CR - KABANATA 9
COUNTRYSIDE ROMANCE
KABANATA 9
N O A H
MALAYO pa lang ay tanaw ko na sa bintana ang pangalan ng resorts kung saan kami pupunta. Oo, kanina lang din nila sinabi na rito pala kami pupunta. Ni wala akong dalang extrang damit. At sabi pa nitong katabi ko, mag-o-overnight daw kami rito. Hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa dahil ilang taon na rin nang huli akong makaligo, 'yung sa dagat mismo. May mga sapa naman sa Baranggay naming, mas maganda roon, malamig ang tubig at malinis din. Ngunit iba pa rin ang pakiramdam nang naliligo sa dagat.
Huling punta ko rito siguro mag-ta-tatlong taon na. Sumama lang ako sa mga kaklase kong hindi ko naman masyado close pero dahil gusto kong maligo sa dagat, at kasama rin si Clarence noon, sumama ako. High School pa kami noon. Noong mga panahong iba na rin ang nararamdaman ko – teka ba't itong usapan dito. Ang usapan ay kung bakit hindi nila ako sinabihan! Wala akong damit panligo, pamalit, at pantulog.
"May problema ka ba?" mahinahong tanong ni Marcus. Na sa loob pa rin kami ng Van pero tumigil na ito at si Cassy ang bumaba upang pumunta sa front desk dahil kailangan muna naming magbayad bago makapasok sa loob.
"Puwedeng umuwi na lang ako?" tanong ko. Napatingin si Theresa sa akin.
"Gaga! Bakit naman?" aniya.
Tinaasan ko siya ng kilay. Isa pa 'tong babaitang 'to! Ni hindi man lang ako ininform na maliligo pala kami ng dagat. Ang sarap-sarap niyang sabunutan, 'yung tipong mawawala lahat ng buhok niya sa ulo.
"Wala akong dalang damit," sagot ko.
"May extra ako riyan. Puwede mong hiramin." Napatingin kaming pareho Theresa nang magsalita si Marcus.
"Oh e 'di solve ka na, baks! Dami mong arte, may Prince Charming ka na," ani ng kaibigan kong kay sarap kalbuhin.
"A-Ah huwag na, nakakahiya. Hindi na lang ako maliligo," sagot ko at binalingan nang tingin si Theresa ngunit nasagi ng paningin ko ang isang nanlilisik na mga tingin na kaagad kong iwinaksi. "Di ba, hindi naman tayo maliligo?" tanong ko sa aking kaibigan.
Sinamaan ko siya ng tingin. Umaasang sana'y sumang-ayon siya sa akin dahil kung hindi, kalimutan na niyang magkaibigan kami. Ako mismo ang magtatapon sa bangkay niya sa karagatan. Pero sa kasamaang palad, inirapan ako ng babaita.
"Ikaw lang, 'no! Matagal ko nang gustong maligo ng dagat. Magdusa kang mag-isa," aniya.
Napabuntonghininga na lang ako't tumingin kay Marcus. "Salamat na lang pero hindi naman ako maliligo talaga," ani ko.
Ngumiti siya at tumango. "Ikaw bahala pero kung gusto mo pa ring maligo, sabihan mo lang ako. Ipapahiram ko pa rin sa 'yo."
"Salamat," sagot ko't ngumiti.
Ibinaling ko na lang ang tingin sa mga kasama ko. Kaniya-kaniya silang baba ng kanilang mga gamit. Napataas ang kilay ko nang makita si Clarence bitbit ang gamit ni Cassy. Wow gentleman! Nilapitan ko na lang si Theresa at tinulungan sa mga dala niyang damit.
"Bakit ang dami mong dala? E nung umalis tayo, wala?' tanong ko rito.
"Ah, hindi sa akin 'to lahat. Kay Kuya," sagot niya. Kumunot ang noo ko. Isang malaking travel bag tapos isa pang backpack at tote bag. May dala rin siyang tent.
Nagkibit na lang ako ng balikat. Baka rito silang dalawa ni Cassy matutulog tapos iyong travel bag ay naglalaman ng malaking kumot. Malay ko ba! Hindi ko naman alam ang mga plano nila. Sumama ako ritong clueless, ni hindi ko alam kung invited ba talaga ako rito o hindi. Kung puwede lang na umuwi, kanina ko pa sinimulang maglakad. Kaso ang layo-layo nito sa bahay. Baka nga maabutan pa nila ako sa daan pag pauwi na sila.
Sinubukan kong ikalma ang sarili ko kahit na kanina ko pa gustong sumabog sa inis. Bakit ba niya ako inimbitahan dito? Para inisin? Para ipamukha sa aking siya ang panalo?
