Kabanata 18

Kaba na may halong takot.

Hindi ko talaga gusto ang pakiramdam na ito. Para akong susuong sa isang trial court at naghihintay ng mga nakakamatay na tanong ng mga abogado. Nakakaba. Nakakatakot. Nakakahimatay.

"Ang tagal nila. Lalong tumatagal, mas lalo akong kinakabahan," sabi ni Karen bago mabilis na ikiniskis ang mga palad.

"Ang sabi ng aking bolang crystal ay papasa tayong lahat," kumpyansang sabi ni Dian na agad sinang-ayunan ni Katheren.

"Tama. Naghirap tayong mag-aral kaya dapat tayong pumasa."

Malalim akong napabuntong-hininga. Inaalis ang kabang nararamdaman. Ilang ulit ko ring ginalaw ang aking mga paa.

"One. Two. Three. Four... S-sige lang mga bro, hindi tayo dapat sumuko," pampalakas na sabi ni Carlo habang sumasabay sa pagpupush-up sa dalawang kambal.

"Para kay Kim!"

Malalim akong napabuntong-hininga. Kailangan naming pumasa para sulit ang aming paghihirap. Maglalaklak ako ng tubig, oras na ma-failed kami sa exam na ito.

Napatingin ako sa may pinto nang pumasok si Daryl.

"Umayos na kayo, parating na ang mga guro," sabi niya sa tatlong lalaki. "Relax lang, huwag ninyong masyadong isipin baka ma-mental block pa kayo." Lumapit siya sa akin at binigyan ako ng isang bottle na tubig. "Galingan mo. Ayaw mong magpatalo sa akin di ba? Ngayon pa lang dapat habulin mo na ang mga grades ko."

Napasimangot ako. Ang yabang! "Makikita mo masasali ang pangalan ko sa top 50 honorable student."

Napangiti siya, samantalang gulat namang napatingin sa akin ang lahat naming kaklase.

"Grabe Kim, ang taas ng pangarap mo. Magpapari ako kapag nakita ko ang pangalan mo sa bulletin board ng Top 50 honorable student," biro ni John Dave na sinabayan ni Karen.

"Magmamadre din ako."

Napasimangot ako. "Ngayon pa lang ay mag-aral na kayong magdasal."

"Napasubo ka kambal," bulong ni John Carlo sa kakambal niya.

"Huwag kang mag-alala, duda akong maaabot niya iyon."

Putek! Ang supportive nilang kaibigan. May pasumpa-sumpa pa sila sa kontrata, in success and in failure daw, tche!

"Papakasalan kita Kim, kapag nakuha mong makaabot sa top 50."

Inis kong binato kay Carlo ang nilukot kong papel. "Pwede ba lumayas kayo sa harapan ko. Nakakapikon na kayo, baka kayo pa ang dahilan nang pagbagsak ko sa exam."

Napatawa sila dahilan para mapasimangot ako.

"Good morning class," bungad ni ma'am Katakutan nang makapasok siya sa aming silid. Kasama niya sina ma'am Angel Perez at si Sir Mike de la Cruz, na may malaking ngiti habang nakatitig sa dalagang guro.

Tumayo kami at sabay na bumati sa kanila. Pareho silang nagulat sa aming ginawa. Kailangan naming magpakabait, baka maawa pa sila sa amin at bigyan kami ng malaking marka. Lumabas na din ng silid si Daryl, hindi naman kasi siya kasali sa exam.

"Kailangan ninyong ipasa ang lahat ng subject para tuluyan nang makabalik si Miss Diaz sa pag-aaral, 50 items in every 8 subjects, so, total of 400 items. Out of 50, 27 is the passing score."

Napaungol kami sa sinabi ni Ma'am Katakutan, hindi pa niya ginawang 25. Kainis. Napatitig ako sa text paper na nilagay ni sir Mike sa aking arm chair, Math, ang subject na nakakaduga ng utak pa ang nauna. Sana lang gumana pa ang utak namin sa susunod pang subject.

"Read the following. Cheating is not allowed, we will monitor all of you. Kaya kung may kalokohan kayong gagawin, kalimutan n'yo na. Answer all the numbers honestly, now start answering."

Kung marunong magsalita itong utak ko ay kanina pa siya magsusumigaw. Bagsak na bagsak ako pagkatapos ng buong araw sa pagsusulit. Ayaw nang gumana nito na parang gusto na lang matulog ng dalawang araw. Kakainis.

"Watch out!"

Malamya akong tumingin kay Daryl nang bigla na lang niya akong hilahin palapit sa kanya. Nakakunot ang kanyang noong nakatitig sa akin.

