Kabanata 25
Araw ng Competition.
"Relax lang guys. Relax lang," paulit-ulit na sabi ni John Carlo habang pabalik-balik na naglalakad sa aming silid.
"Pinapakalma mo kami kambal pero mukhang ikaw lang naman ang kinakabahan," pang-aasar ni Dave dahilan para mapangiti kami.
Nandito kami ngayon sa aming silid-aralan, hinihintay na matapos ang section 4 sa laban nila ng section 5 sa volleyball, kami kasi ang susunod at ang aming kalaban ay ang section 2. Hinihintay din namin na matapos maglaro ng cheese si Daryl. Alam kong mananalo siya dahil ilang beses na rin siyang nanalo noon sa competition. Ang mga varsity naman sa kampus na ito ay hindi na pinapasali, dahil hindi pa lang nagsisimula ang laro, sila na ang panalo.
Hindi rin nagtagal ay pumasok si Daryl sa silid na nakangiti. "Nangunguna tayo," tukoy niya sa pagkapanalo niya sa cheese dahilan para mapahiyaw ang aking mga kasamahan.
"Maaasahan ka talaga dude. Ganyan nga, ilampaso mo ang mga mayayabang sa section-1," ani Carlo.
Hindi ko talaga alam kung bakit galit na galit sila sa section-1. Naiinis din naman ako pero sa trio lang. Tumayo ako para ibigay kay Daryl ang damit niyang jersey. Nakangiti niyang tinanggap ito at walang pag-alinlangan niyang hinubad ang kanyang t-shirt sa aking harapan. Nanlalaki ang aking mga mata at kinakabahang napalayo sa kanya. May sando naman siya pero bumakat ito sa kanyang katawan, kaya parang nakikita ko pa rin ang tiyan niyang hindi mabato pero hindi naman mabilbil.
"Sa harap ni Kim ka pa talaga nagbihis, Daryl," nakangising sabi ni Karen dahilan para panlakihan ko siya ng mga mata. Baka makatunog pa ang aming mga kasama sa panunukso niya.
Mabuti na lang ay may kanya-kanyang ginagawa ang lahat at hindi na rin nagkomento pa si Daryl.
"Malapit ng magsimula ang laro natin, sa bench na tayo maghintay," ani Carlo.
"Kinikilig?" bulong ni Karen sa akin, nang-aasar bago sumunod sa mga kasama kong lumabas ng silid-aralan.
Natapos na ang laro ng ibang section nang dumating kami. Ilang minuto lang ang warm-up bago kami sumalang.
"Guys, kapag naging number 1 kayo sa volleyball ay mag-beach outing tayo, libre ko," sabi ni Sir Mike pagkatapos naming magdasal.
"Walang bawian 'yan sir huh?" nakangiting sabi ko. "Ipapanalo namin."
Pumito ang referee, hudyat na magsisimula na ang first round. Ang unang serve ay si Daryl ang gagawa, nang pumito ang referee ay naipasok ng lalaki ang bola sa kabilang line ng walang palya ngunit nakuha ito ng kalaban at ipinasa sa amin.
"Mine!" sabi ko bago tinoss kay Dave na tinoss din niya sa kanyang kakambal. Malakas na palo ang pinakawalan ni John Carlo dahilan para bumagsak ito sa kabilang linya.
Napahiyaw sina Dian at Katheren na nasa bench. Nakangiti naman akong lumapit sa grupo, pinag-isa ang aming kanang kamay at sumigaw ng napakalakas. Ang bola ay kay Daryl pa rin. Ilang ulit kaming nagpalitan ng bola. Sa scoring, minsan nauuna kami, minsan nahuhuli ngunit sa huli ay kami ang panalo. Masaya ang grupo pero hindi pa ito ang final para magsaya ng todo. May apat pa kaming laro bago malalaman kung sino ang champion sa free gender volleyball.
Pangalawang araw ng competition. Ang araw ng laban ko.
"Kim, galingan mo!" sabay-sabay na sigaw nina Katheren, Dian at Karen.
Napapangiti akong tumingin sa bench ng scoccer field. Magkatabing nakaupo ang mga kaibigan ko, nagche-cheer habang winawagayway ang baner na may nakasulat na 'para sa crush mo.' Tuloy ay itinake ako ng hiya lalo pa't nasa tabi lang nila si Daryl na seryosong nakatingin sa akin.
"Kim, itutumba ko ang lahat ng kalaban mo kapag natalo ka!"
Nanlalaki ang mga mata kong napatingin sa aking mga katabing kalaban dahil sa sigaw ni Carlo. Naiinis silang lumingon sa akin bago tumingin sa gawi ng mga kaibigan ko. Bigla tuloy may nag-boo sa mga nanonood na agad din namang ginantihan ng magkambal ng boo. Bigla ay parang gustong kong tumakbo at magtago na lang sa pagkapahiya. Mga kalokohan talaga nila, walang pinapalya.
