Chapter 1 - His Secret Past

Taong 1995

"Tita, bakit kailangan nating umalis sa Cotabato? Bakit hindi sumama sa 'tin si Lola? Sinong mag-aalaga sa kaniya habang wala tayo ro'n?" may pag-aalalang tanong ko.

"Oscar, ilang beses mo nang itinanong sa 'kin 'yan. Maaari bang magpahinga ka na muna?" sagot ni Tita Hilda.

Siya ang nakababatang kapatid ng yumao kong ina. Hindi ko alam kung bakit wala pa siyang nobyo. Maganda naman siya. Siguro naubos ang panahon niya sa pag-alaga sa akin mula nang pumanaw si Nanay noong dalawang taong gulang pa lamang ako. Siya at si Lola ang nagpalaki sa akin dahil mula nang magkamulat ako ay wala na rin akong nakilalang ama.

"Eh. Tita, hindi mo naman kasi sinasagot nang maayos ang tanong ko," ang pamimilosopong sagot ko.

Bumuntunghininga siya. "Naisip kasi namin ni Nanay na mas maganda ang kinabukasan mo kung nasa Maynila tayo. Naalala mo 'yong lalaking dumalaw sa 'tin no'n? Kaibigan 'yon ng nanay mo. Nag-alok s'ya ng trabaho sa 'kin sa Maynila. Bukod do'n, pag-aaralin ka pa raw n'ya."

"Pero nagagawa naman natin 'yon sa Cotabato, ah. Hindi na natin kailangang lumuwas at iwan si Lola," giit ko.

"Masaya ka ba ro'n sa paaralan mo? 'Di nga ba lagi kang napapaaway?" tanong niya.

"Bakit po? Do'n ba sa bago kung eskuwelahan, wala nang mang-aaway sa 'kin? Wala nang mang-aasar na putok sa buho ako?" Ang himutok ko.

"Maaari dahil walang nakakakilala sa 'tin do'n."

"Paano po kung may nagtanong ng tungkol sa mga magulang ko? Magsisinungaling po ba ako?"

"Hindi naman siguro pagsisinungaling kung iiwas ka na lang sa pagsagot. Sabihin mo, wala ka nang magulang. Ayaw mong magkuwento tungkol sa kanila kasi nalulungkot ka," paliwanag ni Tita. Hinawakan niya ako sa kaliwang balikat. "Sige na! Matulog ka na, para masigla ka pagdaong ng barko sa Maynila."


March 1999

Tama si Tita Hilda. Hindi na ako napaaway, isang bagay kasi ang natutunan ko. Hindi ko kailangang maging totoo sa lahat ng bagay para tanggapin sa mundong ginagalawan ko. Sa madaling salita, nahasa akong umiwas kung ang paksa ay tungkol sa ama ko.

Hindi sa pagyayabang. Sikat ako sa iskul namin. Hindi man ako mayaman pero matalino ako, guwapo at magaling sa basketball. Sa kabila niyon, hindi ko pa ring maiwasang malungkot. Ang hirap din pala kapag may itinatago ka. Tanggap nila ako dahil sa mga achievements ko at sa kung anong nakikita nila sa akin. Marami akong naging kaibigan pero ni isa walang nakakaalam kung ano talaga ako. Maliban sa isang ito.

"Oskay, Oskay! Congratulation! Ang yabang ng kaibigan ko, valedictorian lang naman!" sigaw ng isang batang babae.

Siya si Elle. Two years younger than me. Siya ang naging kaibigan ko mula nang dumating kami rito sa Maynila. Ewan ko kung anong may roon sa kaniya. I just feel I can be myself whenever I am with her. Ganoon ako kakomportable sa kaniya. Mala-anghel kasi ang mukha niya, mababanaag mo sa kaniyang mata ang sinseridad at pagiging tapat. Mayroon din siyang nakakahawang ngiti. Higit sa lahat, napakakulit at napakadaldal.

"Thank you. Eh, ikaw? Kumusta naman ang grades mo? Sigurado ako, lumulutang na naman ang Mommy mo dahil tumaas ang blood pressure n'ya!" pambubuska ko.

"Sobra ka naman. Hindi ako kasing galing mo pero maabilidad ako, ano? Pasado lahat ng subjects ko! Ang taas pa nga ng iba, eh." Mayamaya, humalukipkip siya na parang nag-iisip. Sigurado ako na hindi malalim ang iniisip nito. Ang babaw kaya niya!

