CHAPTER 27
CHAPTER 27
"SAAN ka ba kasi sumuot kanina, Arissa? Paglingon ko sa iyo wala ka na sa likuran ko. Akala ko lang nakatulog ka na habang naglalakad dahil ang tahimik mo, iyon pala napunta ka na sa kung saan."
Sumimangot ako kay Kuya Migs.
Kahit naman kasi ako ay hindi alam kung saan ako napunta kanina. Basta naglalakad lang ako at nakasunod sa kanya. Nabigla na lang ako nang hindi ko na s'ya makita.
Iyon pala nawawala na ako.
"Nakasunod lang naman ako sa'yo Kuya Migs. Tapos nalingat lang ako saglit bigla ka na lang nawala sa unahan ko. Nagsisigaw pa nga ako para tawagin ka pero wala ka naman. Hanggang sa iyon nga... nakita ako no'ng lalaking may mga kasamang lobo."
"Mabuti na lang talaga nahanap ka kaagad ni Sir Tyron. Kumaripas pa ako ng pagtakbo makarating lang agad dito sa Hacienda para ipaalam kay Sir na nawawala ka. At mabuti na lang din hindi ka napahamak."
"Pasensya na Kuya Migs. Pasensya na rin Ty—Sir Tyron. Kabisado ko naman na ang daan kaya hindi na ako maliligaw sa susunod."
Kung may susunod pa.
Huwag lang talaga malalaman ni Sir Boss dahil kung oo, mayayari ako doon. For sure hindi na ako no'n pababalikin dito sa Hacienda dahil sa pagiging pabaya at clumsy ko. Mukhang maganda pa naman sa lugar na ito.
"Okay lang, Arissa. Hindi mo naman kasalanan," wika ni Kuya Migs. Hindi naman kumibo si Tyron, sa unahan lamang ang tingin nito. "Ang mahalaga hindi ka nasaktan ng grupo ni Rocus kanina."
Speaking of that Rocus and his battalion of wolves... kinikilabutan pa rin ako kapag naaalala ko kung paano ngumisi sa akin ang taong iyon. Isama mo pa 'yong alaga n'yang lobo, kulang na lang kainin na talaga ako ng buhay kung maka-angil sa akin.
Seriously? Lobo talaga ang alaga? Hindi ba pwedeng aso?
Sino ba naman kasi ang hindi matatakot sa lobo, eh okay sana kung mabait pero hindi eh. Malaki pa sa akin tapos kung makatingin parang nilalapa na ako sa isipan.
Pack of wolves are one of the dangerous creature in the forest, maliban sa leon na s'yang hari ng kagubatan. Ang mga lobo ay hunter ng mga wild animals sa gubat.
Maliwanag na. Siguro alas-otso na ng umaga.
Nakalabas na rin kasi kami ng gubat kaya wala ng mayayabong na punong kahoy na humaharang sa liwanag. Tinatahak na namin ngayon ang kaparangan para makarating sa mismong hacienda.
Napatingin ako kay Tyron na seryosong naglalakad, habang nakasuksok ang dalawang kamay sa magkabilang bulsa ng pantalon. Nasa unahan lamang ang tingin nito. Simula nang makalabas kami sa gitna ng kagubatan kanina ay hindi na ito umimik pa.
Hindi tuloy ako sanay.
Sa tuwing nagpupunta s'ya ng Villa ay s'ya ang pinakamaingay sa mansion. Pero ngayon? Parang may mali sa kanya. Katulad kanina, pansin ko ang pamamawis n'ya at ang nanghihinang boses.
Ay, oo nga pala.
Nasabi nga pala ni Sir Boss na may sakit si Tyron. Kaya nga ako pinapunta rito para alagaan pansamantala ang mokong. Ayaw kasi nitong magtungo sa Villa para roon sana magpagaling at magpahinga. Para bagang hindi nito maiwan-iwan ang mansion na nasa hacienda.
