CR - KABANATA 4

COUNTRYSIDE ROMANCE
KABANATA 4

N O A H

Madalas tinatanong ko ang mga bathala ng sangkabaklaan kung bakit ako nagkakaganito. Bakit niya ako binigyan ng labis-labis na kagandahan na pati ang araw ay nahihiyang magpakita sa akin ngayon.

Ayoko sanang magtinda dahil nagbabadya ang ulan pero ayon kay Mother Earth, hindi raw uulan kaya heto’t nandito na ako sa puwesto. Minsan napapaisip ako, nakikita kaya ng nanay ko ang future. Itanong ko nga sa kaniya minsan kung sino’ng makakabuntis sa akin nang maiwasan ko.

Inaayos ko lang ang mga paninda kong kakanin nang bigla-biglang sumulpot ang pinakapangit na taong nabubuhay rito sa mundo. Tumingin ako rito, tinaasan ko siya ng kilay na abot hanggang bumbunan ko at saka ko siya inirapan.

“Kay aga-aga, malas agad ang lumalapit!” pagpaparinig ko.

“Hoy bakla, pinariringgan mo ba ako?”

Tumingin ako kay Clarence. “Obvious naman, ‘di ba? Duh! Minsan kasi gamitin mo ang common sense mo, ‘yon na nga lang natitira sa ‘yo, nawawalan pa ng kwenta,” sabi ko. Wala akong pakialam kung masaktan siya sa sinasabi ko, mabuti na ‘yon nang makaganti ako sa lahat ng mga katarantaduhan niya.

“Eh kung sapakin ko kaya ‘yang mukha mo? Nang mas lalo kang pumangit,” sagot nito. Aba! At ang tapang-tapang pa niyang sumagot.

“Umalis ka na lang bago pa ako maubusan nang pasensiya sa ‘yo,” sagot ko at saka siya inirapan.

“Okay, akin na lang itong ipinadala ni Ninang para sa ‘yo,” sabi nito kaya napatingin ako roon. Hawak-hawak niya ang kulay asul na may print ng mukha ng mga dating governor dito sa probinsiya namin. Mabilis ko siya nilapitan at aagawin na sana ‘yon sa kaniya ngunit bigla naman niyang itinaas ang kaniyang kamay.

Matangkad ako ngunit mas matangkas sa akin si Clarence. Kaya hindi ko ‘yon abot dahil inilalayo lang niya sa tuwing sinusubukan kong abutin.

“ISA!” Sinamaan ko siya ng tingin. “Kapag hindi mo ibinigay ‘yan, sasabihin ko kay Cassy na may gusto ka sa kaniya!”

“What did you say? S-si C-Clarence, m-may gusto sa akin?”

Pareho kaming napatingin ni Clarence, sa kararating lang na babae. Makikita ang gulat sa kaniyang mukha. Hindi yata makapaniwala sa sinabi ko. Nakuha ko naman ang pagkakataong iyon dahil ibinaba na ni Clarence ang lunch box ko na mabilis kong inagaw sa kaniyang kamay.

“A-Ah, C-Cassy—” Tumingin nang masama sabi Clarence sa akin pero tinaasan ko lang siya ng kilay. Ibinalik ang tingin niya sa babae. “M-Mali ka nang pagkakarinig, ang sabi ni bak—este, Noah ay may gusto akong ipakita sa ‘yo. Oo tama! May ipapakita pala ako sa ‘yo. T-tara na,” anito at mabilis na niyaya si Cassy paalis sa aking harapan.

Bakit ganoon? Pagkakataon na ni Clarence ‘yon! Napakabobo talaga ng lalaking iyon kahit kailan. Pagkakataon na niyang masabi kay Cassy iyong nararamdaman ngunit bakit niya itinanggi? At ano ba’ng pake ko sa kanilang dalawa?

Inabala ko na lang ang sarili sa pagtitinda kaysa isipin pa ang dalawang 'yon.

--

Tama nga si Mother Earth, hindi umulan ngunit hindi rin naman umaraw. Mabuti na ʼyon dahil naubusan pa naman ako ng sunscreen.

Inayos ko na mga paninda ko dahil uuwi na ako. Bitbit ang basket ay umalis ako sa aking puwesto. Sakto namang pagdating ko sa sakayan ay mayroong naghihintay na tricycle. Mabilis akong sumakay sa loob.

