SIMULA

Countryside Romance
SIMULA

N O A H

“PAKYO kang hayop ka!” sigaw kong abot na yata sa syudad habang masamang nakatingin sa tumatakbo palayong bulto ng taong ayaw na ayaw kong nakikitang humihinga. Nginitian lang niya ako sabay dilat, habang ikinakaway sa ere ang mga damit ko.

Ramdam ko ang pamumula ng aking mukha habang nakayakap sa sarili. Nilalamig ako dahil katatapos ko lang maligo sa ilog at heto, kinuha ng bwesit na Clarence na iyon ang mga hinubad kong damit. Bakit ko ba kasi naisipang maligo rito? Hindi ko rin alam!

Bumuntonghininga ako. Bakit ko ba sasayangin ang boses at panahon ko sa lalaking iyon? Simula’t sapul ay mainit na ang dugo niya sa akin at ganoon din ako. Ayaw niya sa akin? Mas lalong ayaw ko sa kaniya. Ayaw ko sa pagmumukha niya. Nakakainis siya. Ikinuyom ko ang mga kamao ko sa inis habang tinitingnan ng masama ang daan kung saan tumakbo si Clarence. Sana madapa siya at mauna iyong mukha niya, iyong tipong mabura iyong pagmumukha niya.

Mabibigat ang mga paa kong naglakad. Mabuti na lang at nakasuot pa ako ng boxer shorts dahil kapag nagkataon ay hubo’t hubad akong uuwi ng bahay. Malamang sa malamang ay pagtatawanan ako ng mga kapitbahay namin, lalong-lalo na ang grupo ng bwesit na lalaking iyon. Pero ‘wag siyang mag-aalala, dahil mabilis ng gumanti ang karma at ako mismo ang gagawa niyon.

“Uyy, sexy!” Napatingin ako rito. Ang grupo ni Clarence, grupo ng mga ulupong dito sa baryo namin. Nakangisi silang nakatingin sa akin habang may umaapoy sa kanilang harapin. Ang mga gago, sinunog ang mga damit ko.

Hindi ko na lang sila pinansin. Wala akong oras. Isa pa, hindi ko sila kayang labanan sa ngayon. Apat silang magkakaibigan at lahat sila’y walang pinagkaiba dahil ang papangit nila, mga pangit pa ang ugali. Inubos yata nila ang kamalasan dito sa buong mundo.

“Baks, anyare sa ‘yo?” natatawang tanong ni Theresa, ang kaisa-isang kaibigan ko. “Pinapauso mo na ba ngayon dito sa atin ang maglakad ng walang tsinelas at tanging boxer shorts lang ang suot?”

“Huwag mo muna akong kausapin. Baka mas lalong mag-init ang ulo ko’t maisama kita sa impyerno,” sagot ko at pumasok sa loob ng kanilang bakuran. “Pahiram na muna ako ng damit. Ayaw kong umuwi ng nakaganito,” dagdag ko pa.

“Naku, ‘te. Wala akong damit panglalaki. Gusto mo palda?” Sinamaan ko siya ng tingin pero ngumisi lang siya.

“Iyong damit na lang ni Clarence. Bilis!” sabi ko pero hindi siya gumalaw. Mas lalo siyang napangisi na tila ba may iniisip siyang kakaiba. “Wala akong gusto sa kapatid mo at kahit gawin siyang handa sa birthday party, hindi ko siya kakainin.” Umirap ako.

“Hmmm! Napaghahalataan ka. Sandali, kukuha lang ako.”

“Bilisan mo! Iyong paborito niyang damit ang kunin mo!” sigaw ko.

Tumingin ako sa paligid at walang tao. Ilang sandali lang ay dumating si Theresa. Bitbit niya ang mga damit na hihiramin ko. Isang basketball shorts at ang jersey ni Clarence, kung saan nakasulat sa likuran ang apelyedo at numero nito. Napangisi ako. Kinuha ko iyon kay Theresa at mabilis na pumasok sa kanilang banyo at doon nagpalit.

“Ano ba kasing nangyari bakit wala kang damit?” tanong ni Theresa, nasa labas siya ng banyo.

Inamoy ko na muna iyong damit. Naniniguro lang na baka mabaho ang ibinigay ng babaeng ito. Pero hindi naman. Sa katunayan nga niyan ay mabango ito.

“Tanungin mo iyong magaling mong kapatid!” inis kong sagot. Sa tuwing iniisip ko iyon ay mas lalo akong nagngangalaiti sa galit.