Hindi ko tuloy mapigilang hindi mapaisip, ano kayang meron doon?
Hindi nagtagal ay natatanaw ko na ang malaking gate ng hacienda.
"Wow," mahinang bulalas ko pero mukhang narinig naman ng dalawa kong kasama.
Nang makapasok kami sa gate ay mas lalo lamang akong namangha. Gaano kaya talaga kayaman ang tatlong magpipinsan? May ginto yatang pinamana ang kanilang mga magulang sa kanila dahil talagang iisipin mong napakayaman nila. Mula pa lang sa mansion hanggang sa mga negosyong pinapatakbo ni Sir Boss ay masasabi mo nang hindi sila basta-basta.
Pwede nang sugar daddy. Charot!
Nasa gitna ng malawak na berdeng kaparangan ang malaking mansion. Mula rito sa tarangkahan ay makikita na ang malaki at malawak na hektaryang lupain sa likuran ng mansion.
Ang fresh sa mata ng luntiang kapaligiran.
Sariwa at hindi maalinsangan ang hanging sumisimoy, sumasabay ang pagsayaw ng mga mayayabong na dahon sa bawat puno at halaman.
"Malapit nang mananghalian. Dollface, sumama ka kay Migs sa bukid para magdala ng pananghalian ng mga magsasaka roon. Para makapamasyal ka rin muna." Napatingin ako kay Tyron nang magsalita ito.
"Ayos lang ba?" Nag-aalangang tanong ko.
Tumingin ito sa akin.
Nabigla ako nang makitang magbago ng kulay ang kanyang mga mata. Ang dating kulay asul na mata, na akala mo'y tubig ng karagatan na sa tuwing tititig sa'yo ay lulunurin ka ay biglang naging kulay ginto.
"Ayos lang. Mamasyal ka muna dito para hindi ka mabored."
"Pero... masama ang pakiramdam ko. Paano kung may mangyari sa'yo habang nasa bukid kami ni Kuya Migs? Ano na lang sasabihin ng pinsan mo? Pinapunta n'ya ako rito para tingnan ka at hindi para mamasyal lang—"
Bigla n'yang pinutol ang pagsasalita ko.
"Magpapahinga lang ako tapos okay na rin ako mamaya. Sinabi ko lang iyon kay Travis para payagan ka na lumabas ng mansion. Alam kong bored ka na roon kaya gumawa ako ng excuse para makapamasyal ka naman saglit. Wala ka namang pasok, 'di ba?"
Natulala ako saglit kay Tyron. Bigla akong nanlambot sa sinabi n'ya.
Na-touch ako sa ginawa n'ya pero nababahala pa rin ako dahil feeling ko hindi talaga maganda ang pakiramdam n'ya. Siguro susundin ko muna ngayon ang gusto n'ya pero pagbalik namin ni Kuya Migs mula sa bukid ay igagawa ko s'ya ng soup para makainom din s'ya ng gamot.
"Sige na nga."
Nang makarating na kami sa tapat ng mansion ay pumasok na kami sa loob. Mas malaki ang mansion sa Villa pero malaki rin naman ang mansion na ito.
Saglit na nag-usap si Tyron at Kuya Migs. Pagkatapos maghabilin ni Tyron ay nagtungo na kami ni Kuya Migs sa bukid, dala-dala ang mga basket na naglalaman ng pananghalian.
"Magandang araw po Ka Temyong!"
Magalang na bati ni Kuya Migs sa matandang naabutan naming namamahinga. May mahabang mesa at sampung upuaan sa palibot nito. Nakakanlungan ang lugar ng dalawang malalaking puno ng acacia na nagsisilbing payong sa sikat ng araw.
"Oh, ikaw pala Migs."
"Narito na po ang pananghalian n'yo. Hindi po makakapunta rito si Sir Tyron dahil masama pa ang pakiramdam. Pinapasabi po na baka bukas na lang s'ya sumaglit dito para kamustahin kayo at ang ani."
