Kabanata 1

Ang pangalan ko'y nangangahulugang "matapang" at "matipuno"—Makisig Kagiwa. Pero Maki ang tawag sa akin ng lahat, at mas gusto ko iyon.

Kung pangalan ang batayan kung magiging anong klase ng tao ka paglaki, bigo ang mga magulang ko sa pagbibigay niyon sa akin. Hindi naman sa wala akong appealing qualities, pero sadyang magaling lang talaga ako sa pagiging... ordinaryo.

Karaniwan lang ang itsura ko. Sakto lang din ang talents. At sapat lang din ang mga grades sa school. Hindi naman ako matatawag na total failure, pero hindi rin ako kailanman naging special.

Disappointed ba ako sa sarili ko dahil hindi ko napanindigan ang ibig sabihin ng pangalan ko? Hindi naman.

Sa totoo lang, ayos lang sa akin na maging boring at average na high school student. Kinse anyos pa lang naman ako. Alam kong marami pa akong mararating.

Hindi naman masama ang maging normal na teenager. Masaya na akong mag-isa sa isang sulok kung saan puwede kong gawin ang lahat ng gusto ko at walang iniintindi. Hindi mo naman ako kailangang pansinin—okay lang ako. Pramis!

Hindi ako naghahanap ng atensyon. Hindi ko kailangan ng validation mula sa iba. Wala rin akong pakialam sa karangalan. Ang gusto ko lang ay ang mamuhay nang masaya, simple, at kontento—kasama ang Kuya ko.

Si Maginoo Kagiwa, ang Kuya ko—o Jin, gaya ng tawag sa kanya ng lahat—ang pinaka-kahanga-hangang tao sa buong mundo. O, kung hindi man, kahit paano sa sarili kong mundo. "Marangal" ang ibig sabihin ng pangalan niya, at sobrang tugma sa personality niya iyon. Kung ako ay ordinaryo lamang, siya naman ang kabaligtaran. Bata pa lang kami, magaling na siya sa halos lahat ng bagay. Palaging nangunguna sa klase. Sikat sa school dahil sa sobrang galing. At mahusay sa halos lahat ng sports.

Bukod sa makalumang pangalan na ibinigay ng mga magulang naming sobrang fan ng pre-colonial culture, halos wala kaming pagkakapareho ng Kuya ko. Ako ang "inferior sibling," at alam kong may mga taong iniisip na apektado ako noon. Pero hindi. Simula't sapul, idol ko na ang Kuya ko. Alam kong hindi ko siya kayang tapatan, pero sapat na sa akin ang makasama siya. Siya ang mundo ko, at siya na lang ang tangi kong pamilya.

Pumanaw ang mga magulang namin sa isang road accident sa kasagsagan ng isang bagyo, ilang taon na ang nakalilipas. Papunta sila sa hospital, dala-dala ang may sakit kong kapatid sa likod ng sasakyan, nang mangyari ang trahedya. Walang kaabog-abog, nabangga sila sa daan at parehong nasawi. Pero sa gulat ng lahat, nakaligtas si Kuya na ni galos ay wala. Hanggang ngayon, iniisip ko pa rin kung paano siya nakaligtas na parang himala—pero higit sa lahat, nagpapasalamat ako na hindi siya nawala sa akin.

Hindi ko talaga kayang isipin kung anong klaseng buhay ang meron ako kung wala siya.

Umiyak ako nang sobra noong nawala ang parents ko. Bata pa ako noon—walang alam sa mundo. Pero si Kuya, na dalawang taon lang naman ang tanda sa akin, ay ubod ng tatag na nakatindig lang sa harap ng libingan ng parents namin.

Mag-isa niyang inako and lahat ng responsibilidad habang prinoprotektahan ako sa mga pangyayari at sa mga tao sa paligid namin.

"Maki, tahan na. Magiging ayos din ang lahat," sabi niya, may mapait na ngiti sa kanyang mga labi. "Nandito lang ako palagi para protektahan ka. Pangako 'yan." Yumakap siya sa akin, at sa yakap na 'yon, kahit paano ay gumaan ang pakiramdam ko.

Simula noon, lubos siyang nagbago. Alam kong napilitan siyang lumaki agad para sa aming dalawa. Pareho na kaming ulila—at wala ni isa mang kamag-anak ang gustong kumupkup sa amin. Hanggang sa may pumayag, ang lasinggero naming tiyuhin—pinsan ng nanay namin. Tinanggap niya kaming parang napilitan lang, kapalit ng perang iniwan ng magulang namin at kaunting tulong mula sa gobyerno. Pinagkakitaan niya ang aming kasawian.

Hindi naman niya kami sinaktan, pero hindi rin niya kami inaruga. Pero kahit gano'n, nagpapasalamat pa rin ako. Dahil sa kanya, hindi kami nagkahiwalay ni Kuya, at hindi kami napunta sa ampunan.