At oo, kapatid ni Theresa si Clarence. Si Clarence na tanging may ayaw sa akin dito sa Baranggay namin dito sa Isla Esperanza. Ayaw ko rin naman sa kaniya. Kwits lang kami. Walang lugi. Mga bata pa lang kami ay kaaway ko na siya. Ilang beses na ba kaming nagsuntukan noon? Hindi ko na mabilang. Gumawa pa nga siya ng grupo at lahat iyon ay ni-recruit niya para kamuhian ako. Nakakatawa. Hindi ko alam bakit ayaw na ayaw sa akin ng lalaking iyon. Ayaw ko rin naman sa kaniya, kaya ayos lang.

Lumabas ako ng banyo. Tiningnan ako ni Theresa, mula ulo hanggang paa at ngumisi na naman siya. “Puwede ka ng maging basketball player, ‘te. Sumali ka kaya sa liga minsan.”

“Puwede naman, basta ikaw ang gagawin kong bola,” sagot ko sabay irap sa kaniya. Naglakad na ako palabas ng kanilang bahay. “Osiya, aalis na ako. Baka maabutan pa ako ng pangit—”

“BAKIT MO SUOT ‘YAN?!” Natigilan ako dahil sa sigaw na iyon at sabay kaming napatingin ni Theresa sa labas ng kanilang bahay kung saan masamang nakatingin si Clarence sa akin. “HUBARIN MO ‘YAN O BUBUGBUGIN KITA?!”

Ang lakas ng kaniyang sigaw. Mabuti na lang at sanay na iyong mga tao rito sa amin na sadyang kung magsalita siya ay palaging pasigaw. Hindi ako natakot. Naglakad ako papalapit sa kaniya. Masama na rin akong tumingin dito.

“Bakit ko huhubarin, akin na ito,” sagot ko. Mabilis ako nitong hinawakan ang leeg ng suot kong damit at aambahan na sana ng suntok ngunit hindi niya rin maituloy.

“Ano’ng ginagawa ninyo?” Mabilis akong binitawan ni Clarence at saka siya lumingon dito. Nakakunot ang noo ng kaniyang Amang nakatingin sa amin.

Ngumiti ako. Tamang-tama itong pagkakataon na ito. Nandito ang Ama ni Clarence at makakapagsumbong ako. “Ninong, k-kasi—”

“Inaayos ko lang po iyong suot niya, ‘Tay. Medyo malaki po kasi sa kaniya,” mabilis na sagot ni Clarence. Tumingin ako rito at saktong lumingon siya sa akin. Sabay pagpag kunwari ng dibdib ko na animo’y may alikabok dito.

“Totoo ba, Noah?”

“Oo naman, ‘tay! Inanod kasi ng ilog iyong damit ni Noah kaya pinahiram ko na muna. ‘Di ba?” ani Clarence sabay akbay sa akin pero sobrang higpit. Hindi ako makasagot dahil may pagbabanta ang kaniyang akbay.

“A-ah. Opo, Ninong.” Lang ang sagot ko.

“Mabuti naman. Sabihin mo sa akin ‘pag inaaway ka nitong si Clarence at ako’ng bahala sa kaniya,” aniya bago ito nagpaalam na papasok na sa loob.

Nang mawala ito ay mabilis kong itinulak si Clarence at sinamaan siya ng tingin. “Ang pangit mo!” sabi ko at saka tumingin sa puwesto ni Theresa pero ang gaga ay wala na pala roon.

“Mas pangit ka, bakla!” aba’y sumasagot pa.

“At least, ‘di ako maitim ‘tulad mo. Tingnan mo nga ‘yang mukha mo. Kulang na lang ay buntot. Mukha kang unggoy.”

“Gago ka ba?!” Natawa ako.

“Mas gago ka.” Umirap ako. “Makaalis na nga. Nasisira mo lalo iyong araw ko. Salamat nga pala sa damit,” sabi ko at mabilis na siyang iniwan. Baka suntukin niya ako. ‘Di ko na kayang lumaban dahil hindi na kami mga bata.

Ang laki na nang ipinagbago naming dalawa pero magkaaway pa rin naman kami. Tangin bunganga lang ang kaya ko pero kung pisikalan na, atras na. Matikas na si Clarence at teka nga, hindi ko na siya dapat isipin pa. Nakaganti na ako. Sinunog niya damit ko? Susunugin ko rin itong Jersey niya.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top