Kabanata 2
Napakanta ako ng 'Gulong ng Palad' habang nagpepedal. Ilang ulit rin akong napahagikhik habang inaalala ang mukha ni Daryl. Sigurado akong hindi na rin iyon maipinta. Akala niya makakaligtas siya sa akin ngayong araw, nagkakamali siya! Hindi ako makakapayag na ako na lang ang laging nabubwesit sa kanya at mas magdidiwang ang puso ko kapag na late siya sa unang klase.
Naiinis kasi ako sa pagka-punctual niya. Hindi naman kalayuan ang paaralan namin sa bahay. Pwedeng lakarin pero kung makapasok siya sa umaga 'kala mo doon na talaga sa paaralan nakatira.
Masyadong pasikat!
"Good morning sa pinakagwapo naming guard," bati ko sa hindi katandaang lalaki.
"Kimberly, unang pasukan pa lang. Kung inaakala mo na papayagan kitang lumabas at mag-cutting classes, kalimutan mo na. Na-warningan na ako at ayaw kong tuluyang matanggal sa trabaho," nakasimangot niyang sabi.
Mahina akong napatawa. "Nagbagong buhay na po ako."
"Sus! Saka mo na sabihin 'yan kapag natapos mo ang buong school year na 'to."
"Si manong talaga. Wala ka bang tiwala sa akin?"
"Wala!"
"Grabe siya! Hindi man lang pinag-isipan."
"Ohsya! Pumasok ka na. Huwag mo akong daldalin, may trabaho pa ko."
"Oh sige, goodbye sa pinakagwapo naming guard."
"Dah! Lahat kami dito, sinasabihan mo ng ganyan."
Napatawa ako sa sinabi niya. Lahat ng guard ay kaibigan ko. Kailangan, para palabasin nila ako kapag tinatamad akong pumasok sa klase. Dumiretso ako sa parking area. Isinandal ang aking bike sa maliit na poste at kinadinahan ito't kinandado. Kahit private itong paaralan namin, marami pa ring mga pasaway na nagnanakaw ng bike. Pagkatapos ay masaya akong naglalakad sa malawak na ground habang binubusog ko ang aking mga mata sa mga malalaki at malalabong na dahon ng akasya.
"Pepeeeppp...."
Napalingon ako para lang mapasigaw habang nanlalaki ang mga matang nakatingin sa lalaking paparating. Nakasakay ito sa skater board. Mabilis ang takbo at ang loko ay wala man lang balak na huminto. Sa sobrang kaba na baka mabangga ay umatras ako dahilan para mapaupo ako sa semento.
"Hoy! Kung hindi ka marunong gumamit ng skater board, sirain mo!" galit kong sigaw sa lalaking walang pakialam kung makasagasa siya ng ibang tao.
"Ayos ka lang?"
Nagulat ako nang tumambad sa aking harapan ang kaparehong mukha ng lalaking nakasakay ng skater board kanina. Palipat-lipat ang tingin ko sa lalaking gumawa ng hit and run at sa lalaking nasa harapan ko ngayon.
"Si John Dave Mercado 'yon, kakambal ko. Pagpasensyahan mo na. Masakit ba?" Nakangiti niyang sabi habang tinutulungan akong tumayo.
"Hindi naman."
Tukmol 'yon! Masakit ang puwet ko!
Hindi man lang nag-sorry. Walang konsensya! Mabuti na lang mabait itong kakambal niya.
"Hindi naman pala. Sige mauna na ako. By the way, John Carlo Mercado ang pangalan ko!" sabi niya habang nakasakay ang kanang paa sa skater board at tulak-tulak ng kaliwa niyang paa.
Napanganga ako sa mga walanghiyang tumakas.
"Wala akong pakialam sa pangalan n'yo!"
Bwetit! Ayos na ako eh. Nakatagpo pa talaga ako ng dalawang tukmol na sisira ng araw ko. Malilintikan sa akin ang mga 'yon kapag nag-krus muli ang aming landas.
"Sinong siga diyan? Lumapit kayo sa akin, suntukan tayo!"
Napalingon ako sa lalaking nakatungtong sa upuan dito sa labas. Umiiwas ang mga babaeng studyante na dumadaan sa tabi niya. Ang mga lalaki naman ay tinitingnan lang siya.
Siga?
Itinaas ko ang manggas ng aking uniform at nagmartsang lumapit sa kanya.
"Ako! Sige suntukan tayo!"
Gulat siyang napatingin sa akin at mayamaya lang din ay napahalakhak ang loko.
"Pasensya na, miss beautiful pero hindi ako lumalaban sa babae." Nakangiti siyang bumaba sa upuan. Hinaplos pa niya ang tirik na tirik niyang buhok na parang manok. "Carlo Montes pala, kung iyan ang dahilan ng paglapit mo sa akin. Harmless nam---- sandali, saan ka pupunta?"
Walang kwenta!