Napapailing akong nag-stretch ng braso at mga binti. Lahat ng warm up ay ginawa ko para maibsan ang kaba sa aking dibdib. Pumito ng ilang ulit ang referee, hudyat na sisimulan na ang laro. Muli akong napatingin sa mga kaibigan ko, nagthumb up sa akin si Daryl dahilan para magkaroon ako ng courage na ipanalo ang laro.
Nagready na kami nang muling pumito, nang marinig ko ang putok ay sinimulan ko nang tumakbo. Pangatlo ako mula sa nauunang babae. Hindi ko kailangang magmadaling tumakbo, kailangan kong magkaroon ng reserbang hangin para magamit ko kapag malapit na ako sa final line. Tunog ng sapatos at hiwayan ng mga studyante ang naririnig ko, nakikisabay pa ang pintig ng aking puso, hindi sa kaba kundi sa pagod na unti-unti ko ng nararamdaman.
Ikaapat na ikot na kami sa soccer field. Ramdam ko na ang pawis na lumalabas sa aking katawan at ang mga binti kong sumisigaw na sa pagod. Ilang ikot na lang, malapit na kami sa final. Sinimulan ko ng bilisan ang aking pagtakbo. Muli ay narinig ko ang hiyawan mula sa aking mga kaibigan nang malampasan ko ang kalaban, ngayon ay pumapangalawa na ako sa nauunang babae. Kunti na lang. Kunting-kunti na lang ay malalampasan ko na ang nangunguna pero tanaw ko na rin ang final line. Malapit na kami dito. Malapit na malapit na. Hindi ako pwedeng matalo, hindi pwede. Para sa section-0, para sa mga kaibigan ko, para sa aming karangalan. Maaabot ko na. Malapit ko ng maabot. Malapit---
"Ahhh!! We love you, Kim."
Pahina nang pahina ako sa pagtakbo, napapangiti habang winagayway ang laso na nagre-representa na ako ang nanalo. Agad akong humarap sa mga kaibigan ko ngunit sa sobrang pagod ay umekis ang aking mga paa dahilan para bumagsak ako sa damuhan. Napangiwi ako ng maramdaman ang sakit sa aking kanang paa.
Mula sa pagkakahiga ay nakita ko ang pagtalon ni Daryl sa bench at pagtakbo palapit sa akin. Agad niya akong tinulungang umupo. Nag-aalala niyang pinahiran ng kanyang palad ang mukha kong punong-puno ng pawis habang ang isa naman niyang braso ay nakasuporta sa aking likuran.
"Ang galing mo Kim," ani Dave nang makalapit sila sa akin.
Tinulungan nila akong tumayo pero napahawak ako sa braso ni Daryl at napapangiwi nang hindi ko maitayo ang aking kanang paa dahil sa sobrang sakit.
"Kim, ayos ka lang?" nakangiti ngunit puno ng pag-aalalang sabi ni Dian.
"Masakit ang paa ko."
Nag-aalala silang napatingin sa aking paa. Sabay kaming nagulat nang walang sabi-sabi ay kinarga ako ni Daryl. Tuloy ay tila, huminto ang mga studyante at napapatingin sa akin.
"A-anong ginagawa mo?" nahihiya kong tanong. Parang gusto ko tuloy takpan ang aking mukha dahil sa pagkapula. Sa gilid ng aking mga mata ay nakita ko pa ang sabay na pagngisi ng aming mga kaibigan.
"Sir, nagka-sprain po siya sa paa, please excuse us," sabi ni Daryl sa mga organizer bago namin nilisan ang scoccer field. Hindi man lang niya pinasagot ang mga ito.
Sa clinic niya ako dinala. Nakasunod lang din sa amin ang aming mga kaibigan. Tahimik silang nakaupo sa kabilang kama habang pinapanood nila si Daryl na nilalagyan ng yelo ang aking paa. Binigyan ako ng gamot ng nurse para mawala ang pamamaga.
"Final na natin sa volleyball bukas, paano ka lalaban Kim?" nag-aalalang tanong ni John Carlo.
Pinalad kaming makapasok sa final at ang aming makakalaban ay ang section-1.
"Nandiyan naman si Katheren o kaya si Dian, sila ang papalit sa akin," pilit na ngiti kong sabi. Pinapalakas ang loob nila pero kahit ako ay dudang makapaglaro ang dalawa. Takot yata sa bola ang dalawang babae.
"Isa ka sa pinakamagaling sa volleyball. Wala kaming aasahan kina Katheren at Dian," maanghang na sabi ni Carlo dahilan para tingnan siya ng masama ng dalawang babae.
"Grabe ka sa walang aasahan," inis na sabi ni Katheren.
"Tama naman ang sinabi ni Carlo, Kath, aaminin n'yo man o hindi. Mababa ang pag-asa nating manalo," komento ni Dave.
"Pasensya na kayo, takot talaga ako sa bola," nakayukong sabi ni Dian.
"Ano ba naman kayo! Huwag kayong mawalan ng pag-asa," pampalakas ni Karen. "Si Kim lang ang wala, nandito pa rin tayong lima. Ang dapat mo lang gawin Kath bukas ay pumasok sa court, kami na ang bahalang kumilos."
