34
Nagising ang diwa ko nang marinig ko ang pagtunog ng doorbell mula sa gate. Napabuntonghininga ako at imbes na bumangon mula sa kama para silipin kung sino ang nasa labas ay tinaklob ko ang comforter sa mukha ko at mas lalo pang namaluktot sa kama.
Sa sapat na lamig ng aircon, sa lambot ng kutson at unan na hinihigaan ko, at sa bango ng comforter na yumayakap sa akin ay agad na bumigat ang mga talukap ng mata ko at pakiramdam ko ay hinehele ako sa ulap.
“Puta,” mura ko nang muling umingay ang doorbell dahilan ng pagkagising kong muli.
Inis akong napasinghal.
Kung nagloloko na naman sila Jean hindi ako natutuwa. Inalis ko ang comforter sa mukha ko para tingnan kung anong oras na mula sa wall clock sa harapan ko.
Alas-dos pa lang pala ng hapon. Imposibleng sila Jean ang nasa labas. Ika-apat na araw na na naka-deactivate ang lahat ng social media accounts ko, at pang-apat na araw din na absent ako sa school.
Bukod sa wala akong ganang makisalamuha sa mga tao ay nilalagnat pa rin ako mula no’ng Sunday. Ang araw kung kailan nawalan na naman ako ng gana sa lahat.
Magmula din no’ng Monday ay laging bumibisita sila Jean at Marj sa bahay pero mabilis ko lang silang kinakausap bago ako muling nagkukulong sa kuwarto ko.
Gusto ko munang mapag-isa. Babalik din naman ako sa dati. Kailangan ko lang talaga ng space at time.
Muling tumunog ang doorbell kaya inis akong napa-upo. Tatayo na sana ako para silipin kung sino ang nasa labas nang biglang tumunog ang cellphone ko.
Agad akong kinabahan dahil baka si Mama pala ang nasa labas. Baka may emergency kaya maaga siyang umuwi.
Ngunit nawala ang kaba ko nang makita kong unknown number ang tumatawag. Kumunot ang noo ko habang hawak ko ang cellphone ko at pinapanood na matapos ang tawag.
Hindi ko naman kilala kaya hindi ko sasagutin.
Ibaba ko na sana ang cellphone ko nang muli na naman itong tumawag.
From: 09*********
Please, answer my call.
Mas lalong kumunot ang noo ko at nag-aalinlangang sinagot ang tawag.
“H-Hello?” paos ang boses kong sagot.
“How are you?”
Napaawang ang labi ko at nanlaki ang mga mata ko sa matinding pagkakagulat nang marinig ko ang baritonong boses ni Shadrach mula sa kabilang linya.
“H-Huh?” natatanga kong tanong hindi makapaniwala na siya nga ang kausap ko.
Rinig ko ang paghugot niya nang malalim na hininga bago niya ito mabilis na pinakawalan.
“How are you, little miss?” Hindi ko alam kung nagloloko ba ang pandinig ko pero sobrang lambing ng malalim at baritono niyang boses.
Napakagat ako sa pang-ibabang labi ko at ang matamlay kong katawan kanina ay ramdam kong unti-unti nang nabubuhay. Ramdam ko ang pagdaloy ng dugo sa mga ugat ko at ang pagbilis ng pagtibok ng puso ko.
“Kanina hindi ako maayos, pero ngayon okay na okay na. . .” nakangiti kong sagot.
“Care to welcome me at your house then?”
Napatakip ako sa bibig ko para pigilan ang pagtili.
Tang ina! Siya pala ang nasa labas!
Nasa labas ng bahay si Shadrach!
Binibisita ako ni Shadrach!
Lord! Ack! Thank you! Thank you!
“Joke time ba ‘to?” pagkukumpirma ko pa.
Muling tumunog ang doorbell. “Mukha ba ‘tong joke time sa ’yo?” sarkastikong aniya.
Napakagat ako sa labi ko.
“Wait lang!” atat kong saad bago mabilis na bumangon mula sa kama at mabilis lang na sinilip ang sarili mula sa salamin.
Hindi na ako nag-abala pang mag-ayos. Bahala siya kung anong tingin niya sa akin. Kung magugustuhan niya ako dapat ganitong ayos ko ang paborito niya dahil tamad akong mag-ayos. Napangisi ako sa naisip.