Hindi ko kakayanin kung wala si Kuya sa tabi ko, at dahil doon, utang ko sa kanya ang buhay ko. Nangako ako sa sarili kong gagawin ko ang lahat para protektahan siya at ibalik ang kanyang kabutihan.

Nanatili kami sa poder ng tiyuhin namin hanggang makapasok kami sa high school. Nakatanggap ng scholarship si Kuya mula sa isa sa mga pinakakilalang paaralan sa buong bansa—ang Maharlika Academy. Isa rin itong boarding school, kaya hindi na niya kailangang manatili pa sa bahay ng tiyuhin namin.

Pagkalipas ng dalawang taon, ako naman ang umalis nang ako'y mag-high school. Namuhay akong mag-isa. At gaya ng inaasahan, hindi ako nakapasok sa parehong paaralan ng Kuya ko. Pinili kong pumasok sa isang normal na high school, at ayos lang naman sa akin iyon. Hindi rin naman ako pinabayaan ng Kuya ko, dahil halos tuwing bakasyon at karamihan ng weekends, dumadalaw siya. Kaya hindi ko masyadong naramdaman ang lungkot.

Matagal na mula nang mangyari ang trahedya ng pamilya ko, pero tuwing umuulan, bumabalik ang malulungkot na alaala. At sa ngayon, ay isa sa mga araw na nagpapaalala sa akin ng masakit na lumipas. Simula na ng tag-init, pero mahigit isang linggo nang tuluy-tuloy ang ulan dito sa lungsod. Kanselado ang klase sa lahat ng antas.

Wala na akong magawa rito sa bahay. Kaunti lang ang pagpipilian. Kung anu-ano na lang ang pinapanood ko sa TV o binabasa online, pero pare-pareho lang ang mga balita. Kung nakakamatay ang pagkabagot, baka matagal na akong humandusay nang walang buhay sa sahig.

Sa kasalukuyan, ang mayor ng Neomanila City ang nasa TV, nagsasalita tungkol sa patuloy na ulan at pagbaha sa ilang bahagi ng lungsod. Hindi kailanman naging problema ang baha sa Neomanila simula nang maging modern city ito, pero tila hindi sapat ang teknolohiya at kahandaan ng lungsod laban sa bagyong ito.

"Tinitiyak ko sa lahat na kontrolado namin ang sitwasyon," sabi ng mayor na may kumpiyansa. "Walang unos o sakuna ang makakagupo sa lungsod na ito," dagdag pa niya.

May tiwala ako sa siyudad na kaya nitong solusyunan ang lahat. Alam kong babalik din sa normal ang lahat kapag tumigil na ang ulan. Bilang sentro ng modernong teknolohiya at imprastruktura, kayang-kaya harapin ng Neomanila ang ganitong problema.

Pinindot ko ang remote ng TV at pinalitan ang channel. Ilang pindot pa, lumitaw ang isang interview sa isang conspiracy theorist tungkol sa mga misteryosong nilalang na tinatawag nilang "Shadow" o "Aninaw."

"Nandito na ang mga Aninaw! Sasakupin nila ang siyudad! Mamamatay tayong lahat kung hindi natin sila pipigilan!" desperado niyang sigaw na ikinagulat ng host.

May mga naniniwalang isang sindikato ang mga Aninaw, samantalang may iba namang nagsasabing vigilante group sila na may kinalaman sa mga misteryosong insidente sa lungsod. May mga kwento na nagsasabing linalabanan nila ang mga kriminal, nagliligtas ng inosente mula sa kapahamakan, at minsan ay nagdudulot din ng kaguluhan sa lungsod. Pero lahat ng ito ay pawang haka-haka lamang.

Wala pa ring matibay na ebidensya para patunayan kung totoo nga sila. Karamihan ng mga videos at photos online ay napatunayang peke o di kaya'y basta na lang naglalaho. Mga taong walang magawa sa buhay ang madalas nagbibigay ng panahon sa mga ganitong usapin—tulad ng karamihan sa mga lalaki kong kaklase. Pero ako? Hindi talaga ako interesado. Para sa akin, kalokohan lang ang lahat ng 'yon—kagagawan ng kung sinong sira ulo o pawang mga coincidences lang.

Nagpalipat-lipat ulit ako ng channel, naghahanap ng puwedeng panoorin. Wala naman talaga akong gustong panoorin—gusto ko lang magpatay ng oras habang hinihintay na tumigil ang ulan.

Akala ko, magtatapos ang araw na ito tulad ng ibang karaniwang araw sa karaniwang buhay ko. Pero doon ako nagkamali.

Biglang may malakas at sunod-sunod na katok sa pintuan.

Napabalikwas ako sa kinauupuan. Napatingin ako sa pinto, nanlalaki ang mga mata. Kumabog ang dibdib ko.

Sino ang may sadya sa akin sa gitna ng ganitong panahon?


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top