"Kanina ka pa nakabusangot, te!" Imbes na sagutin siya'y umirap na lang ako. Kinuha ko ang kutsilyo at saka biniyak ang pakwan habang magkasalubong ang mga kilay ko. "Bakla ka, magdahan-dahan ka naman. Tingnan mo hindi na pantay pagkakahiwa mo," sabi niya.
"What if ikaw ang hiwain mo?" tanong ko, sabay lingon sa kaniya. "Gusto mo, Theresa?" Nanlaki ang kaniyang mga mata dahil sa gulat at takot.
"Umayos ka, Noah. Isusumbong kita kay Kuya," aniya at umatras nang marahan papalapit sa bukana nitong open cottage na kinuha nila.
"Tawagin mo nang pati siya'y masaksak ko!" sabi ko. Naglakad ako papalapit sa kaniya bitbit ang kutsilyo sa aking kanang kamay habang slice naman ng pakwan sa kabila.
"Te, kaibigan mo 'ko. Hindi magandang biro 'yan."
Napangisi ako dahil kita ko ang takot sa kaniyang mga mata.
"Ano'ng ginagawa ninyo?" Sabay kaming napatingin ni Theresa sa nagsalita ngunit mabilis din akong umiwas ng tingin dahil wala siyang suot na pang-itaas at tanging maiksing shorts na lang din ang sa ibaba.
Kinagatan ko ang pakwang hawak ko at mabilis na inilapag sa mesa ang kutsiyong isasaksak ko sana sa bilbil ni Theresa.
"Mabuti't dumating ka Kuya. Ito kasing si bakla, balak pa yata akong patayin!" ani Theresa.
"Talaga! Isasama ko pa 'yang kapatid mong gungong," mahina kong sabi na alam ko namang narinig nilang pareho iyon. Maliit lang naman kasi itong cottage na pinaglagyan lang ng mga pagkaing dala nila.
"Kita mo! Parang hindi kaibigan!"
Pinaikot ko ang mga mata at saka sila tiningnan. "Wala akong kaibigang traydor," sagot ko at saka sila iniwan doon. Baka pag nanatili pa ako'y pag-uuntugin ko lang ang mga bumbunan nila.
Naglakad ako nang naglakad hanggang sa mapadpad ako sa isang duyan malapit sa dagat. Papalubog pa lang ang araw na siyang nagpapaganda lalo sa karagatan. Napapapikit ako habang sinisimot ang simoy ng hangin, na siyang nagpakalma sa kumukulo kong dugo.
Ngunit nagulat ako nang may magtapon ng kung anong bagay sa aking mukha. Mabilis akong dumilat at tiningnan iyon. Isang shorts at damit panligo. Tiningna ko kung sino ang nagtapon nito. Nakatayo siya sa aking harapan habang nakapamewang.
"Bakit mo ginawa iyon kay Theresa?" tanong niya.
"Pakialam mo? At saka ano 'to?"
"Nabulag ka na ba, Noah? Damit 'yan," aniya.
"Alam kong damit 'to, Clarence. Ang baba kasi ng comprehension mo. Ang ibig kong sabihin, para saan 'to?"
"Tss. Malamang para isuot."
Napatayo ako at marahas iyong itinapon sa kaniya pabalik. "Alam kong para isuot 'yan! Bwesit," sagot ko. Tinalikuran siya't maglalakad na sana pabalik sa cottage ngunit mabilis ako nitong nahawak sa braso.
"Sa 'yo 'to. Kinuha ko sa bahay ninyo kaninang umaga. May mga damit ka rin doon pamalit. Mabuti na lang at dinalhan kita, hindi iyong nakikihiram ka pa kani-kanino. Paano pag may Buni iyon, e di nahawaan ka."
Binawi ko ang braso ko't hinarap siya. Masama akong tumingin sa kaniya.
"Pinakialaman mo ang mga damit ko?"
"K-Kalma, hindi! Si Ninang ang pinakuha ko." Nakahinga ako nang maluwag pero hindi pa rin nawawala ang inis ko. "Heto na, magpalit ka na ro'n. Para kang tanga sa suot mo. Beach 'to, hindi mall."
"Oh talaga ba?! P-Para kang ano—" Napatingin ako sa kaniyang kabuuan. Moreno si Clarence na may magandang hubog. Mabilis kong inagaw ang mga damit sa kaniya. "Para kang Japanese Pornstar!" sabi ko at mabilis siyang iniwan doon.
*****
PAKINGGAN NINYO ANG HUGO'S SECRET SA SPOTIFY! ANG HAWT NG BOSES NI HUGO MGA BAKSS
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top