CR - KABANATA 10

COUNTRYSIDE ROMANCE
KABANATA 10

N O A H

NAISIPAN nilang gumawa ng bonfire sa tabing dagat kung saan nagbungkal sila sa buhangin nang pabilog. May mga alak na nakalagay sa harapan naming, isa-isa, maliban kay Theresa dahil ayaw siyang painumin ni Clarence. Hindi ko pa nababawasan ang akin dahil hindi naman talaga ako umiinom. Pinalibutan naming ang bonfire. Sa magkabilang gilid ko si Theresa at Marcus. Katabi naman ni Marcus sina Clarence at Cassy. Magkakasunod naman ang apat hanggang kay Theresa.

“Kailan nga pala ang balik ninyo sa ibang bansa, Cassy?” tanong ng isa sa mga babaeng kasama naming. Nakalimutan ko ang kaniyang pangalan. Ni hindi ko nga alam kung taga-roon ba siya sa aming barangay o sa ibang barangay sila galing ng kasama niya.

Maputi siya. May medyo kulot na buhok. Mukha siyang anak ng isang mayamang pamilya pero sa ikinikilos niya, na kanina ko pa napapansin ang pagiging clingy nito kay Rupert, ay parang hindi. May relasyon ba silang dalawa?

“Oo nga, sis. Para makapag-sending off ceremony kami sa ‘yo,” ani naman ng isa, katabi ni Sebastian. May straight siyang buhok na hanggang siko. Morena. Maganda. Mga katangiang pisikal na magugustuhan ng isang lalaki sa babae ay na sa kaniya.

“I don’t know when, maybe next week? I’ll ask Mom first,” sagot ni Cassy. Maarte pero may class. Tuwid din ang kaniyang buhok na bagay na bagay sa kaniya. Maputi, makinis ang balat, at matangkad din siya. Isa pa, mayaman na sila. Yumaman dahil nga nakapag-asawa ng Amerikano ang kaniyang magulang. Tila ba na sa kaniya na ang mga katangian ng babaeng magugustuhan ni Clarence.

“Iiwan mo na si Clarence? Kawawa naman ang kaibigan ko na ‘yan,” natatawang bigkas ni Rupert.

“Kababalik lang, tol. LDR na kaagad kayo?” segunda naman ni Sebastian.

Tinawanan nila ‘yong sinabi ni Sebastian. Pati si Theresa ay nakikitawa rin habang ngumunguya ng chichirya. Akala siguro niya’y napatawad ko na siya sa pagiging taksil niyang kaibigan.

“Rence and I are just friends, guys,” ani Cassy sa maarteng tinig.

“Friends? E halos ikaw bukambibig nitong si Clarence. ‘Di mo nililigawan, tol? Baka maunahan ka!” ang walang prenong sabi ni Rupert. Sa kanilang apat, siya ang may matalas na dila. Kung ano’ng tumatakbo sa isipan niya’y sasabihin niya kaagad nang walang pag-aalinlangan, kahit may masaktan siyang ibang tao.

“Oo nga. Sa ganda ni Cassy, for sure, marami ang magtatangkang manligaw sa kaniya,” na siyang sinegundahan naman ni Sebastian, isa rin sa mahirap pigilan ang bibig kung magsalita.

“Sagutin mo nga kami, tol. May gusto ka ba kay Cassy?” si Marcus, seryoso ang kaniyang tinig.

Natahimik kaming lahat. Tila ba naghihintay sa magiging sagot ni Clarence. Tumingin ako rito, saktong nagtama ang mga mata naming dalawa.  Umiwas ako. Ayokong bigyan ng ibang kahulugan ang mga titig niya sa akin dahil para saan? Walang ibang ibig sabihin ‘yon, Noah. Ikaw lang ‘tong nag-iisip na makakasakit lang sa ‘yo.

“Magtatapos muna kami nang pag-aaral,” sagot ni Clarence. Lumakas ang kantyawan nilang magkakaibigan, maging ang dalawang babaeng kasama naming ay biniro din si Cassy.

Napatingin ako sa beer na nasa aking harapan at mabilis iyong dinampot at ininom. Hindi ko maintindihan ang sarili ko. Umiinom naman ako ngunit paminsan-minsan lang dahil mahina ang tolerance ko sa alak. Hindi naman ‘to hard drinks pero nakalalasing pa rin. Halos makalahati ko ang bote ng alak.

“Baks, magdahan-dahan ka naman sa pag-inom. Marami pa riyan. ‘Wag mong ipahalata na uhaw na uhaw ka,” bulong ni Theresa. Napansin niya siguro ang ginawa kong pag-inom. “At saka, ba’t ka umiinom ngayon?”