Napatirik ang mga mata ko sa inis. "Hindi ako interesado sa'yo!"
Mabibigat ang mga paa kong naglakad sa basketball court. Ang akala ko ay wala ng nakakabwesit pa kay Daryl pero nagkamali ako, may mga tao pa palang nilikha para pasamain ang araw ko.
"Ops! Wait lang."
Pinandilatan ko ang babaeng dinaig pa ang porma ng mga baklang rarampa sa entablado. Kung makaharang siya sa daan, 'kala mo siya ang may-ari ng buong paaralan. Hindi niya ba nakikita sa mukha ko na hindi na ito maipinta?
"Umalis ka sa harapan ko kung ayaw mong sipain kita diyan!"
"Ai, gusto ko 'yan sis. Kunwari nahimatay ako dahil sa pagsipa mo sa akin tapos magsisilapitan ang mga gwapong basketball player. Bubuhatin ako ni Dane Zamora na parang isang prinsesa tapos hahawak ako sa matipuno niyang dibdib."
Napangiwi ako nang tumili siya. Parang babaeng masakit ang puson pero hindi makaihi. Nak ng---! Timang ba 'to?
"Miss Katheren Reyes?"
Sabay kaming napalingon sa nagsalita. Pinilit kong ngumiti nang makita ang matalinong guro na si Ma'am Angel Perez, adviser siya ng seksyon-1.
"Yes, ma'am?" sagot ng babaeng katabi ko.
"Bakit kulay dilaw ang buhok mo?"
"Uso po 'to sa America, ma'am"
"Dah! Natural na kulay nila 'yan." Hindi ko napigilang hindi mapasabat.
"Nilalamig ka ba?" Nakakunot noong sabi ni ma'am.
Napahagikhik ako. May sira yata sa ulo ang babaeng ito. Ang init-init ng Pilipinas pero naka-jacket siya ng mahaba 'kala mo nasa Korea.
"Sa Korea po kasi ako nagbakasyon, ma'am. Nasanay na po. Ang ganda po di ba?"
Napapailing ako saka binirahan ng alis. Baka masira rin ang utak ko kapag nagtagal pa ako doon.
"Ah, Miss?"
"Urgh! Tantanan n'yo ako?"
Nangigigil kong itinaas ang mga kamao. Nakakainis! Nakakainis! Nakakainis!
Isang babaeng naka-breeze at nakasalamin sa mata na naman ang humarang sa akin. "Ano?" Hindi ko mapigilang hindi siya masigawan.
Pilit siyang ngumiti. "Hula ko masama ang araw mo."
"Obvious naman sa mukha ko di ba?"
"Ako pala si Dian de la Torre, isang manghuhula. Gusto mo hulaan ko kung anong rason?"
Napupuno na ako ng inis habang pinagtagpo ko ang aking mga ngipin. Nangangati na ang mga kamao kong manuntok at magwala. Bakit ang daming bwesit sa mundo?
"Nahuhulaan ko na ring lilipad itong kamao ko sa mukha mo kapag hindi ka umalis sa harapan ko."
"Ah, gan'on ba! Sige mauna na ako!"
Napapikit ako ng mariin nang kumaripas siya ng takbo. Pinilit kong pakalmahin ang sarili na malapit ng mag-apoy sa sobrang inis.
Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ko bago ako pumasok sa building. Sana pagdating sa silid ay wala ng mambwesit sa akin. Matahimik na sana ang araw ko.
"Karen Dominggo, ang ganda ng pangalan ko."
Napatingin ako sa babaeng nagsalita at laking gulat ko nang makita ang pangalan niya sa dingding. Gamit ang color spray ay masaya itong nagdoodle na 'kala mo mabubura lang ang ginagamit niya. Nakangisi itong tumingin sa akin habang ang isang hintuturo ay nasa bibig.
"Ssshh... huwag kang maingay," nakangisi niyang sabi.
Napasip din ako sa aking bibig. Kapag nag-ingay ako ngayon baka madamay pa ako.
"What are you doing?"
Hindi ako makakilos nang makita si Ma'am Loreine Katakutan, isang mabangis naming principal. Pangalan pa lang niya ay nakakatakot na.
"Both of you, in my office, now!"
"Tayka...tayka, Ma'am wala po akong kasalanan!" paliwanag ko ngunit bingi na si Ma'am sa katotohanan.
Nagmamadali itong nagmartsa paalis habang nakasunod sa kanya ang nakangising babae. Nanghihina akong napaupo sa sahig. Ang bilis naman ng karma ko kay Daryl. Ang daya, hindi pa ako nakapagsaya. Nakakainis! Ngayon ay hindi ko na talaga kayang pigilan! Puputok na ang dibdib ko sa galit!
"Urgh! Nakakainis! Gusto ko ng patayan! Yamashita, McArthur at kung sino ka pang nono sa punso, magpakita kayo sa akin! Gusto ko ng world war 3!"