Nakalugay ang buhok ko at may nakatapal pang cool fever sa noo ko. Nakasuot ako ng navy blue oversized shirt at pajamas na may design na Doraemon.
Lakad takbo akong nagtungo sa main door at mabilis itong binuksan. Agad ngang bumungad sa akin ang bagong ligo na si Shadrach, na matiyagang naghihintay sa labas ng gate.
Shet! Amoy Johnson’s baby powder naman ang lalaking ‘to!
Napakagat ako sa labi ko nang may pilyang naisip. Hmmm. Titikman. Char!
Tuluyan na akong tumakbo papunta sa gate at pinagbuksan siya.
Mas lalong bumilis ang pagtibok ng puso ko na halos lumabas na ito mula sa dibdib ko nang magkaharap kami.
“H-Hi!” nauutal kong pagbati.
Walang duda, ang bago niya!
Naka-suot siya ng puting polo na nakatupi hanggang sa tapat ng siko niya dahilan ng pagpapakita ng ilang ugat sa braso at kamay niya, shet talaga, at pinarisan niya ito ng itim na maong pants. May hawak siyang asul na eco-bag na may lamang mga Tupperware, at sa isang kamay niya ang isang plastic na puno ng apple at orange.
Muling nagtama ang mga mata namin kaya napaayos ako ng tayo para pigilan ang paglundag sa tuwa. Ngumiti siya at hindi ko na napigilang tumili!
“Hala, sorry! Ang oa ko,” nahihiya kong sabi.
Imbes na mainis siya ay mahina lang siyang natawa. “Okay lang. Sorry kung nadistorbo kita—”
“Ay naku! Hindi! Ayos lang! Kahit araw-arawin mo pa!” pagpuputol ko sa sinasabi niya.
Mas lalo siyang natawa dahilan nang pagsingkit ng mga mata niya. Argh! Aasawahin!
“Mukhang ayos ka na nga.”
“Sino bang hindi gagaling kapag dinalaw ng magiging asawa ko, ‘di ba?” pagbibiro ko.
Napakagat siya sa pang-ibabang labi niya at agad na namula ang tainga niya. Napahalakhak ako.
“Anyway, kumain ka na ba?” Umiling ako habang nagsasalita pa siya. “Nagluto ako ng pinakbet at adobong baboy. Dinamihan ko na rin kasi baka may kasama ka rito?”
Umiling ako habang nakangiti. “Wala, mag-isa lang ako. Lika, pasok ka. Umiinit na naman,” pag-aaya ko sa kan’ya.
Nag-aalinlangan pa siya no’ng una pero sumunod din naman siya sa akin papasok sa bahay.
Nagtungo kami sa kusina at nilapag niya roon ang mga dala niya.
“Para sa akin talaga lahat ’yan?” kinikilig kong tanong.
Sinalubong niya ang tingin ko bago siya tipid na ngumiti at tumango. “Para gumaling ka na agad.”
“Bakit miss mo na ako?” tukso ko.
Mas lalong namula ang magkabilang tainga niya, maging ang leeg niya kaya kahit niya ako sagutin ay alam kong oo.
“Paano mo nga pala nalaman number at address ko? Hmmm, ikaw ha!”
Sumeryoso ang mukha niya. “Huwag ka mag-assume, bata. Inutusan lang ako nila Jean.”
Napanguso ako pero hindi nakatakas sa paningin ko ang pagpipigil niya ng ngiti.
“Kidding. Tinanong ko si Jean. Huwag ka nang kiligin, kumain ka na lang bago pa lumamig ‘tong mga niluto ko,” aniya at agad na nilabas ang mga Tupperware mula sa eco-bag.
Hindi ko na maitago ang ngiti ko at halos wala na akong makita habang kumukuha ng mga pinggan at kubyertos sa kabinet.
“Samahan mo ‘kong kumain,” saad ko pagkabalik ko sa hapag.
Tumango siya bago naupo sa katapat kong upuan.
Kung panaginip man ‘to, ayoko nang magising pa.
Pero hindi, at sino ba namang hindi sisipagin gumising araw-araw kung ganito ka guwapo ang bubungad sa ’yo.
Hay, Shadrach, isa ka talagang anghel.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top