Utang na Loob

          Utang na loob - mga kataga na parang sirang plakang paulit-ulit kong naririnig mula sa mga matatanda. Gaano ba kahalaga 'yang utang na loob na 'yan? Simula pagkabata, responsibilidad na ba talaga namin ang mga magulang namin? Hindi ba, dapat ang mga magulang ang may responsibilidad para sa mga anak? Ang hirap ipaglaban yung pananaw mo, lalo na kung makitid ang isip ng kung sinumang makakaalam nito.

          Ako si Nala, panganay ako sa limang magkakapatid at kumpleto ang aking pamilya. Pero, kapalit naman nun ay walang tigil na panunumbat ng mga nagawa nila sa amin at sa twing may pagkakamali kami. Tao lang din kami, na normal magkamali, at anak ngunit hindi maaaring lumaban, kundi papatawan ka naman ng mga masasakit na salita.

          Breadwinner ako sa amin, at parehong walang trabaho ang mga magulang ko. Si papa ay kakatanggal lang sa trabaho noong nakaraang buwan lang, at si mama naman ay housewife. Pero, kahit wala ng trabaho si papa, palagi rin siyang umaalis at nakikipag-inuman sa ibang bahay. Hindi ko alam kung bakit, trip niya lang siguro. Si mama naman ay all-around, pero umaalis din para mamalengke at mamili ng mga ulam.

          Halos lahat ng kinikita ko, sa pamilya ko na binibigay. Wala na palaging natitira sa akin kasi. ang dami din nilang gastusin, lalo na ang mga kapatid kong nag-aaral pa. Hindi naman muna ako nag-aral ngayong taon dahil hindi ko pa kaya. Mas focus muna ako sa pagtatrabaho para sa pamilya ko, dahil ito ang tungkulin ko ngayon.

          Isang araw, saktong galing ko sa trabaho, ay wala pa si mama. Ang mga kapatid ko naman ay kung hindi nag-aral, nagse-cellphone naman. Ibinaba ko na lang yung bag kong itim na dala ko sa tabi, at umupo muna sandali para magpahinga. Hindi rin biro yung dinadanas ko araw-araw. Napakamahal na nga ng pamasahe, sobrang nakakapagod pa lalo sa mga daan na nilalakad ko na lang. Hindi na kasi kaya ng pera ko kaya, pinagtatyagaan ko na lang lakarin 'yon.

          Nang paidlip na ako, ay nakakabinging putak galing sa mama ko ang naririnig ko ngayon.

          "Ang gagaling! Ikaw, Nala, patulog-tulog ka lang dyan! Kayo naman, pa-cellphone-cellphone lang! Magsilinis naman kayo! Ang kalat-kalat palagi dito sa bahay. Para na 'tong makalat na bodega! Buti pa bahay ng mga kapitbahay natin, ang lilinis sa kanila. Dito, parang bahay na ng daga sa sobrang dumi! Ang tatamad n'yo talaga maglinis kahit kailan!" singhal ni mama at napatingin naman siya sa lababo na puno pa pala ng mga hugasin. "Ano to?! Simula umaga pa 'to, ha? Wala ba kayong mga kamay?! Bwisit kayo! Nagpapakahirap noon yung tatay n'yo sa trabaho para sa inyo, inalagaan ko rin kayo simula maliliit pa kayo, tapos eto igaganti n'yo?! Mga walang utang na loob!"

          Nakakaumay naman 'yan, ma! Wala ka na bang ibang bukambibig kundi 'yan? Nakakasawa na talaga! Kayo ang nagbigay ng buhay sa amin, kaya, kayo dapat ang may responsibilidad sa amin. 'Wag n'yo kaming gawing retirement plan! Na, nag-anak lang kayo para may mahuhuthutan kayo ng pera balang araw. Baka simula mga sanggol pa kami, dun n'yo pa kunin yung gastos na kailangan namin bayaran? Responsibilidad n'yo 'yon, at wala na dapat pang kapalit 'yon kundi pagmamahal, at hindi materyal na bagay tulad ng pera.

