Kabanata 26
"Luto na!" sigaw ko habang pinaparada sa mesa ang inihaw naming barbeque. Humiyaw sila sa tuwa habang pinapatunog nila ang kutsara sa aming plato.
Natuloy nga ang outing namin. Sa isang tahimik na beach na hindi naman kalayuan sa mamamayan ang pinili naming lugar. Walang cottage dito, kaya kanya-kanya kami ng dala ng mga gamit na matutulugan, pagkain at makakainan. Kumuha pa ng isang truck si Sir Mike para makapagdala kami ng mga gamit.
"Argh! Masarap sana itong ipulutan sa inumin," ani sir Mike habang tinatakam ang isang stick ng isaw. "Kaya lang 17 pa lang kayo."
"Ang alcohol lang ang pinagbabawal sa amin sir pero ang lambanog ay hindi!" masayang sabi ni Dave habang dahan-dahang inilagay sa mesa ang isang gallon ng lambanog. Kumakaway pa ang mga kamay ng kanyang kakambal na si John Carlo, na parang isa itong gintong award.
"Takte! Saan mo nakuha 'yan?" Mula sa liwanag ng buwan at ilaw na nanggaling sa bonfire ay nakita namin kung paano lumaki ang mga mata ni Carlo sa tuwa.
"Secret," ani John Carlo na sinundan ng halakhak.
"May alcohol din 'yan, kaya nakakalasing din ang lambanog," sabi ni Karen.
"Kunti lang, pagnasobrahan ay malalasing ka talaga. Kaya girls, bawal ito sa inyo, sa amin lang 'tong mga lalaki," nakikisabay na ring sabi ni Sir Mike.
"Hindi ba kami excepted sir? Nandito tayo para magsaya," nakasimangot na sabi ni Katheren.
"Mapapatay ako ng mga magulang ninyo, sabihin pang tinuruan ko kayo. Grumaduate muna kayo bago kayo tumikim ng ganito."
"Nahuhuluan ko ng maaga tayong matutulog girls at maiiwan ang mga boys para ipagpatuloy ang pagsasaya," komento ni Dian bago hinimas ang dala-dalang bola ng krystal.
Napapailing kami habang ipinagpatuloy ang pagkain. Tahimik lang sa tabi ko si Daryl, sanay na kami dahil isa siyang tao na kapag oras niyang dumadal ay nagsasalita siya pero kapag oras naman niyang tumahimik ay parang babasaging pinggan. Hindi mahulaan ang iniisip.
"Gusto mo ng isaw?"
Gulat akong napatingin kay Daryl nang bigla siyang magtanong. Napapangiti akong tumango. Kumuha siya ng isaw na katabi lang niya, at nagulat ako ng siya na mismo ang kumuha ng stick na tinuhog sa isaw. Sumikdo ang puso ko sa saya.
"Grabe, buhay ka pa pala dude. Nakakatampong si Kim lang ang dahilan para magsalita ka," tukoy ni John Carlo kay Daryl dahilan para mapatingin silang lahat sa amin.
"Hayaan n'yo na guys, ganyan talaga kapag na-inlove ang seryosong tao."
"In-love!" sabay na hiyaw ng mga kaibigan namin dahil sa sinabi ni Sir Mike.
Gulat akong napatingin kay Daryl na nakatingin din sa aming mga kaibigan bago napatitig sa akin. Napalunok ako ng maramdamang uminit ang aking pisngi.
"Baka nga sir, pareho sila ng naramdaman."
Nanlalaki ang mga mata kong napatingin kay Karen. Putek nilaglag pa niya ako. "Ha.ha m-mapagbiro kayo m-masyado."
"Sus! Denial, nabubulol ka nga Kim," napahalakhak na sabi ni Katheren.
Hindi na ako sumagot at naiilang na sumulyap kay Daryl. Kinakabahan akong nag-iwas ng tingin ng sa akin pa rin siya nakatitig. Hindi ko tuloy napigilang ngumiti nang sumilay ang ngiti sa labi niya. Muli ay naghiyawan sila, natapos ang pagkain na kami lang ang kanilang tinutukso.
"Kim, yung totoo, may gusto ka ba sa kapatid mong hilaw?"
Natigilan ako dahil sa prankang tanong ni Katheren. Pagkatapos naming maglaro ng pitik-pitikan ay napagdesisyon naming mga babae na manatili na sa tent para magkaroon naman kami ng oras na magchikahan, samantalang tuloy pa rin ang inuman ng mga kalalakihan.