"Ilang granada, bomba, bazooka at armalite ang kailangan mo?"
Napangisi ako dahil sa tanong ng aking bad inner self. "Marami! Maraming-marami! Yung kayang pasabugin ang paaralang ito."
"Kate masama iyang iniisip mo. Makukulong tayo sa binabalak mo," reklamo ng aking good inner self.
Inis kong sinabunutan ang aking buhok at mabibigat ang mga paang sumunod sa dalawang taong umubos ng pasensya ko.
"Ma'am, wala po talaga akong kasalanan," pagmamakaawa ko sa principal.
"Don't make me stupid, Diaz! Naabutan kitang kasama si Dominggo!"
"Napadaan nga lang po ako."
"Napadaan? Kayo lang dalawa ang nandoon. And knowing your background, hindi ko nakakalimutan kung ilang ulit tayong nagkaharap nitong nakaraang taon."
Inis akong napatingin sa babaeng tila kinakausap ang sahig para bumukas ito at lamunin siya. "Ano bang problema mo? Magsalita ka! Sabihin mong hindi talaga tayo magkakilala!"
"Pero kilala kita, ikaw si Kimberly Kate Diaz, ang babaeng inakyat ang gate nung December para lang mag-cutting klases."
Nanggigigil kong hinilamos ang mga palad sa mukha. Ang sarap niyang hampasin. "Hindi mo na kailangang ipaalala 'yon!"
"See? Even Dominggo, knew you well."
"Ma'am hindi ko po talaga siya kilala."
"Pero magka-klase tayo nung Grade 9 – Seksyon 8."
"Tumahimik ka! Hindi ka nakakatulong!" galit kong sigaw sa babaeng walang ibang ginawa kundi ipahamak ako.
"Enough, Diaz! Both of you, face your punishment. You need to clean all the comfort rooms for one month."
"What!"
Pinaparusahan ba ako ng mundo para ipapasan sa akin ang lahat ng problema niya? Ang gusto ko lang naman ay maging masaya pero bakit hindi ko makamit? Kahit abot-kamay ko na ay may mga kamalasan pa ring dumidikit sa akin at pinapalitan ng lungkot ang sayang nararamdaman ko. Kahit sa panaginip ay binabangungot ako.
"Kim, I'm sorry. Hindi ko sinasadya."
"Pakiusap, lumayo ka muna sa akin, baka hindi kita masanto."
Para akong zombieng naglalakad sa hallway. Unang araw pa lang ng pasukan ay marami na akong nakilalang mga weirdo. Mga weirdong nagbibigay sa akin ng kamalasan. At higit sa lahat, unang araw pa lang ay nakaharap ko na ang principal at naparusahan. Ang upuan ng opisina ni ma'am Katakutan ang una kong naupuan.
Aaminin kong gumagawa ako ng paraan para bwesitin at maging masama si Daryl sa mata ng iba pero wala akong tinatapakan na ibang tao. Bakit ang daya ng karma? Masyadong madaming tao ang kinuntsaba niya para bwesitin ako. Nakakainis! Ang unfair niya masyado. Magsyota ba si Tadhana at si Daryl para pahirapan nila ako ng ganito?
"Wow! Is this a coincidence? Kim, seksyon-0 ka din?"
Wala sa sariling napatingin ako sa taas ng pinto.
Grade 11, Seksyon 0 – Special Brain?
"Yeh! Classmate tayo!"
No!
"Hi, Kim!"
Nooo!
"Oh, hi miss beautiful!"
Nooooooooooooooooo! Hindi pwede! Hindi!
"Nahulaan ko na ang susunod na mangyayari sa'yo, magkaklase tayo. Yehee!"
Nanghihina akong napaupo sa sahig. Binibiro ba ako ng tadhana? Bakit ako ang napagkatuwaan n'yang paglaruan? Bakit nandito sa section ko ang lahat ng weirdong nakilala ko?
Hindi pwedeng maging kaklase ko sila! Ayaw kong maging kalbaryo ang buong school year ko. Maaga akong mamamatay!
"Akala mo mahuhuli ako?"
Tuluyang nagwala ang isip ko nang marinig ang boses niya. Pakiramdam ko ay mababaliw ako ano mang oras. Lahat ng lakas ko sa katawan ay biglang nawala. Parang kakapusin ako ng hininga at pagod na pagod ako sa dahilang wala na akong katahimikan. "D-daryl? B-bakit ka... nan...dito?"
"Is not obvious? We're classmates," sabi niya bago ako iniwan, pumasok sa loob at umupo sa napiling upuan.
What the heck happen to the world? Hiniling ko kanina na gusto ko ng patayan pero nagbago na ang isip ko, hindi pa ako handang mamatay at ayaw kong maranasan ang kalbaryo sa buong school year. Utang na loob, kamalasan, lubayan mo ako!
----
Salamat po sa pagbabasa. Love you.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top