"Tama si Karen," sang-ayon agad ni Daryl. "Kath, kapag sa kinatatayuan mo mapupunta ang bola ay umiwas ka agad, dahil may sisigaw na mine sa amin para kunin ang bola."
Malungkot na tumango si Katheren.
"Huwag kayong mag-alala, kapag hindi na masyadong masakit ang paa ko bukas ay maglalaro ako."
Seryosong napatingin sa akin si Daryl, nagsasabing huwag ko ng subukan pero ngumiti lang ako at tumango sa kanila.
Ang huling araw ng competition.
Tahimik kaming nakaupo ni Sir Mike at ni Dian sa bench ng court, samantalang nag-ingay sa kabilang bench ang buong section-1. Kanina pa ako inaatake ng kaba habang pinapanood ang warm-up ng aking mga kasamahan. Hanggang ngayon ay masakit pa rin ang aking paa ngunit hindi na ito masyadong namamaga. Gusto kong maglaro pero ayaw nila akong pasalihin.
Pumito ang referee hudyat na magsisimula na ang laban. Lumapit sa amin ang team-0, sa pangunguna ni sir ay nagdasal kami pagkatapos ay pinagpatong-patong ang kamay sa gitna at sumigaw ng napakalakas.
Si Karen ang unang magseserve, pumasok ito sa kabilang linya ng walang palya. Nakuha ng kalaban ang bola at naibalik sa amin ngunit kay Katheren ito babagsak. Umiwas si Katheren ng sumigaw si Dave ng mine ngunit huli na, hindi naabutan ng lalaki ang bola. Naghiyawan ang kalaban ng pumuntos sila.
"Ayos lang 'yan! Nagsisimula pa lang, babawi tayo!" pampalakas loob ko sa kanila. Mabagal silang kumilos na parang nawawalan na talaga ng pag-asa.
"Galingan n'yo guys!" sigaw ni Dian.
Naipasok ng kalaban ang bola na nakuha naman ni Carlo, pinasa ng lalaki kay Dave na pinalo ng huli ngunit matalas ang mga mata ng kalaban, hindi nawawala sa bola. Nakuha nila ito at naibalik muli sa amin na agad ding nakuha ni Daryl. Pinasa ni Daryl kay Dave na sinapak ni Carlo, napasigaw kami ni Dian ng bumagsak ito sa linya ng kalaban.
Ilang ulit nagpalitan ng bola, huli kami ng apat na puntos nang ni isa ay walang maipasok si Katheren nang siya ang magserve at nang sumalang si Dian. Pangatlong round na, pagod na pagod na ang buong team. Napatayo ako sa aking kinauupuan nang matumba si John Carlo sa semento. Namimilipit sa sakit nang tinatayo siya ng aming mga kasama. Paika-ika akong lumapit sa referee nang pumito siya.
"Papasok ako." Kasama ako sa team, madidisqualified kami kapag hindi pa ako pumasok. Ito na rin ang tamang oras para maglaro ako.
Bola ng kalaban, nagcross-finger ako na huwag pumasok at mukhang swerte ako sa araw ng ito ng pumalya ang kalaban. Muli ay nagpalitan ng bola ang magkabilang panig nang mai-serve ni Karen kanina ng walang palya.
"Mine!" sigaw ko. Napangiwi ako ng mali na naman ang pagbagsak ng aking paa ngunit naipasa ko pa ito kay Daryl. Napangiti ako ng pumuntos kami. Pumito ang referee, hudyat na break.
Inalalayan akong maglakad ni Daryl papuntang bench. "Kaya mo pa ba?" nag-aalala niyang sabi.
Tumango ako. Kakayanin ko. Agad namigay sina sir Mike at Dian ng maiinom.
"Patas na ang bawat puntos," sabi ni Sir dahilan para mapatingin kami sa scoring. "Kailangan ninyong makaisang puntos para manalo tayo."
Alam kong ang bawat isa sa amin ay kinakabahan. Hindi mapalagay ang mga kasamahan ko sa kanilang kinatatayuan ngunit ang mga mata ay nakafocus pa rin sa bola na ise-serve ng kalaban. Pumasok ito sa aming linya na nakuha agad ni Dave, tinoss niya ito kay Carlo na agad ding binantayan ng kalaban ngunit si Daryl ang pumalo dahilan para magulat sila at hindi makuha ang bola.
Napapangiti akong umupo, samantalang nagtatalon ang aking mga kasamahan, sinisigaw ang section-0.
"Panalo tayo!" nakangiti kong sabi kay Daryl habang inaalalayan niya akong tumayo. "Group hug!" Napatawa ako ng sinugod nila kami ni Daryl ng yakap, sinama pa nila si Sir Mike. Sabay kaming nagtawanan ng dumikit ang pawis namin sa isa't isa.
Ang section-0 ay pinakahuli sa listahan ng competition. Volleyball (free gender), Chess (men), track and field (running women) at drawing (women) lang ang aming naipanalo, na may score na 38, malayong-malayo sa nangunguna sa listahan na may score na 210.
Pero kahit ganun ay masayang-masaya pa rin kami dahil may nasungkit pa rin kaming tagumpay.
----
Salamat po sa pagbabasa.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top