Dahan-dahan akong napahawak sa aking unan, kahit magsinungaling man ako ngayon ay hindi pa rin sila maninila. Nahihiya akong tumango, muli ay naghiyawan sila maliban kay Karen na napapangiti lang.
"So, alam ito ni Karen?" nagdududang tanong ni Dian.
Tumango ako. "Napansin niya."
"Ang daya, sana sinabi mo pa rin sa amin ni Dian," nagtatampong sabi ni Katheren.
"Hayaan n'yo na si Kim, girls. Kumukuha pa rin kasi siya ng oras para tanggapin ang nararamdaman niya sa kanyang hilaw na kapatid," pagtatanggol sa akin ni Karen.
"Ano namang masama kung mahalin mo siya? Hindi naman kayo magkadugo," ani Katheren na sinang-ayunan nina Dian at Karen.
"Tanggap ko nang nahulog ako sa kanya. Gusto ko sanang aminin pero nahihiya ako, di naman kami pareho ng nararamdaman," pilit na ngiting sabi ko.
"Sa tingin ko ay pareho kayo ng nararamdaman. Mukhang hindi rin maamin ni Daryl sayo," ani Karen.
"Duda ko rin Kim, kanina nga ng tinukso ka namin ay parang masaya pa siya," kinikilig na sabi ni Dian.
Ayaw kong umasa, masasaktan lang ako. Mabait na talaga si Daryl sa akin simula ng bata pa kami. "Puro kayo hula, huwag n'yo na ngang problemahin ang nararamdaman ko. Puppy love lang 'to, mawawala ito balang araw," natatawa kong sabi. "Sige na matulog na tayo."
Napabuntong-hininga sila bago humiga. Tumagilid ako at tumalikod sa kanila, pilit tinatago ang sakit na aking nararamdaman. Duda akong mawawala ito, mukhang bawat araw na magkasama kami ni Daryl ay lalo ko siyang minamahal.
Lumipas ang ilang oras. Rinig ko na ang malalim na hininga ng aking mga kaibigan ngunit ako, heto dilat na dilat at ayaw dalawin ng antok. Napatingin ako sa kanila habang dahan-dahang tumayo at lumabas ng tent. Sinalubong ako ng malamig ng hangin mula sa baybayin. Ang mahinang hampas ng alon ay nagsisilbing musika sa aking pandinig. Napakapayapa, humahaplos sa puso kong nasasaktan.
"Mmm..."
Napatingin ako sa may mesa nang biglang may umungol. Daryl? Nakasubsob siya sa mesa at mukhang iniwan na siya ng mga lalaki. Nag-aalala akong lumapit sa kanya, hindi ba niya nararamdaman ang mga lamok?
"Daryl?" mahinang sabi ko ngunit umungol lang siya. "Daryl, bakit hindi ka pa pumunta sa tent n'yo?"
Dumilat siya, nang makita ako ay napangiti. Umayos siya ng upo mula sa pagkasubsob ngunit natumba ang kanyang ulo dahilan para hawakan ko siya sa dalawang balikat upang hindi siya matumba ng tuluyan sa buhangin.
"K-kate..."
"Lasing ka ba?" Napakunot-noo ako. Gaano kadami ang lambanog na ininum niya para malasing siya ng ganito?
"K-kate..." napapahagikhik siya habang pilit na inaabot ang aking mukha, napaigtad pa ako sa malamig niyang mga kamay.
"Pumasok ka na sa tent ninyo. Malamig dito at malamok."
Hindi siya sumagot. Mukhang tuwang-tuwa siyang makita ang aking mukha na nakakulong sa kanyang mga palad. Pilit pa niyang dinidilat ang namumungay niyang mga mata.
"In-love daw ako sayo," napahagikhik niyang sabi.
Napabuntong-hininga ako ng malalim. Alam kong hindi. "Hali ka na, ihahatid na kita." Pilit kong tinatayo ang kanyang mabigat na katawan ngunit bigla niya akong hinila dahilan para mapaupo ako sa kanyang kandungan. Nanlalaki ang aking mga mata sa gulat, nanigas ang buo kong katawan at nagwala ang puso ko sa pagtibok.
"Tama sila... mahal nga kita."
"A-ano?"
"He...he... mahal kita Kimberly Kate Diaz."
Bago pa ako makabawi sa pagkagulat nang bigla naman niyang tinawid ang pagitan ng mga labi namin. Smack lang pero pakiramdam ko ay umabot ng isang oras bago nawala ang lambot ng labi niya. Ngumiti siya bago bumagsak ang ulo niya sa sandalan ng upuan. Nanghihina ang mga tuhod kong tumayo, napahawak ako sa mesa upang suportahan ang sarili.