"Gusto mo bang magpasagasa?"

"Di na nagwa-warning ang utak ko," pagod kong sabi.

Napabuntong hininga siya ng malalim bago itinali ang kamay ko sa kanyang panyo. Hila-hila niya ako habang papauwi kami ng bahay.

"Bakit ba kayo nandito?" tanong ko sa mga kaklase namin kung bakit sila nandito. Kakain na sana kami ng hapunan nang bigla silang kumatok sa aming pintuan. Napilitan tuloy mag-order si Daryl ng pagkain dahil para sa amin lang naman ang niluto niya. Hanggang ngayon ay hindi pa kasi umuuwi ang magaling naming magulang. Baka nga nakalimutan na nilang may anak pa sila.

"Ako kasi ay hindi makatulog kahit pagod na pagod ang buo kong katawan. Nagkainsomia ako bigla," sabi ni Katheren.

"Ako naman, hula ko lang na nandito kayo kaya pumunta na rin ako dito," ani Dian.

"Wala akong kasama sa bahay, ang boring," segunda ni Carlo.

"Maglalaklak kami dito ni kambal."

"Oo," sagot ni John Carlo sa sinabi ni John Dave.

Sinalinan ni Daryl ang baso ng magkambal na isahang beses lang nilang nilagok.

"Gusto kong makitulog, nakakarinding makinig sa away ng mga magulang ko," ani Karen.

Napabuntong-hininga si Daryl na sinundan ko. "Kung kailan wala na tayong group study, saka pa kayo nagpupursigeng pumunta rito."

"Daryl, hayaan mo na sila. Nandito lang sila dahil nakakakabang maghintay ng resulta sa exam," sabi ko dahilan para tumango sila.

"Makakapasa kayo," ani Daryl dahilan para mapatingin kami sa kanya. "Nag-aral kayong mabuti, tiwala lang sa kakayahan ninyo." Tumayo siya. "Ilagay na ninyo ang mga sofa sa gilid. Kukuha lang ako ng higaan, dito na tayo matulog lahat."

Nagtataka kaming napatingin sa papaakyat na si Daryl pagkatapos ay nagkatinginan kami at sabay ding nagkibit-balikat.

"Himala, si Daryl ba talaga 'yun?" hindi makapaniwalang sabi ko na sinagot ni Karen.

"Nauntog yata kanina."

Nandidilat ang mga mata kong napatitig sa ceiling at kunot noong napatingin sa kanan at kaliwa. Putek! Bakit ba ako napapagitnaan ng dalawang lalaki? Ano bang nangyari kanina? Tama! Naunang humiga si John Carlo na tinabihan ni John Dave, ni Karen, ni Katheren, ni Dian, ni Carlo, ako at si Daryl. Anak ng--- utang na loob patulugin sana nila ako.

Pinilit kong matulog ngunit agad ding dumilat nang may marinig akong bulungan. Kunot-noo ko silang tiningnan, nang mapansin nilang gising ako ay sabay nilang nilagay ang hintuturo sa labi at sumenyas na huwag akong maingay. Dahan-dahang lumapit ang magkambal kay Daryl at halos magdiwang ang puso ko nang lagyan nila ng ink ang hinlalaking daliri ni Daryl pagkatapos ay dinikit sa kontrata namin. Nakakuha sila ng thumb mark sa lalaki ng walang kahirap-hirap.

Sabay kaming tumawa ng walang tunog nang iwagayway ni Dave ang kontrata. Dahan-dahan din kaming humiga na parang walang nangyari.

Magwawala ang hilaw kong kapatid kapag nalaman nilang kasali na siya sa kontratang puro naman kalokohan.

Pagkatapos ng aming ginawa ay malalim na ang paghinga ng mga kasama ko, hudyat na nakatulog na silang lahat. Napapabuntong-hininga ako at sinimulang bilangin ang pako ng ceiling. Hindi pa ako nakakaabot ng sampu ay naramdaman kong gumalaw si Carlo. Sumagi ang braso niya sa akin. Hindi rin ako makausog dahil maliit na lang ang distansya namin ni Daryl.

Putek! May kwarto naman ako, bakit ba ako nakikitabi sa kanila?

Kung mababatukan ko lang ang aking sarili ay gagawin ko na sana. Hindi ko alam kung bakit nakikienjoy ako sa kanilang matulog ng magkatabi. Hindi tuloy ako madalaw ng antok. Naramdaman ko ring tumagilid si Daryl at humarap sa akin ngunit ang mas nakakagulat ay ang pagyakap ng braso niya sa aking baywang at hinila ako palapit sa kanya. Nahugot ko ang aking hininga nang maramdaman ang hangin mula sa kanyang ilong na tumatama sa aking pisngi. Nanigas ang buo kong katawan ngunit pinilit ko pa ring lingunin siya. Ilang ulit akong namilik-mata nang masiguradong sobrang lapit ng aming mukha.