Nilingon ko siya. “Wala kang pakialam,” sagot ko. Ito ang ayaw ko sa alak. Mabilis lang akong malasing. Kahit ilang porsiyento lang ng alcohol ‘yan, mabilis ‘tong tumama sa akin. Inagaw ko ang chichiryang kabubukas lang niya’t kinain iyon. Wala na siyang nagawa pa.

Muli kong iniinom ang natitirang alak sa bote, nang maubos iyon ay tiningnan ko ang mga kasama ko. Abala pa rin sila sa pakikipag-usap sa isa’t isa.

“Ang boring naman!” bigla kong sabi. Napatingin silang lahat sa akin at alam kong nagulat sila. “Maglaro na lang kaya tayo,” suhestiyon ko.

“What game are we playing?” tanong ni Cassy.

“Spin the bottle. Truth or dare,” sagot ko.

“Game! Ako na magpapaikot,” ani Marcus at kinuha ang walang lamang bote na nasa aking harapan.

Dahil wala ng alak sa aking harapan. Tumayo ako at nilapitan ang box kung saan namin inilagay ang mga alak upang lumamig ito. Kumuha ako ng dalawa’t binuksan iyon. Muli akong bumalik sa aking puwesto, saktong nakaturo ang nguso ng bote sa kasama ni Cassy na babae.

“Ugh! Ano ba ‘yan, ako talaga?” anito.

“Truth or Dare, Miranda?” tanong ni Marcus, siya ang magtatanong.

“Ahmmm. D-Dare?”

“Halikan mo ang parte ng katawan ni Sebastian na gusto mo,” ani Marcus, na may ngisi sa kaniyang labi.

“Gago ka, tol!”

“’Yon lang ba? Easy,” ani Miranda at mabilis na hinahawakan sa mukha si Sebastian. Akala ko’y sa labi niya ito hahalikan ngunit sa tuktok lang ng ilong nito siya humalik. “Done.”

Muling pinaikot ni Marcus ang bote. Tumapat naman ‘yon kay Theresa.

“Truth or dar-“

“Hindi siya kasali,” mabilis na sabi ni Clarence.

“Kuya naman, e! Hindi na kaya ako bata.”

“Oo nga, ‘tol. Minsan lang naman ‘to.”

“Tapos ano? Pahahalikin mo sa kung sino-sino?” aniya.

“E magtu-truth na lan-“

“Hindi pa rin puwede,” matigas na sabi ni Clarence.

“Eh ‘di sana hindi mo na lang pinasama kung ayaw mo namang pasalihin dito. Siraulo ka pa lang kapatid!” sabi ko.

“Paano pag napahamak ‘yan, ikaw ang sasagot?”

Natawa ako. “Para mo na ring sinabi na wala kang tiwala sa mga kasama mo ngayon. Naglalaro lang naman tayo, Clarence. Walang mananakit kay Theresa rito. Napaka-KJ mo namang kapatid.”

Masama siyang nakatingin sa akin pero hindi ako nagpatinag. Lalo pa’t nagsisimula na ring umikot ang paningin ko dahil sa alak na iniinom ko.

“Yeah, Noah’s right, Rence. Hindi na bata si Theresa. Besides, this is just a game. Nothing’s serious,” ani Cassy.

Lumingon siya kay Cassy. Lumambot ang paningin at marahang tumango. Hindi iyon nakatakas sa akin na naging sanhi nang mabilis na pagkirot ng aking puso.

Dahil doon ay muling nagpatuloy ang laro. Muling pinaikot ni Marcus ang bote. Sa pagkakataong ito ay tumapat ‘yon sa akin.

“Truth or Dare?” tanong ng babaeng katabi ni Rupert.

“Dare,” walang pag-aalinlangan kong sagot.

“Kunin mo iyong name ng guy na…” Inikot niya ang paningin, sinundan ko naman ‘yon. “Iyon. Iyong naka-sando na white at blue na shorts,” aniya.

Tiningnan ko ang lalaking tinutukoy. Nakatalikod ito sa aming puwesto. Nakasuot ng white na sando at shorts. May kasama itong dalawang matatandang lalaki ngunit iyong lalaking tinutukoy niya’y sa tingin ko’y kasing edad lang naming.

Ibinalik ko ang paningin sa kaniya. “’Yon lang ba?”

“Its up to you if you want to get his number,” si Cassy ang sumagot.

Tumayo ako. Muntik pa akong matumba dahil hilong-hilo na ako. Naglakad ako papalapit sa lalaki. ‘Di naman ito kalayuan sa amin kaya kaagad akong nakalapit dito.

