40
“Problemado ka ata?”
Napaangat ang tingin ko kay Shadrach nang bigla siyang sumulpot sa harapan ko at ngayon ay maingat na nilalapag sa lamesa ang in-order kong fries. Napanguso ako nang hindi niya sinunod ang order ko na coke float. Seryoso nga talaga siyang hindi pa puwede.
Umangat naman ang isang kilay niya para ipahiwatig na huwag na akong manlaban pa dahil talo na ako.
Kung hindi ko siya crushiecakes baka nainis ako, pero dahil bet ko siya kinikilig ako sa concern na pinapakita niya. Parang mas nakakatukso tuloy maging mas makulit pa. Charot. Baka magsawa siya.
Pinilit kong isinantabi ang kung ano-anong naiisip ko dahil baka kapag hindi ako tumigil ay tuluyan akong mapatili at mapahalakhak sa harapan niya.
“Ano kasi. . .” Napatigil ako sa pagsasalita nang hinila niya ang upuan sa harapan ko at tahimik siyang naupo roon. Nang makaupo na siya ay itinukod niya ang dalawang siko niya sa lamesa para maipatong niya ang kanyang ulo sa mga palad niya bago niya sinalubong ang mga mata ko.
Napanguso ako, mukha siyang cute na puppy na handang makinig. Pero ang gwapo niya rin! Lalo na ngayon na nakasuot siya ng itim na polo shirt na perpektong yumayakap sa matipunong dibdib niya at sa biceps niyang nakakatuksong kagatin. Parang ginawa tuloy ang polo shirt para sa kanya. Idagdag mo pa na naka-suot siya ng silver na Rolex watch sa kaliwang kamay niya at ang bango bango niya! Argh! Daddy! Charot!
Tipid akong ngumiti at kumuha na ng fries. Inalok ko siya pero umiling lang siya. Nang malunok ko ang kinakain kong fries ay itinuloy ko na ang sinasabi ko kanina.
“Ano kasi, two weeks na lang at exam na namin. Marami-rami pa akong i-no-notes, sis. Saka syempre mag-re-review pa ako lalo na sa Physics kasi medyo nahihirapan ako. Pero alam mo ba? Natatawa ako kasi kahit na nahihirapan ako mataas pa rin ang nakukuha kong scores?” namamangha kong kuwento.
Nakangiti namang nakikinig sa akin si Shadrach. “That’s nice! Ibig sabihin naiintindihan mo.”
Tumango ako. “Pero eto na nga ang totoong problema. Isinali ako ni ma’am sa SIP o Science Investigatory Project, tapos mhie individual! Eh, ako naman na na-excite pero natatakot, umoo rin! Saka pangarap ko ’yon noon, tapos ngayon lang na graduating ako natupad. Pero ngayon, napapaisip ako kung kaya ko ba talaga? Huhu feeling ko hindi, tapos may exam pa. What if mag-fail ako sa dalawa?”
Agad na umiling si Shadrach. “Kung sasali ka ba sa giyera, ano ba ang aim mo dapat? Hindi ba ang manalo?”
Tumango ako.
Tumango rin siya. “So you have to think na dapat manalo ka para mailaban mo ng tama ang SIP and exam mo. Hindi pa tapos ang laban, bata, kaya huwag ka munang mag-conclude na ma-f-fail ka. And also believe in yourself that you can. Kasi sinong maniniwala sa ’yo kung ikaw mismo hindi naniniwala sa sarili mo?”
Napanguso ako dahil may point siya.
“Ano ba ang topic mo?” tanong niya.
“Rambutan seeds as tea,” sagot ko.
Napatango siya. “Interesting. Kailan ka magsisimula sa paggawa ng write up mo?”
“Ngayon din. Sisimulan ko mamayang gabi.”
“Well I’m off now. Simulan na natin?” alok niya.
Napangiti ako. “Talaga? Puwede?”
Nakangiti siyang tumango. “Puwedeng puwede. May rambutan din kami sa bahay. Sabihin mo lang kung ilan ang kailangan mo para madala ko bukas.”
Gumaan ang pakiramdam ko ngayong alam kong may tutulong sa akin. “Thank you ha? Thank you talaga, love!” pagbibiro ko, agad naman siyang ngumuso. “Charot lang,” tumatawang sabi ko.
Kumain na muna kami ng fries bago ko inilabas ang mga papel ko.
“Wala kang laptop?” tanong niya.
Umiling ako. “Wala, nasira. Ayoko naman sabihin kila mama kasi baka magalit lang. Nag-iipon pa ako ng pambili e. Kaya hand-written muna lahat saka ko nalang i-ta-type sa comshop o sa school library namin.”
Tumagal ang titig niya sa akin. “Matatagalan ka kung ganyan. . .” aniya.
“Hindi ’yan! Mabilis naman ako mag-type.”
“For the mean time you can borrow mine. Aayusin ko lang puwede mo na siyang kunin bukas.”
Nanlaki ang mga mata ko. “Uy! Huwag! Nakakahiya!”
Umiling siya. “Hindi ’yon alok, Caia. That’s a command.”
Mas tumindi ang pagwawala ng puso ko at pag-iinit ng pisngi ko. Abot tainga na rin ang ngiti ko. “Thank you!”
“You’re welcome. Just do your very best, iyon lang ang gusto kong payment.”
Tumango ako. “Promise!”
Ngumiti siya at tiningnan ang papel ko.
“Micaia Esmeralda H. Madrigal,” basa niya sa pangalan ko.
“Binasa pa talaga,” saad ko.
“Nice name,” aniya na nagpatili sa akin kaya natawa siya.
“Pero mas nice kung Ybañez ang surname ko, ‘di ba?” tukso ko.
Sinamaan niya ako ng tingin pero hindi nakatakas sa akin ang pamumula ng dalawang tainga niya.
Ngayon ay ako naman ang tumawa.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top