Kabanata 1
Kung may huling salita man ako ngayon, gusto ko lang itanong kung bakit hinayaan ng Maykapal na manirahan sa iisang mundo ang mga mababait at masasamang tao?
Simple lang naman ang hiling ko. Gusto kong mamuhay ng masaya kapiling ang aking ina ngunit bakit pinagkaitan ako sa kaligayahang pinapangarap ko? Bakit hinayaan ng tadhana na pumasok sa buhay namin ang taong dahilan kung bakit maaga kong iiwan ang aking ina? Bakit ako pa ang nakakaranas ng ganito kalupit na pangyayari? Bakit itong ganda ko pa ang nahihirapan?
Ang unfair! Hindi ko man lang nagawang pumili ng taong makakasama kong mamuhay. Tinanggalan ako ng karapatan at boses nang walang dahilan. Para akong robot na pagkatapos pakinabangan ay ididispatsa na lang sa kung saan at ang masakit sa lahat ay iyong taong pinagkakatiwalaan mo ay siyang papatay sayo.
"Kim-ber-ly? Nandiyan... ka ba? Papa...rating na...ako...."
Hindi ko napigilang hindi maiyak nang marinig ang nakakatakot niyang boses. Ang boses na nagbibigay kilabot at bangungot sa akin. Pinilit kong bumangon ngunit nawalan ako ng pag-asa nang hindi ako makawala sa jumping rope na nakagapos sa aking mga kamay at paa dito sa aking kama. Ramdam ko ang sakit ng pagkakahigpit nito habang pinipilit kong makawala.
Mas lalo akong kinilabutan nang makita ang tatlong manika ko na wala ng mga ulo. Karumaldumal silang nakahiga sa aking tabi. Nagkalat sa sahig ang mga unan, kumot at mga gamit ko sa eskwelahan. Sa tabi nito ang nakahandusay na si Pooh na wala ng buhay.
Isang tao lang ang alam kong kayang gumawa nito. Ang lalaking tinuring kong kaibigan ngunit trinaydor ako. Ang lalaking dahilan kung bakit nandito ako sa sitwasyon ko ngayon. Ang lalaking pinagkakatiwalaan ko ngunit bakit... bakit niya ako ginaganito?
"Kim...ber...ly? Buksan mo na ang pinto. Ayaw mo bang makaharap si Kamatayan?"
Napaigtad ako nang may kumatok ng malakas sa pinto. Tuluyan akong napahagulhol. Kailangan kong makawala. Kailangan kong makatakas. Ayaw kong mamatay sa mga kamay ni Daryl.
"Sabi ng buksan mo ang pinto! Ano ba!"
Muli kong sinubukan na makawala ngunit napapangiwi lang ako sa sakit.
"Tulong! Tulungan n'yo ako! Ma!"
Naramdaman ko ang sakit ng aking lalamunan dahil sa kasisigaw ngunit hindi ko ito pinapansin. Kailangang may tumulong sa aking makatakas kay Kamatayan dahil hindi pa ako handang makita siya. Muli ay tinawag ko ang pangalan ni mama ngunit wala akong nakuhang sagot. Napakatahimik ng buong bahay.
Nasaan ka na ma? Bakit palagi kang wala kapag kailangan kita? Hahayaan mo na ba talaga akong mamatay sa anak-anakan mo? Hindi mo na ba ako mahal? Ipagpapalit mo talaga ako sa kanya?
Napahagulhol ako dahil sa mga sunod-sunod na tanong ng aking isipan. Masakit isipin na wala sa aking tabi si mama kapag nasa kretikal ang aking buhay. Masakit isipin na binalewala lang niya ako.
"Kimberly! Buksan mo na ang pinto! Papatayin kita!"
Ayaw ko! Ayaw kong mamatay.
"Ma! Tulungan mo ako ma! Tulungan mo ako, papatayin ako ni Daryl! Ma!" Umaasang maaawa siya sa akin at may puwang pa ako sa puso niya.
"Buksan mo sabi!"
Mas lalo akong kinabahan sa bawat kalabog na naririnig. Parang may malakas na pwersang tumatama sa pinto para ito ay mabuksan.
"Wala ka ng magagawa Kimberly! Hindi ka niya tutulungan! Alam mo ba kung bakit? Dahil ako, ako ang paborito niya! Hindi ang walang kwenta niyang anak! Bwahahaha!"
Hilom ako ng aking mga luha habang umiiling. "Hindi totoo 'yan! Mahal ako ni mama! Kapatid lang kitang hilaw at kahit kailan ay hindi ka niya mamahalin dahil masama ka!"
"Hindi mamahalin? Nagpapatawa ka ba? Kung hindi niya ako mahal, bakit ako lagi ang pinapanigan niya?"
"Hindi! Tumahimik ka na! Ayaw kong makinig sa'yo!"