"O, ba't natahimik ka?" tanong ko.

"Wala. Naisip ko lang, next year, high school ka na. Hindi na tayo schoolmates," humaba ang ngusong sabi niya.

"Anong problema ro'n?" takang tanong ko.

"Hindi na kita makikita everyday sa school!" singhal niya na parang sinasabing ang tanga ko dahil hindi ko naisip iyon.

"Kahit naman hindi na tayo schoolmates, lagi ka namang namamasyal dito sa Ninong mo, ah."

Amo ng Tita ko ang Ninong ni Elle, si Mr. Oscar Zamora. Katukayo ko pa. Malay mo nasa pangalan ang suwerte at yumaman din ako tulad ng amo ko. Si Mr. Zamora din pala ang nagpapaaral sa akin at doon kami nakatira sa quarters na nilaan para sa mga tauhan niya.

All around guy ako. Minsan, tumutulong sa hardin, sa paglinis ng sasakyan, pagtapon ng basura, utusan ng kahit sino. Okay lang ng okay ang sagot ko sa kahit na anong pinag-uutos nila, kaya nga Oskay ang tawag sa akin ni Elle. Pinagsamang Oscar at okay!

"You're not bothered because you're looking forward to having friends besides me!" naghihimutok na sabi niya sabay talikod at nagtatakbong bumalik sa loob ng mansyon. Iyon ang bahay ni Mr. Zamora, sa sobrang laki, mansyon ang tawag ko.

Hay, naku! Umiral na naman ang pagkamatampuhin ng best friend ko. Ang hirap pa namang amuhin niyon!


April 1999

Narinig kong dumating sina Mr. and Mrs. de Leon, ang mga magulang ni Elle. Nagmamadali akong pumunta sa nag-iisang punong acacia sa malawak na hardin ng mga Zamora. Iyon ang paboritong puntahan namin ni Elle. Doon din kami unang nagkakilala.

Tama ang hinala ko. Nandito nga siya, nakaupo sa damuhan at nakapangalumbaba, parang pasan na naman ang mundo. Ang drama talaga!

"Uy!" sabi ko.

Tumango lang siya pero hindi sumagot. Naupo ako sa kaniyang tabi at nagpatuloy sa pagsasalita. "Dito tayo unang nagkakilala. Naalala mo ba? Ito pa nga 'yong eksaktong lugar kung saan ako nakahiga no'n." Tumingin ako sa kaniya at ngumiti. "At ikaw naman, do'n nakatayo." Itinuro ko iyong lugar. "Nakailang bato ka ba sa 'kin no'n?"

Hindi ko alam na ito rin ang malimit niyang puntahan kapag dumadalaw kina Mr. Zamora. Nadatnan niya akong natutulog noon at binato niya ako para magising.

"Marami pero dalawa lang yata ang umabot," medyo nakangiti na niyang sabi.

"Ang sakit n'yon, ha! Mukhang nagkabukol pa nga ako."

"Ang takot ko nga sa 'yo no'n! Kinuwelyohan mo 'ko at akmang susuntukin. Buti hindi mo naituloy."

"Ang lakas kasi ng sigaw mo kaya nahimasmasan ako," natatawang sabi ko. Naalala ko rin, ang cute niya noon. Pink and chubby cheeks, big expressive eyes na maluha-luha. Well, hindi masyadong malaki ang mata. Lumaki lang dahil sa takot.

"Why did you react that way, then?" Inglesera talaga itong friend ko. Napapatagalog lang kapag ako ang kausap. Minsan nakakalimot at balik Ingles siya.

"Kasalukuyan kasi akong nananaginip no'ng panahon na 'yon. Nasa Cotabato ako at inaasar ng mga kalaro. Akala ko parte pa rin ng panaginip ko 'yong pambabato mo sa 'kin," tiim-bagang kong salaysay.

"Masama pa rin siguro ang loob mo kaya napapanaginipan mo sila. Do you think it will help if you'll tell me what's bothering you?" Minsan parang matandang kausap si Elle, hindi sa eleven year old nagmula ang mga sinasabi niya. Psychologist ang Mommy niya kaya siguro nagagaya niya ang ibang pananalita nito.

Ewan ko kung ano ang mayroon sa oras na iyon. Basta ang alam ko, kailangan ko ng isang taong mapagsasabihan ng problema ko. Those barriers that I have built over the years to protect myself suddenly are all down. Nawala lahat ng pag-aalinlangan ko nang marinig ko ang mga katagang iyon mula sa kaniya.