          Habang nag-aalburuto pa si mama, kusa nang tumayo ang bunso naming kapatid at nagmadaling naghugas ng plato. Habang nagsasabi pa ng kung ano-ano si mama, aksidenteng nahulog ng bunso kong kapatid ang isang plato dahilan para mas magalit pa si mama ngayon.

          "Nagdadabog ka ba, Nellie?!" singhal ni mama na ikinatakot tuloy ni Nellie. Umiling lang siya at niligpit ang kalat ng mga nabasag na plato. Pagkatapos, muli siyang bumalik sa paghuhugas niya ng mga plato.

          Bakit ba palaging ganito? Palagi na lang may gulo. Simpleng bagay, pinagkakainitan na kaagad ng ulo. Wala na bang puwang ang katahimikan sa bahay na 'to?

          Sana, ma-realize din ng mga magulang na hindi dapat alilahin ang mga anak. Hindi rin dapat pinagsasabihan sa hindi magandang paraan. Ang gusto lang naming mga anak ay walang gulo at panunumbat - at tanging buo, masaya at pamilyang puno ng pagmamahal lang ang gusto. Sana, maunawaan n'yo rin kami. Sana, pakinggan n'yo rin kami.

         Kinabukasan, habang nasa jeep ako, dito ko lang naalala na hindi nga pala ako nakapag-almusal kanina. Naglaba pa kasi ako at may ilang inutos pa si mama sa akin. Kaya, nararamdaman ko yung sobrang gutom, at nanghihina tuloy ako ngayon. 

          Pagkababa ko sa jeep, agad akong nahimatay. 

          Pagkagising ko, napansin kong nasa ospital ako. Sumalubong sa akin si mama, papa, at mga kapatid ko. Lahat sila ay mukhang nag-aalala sa akin. Tipid akong ngumiti para hindi na sila mag-alala pa. 

          "Kumusta ka, Nala?" bungad ni mama sa akin.

          "Ok lang ako, ma. Nalipasan lang siguro ako ng gutom, kaya hindi ko na kinaya kanina," tugon ko.

          Kinamusta rin ako ng mga kapatid ko, at inulit kong ayos naman na ako, wala naman akong galos at may mabubuting tao sigurong ligtas na inihatid ako rito sa ospital. Hindi ko man sila nakita at nakilala, pero pinapasalamatan ko pa rin sila sa isip ko. 

          "Pasensya na, Nala, kung nalipasan ka ng gutom kanina. Hindi ko man lang napaalala na hindi ka pa nga pala nakapag-almusal bago kita utusan. Sa susunod, ihahanda na kita ng baon araw-araw ha, para maiwasan ng mangyari ulit sa'yo 'to," sabi ni mama at napangiti na tumango naman ako. 

          Huling nagkumusta sa akin ay si papa. 

          "Pasensya na rin, Nala, kung puro pag-inom lang palagi yung inaatupag ko. Sobrang stress na kasi ako kasi, nung nakaraang buwan lang, natanggal ako sa trabaho, 'di ba? Dahil lang sa may nakaalitan ako sa trabaho. Pero, 'wag ka ng mag-alala, maghahanap na ulit ako ng trabaho para may pandagdag din sa mga gastusin natin. Susubukan ko namang iwasan muna ang pag-inom para makatipid at makaipon ako para sa inyo. Kumain ka palagi, Nala, para may lakas at resistensya palagi ang katawan mo," paliwanag ni papa at ngumiti din ako at sumang-ayon sa mga payo niya.

         Akala ko, wala na talagang pakialam yung mga magulang ko sa akin at sa aming magkakapatid. Akala ko, palaging kinagagalitan lang kami, pero nag-aalala pa rin pala sila sa amin. Salamat, ma, pa, at babawi kayo ngayon sa amin. Susuklian naman namin ng pagmamahal ang pag-aalala at pag-aalaga n'yo para sa amin. 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top