Muli akong napahiyaw nang kumalabog ng malakas. Masakit para sa akin na paniwalain ang sarili sa pagmamahal ng isang ina na kailanman ay hindi ko na maramdaman simula nang dumating ang impaktong si Daryl.
"T*ngna! Sinabi nang buksan mo itong pinto! Hindi ka makakatakas sa akin kahit anong gawin mo! Sa aking mga kamay ka pa rin mamamatay!"
"Hindi! Hindi! Hindi ako makakapayag!"
Hindi ako pwedeng mamatay sa mga kamay niya. Mas nanaisin ko pang magpasagasa at mawalan ng buhay sa kalsada kaysa mamatay sa mga kamay ng masamang tao.
"Tulog ka pa rin ba huh, Kimberly? Bakit hindi ka pa naghahanda para pumasok?"
Napasimangot ako dahil sa sinabi ni mama. Kitang-kita na nga niyang hindi na ako mapakali sa aking kinauupuan. "Bakit ayaw n'yong maniwala sa akin ma? Hindi mo na ba talaga ako mahal?"
"Nak, ang oa mo na. Ikaw lang ang nag-iisip niyan," kampanteng sabi ng nanay ko habang nagwawalis dito sa sala.
Naiinis akong tumayo. Paroroon at paririto ako sa harapan niya. "Bakit hindi ko maramdaman? Palagi na lang si Daryl --- Aray--- masakit 'yon huh!" Nakasimangot kong hinimas ang puwet kong pinalo niya ng walis.
"Kimberly Kate Diaz, ang aga-aga ng tantrums mo."
"Ayaw mo kasing maniwala sa akin. Nagsasabi nga ako ng totoo. Papatayin ako ni Daryl."
"Nak, nanaginip ka lang."
"Kung panaginip lang iyon, paano ninyo ipapaliwanag ang kalat sa kwarto ko? Ang pagkaputol ng ulo sa mga manika ko! Si Pooh na mahal na mahal ko ay wala ng buhay at ang pagkakatali sa akin ng jumping rope? Lahat ba ay panaginip lang?"
Natigilan si mama.
"Ma, may binabalak na masama sa akin ang taong tinuturing mong anak," pinilit kong lumuha ngunit lintik na mga mata, ayaw makisama sa pighati ko.
Nanlalaki naman ang mga mata ni mama dahil sa narinig, mayamaya lang din ay galit na galit itong tinuro ng walis si Daryl na kampanteng nagbabasa ng diyaryo. "How could you do that to my precious daughter, Daryl? Itinuring kita na para kong tunay na anak! Bakit mo nagawang pagtangkaan ang buhay ng anak ko?"
Lihim akong napangiti. Sa wakas, nasa panig na rin kita mama. Alam kong hindi mo ako matitiis.
Galit akong tumingin kay Daryl na hanggang ngayon ay wala pa ring pakialam sa paligid niya. Wala talagang galang ang lalaking ito. Hindi man lang niya nagawang tingnan kahit saglit si mama.
Napatiim-baga akong tinuro siya. "How could you do that to me, Daryl? Itinuring kita na para kong tunay na kapatid! Bakit mo nagawang pagtangkaan ang buhay ko?"
"Nak, linya ko na 'yon eh."
"Inulit ko lang ma, baka hindi narinig ng anak-anakan mo!"
Nanggigigil ako ng napabuntong-hininga lang ang lalaki at dahan-dahang sinara ang diyaryong binabasa. Pinapakita niya talaga sa akin na wala siyang pakialam kahit mamatay pa ako sa sobrang galit. Pwes, hindi ko siya titigilan at hindi ko siya bibigyan ng katahimikan hanggat hindi niya nababayaran lahat ng kasalanang ginawa niya sa buhay ko.
Sana mabaliw siya sa kakabasa!
Walang reaksyon siyang tumingin kay mama. Mas lalo akong nainis dahil hindi man lang niya ako tinapunan ng pansin. "Tita Fatima, makalat po talaga ang anak n'yo. Hindi siya marunong maglinis kahit sa kwarto man lang niya. Nagla-lock po siya kapag natutulog at wala akong planong pumasok sa kwarto ng isang tao na parang hindi babae. Natatanggal ang ulo ng mga manika niya at wala pong buhay si Pooh. Naglalaro rin siya ng jumping rope sa ibabaw ng kama niya bago matulog."
Napanganga ako sa narinig. "Anong gusto mong palabasin? At saka, para sabihin ko sa iyo, may buhay si Pooh. Si Christopher Robin at ang buong pamilya niya ang saksi!"
"You're not acting like your age."
Nanlalaki ang mga mata ko sa sinabi niya. "Iniisip mo bang hindi ko kayang tumayo sa sarili kong mga paa? Na bata pa lang ako at hindi ko kayang alagaan ang sarili ko?"
