CHAPTER 6
CHAPTER 6
TINULUNGAN ako ni Kuya Migs, iyong driver na naghatid at nagsundo sa akin, na magpasok ng mga dala kong gamit sa loob ng mansion.
At katulad nga ng sinabi ni Boss Travis kahapon, huwag akong umasa na masaya ang magiging pagdating ko dito sa Villa.
Sobrang tahimik.
At wala manlang katao-tao dito.
Sobrang laking mansion pero walang tao? Nagpatayo pa sila ng ganito kalaking mansion kung wala rin naman palang titira.
Iba talaga ang nagagawa kapag may pera.
"Kuya Migs, tama ba itong pinuntahan natin?" Tanong ko habang nililibot ng tingin ang buong palapag.
"Oo naman. Bakit mo naitanong iyan?"
"Eh kasi naman Kuya... bakit walang tao? Nasaan ang mga maids or butler? Wala ring guards? Paano kung bigla na lang may mag-akyat bahay dito? Sa mahal ng mga gamit dito hindi iyon imposible. Tsaka.... nasaan ang Young Master?" Pabulong lang ang pagkakasabi ko ng huling katagang iyon. Feeling ko kasi may nakakarinig sa akin kahit na wala naman dahil kami lang ang naririto.
Ang creepy talaga.
Hindi ako sanay ng sobrang tahimik. Pakiramdam ko may mga nilalang sa paligid na hindi ko nakikita, na nagmamasid sa akin.
Lumapit din si Kuya Migs sa akin saka bumulong.
"Ang totoo n'yan, haunted talaga ang mansion na ito-"
Hindi ko na pinatapos pa si Kuya Migs sa sasabihin nito dahil bigla na lamang akong tumili.
"KUYA MIGGSSSSS! Huwag mo naman akong takutin." Pero malakas na tawa lang ang nakuha ko mula dito.
Kinikilabutan tuloy ako.
Totoo kayang haunted ang lugar na ito kaya walang katao-tao? Kaya rin ba walang nakakatagal na secretary kay Boss Travis dahil sa lugar na ito?
"Joke lang, Miss Arissa. Nagbibiro lamang ako. Maaga pa naman kaya hindi pa dumadating ang mga katulong na naglilinis ng buong mansion. Bandang alas-dies ng umaga dumarating sina Manang Wilma upang maglinis dito. At sa butler at guards naman, si Mr. Smith ang gumagawa ng mga gawain ng isang butler at guard, syempre kasama n'ya ako. Hindi lang ako driver dito, tagapag-bantay din ako ng buong Villa. Sa magnanakaw naman, wala pang nagtatangka. Siguro takot na lang nila sa tatlong Cordova. Nasagot ko na ba ang mga kinakatakot mo, Miss Arissa?"
"Pero... sa laki ng Villa na ito, hindi kayo nahihirapan sa pagbabantay?"
"Hindi naman, magaan pa nga ang trabaho namin dito kaysa sa iba eh. Tsaka mukha lang matanda si Mr. Smith pero mas malakas pa iyon sa kalabaw. Sa kanya rin kumukunsulta ang Young Master kapag may mga bagay itong pinoproblema, lalo na pagdating sa kompanya at sa dalawang pinsan."
"So, ang ibig mong sabihin parang kanang kamay ng Young Master si Mr. Smith, gano'n ba?"
"Parang ganoon na nga. Bata pa lang kasi si Mr. Smith ay nagtatrabaho na ang yumao n'yang mga magulang sa pamilyang Cordova. Hindi na nga ito nakapag-asawa dahil nilaan n'ya na ang sarili para sa paglilingkod sa pamilyang ito. Sobrang laki kasi ng naitulong ng mga Cordova sa pamilya ni Mr. Smith. At ganoon rin sa akin at sa iba pang nagtatrabaho para sa kanila."
"Nagtataka lang ako Kuya Migs. Wala bang mga magulang ang tatlong magpipinsan? O ibang kamag-anak dito?"