"Tara na po, Manong," sabi ko nang makaupo ako nang maayos. Pero si Manong, 'di yata ako narinig dahil hindi pa rin niya pinapaandar ang tricycle. Kaya kinalabit ko 'to. "Manong Edgar, kailan ka po nabingi?"

Tumingin siya sa akin. "Saglit lang, Dong. Maghintay muna tayo ng isa pang pasahero."

Hindi ko na lang siya sinagot at inabala ang sarili sa kawalan. Kanina pang umaga hindi mawala sa isipan ko iyong naging reaksiyon ni Clarence. Ewan ko ba, kahit wala naman akong pake ay bakit nagkakaganito ako.

Siguro, labis-labis na ang ganda ko kaya kahit mga walang kwentang bagay ay napapansin ko.

Bakit ba kasi niya itinanggi? Samantalang noong mga bata kami, kapag inaasar ko silang dalawa ay gustong-gusto naman niya. Palagi nga namin iyong pinag-aawayan.

Arte niya. Ang ganda kaya ni Cassy tapos aarte pa siya? E ang pangit-pangit naman niya.

"Hoy bakla umusog ka nga roon!" Napabalik ako sa reyalidad nang may tumulak sa akin nang mahina.

"Hoy ka rin! Huwag ka nga rito sumakay," sabi ko nang makita si Clarence na naupo sa tabi ko.

"Bakit sa 'yo ba itong tricycle?" Pinandilatan niya ako ng mga mata.

"Kapag sinabi kong oo, bababa ka ba?" Tinaasan ko naman siya ng kilay.

"Ulol! Nagbabayad ako ng tama," sagot niya.

"Mas ulol ka!" sagot ko't sabay irap sa kaniya. Hindi na siya sumagot. Mabuti na lang at pinaandar na ni Manong Edgar ang makina ng kaniyang motor dahil uwing-uwi na ako.

Tahimik lang kaming dalawa ni Clarence sa loob ng tricycle. Mabuti na 'yon. Wala naman kaming dapat na pag-usapan. Hanggang sa makarating kami sa aming baryo'y sakto namang bumagsak ang malakas na ulan.

"Shuta! Wala akong dalang payong," nasabi ko na lang pagkatapos kong magbayad. Sinulyapan ko si Clarence at wala rin siyang dalang payong.

"May payong ako riyan, kaso iisa lang." Tumingin ako kay Manong Edgar. May kinuha siya sa likod ng kaniyang tricycle. "Mag-share na lang kayo, tutal ay magkalapit naman kayo ng bahay. Ibalik mo na lang sa akin ito bukas, Noah."

"Sige po, Manong. Maraming salamat po," sagot ko at saka kinuha ang payong sa kaniya.

Naunang bumaba si Clarence at sumunod naman ako. Siya ang may hawak ng payong dahil may bitbit akong basket, na iilang pirasong kakanin na lang ang laman.

"Lapit ka rito, mababasa ka," ani Clarence.

Tatanggi sana ako pero pagod na ako. Lumapit na lang ako sa kaniya at magkadikit kaming dalawa. Nagsimula kaming maglakad, marahan lang dahil madulas ang daan.

Malapit na sana kami sa hagdanan paakyat nang nagkamali ang mga paa ko nang naapakan. Naipikit ko ang mga mata at hinintay na lang ang pagbagsak ko sa lupa ngunit hindi 'yon nangyari. Pagmulat ko'y yakap na ako ni Clarence gamit ang isa niyang kamay habang ang isa'y hawak ang payong upang hindi mabasa ang mga ulo naming dalawa.

Hawak ko pa rin sa isa kanan kong kamay ang basket habang ang isa'y nakahawak na pala sa braso ni Clarence na nakayakap sa akin upang hindi ako matumba nang tuluyan.

Sa hindi ko matukoy na dahilan, nang tumingin ako sa kaniyang mga mata'y bigla na lang kumabog nang malakas ang dibdib ko.

"Napapatagal na ang pagtitig mo sa akin, Bakla. Umayos ka na dahil ang bigat-bigat mo," anito na siyang nagpabalik sa akin sa reyalidad.

Napalunok ako't mabilis na umiwas ng tingin. Umayos ako ng tayo. "S-Salamat," sagot ko't mabilis siyang iniwan. Sakto ring hindi na ganoon kalakas ang ulan kaya binilisan ko ang hakbang ko hanggang sa makarating ako sa aming bahay.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top