"Naku, nag-abala pa kayo. Sana ay pinatawag na lamang n'ya si Rocus doon para kunin ang pananghalian ng mga trabahador."
Natigilan ako sa narinig.
Rocus?
Ibig bang sabihin ay trabahador dito sa hacienda si Rocus?Paano iyong limang lobong kasama nito?
Kaya ba ganoon na lang ang takot nila kanina nang makita si Tyron?
Makikita ko kaya ulit ang mga iyon dito? Huwag naman sana. Lalo na iyong isang lobong may galit yata sa akin ay ayaw ko nang makasalubong pa.
"Maayos naman kami dito saka maganda ang ani ngayong buwan. Maraming gulay at prutas ang maiaangkat sa bayan mula bukas hanggang sa mga susunod na araw. Sabihin mong kami na ang bahala dito at huwag na s'yang magpagod muna para bisitahin kami. Ako na lamang ang pupunta sa mansion para madalhan din s'ya ng herbal na inumin."
"Makakarating po, Ka Temyong."
Nilapag na namin ni Kuya Migs sa basket sa mesa at inayos ang mga pagkain sa hapag.
"Ngayon ko lang nakita itong kasama mo Migs. Kasintahan mo ba ang magandang dalaga na ito?"
Nagkatinginan kami ni Kuya Migs at sabay na natawa.
"Hindi po Ka Temyong. Si Arissa po iyan, iyong sekretarya ng Young Master Travis."
"Oh?!" Bakas ang gulat sa mukha ng matanda. "Ikaw pala ang sekretarya ni Sir Travis. Kay gandang dalaga mo naman ineng. Taga saan ka ba?"
"Taga San Roque po ako."
"Malayo-layo rin pala ano?! Mabuti naman at may nakatagal ding sekretarya ang panganay na Cordova. Ilang taon na akong nagtatrabaho dito pero isang araw lang yata ang itinagal ng sekretarya ni Sir Travis."
"Tiis at pagpupursige lang po talaga ang sagot, Ka Temyong. May mga kapatid po kasi akong pinag-aaral kaya kailangang kumayod para sa kinabukasan namin."
"Napakasipag at bait mo namang bata ka. Hayaan mo at iyan ang ikapagpapaasenso sa inyo balang-araw, hindi ba Migs?"
Tumango naman si Kuya Migs.
"Naikwento ko na nga po kay Arissa ang laking tulong ng mga Cordova sa amin ng pamilya ko. Ganoon din sa ibang mga trabahador dito sa hacienda at sa Villa."
"Mabuti naman at nagawi ka dito sa hacienda, ineng. Nakakainip ba sa mansion?"
"Medyo po, kapag wala masyadong trabaho."
"Matatagalan ka ba dito? Mabuti at pinayagan ka ni Sir Travis."
"Hindi ko po alam, siguro isa o dalawang araw lang habang wala pa akong pasok. Pinakiusap po kasi ni Ty—Sir Tyron na dito muna ako sa hacienda para tingnan ang kalagayan n'ya. Pumayag naman po si Sir Travis kaya nandito ako ngayon."
"Mabuti iyan at nang makapamasyal na dito sa hacienda kahit minsan. Maganda sa kalusugan ang bitamina mula sa sikat ng araw sa umaga. Medyo namumutla ka na, ineng."
"Oo nga po eh. Nahahawa na ako sa kaputian ng magpipinsan."
Saglit na natigilan si Ka Temyong, pero agad ding ngumiti sa akin. Para bang may bigla itong naalala dahil sa huli kong sinabi.
"Oh s'ya, tatawagin ko lang ang iba para makakain na tayo. Masayang kasama ang mga trabahador dito sa hacienda, Arissa, kaya hindi ka naiilang na makipag-usap sa kanila. Sandali lamang."