"Ang totoo n'yan, hindi namin alam kung may pamilya pa ba sila o ibang kaanak dito. Basta ang sabi ni Mr. Smith silang tatlo na ang nandito, bata pa lamang s'ya."
"Wala ng iba?"
"Wala na. Gusto man naming magtanong dahil nakakapagtaka naman talaga, pero sa tuwing magtatangka kami, bigla na lang namin nakakalimutan kung ano bang itatanong namin."
"Ang weird!"
"Kaya hindi na rin kami umusisa pa. Basta ang alam namin sobrang laking pasasalamat namin sa pamilyang ito. Dahil sa kanila lalo na kay Sir Travis, napagamot ko ang sakit ng Tatay at napagtapos ko ng pag-aaral ang mga kapatid ko na pare-parehong nasa abroad na."
"Hindi mo ba naisipan na umalis dito?"
"Hindi. At wala akong balak umalis. Hangga't nabubuhay ako, sa pamilyang Cordova lamang ako maglilingkod."
Napahanga ako sa pagiging loyal nila sa magpipinsang Cordova.
Siguro dahil sa malaking naitulong ng pinagtatrabahuhan mo para sa pamilya mo, hindi mo na maipagpapalit pa ang mga ito sa ibang trabaho. Dahil sa kanila nagbago ang takbo ng buhay ninyo.
Ako kaya? Ganoon din?
"Oh, pa'no Miss Arissa. Mauuna na muna ako. Akyat ka lang sa second floor, mula sa kaliwa makikita mo ang mga pintuan, mga kwarto iyon. Sa bandang dulo ang kwarto mo. Malapit na ring dumating sina Manang kaya may makakasama ka na dito hanggang hapon. Mamayang gabi pa darating sina Sir Travis."
Tinulungan muna ako ni Kuya Migs na iakyat sa itaas ang mga gamit ko bago ito tuluyang magpaalam na aalis.
Huminga ako ng malalim.
"Kaya mo 'to Arissa. Walang multo dito, walang multo, okay?! Relax ka lang. Hooooh!"
Tinahak ko ang mahabang hallway sa ika-lawang palapag. Maraming pinto magkabila. Sabi ni Kuya Migs ay mga kwarto ito. At sa pinaka-dulong pinto ay ang magiging kwarto ko.
Nang makarating sa harap ng dulong pinto, dahan-dahan ko itong binuksan.
"WOW!"
Namamanghang pumasok ako sa loob ng kwarto. Pinaghalong modern and medieval style ang itsura ng loob. May malaking bintana sa gilid na gawa sa bubog at may kulay pulang kurtinang humaharang sa sikat ng araw na nais pumasok sa madilim na kwarto.
Nasa gitnang bahagi ang kulay rosas na queen size bed. Sa tabi nito ay may mesang naglalaman ng alarm clock, lampshade at kung anu-ano pang gamit ng babae. May malaking bilog na salamin sa harap ng mesa at upuan.
May book shelf din sa gilid na puno ng iba't ibang uri ng aklat. Nasa tabi naman nito ang dalawang upuan at maliit na mesa sa gitna.
Katabi ng mini library ay may dalawa pang pintuan. Binuksan ko iyon nasa kaliwa at tumambad sa akin ang malawak na banyo. May shower at bathtub pa. Malinis rin at kompleto ang gamit sa loob.
"Ang bango naman dito."
Isinara ko na iyon at sunod naman na binuksan ay ang isa pa.
Walk-in-closet ang bumungad sa aking mga mata. Namangha ako nang makitang puno ito ng iba't ibang klase ng damit pambabae. May dress, casual dresses, pambahay na damit, office attire at iba pa. Meron ding mga sandals, highhills, flats, shoes and even boots. All differents kinds of girl stuffs ay naririto na.
Dapat pala hindi na ako nagdala ng sarili kong damit eh.
Pero okay naman iyong may dalang sarili lalo na at baka hindi naman pala sa akin ipapagamit iyong mga damit dito, edi wala akong naisuot 'di ba?