Huminga muna ako nang malalim. "Kapag nalaman mo ang buong pagkatao ko, ituturing mo pa rin ba akong kaibigan?"

"You're my friend, Oskay. Kahit ano pang revelations mo, you'll always be my best, bestfriend!"

"Hindi totoong ulila na akong lubos. Buhay pa ang tatay ko. Pinagdadalangtao ako ni Nanay no'ng iwan kami ng walang k'wentang hayop na 'yon!" galit at gigil na sabi ko. "Ngayon, makikipagkaibigan ka pa rin ba sa 'kin?"

"Of course! Kung ano man ang kasalanan ng magulang mo, it's not your fault!" mariing sabi ni Elle.

"Hindi mo ba naiintindihan, Elle!" bulyaw ko. "I'm a bastard! Putok ako sa buho! Iniwan kami ng hayop na lalaking 'yon dahil may asawa na siya! Pumatol si Nanay sa may asawa!" Hindi ko na mapigil ang damdamin ko. Nakakahiya man pero talagang humagulgol ako noong mga oras na iyon.

"Oskay," malumanay na sabi ni Elle.

Hinawakan niya ako sa balikat ngunit pumiksi ako. Inipit niya sa pagitan ng kaniyang hita ang mga kamay.

"Just leave me alone, Elle!" Ramdam ko pa rin ang presensiya ni Elle kahit na sinabi kong iwan akong mag-isa. Matagal kami sa ganoong ayos. Nakaupo siya sa tabi ko habang ako naman ay pilit na ikinukubli ang mukha sa braso ko na nakatukod sa magkabilang tuhod.

Kinausap niya ako nang alam niyang medyo kalmado na ako. "Oskay, h'wag mo sanang ikagagalit. Pero, have you tried talking to your Lola or Tita para linawin lang kung ano talaga ang nangyari?"

"Wala silang paliwanag tungkol do'n at ayaw ko na ring magtanong. Para ano pa? Hindi naman mababago ang sitwasyon kahit magpaliwanag pa sila!" 

"It may never change your situation, but at least you'll know why it happened."

"Gano'n lang ba kadali 'yon? Kapag nagtanong ako, okay na lahat?" pagmamatigas ko.

"What if there's a good reason why your Dad left you? Paano kung hindi alam ng Mom mo na may asawa na pala 'yong Dad mo?"

"Ang kulit mo rin, ano? Alam mo ba kaya ayaw kong magtanong? Kasi takot akong malaman na tama ang sabi-sabi na homewrecker ang Nanay ko! Na pinagpilitan pa rin niya ang sarili kahit alam n'yang pamilyadong tao na ang Tatay ko!"

"Paano kung mali naman pala ang hinala mo? Hindi ba unfair sa Mommy mo 'yon? Haven't you realized that by not asking, you're turning out to be just like the rest of your friends? Judging her without knowing all the facts?" ganting tanong ni Elle.

Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa mga binitiwang salita ni Elle. Tama kasi siya, naging mapanghusga ako. Siyempre, hindi ako nagpahalata na tama siya.

"You know what, Elle? Just leave it. I'm not ready to deal with this!" Ako naman ang nag-Ingles ngayon!


June 1999

Excited ako ngayon kasi ito ang unang araw ng pasok ko sa high school. Kanina ko pa napapansin, panay ang bulungan ng mga kaklase ko. Kilala ko ang karamihan sa kanila, nakasama ko sila sa elementaryang pinasukan ko. Ako ba ang pinag-uusapan nila?

Hindi ko naman sila masisi dahil malaki ang pinagbago ko. Mas matangkad ako ngayon, mas pogi at higit sa lahat nabawasan ang pagiging patpatin ko. Awws! Bilib na talaga ako sa sarili ko!

Uwian na nang masalubong ko sa pasilyo ng eskwelahan si Sophia, ang mapanglait na pamangkin ni Mrs. Zamora. Aba, himala! Nakangiti siya at balak pa yata akong kausapin.

Nabighani rin kaya ng gandang lalaki ko? Pero teka, ang sama yata ng tingin sa akin. Tiningnan ako from head to foot and from foot to head.

"Oscar, right?" tanong ni Sophia.

"Ako nga 'yon," atubili kong sagot.

