84
Alas-kuwatro y medya na nang makarating ako sa bahay. Sigurado rin ako na naka-uwi na sila mama at papa.
Agad akong napangiti nang makitang bukas nga ang pinto ng bahay. Binuksan ko ang gate at patakbong pumasok sa loob ng bahay, agad na bumungad sa akin sina mama at papa na naka-upo sa sofa sa salas.
“Ma! Pa!” masayang pagbati ko at kati-kati nang masabi ang magandang balita sa kanila. Binalewala ko ang pananahimik nila at nilapitan si papa para magmano. Tahimik na nilahad ni papa ang kamay niya at mabilis kong dinikit ang noo ko sa likod ng palad niya. Sunod ay si mama, aabutin ko na sana ang kamay niya nang mas mabilis pa sa hangin ang pagdapo nito sa pisngi ko. Sa sobrang lakas ng pagkakasampal sa akin ni mama ay napaharap ang mukha ko sa kanan.
Napasinghap ako at agad na napaupo sa sahig dala ng matinding pagkakagulat sa ginawa niya sa ‘kin. Nanlalaki ngunit nanlalabo ang mga mata kong napatingin sa kan’ya at napahawak ako sa kaliwang pisngi ko nang mamanhid ito at uminit.
“Ma. . .” garagal ang boses kong saad. Napatingin ako kay papa ngunit naka-iwas lamang ang tingin niya sa amin ni mama. Napatingin ako kay mama, puno ng kalituhan ang mga mata ko.
Nagtiim bagang si mama at bakas sa mukha niya ang matinding galit.
“Sinungaling ka!” tuluyang sigaw niya habang nanlilisik ang mga mata niyang nakatingin sa akin.
Kumunot naman ang noo ko.
“Akala ko pa naman, nagbago ka na! Ayun naman pala ay mas lalo ka pa palang naging malandi! Akala mo hindi ko malalaman? Sino ’yang boyfriend mo, huh? At bakit ka niya inuuwi?! Ano? Buntis ka na ba?!” nanggagalaiting sigaw ni mama saka niya buong puwersang tinadyakan ang tiyan ko.
Agad akong napadaing sa sakit nito. Napahawak ako sa tiyan ko at tuluyan nang bumuhos ang mga luha ko. Paulit-ulit akong umiling.
“Ma. . . wala pong nangyari sa amin,” nahihirapan kong sabi.
Tumayo si mama at nakapamewang na humarap sa akin. “Sinungaling ka talaga!”
Napakagat ako sa pang-ibabang labi ko. Bumilis ang paghinga ko at ang sakit na nararamdaman ko kanina lang ay napalitan ng galit. Sinikap kong tumayo para magpantay kami ni mama. Matalim ang tingin na tinapon ko kay papa bago kay mama.
“Totoo pong may boyfriend ako at totoo ring inuuwi niya ako—”
“Oh, ‘di ba! Sa ’yo rin mismo nanggaling!”
“Pero wala pong nangyari sa amin, ma,” mariin kong saad. “Sorry po kung nagsinungaling ako sa inyo. Kasalanan ko po ’yon, I’m sorry. At I’m sorry din kung sasagutin ko kayo ngayon. Ma, anak niyo ba talaga ako? Gano’n na ba talaga ako kalandi sa tingin niyo?” nasasaktang tanong ko. Agad namang nag-iwas ng tingin si mama.
Bumilis ang paghinga ko at sumikip pa lalo ang dibdib ko. “Ma, ginawa ko naman ang lahat ah. . . Pinagbuti ko naman ang pag-aaral ko. Ma, may boyfriend ako pero pag-aaral naman po ang inuuna ko. At maniwala man po kayo o hindi, si Shadrach po ang dahilan kung bakit ako tumino. Kung bakit ko minahal ang pag-aaral. Ma, mabuting tao po si Shadrach. . .”
“Kasinungalingan!” hindi pa rin naniniwalang saad ni mama.
Halos mapapadyak na ako sa inis. Kinuha ko mula sa bulsa ko ang papel na naglalaman ng mga grades ko at nanginginig itong inabot kay mama. Kinuha niya iyon at binasa ang laman nito.
“Kung hindi pa rin kayo naniniwala. Ayan, Ma, tignan mong maigi ’yang mga grades ko.”
Bumuntonghininga ako. “Maaga akong umuwi kasi gusto kong ibalita sa inyo na ako ang valedictorian sa amin pero pananakit naman agad ang sinalubong niyo sa akin. Nag-expect pa naman ako na yayakapin niyo ako at magiging proud kayo sa akin kaso. . .” Mapakla akong natawa. “Bakit pa nga ba ako nag-expect?”
Natahimik si mama.
“Ipapakilala ko na sana sa inyo mamaya si Shadrach, eh. Ipapakilala ko na sana ang lalaking mahal ko at naging inspirasyon ko para makuha ang ganyang parangal. Sobrang bait po ni Shadrach, Ma. Sobrang dami ko ring natutunan sa kan’ya. Tinuruan niya akong maniwala sa sarili ko na kaya ko ang sa tingin niyo ay imposible kong makamit. Wala rin siyang ibang hangad kundi ang mapabuti ako. . . Kaya sana, mama, papa. . . Huwag niyo siyang ilayo sa akin pagkatapos ng araw na ‘to.”
Tumingin ako kay papa. “Pa. . . Ipaglaban mo naman ako. Kahit ngayon lang. . .” basag ang boses kong sabi bago nanlabo ang mga mata ko gawa ng luha ngunit hindi nakatakas sa paningin ko ang pagtulo ng luha mula sa mga mata ni papa.
Pinunasan ko ang luha ko bago ako muling tumingin kay mama. “Ma, sana proud kayo sa akin. Mama, ako ito, si Micaia Esmeralda, anak niyo rin. Ang panganay niyo. . .” makahulugan kong sabi bago ko sila tinalikuran at lumabas na ng bahay.
Sa mundo kong magulo isa lang ang alam kong patutunguhan para makamtam ang kapayapaan.
Agad akong sumakay sa taxi at sinabing dalhin ako sa lugar kung nasaan si Shadrach.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top