“Yes, Pops. Will surely do that,” ani ng lalaking nakasando nang makalapit ako.

“H-Hi po.”

Sabay-sabay silang napatingin sa akin at laking gulat ko nang makitang si Ren ito.

“Constantine? You’re here,” aniya. Mabilis siyang lumapit sa akin at inakbayan ako. Agad na bumalot sa aking ilong ang amoy nito. Mabango. Mabangong-mabango, ‘yung tipong hinding-hindi mo pagsasawaang amuyin. “Pops, this is Constantine, my friend. I met him from last night’s party.”

“I see. I’m Timothy Park and this is my life, Steven. It’s nice to meet you, Constantine.”

Tila ba nawala iyong hilo ko. kinamayan ako ni sir Timothy, ang kasalukuyang Governor dito sa aming probinsiya. Kasama niya ang kaniyang asawang si Steven. Kahit na may katandaan na sila’y hindi pa rin nawawala iyong maganda nilang lahi ng sila’y mga bata pa.

“I-Ikinagagalak ko po na makilala kayo,” nahihiya kong sagot. “T-The best po kayong Governor,” dagdag ko na siyang ikinatawa lang nilang tatlo.

“Ikaw lang ba mag-isa? Buti, nakilala mo ‘ko,” ani Ren. Nakatingin siya sa akin pero hindi pa rin niya tinatanggal ang pagkaka-akbay sa akin.

“A-Ah e, ang totoo niyan—”

“Kasama ko siya.” Napatingin kami rito. Si Clarence na may nakamamatay na titig, na hindi ko alam kung bakit. “Mawalang galang na po. Pagpasensiyahan niyo na po itong kasama ko’t lasing na po siya.”

“You’re?” tanong ni sir Timothy.

“Clarence po. Trabahador po sa Garden.”

“Ayos lang, pre. Constantine and I are friends. Mabuti na lang at kami ang nilapitan niya, baka mapahamak pa siya kapag ibang tao iyon. They might mistaken him as woman and take advantage,” ani Ren.

Nagulat ako ng hilain ako ni Clarence. “Salamat. Aalis na po kami,” anito. Naramdaman ko ang mahigpit niyang pagkakahawak sa braso ko.

“Wait. Just take easy on him.” Pero hindi iyon pinakinggan ni Clarence dahil mabilis ako nitong hinila sa kung saan.

Akala ko’y babalik kami sa mga kasama naming ngunit nagulat ako nang nandito na kami sa tent na kanina’y pinatayo niya. Tumigil siya’t hinarap ako.

“Ano ‘yon? Bakit may paakbay pa sa ‘yo ang lalaking ‘yon?”

Ano raw? Tuluyang Nawala iyong hilo ko’t tiningnan siya. “Ano bang pakialam mo?”

“P-Papaano pag masamang tao rin iyon?”

“Ha? Hindi mo ba Nakita na sina Gov ‘yon? Paano mo nasabing masama silang tao?”

“Matulog ka na, lasing ka na,” aniya, imbes na sagutin ang mga tanong ko. Tumalikod siya sa akin at maglalakad na sana papalayo ngunit hindi ko alam kung ano’ng pumasok sa isipan ko’t tinawag ang kaniyang pangalan.

“Hindi ako lasing. Pero sana lasing na lang ako nang sa ganoon e mawala ‘tong pananakit ng dibdib ko.”

Lumingon siya sa akin. “Ano’ng ibig mong sabihin? May masakit ba sa ‘yo?”

Natawa akong tumingin sa kaniya. “Ang tanga mo. Tanga’t manhid ka! Bakit kasi sa dinami-rami ng tao sa mundo, ikaw pa? kahit balik-baliktarin ang mundo, wala! Malabong mangyari.”

Natahimik siya. Hindi ko alam kung ano’ng tumatakbo sa isipan niya sa mga oras na ‘to. Wala na akong balak pang alamin iyon dahil ayaw kong masaktan pa lalo. Tumingin ako sa tent, sa loob nito’y may bedsheet na nakalatag. Dalawa lang ang kasya rito. May unan. Naroron na rin ang mga gamit ko na dinala ni Clarence, at ang kaniyang gamit. Teka, magtatabi kaming matutulog?

“A-Ano ba’ng pinagsasasabi mo?”

Bumuntonghininga ako. “Wala. Bumalik ka na kay Cassy,” sagot ko’t pumasok na sa tent. Wala na akong pakialam kung katabi ko siyang matulog o hindi.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top