M-mahal daw niya... ako... Ma-mahal ako ni Daryl...
"Dude, ano bang ginagawa mo diyan? Matulog na tayo! Oh, Kim, gising ka pa pala." Biglang labas ni Carlo sa tent dahilan para atakihin ako ng hiya.
"N-nagpapahangin lang, ma-matutulog na rin." Hindi pa siya nakakasagot nang tumakbo ako pabalik sa aming tent. Hinihingal akong nagbalot ng kumot at napahawak ako sa aking puso. Para akong mabibingi sa sobrang lakas ng pagpintig nito.
"Good morning."
Nahihiya akong nag-iwas ng tingin. "M-morning," nabubulol kong sabi habang sinisilid ang mga kumot at unan sa bag. Sinilip niya ang aking mukha dahilan para atakihin na naman ako ng kaba.
"Ayos ka lang?"
Paano ako magiging ayos kung bigla ka na lang umamin kagabi? Hindi ako nakatulog dahil doon at hanggang ngayon ay hindi matigil ang pintig ng aking puso! Hinihingal ako matapos sumigaw ang aking utak habang nakipagtitigan sa mga mata niyang nagtatanong.
"May gusto ka bang sabihin?"
Madami pero hindi ko masabi! "Ikaw, may gusto ka bang sabihin?" balik tanong ko sa kanya.
Umiling siya. "Wala."
"Wala?" Ano 'yung kagabi? Wala bang follow-up na mga salita? "W-wala ka bang naaalala kagabi?"
Napaisip siya bago napakunot-noo. "Wala, may nangyari ba kagabi."
Putek! Hindi niya natatandaan! So, parang wala lang ganun? Naiinis ko siyang tiningnan ng masama bago tinalikuran at nagmartsa patungong sasakyan. "Dalhin mo 'yang bag!" tukoy ko sa bag na punong-puno ng unan at kumot.
Masama ang loob ko. Masamang-masama! Paano niya nakalimutan ang importanteng nangyari sa aming dalawa? Pinapasama niya ang kalooban ko.
Hindi ko siya pinansin sa biyahe. Nakipagpalitan pa ako ng upuan ni Dian para lang hindi siya makatabi. Wala ang mga magulang namin nang makarating kami sa bahay, kaya agad akong nagtungo sa kwarto para pakawalan ang luha kong kanina pa gustong kumawala. Napakasakit. Paano niya nakalimutan ang kanyang pag-amin sa kanyang nararamdaman? Pinapaasa lang ba niya ako o baka iniinis lang niya ako?
"Kim, galit ka ba sa akin!" sigaw mula sa labas ng aking kwarto. Kinilabit pa niya ang siradula para buksan ang pinto ngunit ni-lock ko ito.
Napasubsob ako sa aking unan. Pinakawalan ang impit ng aking boses. Mayamaya lang din ay hindi ko na maramdaman ang presensya niya sa labas dahilan para mas lalo akong malungkot. Kailangan ko ng gamot para sa sakit ng aking puso. Napasulyap ako sa kwarto niya nang makalabas ako sa aking silid, mukha ngang wala siyang balak suyuin ako.
Mabibigat ang mga paa kong bumaba ng hagdan at nagtungo sa kusina. Nakita ko ang wine ni tito, walang alinlangang tinunga ko ito. Napangiwi ako nang kumirot ang lasa nito sa aking lalamunan pero wala akong pakialam. Maglalasing din ako para makalimutan ko ang sakit na binigay ni Daryl.
Nangangalahati pa ang bote ng wine nang maramdaman ko ang hilo, pilit kong binubuka ang mga matang pilit ng pumipikit habang pinaypayan ng isa kong kamay ang mukha kong nanginginit at ang isang kamay naman ay patuloy na pinapatunga ng wine ang aking bibig.
"Kim, bakit ka ba naglalasing?"
Napasimangot ako nang kunin niya sa akin ang bote. Pinanlakihan ko siya ng aking mga mata para ipakita ang galit ko sa kanya.
"Anong problema mo? Kanina mo pa ako hindi pinapansin."
"B-bagay lang yun sayo! M-masama ka kasi!" Sinuntok ko siya sa dibdib habang pilit na inaagaw ang bote. Inilagay niya ito sa mesa bago ako hinila palabas ng kusina. Ramdam kong hindi ko maihakbang ng tama ang aking mga paa at lalo akong nahihilo. Pakiramdam ko ay yumayanig ang sahig sa bawat pagtapak ko.
Damn!
----
Salamat po sa pagbabasa.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top