis kung hindi ko pa sinabing umuwi na siya. May nangyari ba?" nag-aalalang tanong nito.

Nagulat siya sa kaalaman na hindi pa umalis ang binata mula ng pumasok siya.

"Hindi naman daw niya inaasahan na lalabas ka pa, sadyang 'di lang daw niya alam paano uuwi." umupo ito sa tabi niya. "Alam mo be, hindi mo man sabihin sa akin kung ano ang estado niyo ni Alas, pakiramdam ko seryoso siya sa'yo. Ang tapang kaya noon nung hinarap si papa kagabi. Kilala mo si papa, hindi iyon madaling mapapayag lalo na pag ikaw, kaya nga gulat kami ni mama kanina noong pumayag si papa lumabas kayo tapos gabi pa."

Kahit siya ay hindi rin alam kung paano napapayag ni Alas ang papa niya, sobrang strict kasi noon lalo na kapag sa kaniya.

"Tandaan mo be, nandito lang si Kuya 'pag gusto mo ng kausap ah, tsaka boto rin kami ni mama kay Alas." natatawang biro nito sa kaniya.

Niyakap niya lang ang kuya niya, muli ay hindi siya nagsalita. Hindi yata kayang ilabas ng mga labi niya kung ano ang nararamdaman niya sa mga oras na iyon.

Kanina pa lumabas ang kuya niya, pero siya gising na gising pa rin. Dapat ay natutulog na siya dahil 7 am ang klase niya kinabukasan pero ito siya at dilat na dilat.

Muling nag-ring ang cellphone niya, kanina pa tawag nang tawag si Alas pero hindi niya iyon sinasagot.

Sa huling ring nito ay sinagot niya ang tawag ngunit hindi siya nagsasalita.

"Kristine, sorry kung nabigla kita. Ngayon lang nag sink in sa akin na dapat hindi ko ginawa iyon, na dapat dinahan dahan ko ang pagsabi sa iyo, pero hindi ko kasi alam kung paano. Ang tanging gusto ko lang ay masabi ito sa'yo kasi pakiramdam ko sasabog na ako. Sa tuwing kasama kita, hindi maayos ang pagtibok ng puso ko eh, korni na kung korni pero ayon ang nararamdaman ko, pero kung ano man ang desisyon mo, tatanggapin ko iyon. Hindi ko ipipilit sa iyo, pero sana pag-isipan mo. Walang mali sayo Kristine, ikaw lang nga yata ang pinakatamang nakilala ko sa buhay ko eh."

Tuluyan ng bumagsak ang luhang kanina niya pa pinipigilan, ayaw niyang marinig ni Alas ang mga hikbi niya kaya nilayo niya ito.

"Goodnight Kristine, mahal kita."

---------------------------------//

AN: Please play the video on the media :))

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top