Maganda ang kabuoan ng kwarto at malaki masyado para sa iisang tao.
"Ito ba talaga ang magiging kwarto ko? Grabe! Para akong prinsesa dito."
Iniwan ko sa tabi ang mga dala ko saka tinungo ang kama. Ibinagsak ko ang katawan sa malambot na kama saka ipinikit ang aking mga mata.
Nakakapagod ang byahe.
NAALIMPUNGATAN ako nang makarinig ng ingay sa labas ng kwarto. Nagmulat ako ng mata at napansing magtatanghalian na pala.
Nakatulog pala ako, hindi ko namalayan.
Nagpalit muna ako ng damit bago bumaba. Mamayang hapon na lamang siguro ako mag-aayos ng gamit ko.
"Oh, iha. Maayos ba ang iyong pahinga? Hindi na kita pinagising dahil alam kong napagod ka sa byahe. Malayo kasi talaga ang San Roque dito sa Villa." Bati sa akin ng isang matanda nang makababa ako.
Maayos ang pananamit nito at mukhang alagang alaga sa sarili. Kahit na may ilang puting buhok, maganda pa rin itong tingnan.
"Ahmm... hello po. Pasensya na po nakatulog ako. Ako po si Arissa."
"Nasabi nga sa amin ni Hanz. Ayos lang iyon, iha. Ako naman si Manang Wilma. Kung gusto mo Nanay Wil na lang itawag mo sa akin."
"Sige po, Nanay Wil."
"Halika, sumama ka sa akin. Ipapakilala kita sa iba pang maid dito."
Nakarating kami sa kusina.
Tatlong maid ang naroroon at nag-aayos ng hapag-kainan.
"Shasha, Rose at Yna, halika muna kayo dito. Ipapakilala ko sa inyo ang bagong sekretarya ni Sir Travis."
Tumigil naman sa kani-kanilang ginagawa ang tatlo saka lumapit sa amin.
"S'ya ang bagong sekretarya ng Young Master, si Arissa. Arissa sila naman ang mga katulong ko sa paglilinis at pagsasaayos ng mansion. Si Shasha, si Rose at si Yna. Maging mabait kayo sa kanya dahil first time n'ya lang dito. Kung may nais kang malaman dito sa mansion at kung may kailangan ka, si Shasha ang bahala sa'yo. Si Rose naman ang magtuturo at tutulong sa'yo ng mga dapat gawin 'pag nandito na ang Young Master."
"Hello sa inyo!"
Nginitian nila akong tatlo saka binati.
Mukha naman silang mababait at may pakikisama kahit na bago pa lang ako. Hindi naman siguro ako mahihirapan dito. At sana makatagal din ako.... katulad nila.
"Ah, nasaan po pala ang Young Master Travis? Saka dito rin po ba tumutuloy 'yong dalawa n'yang pinsan?"
"Ah, may inaasikaso silang tatlo ngayon kasama si Hanz. Si Sir Sage ay may condo sa Central. Doon ito nananatili kapag may pasok at umuuwi lang dito kapag walang klase. Si Sir Tyron naman tuwing hapon lang umuuwi. Hindi naman namin alam kung saan naglalagi pero minsan nasa hacienda iyon."
"Hacienda po?"
"Oo. May hacienda sa likod nitong mansion. Hindi kalayuan iyon pero kapag mag-isa kang pupunta baka maligaw ka. May maliit na gubat kasi sa bungad, papasok ka roon bago makarating sa Hacienda Del Cordovia."
Daebak! May ganitong lugar pala sa Pilipinas 'no?! Tapos ang bata pa ng nagmamanage. Grabe lang talaga. Sana all!
"Oh, s'ya. Tanghali na pala, kumain ka muna ng tanghalian. Nagluto kami ng pagkain para sa iyo. Pagkatapos mo, sasamahan ka ni Yna sa paglilibot dito sa mansion. S'ya na rin ang bahalang magsabi sa'yo ng mga bawal at hindi bawal."
"Sige po. Maraming salamat po!"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top