"Exactly, I'm glad you think about it."
"Ma, nakita n'yo? Hinahamak niya ang pagkatao ko!"
"Totoo naman, nak eh."
"Ma, hindi mo man lang ba ako ipagtatanggol? Ina ba talaga kita?"
"Oo, biologically."
"Ma!"
Hindi ako makapaniwalang tumingin sa magaling kong nanay.
Nakakainis!
Nakasimangot akong tumingin kay Daryl. Hindi ako makapaniwalang hanggang ngayon ay tinuturing pa rin niya akong bata. "Daryl Sanchez, hindi porket matanda ka sa akin ng isang buwan ay pwede ka ng umakto na para kong kuya. Mag-e-18 na ako next year, malapit na akong maging ganap na dalaga."
"Mag-e-18 din ako next year."
"Ah, basta! Wala akong pakialam! Wala kang karapatan na kwestyunin ang mga ginagawa ko sa buhay."
Napaatras ako ng masama siyang tumingin sa akin. Hindi ako dapat matakot sa kanya dahil kapag nakita niya ang kahinaan ko ay tuluyan akong mamamatay.
"Then, leave me in peace. Napupurwesyo mo ang buhay ko sa kaka-imagine mo ng mga bagay-bagay."
"Hindi ako nag-iimagine. Totoo ang sinasabi ko. Napakasinungaling mo! Ma, huwag kang maniwala sa kanya! Nagsisinu---Ma.. Ma, saan ka pupunta?"
"Kakain. Nagugutom na ako, nak."
Inis kong pinalo ang sandalan ng upuan. Hindi ko talaga maaasahan ang nanay ko. Hindi ko akalaing ipagpapalit niya ako sa pagkain.
Nag-aapoy ang mga mata kong tumingin muli kay Daryl. "Kung inaakala mong ikaw ang mahal ng mama ko, nagkakamali ka! Nagugutom lang siya! Na-gu-gu-tom! Ako pa rin ang mahal niya dahil ako ang totoo niyang anak. Saan ka pupunta? Hoy! Huwag mo akong talikuran! Hindi pa tayo tapos!"
Nanggigigil akong sumunod sa kanila sa kusina.
"Sinasabi ko sa'yo Daryl, ampon ka lang!"
"Hindi siya ampon. Tunay siyang anak ng step-father mo," kontra ng nanay ko habang panay ang subo ng pagkain.
Napatingin ako kay Tito. Nakangiti siyang tumango sa akin. "Kain na Kim," yaya niya.
"Balaan mo 'yang anak mo, Tito Daniel."
"Oo, pagsasabihan ko 'yan. Sige na, kumain ka na. Baka ma-late kayo sa unang klase n'yo."
Masama ang loob ko habang tinatapos ang pagkain. Unang pasukan ngayon ng klase. Grade 11 na ako sa Jose Rizal Dipolog High School. Imbes na magsaya ako dahil sa wakas ay madalang ko nang makikita ang pagmumukha ni Daryl pero hindi ko magawa. Ang aga-aga niyang pinapainit ang ulo ko.
Ai, hindi!
Simula nang magpakasal sina mama at Tito Daniel at maging kapatid kong hilaw si Daryl ay hindi na matahimik ang buhay ko. Hindi ko na magawang maging masaya. Kapag nakikita ko siya sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay umiinit ang ulo ko. Nabubwesit ako kahit wala siyang ginagawang masama.
"Ma, Tito Daniel, alis na po ako!" sigaw ko nang hindi ko sila makita sa sala.
"Sige nak, ingat ka!"
Hindi pa rin maipinta ang aking mukha. Hindi ako matatahimik hanggat hindi ako nakaganti. Hindi ako makakapayag na hindi mabwesit si Daryl, hindi pwedeng ako lang.
Nakasimangot kong kinuha ang kulay pink kong bike ngunit natigilan ako nang makita ang kulay blue na bike ni Daryl. Napangisi ako nang may pumasok sa aking isipan. Agad kong hinanap sa aking bag ang matulis kong gunting habang panay ang tingin sa pinto.
Ang malas mo Daryl dahil ako ang unang makakapasok ngayon.
Napangisi ako habang paulit-ulit na sinasaksak ang gulong ng bike niya. Tuluyan akong napahalakhak ng wala na itong hangin. Nagmamadali kong sinilid sa aking bag ang gunting at tinulak ang bike ko palabas. Sa sobrang tuwa ko ay nakalimutan kong sinasakyan pala ang bike. Patuloy lang ako sa pagtutulak hanggang marinig ko ang pinapangarap kong marinig.
"Kimberly Kate Diaz!"
----
Thank you so much to all my lilies and fellas for the support. 💓💓 Love you
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top