Ngayon ko lang siya natitigan ng matagal. Mahahaba pala ang kanyang mga pilik-mata, may matangos na ilong at mapupulang mga lab--- putek! Ano bang pinagsasabi ko? Maghunus-dili ka Kimberly Kate Diaz! Ano bang kinabibilis ng pintig ng puso mo? Nakalimutan mo na bang mortal mong kaaway ang hilaw mong kapatid? Wala kang karapatang humanga sa kanya!

"Matulog ka na."

Nanlalaki ang aking mga mata. Mahina ngunit sapat na para marinig ko. Tangjuice! Gising ba siya mula pa kanina? Isa kang nakakahiyang halimbawa Kimberly!

American Era

Nararamdaman kong mahigpit ang pagkakahawak ng aking amo sa aking tali. Isa akong Dalmacian pero hindi ko alam kung bakit ako ang ginawa niyang detective sa lahat ng mga misteryong nangyayari sa buhay niya. Gamit ang aking pandinig at amoy ay binaybay namin ang mga ugat ng kanyang katawan, hinanap kung saan nagmumula ang malakas na tambol.

"Bilisan mong hanapin ang tambol, kapag lalong tumatagal, lalo akong kinakabahan," reklamo niya na nagpalabas ng aking pangil.

Nakakarindi ang mga reklamo niya. Wala naman siyang ginawa kundi umasa sa akin. "Malapit na tayo, amo," inis kong sabi bago kami nakarating sa malaki niyang puso.

Napanganga siya sa gulat samantalang bored naman akong umupo at tumingin sa puso niyang pinalilibutan ng mga nagtatakbuhang kabayo na mukha ng mortal niyang kaaway na si Daryl. Nakangisi ito habang nakatingin sa kanya.

"Malulunod ka sa akin!" sabi ni Daryl na sinundan nito ng halakhak.

"Hindi!" sagot ng amo kong denial.

"Malulunod ka dahil sa pagmamahal mo sa akin!"

"Hindi!"

Napabalikwas ako ng bangon habang habol ko ang aking hininga. Takte! Binabangungot ako. Humahalakhak daw si Daryl sa panaginip ko habang ako ay nalulunod sa sarili kong mga dugo.

Inis kong ginulo ang aking buhok. Mababaliw na ako! Bakit ba kasi niyakap pa niya ako kagabi? Takte!

"Malalate ka kapag hindi ka pa bumangon riyan!"

Gulat akong napatingin sa kanya. Nagtataka naman siyang tumitig sa akin bago ako iniwan at pumasok sa kusina.

Kung makaakto ay parang walang nangyari kagabi! Isa kang malaking tukmol Daryl, nagpapagulo ka lang sa nararamdaman ko!

"Kim, ayos ka lang?"

"Huh?" nagtataka akong napatingin kay John Dave.

"Gigil na gigil mong pinagtagpo ang mga ngipin mo. Para kang asong ano mang oras ay manglalapa," ani John Carlo na tinanguan ng kanyang kambal.

Inis ko silang hinatid ng tingin nang pumasok sila sa kusina. Padabog akong tumayo at sumunod sa kanila, naabutan kong kumakain na si Daryl at ang magkambal, kalalabas lang din ni Carlo sa cr na bagong paligo.

"Good morning Kim," bati pa nito sa akin bago dumulog sa mesa at makisabay kumain sa tatlong lalaki.

Kumuha ako ng dalawang pandesal, inirapan sila at nagmamadaling tumungo sa aking kwarto, naabutan ko si Karen na nakahiga sa aking kama, at si Katheren na nasa harap ng salamin.

"Good morning Kim," ani Karen.

"Nakatulog ka ba ng maayos."

Hindi, tahimik kong sagot sa tanong ni Katheren.

"Tapos na ako," nakangiting sabi ni Dian nang makalabas siya sa cr, nagmamadali namang pumasok si Karen sa loob. "Good morning Kim, pumasok ka na ngayon dahil nahuhulaan ko ng makakapasa tayong lahat."

Hindi resulta ng exam ang pinuproblema ko kundi sila. Bakit pa ba sila nandito at kung makaakto ay parang bahay nila ito? Nahihiya naman akong totoong may-ari. Putek!

-----
Salamat po sa pagbabasa.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top