Ngumiti naman ako at tumango kay Ka Temyong. Nagtungo na ito sa mga taniman ng gulay para tawagin ang mga kasamahan. Kami naman ni Kuya Migs ay tinapos na ang paghahain ng mga pagkain sa mesa.
May mahabang dahon ng saging sa ibabaw ng mesa. Doon namin nilagay ang kanin at mga ulam. Natakam tuloy ako sa pritong isda, itlog at kamatis na may sawsawang toyo with sili at kalamansi pa.
Hhhmmm... yummyyy...
"Halika na kayo mga kasama. Nakahanda na ang tanghalian."
Nakarinig na kami ng mga taong papalapit.
May tatlong babae at limang lalaking kasunod si Ka Temyong. Dalawa sa babae ay kasing-edad ko lang rin siguro at ang isa naman ay nasa mid 30s na. Tatlo sa limang lalaki naman ang kasing edad ni Kuya Migs at ang dalawa pa ay medyo bata ng isang taon kay Ka Temyong.
"Uy, pareng Migs. Mabuti naman at napasyal ka dito," bungad ng lalaking may bandana sa noo.
"Masyadong busy sa trabaho. Araw-araw kaming may lakad ni Mr. Hanz eh."
"Minsan ay magpahinga naman kayo ni Hanz sa trabaho. Hindi na iyon nakakadalaw dito. May mga bagong alak pa naman si Karding sa pagawaan nila ng alak," sabi naman ng isang matanda.
"Sa susunod na full moon po ay wala kaming trabaho kaya pwede kaming pumasyal ni Mr. Hanz dito."
Sumang-ayon naman ang mga ito sa sinabi ni Kuya Migs.
"S'ya nga po pala, si Arissa po, sekretarya ng Young Master."
Bumaling ang tingin sa akin ng walong bagong dating. Pansin ko ang paghagod ng tingin sa akin ng isang babaeng may maikling buhok.
Pinakilala naman ni Ka Temyong ang mga kasamahan nila. Katulad ng sinabi n'ya kanina ay hindi nga mahirap pakisamahan ang mga trabahador ng hacienda. Kahit na kakilala pa lang nila sa akin ay magaan na agad ang loob ko sa kanila.
Maliban na lang doon sa babaeng maikli ang buhok na kasama ni Shay—si Dani.
Kung kanina ay tinatapunan ako nito ng mapanuyang tingin, ngayon naman ay malimit ko itong nahuhuli na iniirapan ako.
Napapataas ang isang kilay ko. Anong problema ng babaeng ito? Nakikita ko sa kanya iyong lobong kasama ni Rocus. Pareho silang tila may tinatagong galit sa akin.
Pero bakit? At ano ang ikinagagalit nila?
Ngayon ko lang napansin na maputla rin ang kutis ni Dani. Hindi katulad ni Shay na kayumanggi ang balat. Kahit na bilad sa arawan ay parang hindi manlang ito umiitim.
Anong sabon mo ate? Char!
Nang matapos ang lunch namin sa bukid ay napagpasyahan na namin ni Kuya Migs na bumalik sa hacienda. Kahit na no'ng una ay pinilit pa n'ya akong mamasyal muna sa taniman pero tumanggi ako.
"Juri, iho! Samahan mo sina Migs at Arissa pabalik ng mansion. Marami silang dalang basket. Mabigat din ang isang basket ng mansanas at dalanghita."
Napatingin ako sa lalaking tinawag ni Ka Temyong.
May apples at oranges kasing pinadala si Nanay Rina para kay Tyron. Maganda raw kasi sa katawan ang fresh na prutas para mabilis na mawala ang sama ng pakiramdam nito.
Lumapit sa amin ang lalaking nag-ngangalang Jiru.
At habang papalapit ito nangilabot agad ako sa klase ng matalim nitong titig sa akin. Wala itong ibang tinitingnan kundi sa gawi ko kaya nasabi kong sa akin ito nakatingin ng masama.
The guy's intense stare and those gray eyes' glaring at me, reminded me of Rocus' wolf.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top