Umismid siya. "Tingnan mo nga naman. Nabihisan ko lang ng kaunti, akala mo kung sino nang umasta," may pang-uuyam na sabi niya. "Kung hindi pa sa tulong ni Tito, hindi ka makakatuntong sa ganitong eksklusibong paaralan. Oportunista ka! Katulad ka rin ng kaladkarin mong ina! 'Di ba pumatol s'ya kahit sa lalaking may asawa na? For what? I'm sure dahil sa pera," walang pakundangang sabi niya.

Malakas ang boses niya kaya narinig ng mga tao sa paligid namin. Napatda ako sa aking kinatatayuan, para akong ibinabad sa suka at ni isang salita ay walang lumabas sa bibig ko.

"Nagulat ka ba dahil alam ko ang itinatago mo?" Tumaas ang isang kilay niya. "Well, Elle told me! I'm sure hindi lang ako ang pinagsabihan n'ya! Kaya p'wede ba? Next time, h'wag kang haharang-harang sa daraanan ko, bastard!" Pinagpag niya ang kaniyang balikat na tila ipinaparamdan na ako ay isang dumi na dapat itaboy.

Nagtawanan ang mga tao sa paligid namin. Nagdilim ang paningin ko. Gusto kong umbagin ng suntok lahat ng tao sa harap ko. Kailan lang, ang taas ng tingin nila sa akin. Panay pa nga ang dikit nila dahil sikat ako. Ngayon, pinagtatawanan nila ako!

Ngunit anong laban ko sa mga ito? Mayayaman sila at kinikilala sa lipunan ang mga magulang. Nagpasya akong umiwas na lamang at humakbang palayo. Animo'y alingawngaw na pabalik-balik sa utak ko ang mga katagang binitiwan niya.

Nagpupuyos ang damdamin ko dahil isa lang ang taong sinabihan ko nito - si Elle. Akala ko, marunong siyang magtago ng sikreto. Akala ko, puwede siyang pagkatiwalaan. Nagkamali ako. Mas masahol pa pala siya sa mga salbaheng kababata ko sa Cotabato. At least sila, harapan ang panunuya.

Hindi muna ako umuwi agad ng bahay. Nagpahupa ako ng galit at sama ng loob. Pag-uwi ko sa bahay, nabigla ako dahil umiiyak si Tita. Nakaempake na lahat ng gamit namin at ako na lang ang hinihintay.

"Tita, bakit? Ano'ng nangyari? Ba'it nakaligpit na lahat ng gamit natin? Sa'n tayo pupunta?" sunud-sunod na tanong ko kay Tita. Naguguluhang tinitigan ko siya.

"Kailangan na nating umuwi sa Cotabato," malungkot na sagot ni Tita.

"May nangyari kay Lola?" Kumabog ang dibdib ko sa naisip.

"Maayos si Nanay. May nagawa kasi akong kasalanan kay Ma'am at sinesante ako. Pasensya na, Oscar." Umiwas siya ng tingin sa akin, halatang may itinatago.

Kahit anong pilit ko kay Tita na sabihin sa akin ang totoo, nanindigan pa rin siya sa binitiwan niyang dahilan. Alam kong nagsisinungaling si Tita. Alam ko, ang lahat nang nangyayaring ito ay may kaugnayan sa pagiging bastardo ko. Marahil ay nakarating ito sa kaalaman ng mag-asawang Zamora at ayaw nilang magkaroon ng kaugnayan sa mga katulad namin. Lalong nadagdagan ang galit ko kay Elle, kung hindi ako nagtapat sa kaniya, hindi mangyayari ito!

Nagpalit ako ng damit at sumunod kay Tita nang nagmamadali na itong lumabas. Wala sa sariling binagtas ko ang daan tungo sa inupahang tricycle nang marinig kong may tumatawag sa akin. Lumingon ako.

Si Elle! At hinahabol ako. Malamang alam na rin niya na kami ay pinalayas. Niyakap niya ako nang mahigpit nang maabutan niya ako. Mabilis na tumutulo ang luha sa mga mata niya habang yakap ako at sinasambit ang pangalan ko. Subalit kahit anong iyak pa ang gawin niya, hindi ako padadala.

Naramdaman yata ni Elle ang kawalan ko ng reaksyon. Bumitiw siya at nagtatakang tumingala sa akin.

"Tapos ka nang magdrama?" tiim ang mga bagang na tanong ko. "Hindi mo na kailangang gawin 'yan dahil kilala na kita! Sa likod ng inosente mong anyo ay nagtatago ang isang taong manloloko! Traydor ka!"


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top